Chapter 21
“Bakit ka ba nandito?” Napapitlag si Selestina nang biglang sumigaw si Jordan habang nakasimangot. Nilampasan siya ng kaibigan. Napahinto sa pagpasok ang magandang binata. Napaatras si Selestina.
“Hi, beautiful!” nakangiting bati sa kanya ng binata.
Pareho silang napatalon dahil sa gulat pagkatapos lumipad ang isang tsinelas at tumama ito sa ulo ng binata. “Huwag mong istorbohin ang kaibigan ko!” naiinis na singhal ni Jordan.
“Aray naman! Bakit ka ba ganiyan?” tanong ng binata.
Nakasimangot na lumapit sa kanila si Jordan at hinatak siya nito palayo sa binata. Nagtataka niyang tiningnan ang dalawang. Bumalik siya sa hagdan at lumayo sa dalawa.
“Bumalik ka na roon! Ayaw kitang nakikita rito! Bakit mo ba ako natunton, ha? Nakakainis ka naman, eh! Istorbo ka palagi!” sunod-sunod na singhal ni Jordan.
“Whoa! Kumalma ka nga!”
“Paano ako kakalma ngayong nakikita ko ang panhit mong mukha? Alis! Umalis ka! Hindi ko alam kung paano mo nahanap ‘tong nilipatan ko. My God!”
“Tsk! Ang OA mo naman. Nami-miss lang kita,” sagot ng binata.
“Ew! Tigilan mo ako at nandidiri ako sa ‘yo,” kinikilabutan na wika ni Jordan.
“Mag-asawa ba kayo?” hindi mapigilan ni Selestina na magtanong. Parang mag-asawa ang mga ito dahil sa inasta ng dalawa. Mukhang naglayas itong si Jordan.
“Hindi, ‘no!” mabilis na angil ni Jordan. Umiling naman ang binata.
“Ano pala, kabit?”
“My God, Sel! Magkapatid kami.” Mabilis na bumaling si Jordan sa binata. “Hindi kita kapatid! Naiinis talaga ako sa mukha mo!” singhal na naman ng dalaga.
Napabuntonghininga na lamang si Selestina. Mukhang disaster na naman ‘to papunta dahil sa bangayan ng dalawa. Hindi niya kaagad napansin ang pagkakahawig ng dalawa kaya niya napagkamalan ang mga itong mag-asawa.
“Grabe ka talaga ang bibig mo. Iyan ba ang natutunan mo sa paglalayas mo? Tsk!” pangangaral ng binata.
Pinandilatan lamang ito ni Jordan. Hindi pa rin kasi ito umuuwi. May dala rin itong mga supot ng groceries at sakto namang hindi pa sila nakakapamili kaya tuwang-tuwa si Selestina.
“Huwag mo na siyang pansinin. Nag-iinarte lang ‘yan,” anang Selestina sa kapatid ni Jordan.
Ngumiti sa kanya ang binata. “Right? Ang daming arte.”
“Wow! At pagtutulungan ninyo akong dalawa, ha?”
Hindi nila pinansin si Jordan at tinulungan ni Selestina na magbuhat ng groceries ang binata papasok sa loob ng bahay. Nakangiti niyang tiningnan ang laman ng bawat supot.
“Wow! Ang dami, ah!” Excited na sabi ni Selestina habang inilalabas lahat ng laman ng supot.
“Ibalik mo ‘yan sa kanya. Hindi natin iyan kailangan,” pagmamaldita sa kanya ni Jordan.
Pinandilatan niya ang kaibigan. “Sus! Libre ‘to kaya tatanggapin ko ‘to. Bahala ka sa buhay mo. Mag-away lang kayo riyan at kakain ako nitong ice cream, hehe.” Isinenyas pa niyang umalis ang dalaga sa harap niya. Hindi ito makapaniwala sa ginawa niya kaya tatawa-tawa naman ang kapatid nito habang nakaupo sa sofa.
“You know what? Gumala tayo. Libre ko,” anyaya sa kanila ni Jude.
“Sige! Let’s go!”
“Kayo na lang,” inis na wika ni Jordan.
Pinanliitan ito ng mga mata ni Selestina. “Sumama ka na. Para ka namang may sapak diyan. Huwag kang umarte. Magbihis ka na.”
“Pagod ako.”
“Sus, Ginoo! Tayo na riyan bago ka pa tubuan ng ugat at maging kamote,” pang-iinis ni Selestina.
Asar itong tumayo. “Ewan ko sa inyo.” Nilingon ni Jordan ang kapatid na ngingisi-ngisi sa kanya. “At nakahanap ka pa talaga ng kakampi. Pownyeta ka!”
Malakas lamang itong tumawa.
Mabilis na nagbihis ng panlakad si Selestina. Ilang minuto lang din ang nakalipas ay bumaba na si Jordan. Kunot pa rin ang noo ng dalaga at mukhang inis pa rin ito dahil natunton ito ng kapatid.
