"Sino ka?"
Bigla siyang nakarinig ng palakpak kasabay ng paglitaw ng babae mula sa gilid. Babae dahil nakasuot ito ng pink na dress. "Jane? Anong ginagawa mo dito?"
"Oh? Pati ba naman dormitoryo ay pag-aari mo na rin hampas lupa?" Inikot-ikot na naman nito ang hintuturo habang tumatawa. "Nagtataka lang ako dahil hindi ka naman nakatira dito." Baka may dinalaw itong kaibigan. Ngunit may nakakatagal ba talagang kaibigan ang babaeng ito?
"Hindi nga. Pero noon yun. See this, b*tch?" Iwinawagayway nito ang susi. Kumunot ang noon niya. Ibig bang sabihin nito ay titira na ito sa dorm simula ngayon?
"Tama ang iniisip mo. Hulaan mo naman kung saang kwarto ako na assign." Nakangisi ito sa kanya. Nagtataka siya. "Pero may mga gamit pa si El doon." Natawa naman ang dalaga. "Dalawang damit lang naman yon at mga libro. Tinapon ko na lahat kaya wag ka ng mag-alala."
Nilagpasan siya nito. Nabangga pa ang balikat niya. Mabuti nalang at hinawakan niya ng mabuti ang turon na dala. Nakita niyang pumasok na ito sa gate ngunit huminto ito. Lumingon ang dalaga sa kanya at inaya siyang pumasok. "Halika na. Wag kang mahiya. Itotour kita. San mo ba gustong magsimula?"
Pumasok na si Elena sa loob at nilampasan ang dalaga. "So mean." Narinig niyang wika nito gamit ang maarteng boses. Nang makarating sa ikalawang palapag ay dali dali niyang dinukot ang susi mula sa bulsa ng short niya at sinubukang buksan ang pinto. Ngunit hindi ito bumubukas kahit anong pihit niya sa doorknob. Anak ng! Ano ba ang problema ng pintong ito? Nang tingnan niya itong mabuti ay napagtanto niyang iba na ang kulay niyon.
"Pinalitan ko yan. Puno na kasi ng germs yung old eh." Para itong bata kung magsalita. "Jane, buksan mo ang pinto. Naiihi na ako." Ngumiti lang ito ng malapad. "Edi umihi ka sa common toilet sa baba." Nagbibiro ba ito? Umiinit na ang ulo ni Elena ngunit ayaw niyang patulan ito. Masakit na ang paa niya at gusto niyang maligo. Pagod na pagod na siya. Maya-maya ay lumapit ito sa kanya at umaktong ibibigay ang susi. Nang kukunin na sana niya ito ay bigla nitong tinapon ang susi sa dalawang open na bintana. "Oh no. Nasa kwarto pala ang spare keys. Pano na yan?" Kunyaring nalulungkot na expresyon nito. Gusto niyang kalbuhin ito at ibitin ng patiwarik.
"Jane?" Napalingon ang dalaga nang may magsalita sa likod ng nito. Ito yung nakatira sa katabi niyang silid. Hindi katulad ng estudyante sa kanang silid ay hindi ito namamansin. Di kagaya ni Celeste na laging nakangiti tuwing magsasabay sila sa pagbaba o pagpasok.
"Ngayon ka na pala lilipat?" Nagyakapan ang dalawa at tumingin ang babae sa kanya. Kung hindi siya nagkakamali ay Alice ang pangalan nito. "Magkaibigan ba kayo?" Tanong nito kay Jane. Magkaibigan? Parang nasusuka yata siya.
"Oo naman." Masayahing sagot ng dalaga."Asan yung kwarto mo?" Tanong ulit nito. Itinuro naman ng dalaga ang silid na katabi. Marami pa silang napag-usapan kaya sumingit na siya. Ang totoo ay hindi talaga siya naiihi ngunit nanlalagkit na ang buo niyang katawan. Nangangati na rin ang mga balikat at binti niya at gustong gusto na niyang hidhiran ito ng sabon. Pati ulo niya ay makati na rin.
"Jane, pwede mo na bang buksan ang pintuan?" Nilingon siya nito at tinaasan ng kilay. "Diba aksidente kong natapon?" Napipikon na siya rito. Hangga't maari ay ayaw niyang gumawa ng kahit na anong gulo. Baka mawala ang scholarship niya at hindi siya maka graduate with honors.
"Alam kong may dala kang susi ngayon. Nakikiusap ako sayo Jane." Natawa lang ang dalaga sa sinabi niya. Walang hiyang impakta talaga 'to. Sa isip niya. Gustong gusto niyang isigaw ito sa pagmumukha ng dalaga ngunit kinuyom nalang niya ang kamao.
Inaya ito ng kaibigan sa kwarto nito. Hinila ni Alice ang kamay nito ngunit bago pa tuluyang makapasok ang mga ito ay nagsalita ang dalaga. "Have a hard time finding it, b*tch." Inilabas pa nito ang dila at tumawa pagkatapos ay padabog na isinarado ang pinto. Madilim na sa labas. Saan siya matutulog ngayong gabi?
