"Anong ginagawa niyo rito?" Humigpit ang hawak ni Paul sa kamay ng nobya. Ramdam niya ang kaba nito. Ilang beses na niyang sinabi sa dalaga na wala itong dapat na ikatakot dahil kasama siya nito. "Nagpunta lang kami rito dahil gustong makiramay ng girlfriend ko sa kaibigan niya." Nagsitayuan ang ilang mga kamag-anak at akmang susugod sa kanila. Sa unahang upuan ay naroon si Mike. Bakas sa mga mata nito ang labis na pagkamuhi sa kanila. Nakalaya ito dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya o mas magandang sabihin na nakalaya ito dahil sa impluwensya matapos pumanaw ng nobya. Labis ang lungkot na naramdaman niya sa pagkamatay ng dalaga. Lumaban pa ito ng apat na araw sa hospital. Kahit namumuhi siya sa tiyuhin ay hindi niya kailanman ipinagdasal na mangyari ito sa babae at sa pinsan niya.

