KABANATA 19
Nasa isang tindahan pa rin ng mga sandaling ito si Sten, mahigit limang oras na siyang naghihintay kay Chardee gaya ng sinabi nitong pupuntahan siya nito. Hindi pa rin siya tumigil sa pagguhit at ni hindi pa rin siya gumagalaw sa puwesto, ni pagkain niya ay hinahatiran na lamang siya ni Tita Einna niya. Maskin sila man ay nagtataka sa ikinikilos ni Sten Marie, wala rin silang ideya kung bakit hindi nagsasalita ng ano man si Sten at laging nakatuon ang paningin nito sa labas ng coffee shop nila habang patuloy itong gumuguhit. Kaya napagpasyahan ni Einna na lapitan ang pamangkin. Ngunit sa paglapit nito ay may tumawag sa pangalan ni Sten na ikinalingon naman ni Sten at agad itong umalis sa kaniyang pagkakaupo. Nasundan na lamang ng tingin ni Einna ang pamangkin na tumakbo patungo sa kinaroonan ng tumawag sa kaniya at si Chardee pala ang tumawag na ‘yon kay Sten. Nasaksihan pa niya ang pagyakap ng dalawang bata na halos ang nasa paligid nilang costumers ay sila ang pinagtitinginan at marahil nagulat ang mga ito sa kanilang nakita. Napatutop naman si Einna sa kaniyang bibig pagkakita niya sa dalawang bata. Si Mrs.Mariare na papunta sa kaniyang tabi ay maskin ito man ay nagulat dahil napahawak ito sa kaniyang braso. Sa wakas ay kumawala na sa pagkakayakap ang dalawang bata.
“Akala ko hindi ka na darating?” tampong sabi ni Sten na mahihimigan mo sa kaniyang boses.
“Puwede ba ‘yon eh sinabi kong pupunta ako ‘di ba?” sagot naman ni Chardee kay Sten. Nakabusangot lamang si Sten sa kaniyang sinabi.
“Oh! Umiyak ka?” gulat na tanong ni Chardee sabay hawak nito sa kaniyang pisngi. Umiling lamang si Sten. Nang mabalingan sina Mariare at tita Einna ni Sten agad nagbigay ng pagbati rito si Chardee.
“Tita, pumunta po ako rito dahil nais kung magpaalam kay Sten at sa inyo na rin po,” pagbabalita ni Chardee sa kanila.
Nagkatinginan naman sina Mariare at Einna sa sinabi ni Chardee. Lumapit si Mariare kay Chardee at lumuhod ng paupo sa harap nito para magpantay sila sa bata.
“Ngayon na ba ang inyong alis?” tanong ni Mariare kay Chardee.
“Yes, Tita.” Sagot naman ni Chardee.
“Ang Mommy mo, nasaan pala siya bakit hindi mo siya kasama ngayon?” pagtataka nitong sabi.
“Wala po sila Mommy’t Daddy dahil may nilakad sila kaya nga po hindi nila alam ang pag-alis ko dahil hindi po nila ako papayagan na umalis pa,” paliwanag ni Chardee.
“Kung gano’n tumakas ka sa inyo?” sabat naman na tanong ni Einna sa likuran ni Mariare.
“Pasensiya na po kayo, sandali lang po kami rito kaya pumayag ako sa gusto niya, nagpupumilit po kasi. Pasensiya na po sa abala, ” paghingi ng paumanhin ni butler Jaymi sa kanila. Nakasunod pala ito sa likuran ni Chardee at nagsalita na rin.
“Ayos lang ‘yon...naiintindihan ko,” tugon ni Mariare sa sinabing iyon ni butler Jaymi. Ngumiti naman si butler Jaymi sa kanila.
“Tita, maari ko bang makausap muna si Sten?” paalam ni Chardee rito. Ngumiti naman si Mariare at tumayo na sa kaniyang pagkaluhod ng paupo.
