"Parang may hindi nagtutugma." Narinig ni Elena na napabuntong hininga si Paul habang sinusuri ang mga dokumentong hawak. Nasa coffee shop sila ngayon at kasalukuyang inaalam ang mga bagay-bagay.
"Mukhang tama ka diyan, Paul." Segunda niya rito. May mga napapansin siya sa mga detalyeng nakasaad sa mga papeles. Habang kumakain ng cake at sumisimsim ng inorder na kape ay mataman nilang binubusisi ang bawat sulok ng papel. Nakatanggap ng tawag si Paul sa police station at sinabing may improvement na raw sa kaso ng kapatid nito. Nalaman nitong may primary suspect na sa pagpatay ng kaibigan. Pero ang ipinagtataka nilang dalawa ay ang taong tinutukoy na siyang may gawa ay ang mabait na janitor na si mang Kulas. Base sa mga nakalap na impormasyon ng binata ay noong araw umano na namatay ang kaibigan ay may estudyanteng nakakita sa pag-alis ng janitor sa orchidia.
Balisa raw ito at noong kinausap ng estudyante ay hindi raw ito umiimik. Nakayuko lang daw ito at hinihingal. Tagaktak ang pawis at may mga bahid ng putik ang mga siko at tuhod. Natakot raw ang estudyante na mag sumbong dahil noong mga oras na yon ay tiningnan siya ng masama ng lalaki. Nakakatakot umano ang mga mata nito na sa tingin ng estudyante ay parang sabog ang matanda. Mabilis daw itong naglakad palayo at tinungo ang direksyon kung saan ito nakatira kasama ang pamilya. Bukas ay balak niya sanang kausapin ang estudyante ngunit iniisip niyang baka hindi pa ito papasok lalo pa at kakainterview lang ng mga pulis dito.
Habang tinititigan niya ang binatang kaharap ay hindi niya maiwasang makaramdam ng atraksyon dito. Bukod sa matalino ay mabait rin ito. Late na siyang nakarating at simpleng puting t-shirt at pants lang ang kanyang suot ngunit hindi niya nararamdaman ang pagkailang dito. Gusto niya sanang magbiro ngunit alam niyang seryoso dapat ang pag-uusapan nila lalo pa't kamamatay lang ng kaibigan.
"Talaga? Yun din ba ang iniisip mo? Paano mo naman nasabi?"
Malawak ang garden ng coffee shop kung saan napagkasunduan nila ni Paul na magkita. May garden sa labas nito at may mga pine trees sa paligid.
"Elena, okay ka lang ba?" Hindi niya napansin na kanina pa nakatingin ang binata sa kanya.
Dumampi ang palad nito sa noo niya. Inaalam malamang nito kung masama ang pakiramdam niya. Malambot ang palad nito at mabango. Uminit ang pisngi niya at positibo siyang namumula ang kanyang mga pisngi. Agad niyang pinalis ang kamay nito at sa sobrang pagkataranta ay muntik ng matapon ang kape nito na hindi pa gaanong nababawasan. Dahil sa inasal niya ay napangiti ang lalaki. Para itong anghel. Perpekto na nga ito para sa kanya.
"O-okay lang ako. A-ano nga u-uli ang sinasabi m-mo?"
Natawa ang binata sa pagkabuhol buhol ng dila niya. "Ang sabi ko, paano mo nasabi na may mali sa nangyayari?"
Umayos ng upo si Elena at inayos ang buhok na tumatabon na sa mukha niya.
"Base kasi sa sinabi ng babae, alas onse y media niya nakita ang matanda sa labas ng orchidia. Pero 11:50 a.m. ay nakapag text pa si Loui sa akin." Seryosong paliwanag niya rito. "Masyado lang nakakapagtaka."
Tumatango naman na nakikinig ang binata.
"Isa pa"
"Isa pa ay ano?"