“Ngumiti ka naman. Hindi mo ba ako na-miss?” tanong ni Jude sa kapatid.
“Hindi nakaka-miss iyang mukha mo. Kaya ayaw kong nalalaman mo kung saan ako nakatira, eh. Hindi mo ako tinatantanan. Mamaya niyan magkampihan pa kayong dalawa,” nakanguso pa nitong sabi.
“Mas maganda, hehe.”
“Ang sarap mong batukan alam mo ba ‘yon?” naiinis pa ring singhal ni Jordan sa kapatid na panay lang ang pa-cute. “Tigilan mo nga ‘yan? Mukha kang asong nauulol. Tsk!”
“Ang cute ninyong mag-away,” komento ni Selestina.
Pinandilatan siya ng kaibigan. “Sa ‘yo na ‘yan.”
“Wow! Para naman akong gamit kung ipamigay mo,” reklamo ni Jude sabay tawa habang nakasunid sa kapatid palabas ng bahay.
Sumunod na rin si Selestina. Gusto niyang matawa sa dalawa dahil hindi matapos-tapos ang bangayan ng mga ito. Kahit sa loob ng sasakyan ay parang aso at pusa ang dalawa. Siya ang nasa shot gun seat dahil ayaw tumabi ni Jordan sa kapatid. Napansin ni Selestina na clingy si Jude kay Jordan at ito namang si Jordan ay ayaw ng ganoon kaya parati itong nakataas ang kilay at kunot ang noo.
“Manood muna tayo ng sine. Bibili lang ako ng ticket. Gusto ni Jordan ng actions. Ayos lang ba sa ‘yo, Sel?” baling na tanong sa kanya ni Jude.
Kaagad siyang tumango. “Gusto ko rin ng action movies.”
“Sige. Bibili na rin ng finger foods at drinks natin. Bantayan mo ‘yan at baka maglayas na naman,” pakindat nitong utos sa kanya habang nakanguso sa kapatid na masama ang tingin sa kanilang dalawa.
“Don’t worry. Kaya ko siya,” pakindat niya ring sagot.
Sa likurang bahagi nila napiling umupo. Magkatabi si Jordan, at Selestina, habang katabi naman ni Selestina ang kapatid ni Jordan na si Jude. Mukhang magwa-war kasi kung ang dalawa ang pinagtabi kaya pumagitna na si Selestina sa dalawa. Seryosong nanonood si Selestina nang bigla na lang nagsalita si Jordan.
“Ganiyan nga! Sige! Sige! Banatan mo! Ayan!”
Nagugulat niya itong nilingon pero mukhang pokus na pokus ito sa pinanonod. “Hahaha!” malakas nitong tawa.
Napapahiya siyang nag-iwas ng tingin dahil halos lahat ay napapalingon sa gawi nila sa tuwing bubuka ang bibig ng kanyang katabi. Wala namang pakialam ang kapatid nitong tahimik lang na nanonood.
“Ano ba ‘yan? Ang ingay niya, ah.”
Bumuntonghininga si Selestina. Wala naman siyang magagawa lalo na at natutuwa ang kaibigan sa panonood. Siniko niya ito. “Hinaan mo boses mo. May nagagalit.”
“Huh? Ganoon ba?”
Tumango si Selestina. Bumaling ang kaibigan sa mga nandoon at humingi ng pasensya.Pasensya na po kayo.”
Sunod-sunod silang lumabas ng sinehan pagkatapos ng palabas. Naisip nilang pumunta sa arcade para maglaro. Mas lalong nag-enjoy doon si Selestina. Panay ang tawa niya dahil hindi man lang siya matalo-talo ni Jude. Nakasimangot lang na nanonood sa kanila si Jordan.
Magdidilim na ang gabi nang maisipan nilang umuwi. Nag-take out na rin ng pagkain si Jude para sa kanilang tatlo. Nakatingin lang sa daan si Selestina habang nagmumuni-muni. Ayon na naman at hindi na naman natigil sa bangayan ang dalawa. Napagod siya ngayong araw.
Kaagad silang kumain pagdating. Hindi pa rin nahinto sa pagbubunganga si Jordan habang si Jude naman ay walang ginawa kundi ang ngumiti sa kapatid.
“Mauuna na akong matulog. Napagod ako,” paalam ni Selestina pagkatapos niyang hugasan ang mga pinggan. Nasa sala ang dalawa at nanonood ng balita si Jordan. Humihikab na kumaway sa kanya si Jude.
“Uuwi na rin ako,” paalam ng binata.
“Mabuti pa. Bugnot na bugnot ako sa pagmumukha mo,” rinig niyang usal ng kaibigan.
Hindi na niya hinintay na magbangayan ulit ang dalawa at kaagad siyang nahiga sa kama. Mabilis siyang nakatulog dahil sa sobrang pagod.