“Oh, sige. Maiiwan muna namin kayo. Sten,” baling nito sa kaniyang anak sabay tango. Ngumiti lang si Sten pagkatapos hinila na niya si Chardee sa mesang kung saan siya nanatili kanina.
“Hali ka! May ipapakita ako sa ‘yo,” sabi ni Sten kay Chardee na naabutan pa nilang narinig ang sinabi niyang ‘yon.
Nasundan na lang nila ng tingin ang mga bata.
“Jaymi, hali ka magkape ka muna,” anyaya ni Einna kay butler Jaymi.
“S-sige po,” hiyang tugon naman ni butler Jaymi at sumunod na kina Einna’t Mrs. Mariare.
Pagkatapos ay umupo ito sa loob ng bandang counter na may pribadong mesa’t upuan. Agad naman siya pinagsilbihan ni Einna pagkatapos mailapag ang kape nito at umupo sa harap na bakanteng upuan si Mariare kaharap sa mesa ni butler Jaymi. Saka pasimpleng hinagilap ng tingin ang kinaroroonan ng mga bata at ibanaling ulit ang tingin kay butler Jaymi na kasalukuyang humihigop na ng kaniyang kape.
“Matanong ko lang Jaymi,” wika ni Mariare na nagpakuha sa atensyon ni butler Jaymi.
“Ano po ‘yon Maam Mariare?” tugon naman niya kay Mariare.
“Ano ka ba naman, Tita Mariare na lang...’wag mo na ako e-Maam kasi hindi naman ako kasingyaman ng amo mo,” turan pa ni Mariare na inaayawan na tawagin siyang Maam ni butler Jaymi.
Napakamot naman sa ulo si butler Jaymi kahit na wala namang makati sabay ngisi nito.
“S-sige po ba... Tita,” nahihiyang sagot ni butler Jaymi. “Ano nga po pala ‘yong itatanong niyo po?” patuloy niya pang sabi.
“Matagal ka na nagtatrabaho kina Pinky, ‘di ba? Si Chardee, kilalang-kilala mo na?” seryosong tanong ni Mrs.Mariare kay butler Jaymi.
“Ah, opo naman Tita, maliit pa po ako nasa kanila na po ako lumaki,” ani ni buter Jaymi.
“Napakabuti po nila sa ‘kin, lahat po ay binigay nila sa ‘kin kaya naman sinusuklian ko ‘yan ngayon sa pagbabantay rito sa alaga ko. Natunghayan ko na lahat simula pa no’ng ipinanganak si Chardee. Masayahin naman ang batang ‘yan kung may ikasaya siya pero kadalasan tahimik at seryoso. Palagi nga niyan kami nagbabangayan eh, kasi nga iba raw ‘yong katalinuhan,” ngising pailing-iling na lang si butler Jaymi habang nagkukuwento ng patungkol sa kanila ng alaga niyang si Chardee. Napangiti naman si Mariare.
“Alam kong may napapansin ka sa dalawang bata tuwing nagsasama sila. Palagi mo silang kasama hindi ba? Mabuting bata naman si Sten pero wala naman siya gaanong may sinasabi sa ‘kin. Alam nating ganoon na sila kalapit sa isa’t isa at ngayon lang din ‘yan nangyari sa Sten ko kaya nanlulumo akong ayoko ko siyang makitang malungkot kung sakaling aalis na ang kaniyang kaibigan,” mahabang pahayag ni Mariare.
Napatingin naman ng seryoso si butler Jaymi habang nakikinig ng mataman sa mga sinasabi niya.
“Pareho lang din po sila ng alaga ko kung gano’n, wala namang pinagkaiba sa kanila. Hindi rin naman gaanong nagsasalita si Chardee o nagsasabi ng kaniyang mga saloobin pero batid ko at nararamdaman ko kung ano ang mga nasa isip niya. Kilala ko na ‘yan simula pa noong bata pa ‘yan kaya wala iyan siyang maitatago pa sa ‘kin kahit hindi pa niya sabihin. Pero syempre ayoko namang pangunahan,” tugon ni butler Jaymi sa mahabang pahayag ni Mariare.