"Ah, wala." Nginitian niya ang binata. Tumagal ng halos apat na oras ang pag-uusap nila at nang magsimula ng dumilim ay nagpagpasyahan nilang umuwi. Habang nasa loob ng sasakyan ay panay pa rin ang pagkukwentuhan nila nguit hindi na tungkol sa kaibigan kundi sa mga sarili nila. Napansin niya na masyado na silang seryoso kanina kaya naman ay tinanong niya ito tungkol sa mga bagay tungkol sa binata. Inaamin niyang gusto niya pang makasama ang binata. Ang mga maliliit na detalye sa buhay nito ay nakakabuhay ng interes niya. Masarap din sa tenga niya ang boses nito. Tingin niya ay magaling itong kumanta dahil sa lamig ng boses nito. May kakulitan rin ito at magaling magpatawa. Pansamantala ay nakakalimutan niya ang kalungkutan. Naaalala niya ang kapatid niyang lalaki rito. Napansin niyang may radio sa sasakyan nito. First time niyang makasakay sa kotse dahil kapag namamasyal sila ng kaibigan ay nagjejeep silang dalawa. Kabaliktaran niya ay gusto namang maranasan ng kaibigan na mag jeep.
"Gusto mo bang makinig?" Malumanay na tanong nito.
Tumango lamang siya at ngumiti bilang tugon. "Ano bang kanta ang paborito mo?" Tanong nito habang nagkakalikot. Ano nga ba ang paborito niyang kanta? "Ordinary Song." Nakita niyang ngumiti ang lalaki kaya napatitig na naman siya rito. Narinig niyang tumutugtog na ng acoustic cover ang kanta ng boses ng isang babae.
"From a simple guy who's so in love with you." Mahinang sumasabay sa kanta ang binata. Pakiramdam niya ay dinuduyan siya sa ganda ng boses nito.
Naalala niyang kinanta ito ng kapatid niyang si Elijah sa nobya nito at wala na siyang ibang maisip na kanta maliban sa kantang-
"Hindi. Hindi." Bulong niya nang may maalala.
"El?"
"Ha? Ah wala wala." Hindi na naman niya napigilan ang sariling bibig.
Patuloy na sumasabay sa kanta ang binata kaya tinanong na niya ito. "Mahilig ka ba sa mga ganyang kanta?"
"Actually, no." Biglang lumungkot ang mga mata ng binata. "Dahil sa singer na 'to kaya ko nagustuhan ang kanta."
Tahimik lang siya sa tabi at hinayaang magpatuloy ang lalaki. "But she broke me into pieces. This song is her last gift for me." Malungkot ito at parang inaalala ang mga masasaya nilang sandali.
Nakaramdam siya ng kirot sa puso niya. Kasalukuyan pa bang nagmamahal ang binata? Gusto niyang isatinig ang tanong ngunit natatakot siya sa magiging sagot nito. Hindi pa siya nagkaka boyfriend at hindi niya pa naranasang magkagusto sa isang lalaki. Ngunit ngayon ay nasasaktan siya. Alam niya kung bakit.
Dahil parang nagugustuhan na niya ito.
___________________
Kanina pa nakatitig sa kisame si Elena. Mag aalauna na ngunit hindi pa rin siya makatulog. Iniisip niya ang nangyari sa kaibigan at si Paul.
Hinatid siya nito sa gate ng St. Claire at hindi na umimik at pagkababa niya ay pinasibad na nito ang sasakyan. Nag-iiba din pala ang mood nito. Siguro ay pagod lang ito dahil galing pa ito ng Tarlac dahil may inasikaso itong negosyo roon.
Dahil hindi makatulog ay bumangon siya at umupo sa harap ng study table. Kinuha niya ang notebook at ballpen at nilista ang mga pangalan na posibleng sangkot sa pagkamatay ng kaibigan. Una ay si mang Kulas.
Hindi niya alam pero may parte sa isip niya na nagsasabing inosente ito. Kahit hindi niya ito lubusang kilala ay nararamdaman niyang mabait ito. Noong magkasama sila ni El sa Graves ay kinuwento nito na naiilang ito kay mang Kulas.