Lumapit siya sa pintuan ni Celeste at kumatok ng tatlong beses. Weekend nga pala ngayon. Siguro ay umuwi ito sa kanila. "Celeste?" Tawag niya rito sabay katok sa pinto. Inulit niya ito ng anim na beses saka sinilip ang ilalim ng pintuan. Madilim ang loob ng kwarto nito. Napasandal siya sa pintuan at bumuntong hininga. Tiningnan niya ang cellphone at nakitang six percent nalang ito. Kahit ang cellphone niya ay pagod na rin.
Nagpasiya siyang bumaba at subukang hanapin ang susi ngunit bago yon ay isinara niya muna ang ibang bintana at nag iwan lamang ng isang nakabukas upang magkaroon ng palatandaan kung saang banda ang kwarto niya. Binuksan niya ang flashlight ng cellphone niya at nilakihan ang mga mata upang makita ang susi.
Hinanap niya ito ng hinanap hanggang sa wakas ay makita niya ito. May kasama itong pink na keychain na mukha ng babae na siyang nakatulong para mahanap niya ito. Mabilis siyang tumakbo paakyat habang ipinagdarasal na sana ay ito ang totoong susi ng kwarto.
Nang mabuksan niya ang silid ay napaupo siya sa sahig at pinakalma ang sarili. Pawis na pawis siya kaya mas lalo siyang nanlalagkit. Nang maging normal ang kanyang paghinga ay tumayo siya para buksan ang ilaw at nang mailapag ang supot ng turon sa lamesa.
_____________________
"P*tang *na!" Napasigaw siya nang makita ang dalaga na prenteng nakahiga sa kama niya at tanging bra at panty lang ang suot. Muntik na siyang atakihin sa puso. Ano bang klaseng nilalang ang babaeng ito?
"Papano ka nakapasok dito?!" Tumawa ng parang bruha ang dalaga. Inabot nito ang susi na nakapatong sa bedside table niya at itinaas iyon. "By using this." Sagot nito na parang ipinamumukha kung gaano siya ka bobo para isipin na nagsasabi ng totoo ang babae. May suot itong earphones. Hindi niya alam kung may kausap ba ito o nakikinig lang ng music.
"Umalis ka diyan. Kama ko yan." Mariin niyang wika. Nagiging matapang talaga ang tao kapag pagod nang umintindi. Hindi umalis ang dalaga at inayos pa ang unan niya. Nagtaka siya dahil iba na ang punda niyon. Kulay pink na ito. Pati ang bedsheet niya ay pink na rin. Ang bedside table at cabinet. Ang mga reminders na idinikit niya sa dingding ay wala na. Ang mga litrato nila ni El ay wala na rin. Inilibot niya ang paningin at napanganga dahil tanging ang kisame at sahig lang ang hindi nabago.
"ASAN ANG MGA GAMIT KO?!"
"Hahahaha! Hampas lupa na nga, bulag pa." Itinuro nito ang gilid ng kwarto. "See that b*tch? Ayan yung kama mo." Nang oras na yon ay gusto niyang baliin ang leeg ng dalaga. Gusto niyang dukutin ang mga mata nito at ipakain sa mga hyenas.
"Sofa ang magiging kama ko? Gusto mo ba talagang masaktan ha?!" Tumaas ang kamay ng dalaga."Relax lang Elena. Hindi ka na dehado diyan dahil dalawang sofa yan. Kung ayaw mo naman, edi sa sahig ka nalang matulog. But don't sit on the dining table. Just imagining your amoy na didikit sa lamesa ay parang babaliktad na ang sikmura ko." Natawa pa ito sa sinabi. Pinulot niya ang dictionary niyang makapal at hinagis sa dalaga ngunit sinangga lang nito ang libro gamit ang braso nito. Nakalimutan niyang black belter rin pala ito. Tumawa ito ng parang nang-uuyam dahil sa ginawa niya. Mabuti nalang at hindi ang supot ng turon ang naibato niya rito.
Napabuga siya ng hangin. Sa sobrang dami ng nangyari ngayong araw ay parang gusto nalang niyang matulog at ipahinga ang utak at katawan. Kakausapin nalang niya ang residence supervisor nila bukas. Inayos niya ang mga gamit. Wala na rin ang desk niya at lampshade. May durabox na tatlong layers ang ipinalit nito. Buong gabi ay tahimik lang siya. Habang ang kasama niya ay buong gabing may kausap. Hindi niya alam kung si sir Mike ba iyon o isa sa mga kaibigan niya.
Sa wakas ay nakaligo na rin siya at nakapagpalit ng damit. Bago matulog ay kumain muna siya ng turon at uminom ng gatas. Mabuti nalang at ang lagayan niya ng stock ng pagkain ay hindi nito itinapon. Dahil sa sobrang pagod ay agad siyang nakatulog sa sofa na pinagdugtong nalang niya.