"Hindi ako ang pumatay sa kapatid mo, pero alam ko kung sino."
Tinulak ito ng binata ng ubod ng lakas. Tumama ang likod nito sa rehas at dahan-dahang dumausdos. Napangiwi ang matanda sa sakit na natamo. Dalawa na ang witness na nagtuturo dito tapos ngayon ay ikakaila nito ang ginawa? Gusto niya itong pagsusuntukin hanggang sa panawan ng ulirat. Balak pa yata nitong guluhin ang utak niya.
"Natatakot ka ba na baka mali ang taong pinaratangan mo?" Nakaupong wika nito. Ang mga mata nito ay nakatingin sa sahig ngunit nakaalsa ang gilid ng labi nito. Hindi niya ito sinagot. Malamang ay minamanipula lang siya nito.
"Nandito ka sa loob ng kulungan, ngunit ang totoong may sala ay malayang namumuhay sa labas ng rehas. Hindi ka ba nababahala?" Kumunot ang noo niya. Malayang namumuhay?
"Sino ba ang tinutukoy mong hayop ka?" Nauubos na ang pasensya niya rito. Nawala ang ngiti sa labi ng matanda at dahan-dahan itong tumingala sa kanya.
Ngumisi ito. "Gusto mo ba talagang malaman?" Kahit hindi siya isandaang porsyentong naniniwala rito ay tumango siya. "Sasabihin ko lang kung sino ito sa isang kundisyon."
Sarkastikong napatawa ang binata. Ano namang klaseng kondisyon ang gusto ng matandang ito? "Mamamatay ka sa loob ng kulungan. Kung iniisip mong iuurong ko ang demanda laban sayo, nagkakamali ka." Saglit na parang nag-isip ang matanda. "Lalaki."
"A-ano bang sinasabi mo?" Nakangiti ito sa kawalan. Napansin niya na hindi pa pala nagbibihis ang matanda simula nang madakip ito. "Lalaki ang pumatay sa kapatid mo. Nakita ko." He was thrown off by the old man's words, frustration bubbling inside him. One part of him resisted, refusing to believe it, while another part, desperate for answers, fought to listen. The pull between doubt and the need for truth left him restless, torn between skepticism and curiosity.
With no other option, Paul sat on the floor, legs crossed, resigned to listen to the old man. "Continue." Umayos ng upo ang matanda . Mahina lamang ang mga boses nila. Sapat upang marinig nila ang isa't-isa. Hindi naman siya nakaramdam ng gutom dahil bukod pa sa may problema siya ay late na rin silang nananghalian ni Elena. Kamusta na kaya 'yon sa bahay niya? Sinadya niyang iwan ito sa bahay niya dahil alam niyang pipigilan siya nito. Ayaw niya ring madamay ang dalaga sa kapahamakan.
"Noong araw na natagpuan ang kapatid mo, totoong nanggaling ako sa Orchidia." Hinayaan niyang magkwento ang matanda. "Nautusan ako na mag dilig ng mga bulaklak sa loob ng Orchidia. Walang tao noon pero nung malapit na akong matapos, may narinig akong nagtatalo sa gilid na entrada. Boses ng isang babae at lalaki. Noong una ay hindi ko sinilip dahil baka problema lang ng magkasintahan."
"And then , what happened?" Paul was usually impatient when listening to slow storytelling but since wala naman siyang ginagawa ay pinili nalang niyang makinig rito baka sakaling makahanap siya ng karagdagang kasagutan sa dumaraming mga katanungan.
"Narinig ko na parang may mga nabasag na mga paso kaya sinaway ko na sila. Sinabi sa akin ng lalaki na wag akong makialam dahil away magkasintahan lang daw 'yon kaya umalis na ako."
"Ang sabi sa akin ni Berto, madumi ang mga tuhod at siko mo." Tumango ito at sumang-ayon. "Umulan noong nakaraang mga gabi bago nangyari ang insendente kaya habang pauwi ay nadulas at napasubsob ako sa putik. " Tama ang matanda. Umuulan nga noong mga panahong iyon dahil may Low Pressure Area na naging bagyo na namataan sa silangang banda at nang magland ito sa lupa ay halos buong Luzon at Visayas ang inulan noon. Hindi nasuspende ang mga klase dito dahil sa Central Visayas ito dumaan.
"Bakit ka umalis at nagtago?" Nalungkot ang mukha ng matanda. "Dahil narinig ko kay Berto na may mga pulis na dadakip sa akin dahil ako ang napagbintangan. Inaamin ko na hinanap ko yung dalaga na nakasalubong ko sa labas ng Orchidia na siyang witness sa nangyari nung araw na 'yon dahil gusto ko siyang kausapin at pakiusapan pero hindi ko na siya nakita. Nagpasya akong magtago at pauwiin ang asawa ko sa Bohol dahil wala akong pera para ipagtanggol ang sarili ko."