“Pero mga bata pa naman sila. Ayoko mag-isip ng kahit ano,” hinuha pa ni Mariare.
“Huwag niyo na po masyadong alalahanin ‘yan Tita at katulad nga po ng sabi ninyo, mga bata pa sila at wala pa silang gaanong naiintindihan,” ikling paliwanag ni butler Jaymi kay Mariare.
Ngumiti ulit si Mariare at nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. Parang nabunutan ito ng tinik.
“Salamat po rito ulit,” sabay taas pa sa tasa ng kape. “Napakasarap po talaga ng lasa ng kape niyo rito kaya hindi ko tinatanggihan kapag libre,” ngising sabi niya.
Napatawa ng malakas si Mariare sa tinurang iyon ni butler Jaymi. Mapagbiro rin kasi ang binatilyong ito. Sinipat ni butler Jaymi ang suot niyang relong-orasan. Pagkatapos ay nagyaya na si butler Jaymi na kailangan na nilang umuwi ni Chardee dahil baka maya-maya lang ay darating na ang mga magulang ni Chardee at hindi pa sila maabutan sa mansyon.
“So pa’no Senyorita, aalis na kami at hindi na kami magtatagal pa,” sabi ni butler Jaymi kay Sten.
“Sige po Kuya Jaymi, maraming salamat po sa pagpunta ninyo ni Chardee rito. Masaya po akong sinamahan niyo po siya.”
Tumango naman si butler Jaymi at ngumiti sa batang si Sten.
“Sige po Tita, maraming salamat po ulit,” tugon naman ni Chardee kay Mariare.
“Sige, Chardee mag-iingat kayo ng Mommy’t Daddy mo ha? Pasensiya na at hindi na kami makakahatid sa inyo sa Airport, alam naman ‘yon ng Mommy mo.”
“It’s okay po Tita. Don’t worry,” ngiting sagot ni Chardee.
“Hindi naman sila sa Airport sasakay, private plain po gagamitin nila,” sabat ni butler Jaymi.
“Gano’n ba? Ows...mayaman nga,” sabi naman ni Einna habang katabi na nakatayo kina Sten at Mariare. Ngumisi lang ng bahagya si butler Jaymi.
“Sige, magpaalam ka na Senyorito,” sabi nito sa batang si Chardee. Bumaling naman ng tingin si Chardee kay Sten pagkatapos walang sabing napayakap ito ulit kay Sten. Nabigla naman sila at pinanlakihan iyon ng kanilang mga mata.
“Basta lagi kitang tatawagan,” bilin ni Chardee kay Sten.
Tumango lang si Sten habang yakap pa siya ni Chardee. Biglang tumikhim si butler Jaymi na nasa kanilang harap. Bumitaw naman sa pagkayakap si Chardee. Lumapit naman si Mariare kay Sten at inakbayan ang anak ng pagyakap.
“Sige po at mauuna na kami, salamat po ulit at pasensiya na sa abala,” paghingi ulit ng paumanhin ni butler Jaymi. Nakailang hakbang na sila at lumingon pa si Chardee sa kaibigan para kumaway, kumaway rin si Sten pabalik maging sina Mariare at Einna.
“Huwag mo kalimutan uminom lagi ng gatas!” habol nitong sabi sa kaniya. Tumango lang si Sten at pilit na ngumiti sa kaibigan.
Hanggang sa lumabas na sila sa pintuan ng Coffee Shop at tuluyan ng nawala sa kanilang paningin.
Napatingin na lang si Mariare sa anak na hindi natitinag sa kinatatayuan nito.