"Ano bang sinasabi mo El?"
"Minsan ay nahuhuli ko siyang naka tingin sa legs ko." Mahinang bulong ng kaibigan. Natatakot siguro itong marinig ng matanda.
Nagulat siya sa kwento ng kaibigan. "Ang weird niya talaga para sa akin. Pakiramdam ko nasa impluwensya siya ng kung anong illegal drug." Inayos nito ang salamin at tumingin sa paligid.
Tinitigan ni Elena ang pangalan ng 60 years old na matanda sa lumang kwaderno. Madalas niya itong makakwentuhan at tinutulungan niya ito sa pagbibitbit ng mga gamit kapag nakikita niya ito. Minsan ay binibigyan niya ito ng tubig at tinapay. Palangiti ito at madalas pang nagsheshare ng mga Bible verses tuwing napag-uusapan nila ang problema.
Pangalawa niyang sinulat ang pangalan ni Jane. Dito ay mas naniniwala siyang may kinalaman ito dahil sa masamang ugali ng dalaga. Naalala niya noong nasa morgue sila at hinarangan niya ito sa entrada ay may napansin siyang pulang marka sa puting blouse nito. Ang uniporme niya ay may punit at parang may patak ng pulang likido. Sinundan nito ang tinitingnan niya at nang mapagtanto iyon ay mabilis nitong inalis ang kamay niyang nakahawak sa doorknob. At ang pagsundo ng professor nito noon sa morgue ay malinaw na ebidensyang mayroong nangyayari sa dalawa. Kung ikokompara kay El ay ibang-iba ito. Palaayos ito at naglalagay ng make up araw-araw.
Ibig bang sabihin nito ay may relasyon na ang dalawa nang mamatay si Louisa? "Ugh" Minasahe niya ang sentido. Sumasakit na ang ulo niya sa pag-iisip. Ngunit bakit naman nito gagawin iyon? Nasa sakanya na ang lahat hindi ba? Kasikatan at karangyaan. At magkaibigan na ang dalawa mula pa noon. Pareho silang nag-aaral sa isang catholic school. Noong mag high school ay naging magkaklase sila at naging mag bestfriend. Bakit pa nito papatayin ang kaibigan? Dahil ba iyon kay sir Mike?
"Pinuri niya ako kanina El." Masayang wika ng kaibigan. Kasalukuyan silang naglalakad sa paligid ng orchidia. Inanunsyo ng classmate niya sa groupchat na may meeting ang instructor nila kaya nag-iwan nalang ito ng assignment. Three pages ng reaction paper na tungkol sa pinanuod nilang Hindi movie. Wala ring klase ang kaibigan nang hapong iyon.
"Bakit naman?"
"Na perfect ko kasi yung quiz namin. At sa 30 students ay ako lang ang nakapasa."
"Wow, ang talino talaga ng kaibigan ko. Mana sa'kin." Tumawa ang kaibigan sa sinagot niya. "May sasabihin sana ako sayo El."
Tiningnan lang niya ang kaibigan, hudyat na naghihintay sa sunod na sasabihin.
"Alam mo ba, noong nagsilabasan na ang mga classmates ko, may sinabi si sir sa akin."
Napahinto siya sa paglalakad at tumingin sa paligid. Walang tao.
"Ano naman iyon?"
"Tinanong niya kung pwede ba raw siyang manligaw."
Hilaw siyang napatawa. "Kay tita? Diba sila pa rin ni tito?" Biro niya rito. "Siraulo ka talaga." Hinampas siya nito. "Syempre sa akin."
Katahimikan. Nakatingin lang siya sa kaibigan. Nakangiti ito at namumula. Ibig bang sabihin nito. "Pumayag ka?"
Tumango ito at pinaglalaruan ang mga kuko habang nakayuko.
"Gusto ko rin siya El. Gustong gusto."