"Pero may mga abogado sa PAO na tutulong sa inyo. Sa pagtatago ninyo, mas lalo niyo lang pinatunayan na may kinatatakutan ka." Aminado siyang may punto ang matanda dahil halos maubos na rin ang pera niya upang matulungan ang kaibigan noon.
"Lahat ng bagay ngayon ay nabibili ng pera hijo. Pero maniwala ka sa akin, hindi ako ang pumatay sa kapatid mo."
"Kung hindi nga ikaw, sino? Sabihin mo kung sino ang hayop na iyon."Napalunok siya. May hinala na siya kung sino pero handa ba siya sa sasabihin nito?
"Sabi ko nga kanina, sasabihin ko lang ito sa iyo sa isang kundisyon." Pinaningkitan niya ito ng mata. Papano kung nagsisinungaling ito? Pero kailangan niyang mahanap ang totoong may sala. Aminado siyang may parte sa loob niya ang naniniwala sa sinasabi ng matanda pero hindi niya matukoy kung bakit. Dahil ba mahirap ito? Ngunit hindi basihan ang estado upang masabi na inosente ang isang tao. Dahil ba mabait ito at ni minsan ay hindi lumaban? Matanda na ito at hindi niya naman ito kilala ng lubusan kaya't hindi niya masasabi na totoo ang kabaitan nito.
"Sige, ano ang kundisyon mo?"
"Iurong mo ang demanda laban sa akin at tutulungan kita hanggang sa abot ng aking makakaya." Alam na ni Paul na ito ang hihilingin ng matanda. Dahil ang pagkakakulong lang naman ang balakid sa buhay nito.
"Sige. Pumapayag ako. Ngayon, sabihin mo sa akin kung sino ang lalaking 'yon." Tumango ang matanda at nagpasalamat ngunit hindi niya pinansin iyon. Interesado lang siya sa pangalan ng lalaking may sala.
"Sasabihin ko sa iyo sa oras na makaalis ako rito. Saka ko na rin sasabihin ang ibang naganap nang araw na iyon. Gusto ko lang makasigurado sir Paul." Natawa ang binata sa tugon nito. Tumawa siya ng tumawa hanggang sa napakamot sa ulo ang matanda at tumawa na rin.
Naputol ang pagtawa nila ng marinig ang tinig ng isang babae.
______________________
"Paul."
Sa wakas ay nakarating rin siya sa station. Muntik na niyang mapatay ang roomate dahil sa ginawa nito sa binata. Alas kwatro siya nakarating sa St. Claire dahil walang taxi at jeep na dumadaan sa lugar. May dalawang sasakyan ang nasa malaking garahe nito ngunit hindi naman siya maalam magmaneho. Dala ang perang binigay ng binata ay naglakad-lakad siya sa daang napapalibutan ng matatayog na puno. Siguro nasa tatlong kilometro ang nilakad niya hanggang sa may mamataan siyang jeep sa di kalayuan.
Hinanap niya ang guro ngunit walang nakakaalam kung asan ito. Ang sabi ng isang instructor ay pinuntahan daw ito ng pamangkin. Inabot siya ng alas singko sa paglilibot ng unibersidad ngunit wala ang dalawa. Umuwi siya sa dorm at chinarge ang cellphone nang makatawag sa binata ngunit ring lang nang ring ang cellphone nito. Narinig niyang may nag vibrate sa kama ni Jane. Hinanap niya ito sa kama ng dalaga pero hindi niya ito makita.
Nang mapadako siya sa handbag nito ay hinalungkat niya ang laman niyon hanggang sa maramdaman ang bagay na nagbavibrate. Isa itong cellphone ngunit hindi lang basta kung sino dahil nakita niyang siya ang tumatawag dito. Nang matapos ang tawag ay nakita niya ang lockscreen nito kaya't nalaman niyang sa binata ito. Uminit ang ulo niya kaya kinalampag niya ang pinto ng banyo kung saan naliligo ang dalaga. Nang buksan nito iyon ay kinompronta niya ito ngunit tinawanan lang siya ng dalaga.
"Okay na. Pwede ka nang makalabas." Napatingin siya sa kasama nitong matanda. Mang Kulas. Pumayat ito at lubog ang mga mata.
Agad na lumapit ang pulis at padabog nitong binuksan ang rehas kaya napataas ang kilay niya rito. "Anong problema nun?" pabirong tanong niya sa binata na nagpatawa nito. "Don't mind him. Namomroblema lang iyon sa mga punong itatanim niya."
"Ha?" Hinila ng binata ang palapulsuhan niya ngunit bago pa sila makaalis ay narinig nilang may sinabi ang matanda.
"Sir Paul, yung pinag-usapan natin. Pakiusap, pag-isipan po ninyo ng mabuti." Hindi niya maintindihan ang sinabi nito. Magsasalita pa sana siya ngunit tuluyan na siyang nahila ng binata. "Shh. Sa amin nalang 'yon." Natawa siya. Ano ba ang nangyayari? Parang noong nakaraang linggo lang eh nagngingitngit ito sa galit sa matanda.