Makalipas ang labing-apat na buwan ay naging abala na ulit ang pamilyang Amsedel sa kanilang maliit na negosyo na kahit paano ay lumago ito ng kaunti sa pagdaan ng mga buwan. Nasa Second Grade na si Sten Marie Amsedel at doon pa rin siya nag-aaral sa eskwelahang kaniyang pinapasukan. Balik-pasukan na kaya hatid-sundo na naman siya ng kaniyang inang si Mariare. Dahil sa alam na nito ang pagkilos nang siya lang mag-isa ay hindi na siya sinasamahan ng kaniyang ina sa eskuwelahan hanggang tanghali. Pagkatapos nang klase nila sa hapon ay saka lang siya ng ina niya sinusundo. Mag-isa na lang siya kumakain ng pananghalian sa kanilang classroom pero syempre kasabay naman niya ang iba niyang kaklase na pinabaunan na rin ng kanilang mga magulang. Hindi na gano’n kaabala para sa kaniyang ina ang pagsundo-hatid kay Sten dahil kahit pa’no ay nakagaanan na niya ito sapagkat paminsan-minsan ay kusa ng umuuwing mag-isa si Sten pero sa Coffee Shop at Bakery Shop nila siya dumidiretso tuwing uwian. Palagi na rin siya nakatambay sa kanilang tindahan kung wala siyang pasok. Palagi rin siya gumuguhit at lahat ng iginuhit niya ay ginagawa niyang koleksyon, ipinadidikit sa kwadernong walang laman pagkatapos ay tinatago. Paulit-ulit lang ang ganoong nakagawian niya at masaya siyang iginiguhit ang ano man na kaniyang naisin.
Simula noong mga nakalipas na buwan na tumuntong na siya sa second grade ay nasubukan na niyang sumali sa isang Drawing Contest at dahil nga sa hindi naman maikakailang napakagaling niya gumuhit kaya naman nakuha niya ang unang puwesto. Tuwang-tuwa naman ang Mama niya dahil hindi nito akalain na gano’n nga pala kagaling itong si Sten bukod sa matalino ito. Hindi naman nila akalaing ang palaging pagd-drawing ni Sten ay may silbi rin pala sapagkat nakikita nila ito na walang ibang gawin kun’di ang gumuhit lang ng gumuhit. Hindi naman ito sinasaway ng kaniyang inang si Mariare datapwa’t nakakatulong nga itong malibang ni Sten ang kaniyang sarili at makalimot. Bakit nga ba makalimot? May puwede bang kalimutan si Sten o inakala lang ‘yon ng kaniyang Mama na may kinalimutan siya. Tahimik man si Sten Marie pero alam na alam niya ang mga nangyayari sa kaniyang paligid. Bata pa naman siya pero may mga gusto na siya. May mga gusto siya sa kaniyang sariling pang-unawa’t gawin na tanging siya lang muna ang nakakaalam.
Isang araw ng hapong ‘yon ay napakalakas ng bagsak ng ulan. Labasan na ng mga estudyante at dahil sa napakalakas nga ng ulan ay nanatiling naghihintay ang mga batang mag-aaral sa baba ng classroom building nila kung saan ang malaking pintuan ng entrance ng classroom building ng kanilang school. May mga iilang mag-aaral din naman na kahit malakas ang ulan ay sinusundo na ng kanilang mga magulang gamit ang kaniya-kaniyang payong. May dala-dala namang payong si Sten ngunit nag-alangan siyang tumawid para lakarin ang palabas ng classroom building nila dahil takot siya sa ulan na kapag tumatama ang tubig sa katawan ay masakit para sa kaniya. Baka hindi niya kayanin ang lamig dahil kahit magpayong pa siya ay mababasa pa rin siya dahil sa lakas ng ulan na may kasabayang hangin. Pero walang mapagpilian si Sten kun'di ang tumawid para makalakad na palabas ng school gate nila. Walang balak tumigil ang ulan bagamat lalo lamang itong lumalakas. Aabutin siya ng dilim kung hindi pa siya kikilos. Iniisip niya ang kaniyang Mama kung susunduin ba siya nito dahil sa malakas na ulan. Baka matatagalan din ang kaniyang Mama kung hihintayin iya ito at baka tulad niya ay naghihintay rin itong tumigil ang pag-ulan.
Kaya walang sabing tinawid ni Sten ang malakas na ulan gamit ang kaniyang payong ngunit sa kaniyang pagtawid, nang maihakbang na niya ang kaniyang mga paa ay saka naman may ‘di inaasahan na may batang lalaking tumakbo ng napakabilis na nakasuray sa ulan at nabangga siya nito. Bumulagta si Sten sa daanang semento at ang payong na hawak-hawak niya ay tumilapon katabi niya. Hindi nakagalaw si Sten pagkabagsak niya kun'di nawalan siya ng ulirat at tuluyang pumikit ang kaniyang mga mata habang patuloy na bumabagsak ang malakas na ulan. Kasabay niyon ay ang pagtititli ng mga nasa kaniyang paligid. Sa lakas at ingay ng ulan ay hindi mo na halos marinig ang sigawan ng mga guro, mga magulang ng mga bata at ang mga estudyante na nakakita sa nangyari.
“Sten! Sten, anak!” yugyog ng Mama ni Sten na kan’ya habang siya ay nakahiga sa clinic ng kanilang eskuwelahan.
Tama, dinala nga si Sten sa clinic at kinuntak ang kaniyang Mama ng kanilang punong-guro. Medyo matagal din si Sten na walang malay, napakaputla niya at kung hindi pa minamasahe ang kaniyang palad sa bandang pulsuhan nito ay hindi babalik ang kulay ng kaniyang mukha na mamula-mula. Pinaamoy-amoy rin siya nito ng bulak na may flower scent para siya ay magising. Ayon naman sa nurse na in-charge sa kanilang clinic ng mga oras na ‘yon ay hindi naman gaanong nasaktan si Sten para dalhin sa isang pagamutan. Marahil sa pagkabangga sa kaniya na sanhi ng pagkadugo ng kaniyang ilong ang dahilan kung bakit nawalan siya ng malay. Malakas ang impact no’n kaya nahimatay siya. Nalaman nila na kaklase pala nila Sten ang nakabangga sa kaniya na naglalaro sa ulan ng mga sandaling iyon at hindi siya nito napansin agad na tumawid dahil na rin sa malakas na ulan na nagpalabo sa paligid.
“Sten, anak...diyos ko po,” mangiyak-ngiyak na wika ni Mariare.
Hindi pa rin si Mariare mapalagay sa nangyari kay Sten. Bigla siyang natakot at nag-alala ng husto. Hindi niya akalain na mangyayari ito kay Sten sapagkat hinayaan niya itong umuwing mag-isa. Balak naman niya sunduin si Sten ngunit dahil sa napakalakas nga ng ulan ay hindi na muna niya ito pinuntahan sapagkat alam niyang hindi rin si Sten uuwi hangga’t hindi pa humihina ang ulan. Kilala niya ang kanyang anak at matalino ito para makapag-isip ng tama. Pero hindi nga maiiwasan ang ganitong pangyayari. Muntik na talagang mapahamak ang kaniyang nag-iisang anak.
Naghintay pa ng ilang minuto si Mariare hanggang sa nagising si Sten at dahan-dahan itong nagmulat ng kaniyang mga mata. Agad naman napamulat ng mata si Mariare nang mapapikit siya habang hawak ang kamay ng kaniyang anak. Naramdaman niya ang paggalaw ng kamay ni Sten kung kaya’t nilapitan pa niya ang anak at hinimas-himas ang buhok nito sa ulo. Inalo-alo niya ito na parang pinapatahan. Medyo nangilid pa ang luha sa mga mata ni Mariare dahil sa tuwa na nagising ang kaniyang anak.
“Sten. Anak,” sambit ulit ni Mariare sa pangalan ng anak.
“M-mama?” wika ni Sten sa kaniyang ina.
Parang takot ang tono ng boses ni Sten kung kaya’t niyakap siya ng kaniyang ina. Ipinapahiwatig nito na narito na ang kaniyang Mama sa kaniyang tabi kaya wala na siyang dapat pa na ipag-alala.