Ibinigay niya ang cellphone na may bahid pa ng putik. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa binata at sa tiyuhin nito pero minabuti na lamang niya na huwag muna itong tanungin. Pumara sila ng taxi at napagpasyahang kumain muna sa isang sikat na fast food chain na nasa kanto sa malapit sa simbahan.
Ang gwapo pa rin ng binata kahit may cut ito sa pisngi. Madumi itong tingnan at may ilang mga tuyong dahon pa sa buhok. Kahit hindi niya ito tanungin ay parang may idea na siya sa ginawa nito.
"Stop staring." Malamig na wika nito. Seryoso itong nagtitipa sa cellphone at kanina pa tapos kumain. Naparami nga ang kain nito ng kanin. Halatang pagod. Nang matapos ito sa pagtitipa ay inabot nito ang malamig na tubig at nilagok iyon.
"Papano mo nalaman na nasa estasyon ako?" Tanong nito.
"Nalaman ko kay Jane. Nasa kanya ang cellphone mo." Natawa ang binata. Kinuwento niya rito ang natuklasan tungkol sa dalaga "That b*tch is very creative." Iyon nalang ang nasabi ng binata. Sumang-ayon siya dito.
Tinanong niya ito ng maayos ngunit tinawanan lang siya nito kaya nag-init ang ulo niya at nasakal niya ang dalaga. Wala na siyang pakialam kung magsumbong man ito.
Nagpasya na silang umuwi at magpahinga. Pagod na pagod na siya. Gusto na niyang matulog upang maagang makapasok sa library kinabukasan. Malamang ay maraming katanungan si Ms. Facundo sa kanya dahil hindi na siya nakabalik mula ng mag-usap sila ni ma'am Beth.
Hinatid siya ng binata sa dormitoryo. Sa buong byahe ay hindi ito nagsasalita at sa telepono lang ang atensyon.
"Mabuti naman at naka-uwi ka na, Elena." Magaspang ang boses ng dalaga nang madatnan niya ito sa labas ng gate at naninigarilyo.
"Gusto mo?" Inialok niya rito ang yumburger at spaghetti na dala. Tinake-out ito ng binata upang may makain siya kung sakaling gutumin siya ulit. Nagalit pa nga si Paul sa kanya dahil winidraw niya ang sampung libong ipon para idagdag sa pampyansa ng binata. Hindi naman niya ma open ang cellphone nito. Ibinalik din naman ng binata ang pera niya nang mabuksan nitong ang cellphone. Double ang ibinalik nito na siyang huling pinagtalunan nila bago umalis ang binata.
Lumapit ang dalaga at kinuha ang supot. Umupo ito sa malapit na bench at sinumulang kainin ang mga dala niya. Minuwestra nito ang espasyo sa tabi na sinasabing maupo siya.
"Bakit?" Matabang niyang tanong dito. Parang kanina lang ay halos magpatayan sila. "Samahan mo muna ako rito." Dahan-dahang umupo si Elena. Parang ngayon lang ata sila hindi nagsigawan o nagbatuhan. Naninibago siya.
Katahimikan. Nabibingi na siya. Nilingon niya ang dalaga at kumakain pa rin ito. Aalis na sana siya dahil kailangan pa niyang e check ang cellphone ni Louisa. Kinuha niya ito sa binata dahil sa kainitan ng ulo nito.
"May kapatid ka ba, Elena?" Nagitla siya sa tanong nito. Nakatingin lang ito sa mga bituin habang kumakain ng french fries.
"M-meron, bakit?" Lumingon ito sa kanya. "Magkwento ka naman tungkol sa pamilya mo." Napailing siya. "Para ano? Para mainsulto mo na naman ang buhay ko?"
"Magkwento ka na." Nag-isip si Elena. Harmless ba na magkwento siya rito? Tumango siya at nagsimulang alalahanin ang payak na pamumuhay sa kanila.
"Yung nanay at tatay ko nagtatanim ng mga gulay at prutas sa lupa ng tiyahin ko. Minsan si nanay, naglalako ng mga kakanin sa bayan." Nakita niyang mataman itong nakikinig kaya nagpatuloy siya.
"Panganay ako sa anim na magkakapatid. Yung sumunod sa akin na lalaki, siya yung tumutulong sa mga magulang ko sa bukid. Yung pangatlo naman ay babae na siyang naglilinis at nag-aalaga sa bahay ngayon."
"That's a lot of siblings. Mabuti at nakapasa ka sa St. Claire." Tumango siya rito. Pangarap ng lahat ang unibersidad na ito. Madalas ang mga nagtatapos dito ay nagtotop sa mga board exams at hinahire ng ibang bansa. At iyon ang pangarap niya.