Chapter 14 GOY
Napakagat-labi si Selestina. Alam niyang may posibilidad na totoo ang sinasabi ni River ngunit nahihirapan siyang tanggapin ito. Kinakabahan siya, paano nga kung totoo?
“Pero paano naman kung hindi?” tanong niya. Pilit na kinokontra ang mga tanong sa kanyang isipan.
“But I know you're thinking that there is a possibility that you’re a twin,” sabi ni River.
Bumuntonghininga si Selestina. Iniisip ang mga plano at hakbang na gagawing kung sakaling totoo nga ang mga sinasabi ng binata. Kahit anong pilit niyang pagtanggi sa isipan, hindi niya maikakaila na maaring tama nga si River.
“Tss. Ang dami ko ng problema, dumagdag pa ‘to,” nakangiwi niyang sabi. “Salamat sa pagkain. Kailangan ko ng bumaba. Inaantok na rin ako, eh,” katwiran ni Selestina.
Ang totoo, gusto niyang mapag-isa. Gusto niyang mag-isip. Ang dami niyang gustong gawin pero hindi niya alam kung ano ang uunahin.
Napansin niya ang pagbagsak ng mga balikat ng binata. “I would love to hang out with you, but, still. Good night, Sel,” malungkot na wika ng binata.
Kaagad siyang bumaba at pumasok sa sariling silid. Wala ang kanyang mga kasama sa kwarto dahil umuwi ang mga ito. Bukas, uuwi din siya sa kanila para bisitahin ang ina. Sa ngayon, kailangan niyang magpahinga.
Maaga siyang nagising kinabukasanan. Handa na ang maliit na bagpack, isinukbit niya ito sa kanyang likuran at tahimik na lumabas ng building. Nilakbay niya ang ilang metrong distansya mula sa sakayan. Kinakabahan siya sa kung ano man ang maaari niyang malaman sa kanyang pag-uwi. Sigurado siyang magugulat ang kanyang ina.
Pinili niya ang papunta sa bayan nila. Hindi niya mapigilang kabahan habang nasa biyahe. Hindi niya alam kung paano tatanggapin kung totoo nga na may kakambal siya.
Paano kung pinaampon siya?
Paano kung tama ang mga sabi-sabi na pinamigay siya?
Uminit ang kanyang ulo. Sinapo niya ang kanyahg noo at pasimpleng hinilot ang kanyang sentido. Kaagad siyang bumaba sa babaan ng jeep nang marating ang kanyang destinasyon. Pumara siya ng traysikel. Sinabi kung saan siya patungo at isinandal ang kanyang ulo sa likuran ng upuan.
Parang sasabog sa kaba ang kanyang dibdib. Tinawagan niya ang ina ngunit hindi ito sumasagot. Naalala niyang may lakad ito kapag sabado. Palagi at hindi siya kasama. Hindi naman siya nagtatanong kung saan pupumunta ang ina gayong sa lahat ng lakad nito ay kasama siya maliban na lang kapag ganitong araw, sabado.
Kumabog ang kanyang dibdib. May panahon siyang maghalungkat sa mga gamit nila na nasa attic. “Manong, pakibilisan po at nagmamadali po ako,” kinakabahan niyang sabi.
“Aba! Hindi puwede at baka masita tayo ng traffic enforcer. Naku! Iwas na lang tayo sa disgrasya, Iha.”
Napapikit siya. “Pasensya po. Sige po.” Napadilat siya nang huminto ang traysikel. Kaagad siyang bumaba pagkatapos magbayad. “Salamat po,” aniya na tinanguan lang ng drayber.
Pumasok siya sa isang eskinita at nilakad ang ilang dipang layo mila sa kanilang bahay. Kakatwa na wala masyadong tao kapag sabado dahil nagsisipag-gala ang mga ito.
Family time, sabi nila.
Pero pamilya nga ba siya?
“Tss.” Kaagad na binalot ng kaba ang kanyang dibdib nang matanaw ang kanilang bahay. Maliit lamang ito at sakto lang sa isang pamilyang katulad nila.
May mga halaman sa palibot ng bahay. Iba’t ibang klase dahil mahilig sa mga bulaklak ang kanyang inang si Cynthia. Napabuntonghininga siya nang mapansing walang tao sa bahay nila. Kaagad siyang umakyat sa hagdan at hinanap ang susi. Nasa dating taguan pa rin ito kaya kaagad siyang pumasok.
Bumalot ang lungkot sa kanyang puso nang salubungin siya ng katahimikan. Hindi na niya binuksan ang ilaw. Pumask siya sa kanyang kwarto at pinagmasdan ito. Walang pinagbago. Ganoon pa rin ang ayos ngunit wala na ang halos mga gamit niya noong kabataan niya. Mukhang inayos at inakyat sa attic ng kanyang ina.
Ibinaba niya ang bag sa kama at hinalungkat ang lahat ng cabinet sa kanyang silid. Naghahanap ng ebidensya na nagpapatunay na may kambal nga siya.
May nakita siyang photo album ngunit puro mukha niya ang naroon. Dahil wala siyang makita, pinili niyang umakyat sa attic. Nasa storage room ito. Dahan-dahan siyang naglakad papunta roon.
Ibinaba niya ang hagdan na nakasabit sa kisame at dahan-dahang umakyat. Lumangitngit ang hagdan sa tuwing naaapakan ito ni Sel. Dumadagundong ang kanyang dibdib sa bawat hakbang na kanyang ginagawa paakyat. Para tuloy siyang magnanakaw dahil sa ginagawa.
“Tss! Ano ba naman itong ginagawa ko,” inis niyang sabi.
Sinalubong siya ng alikabok. Muntik pa siyang mahulig pagkatapos salubungin ng maliit na daga. Napangiwi siya. Nangangamoy panghi na ito dahil hindi na ito naaayos simula ng umalis siya.
Kaagad siyang gumapang sa pinakamalapit na box. Puno ito ng kanyang gamit. Pinagmasdan niya ang paligid. Madilim. Pinindot niya ang light switch na nasa kanan at kaagad na kumalat ang liwanag sa attic. Napansin niya ang ilang lumang gamit na naroon.
“Bakit nga ba hindi na lang ’to pinamigay?” nagtataka niyang tanong. Napaubo siya pagkatapos malanghap ang alikabok. Sumasakit na ang kanyang ilong. Alam niyang hindi siya puwede sa maalikabok na lugar.
Hindi na siya nag-aksaya ng oras. Kaagad niyang hinalungkat ang bawat box ngunit wala siyang makita sa mga ito. Sumuko na siya at nagpasyang bababa nang may mahagilap ang kanyang mga mata. Isang maliit na box na nasa sulok. Para itong inabandona dahil mag-isa ito roon. Dahil hindi niya maabot. Kinailangan niya pang gapangin ito para makuha. Hindi niya na ito binuksan at bumaba na siy bitbit ang box.
Pumasok siya sa kwarto at tinago ito sa ilalim ng kanyang kama. Mabilis siyang naligo at nagpalit ng damit. Sinigurado niyang nasa ayos ang lahat dahil natatakot siyang malaman ng ina ang kanyang ginagawa. Bumalik pa muna siya sa storage room nang maalalang hindi niya nap@tay ang ilaw sa attic. Ibinalik niya sa ayos ang hagdan at nang maayos na ang lahat, saka siya pumasok sa kusina para maghanap ng makakain. Nagutom siya dahil sa ginawa.
Napili niyang sa dorm na lang buksan ang box lalo pa at baka sumigaw siya kung may nakakagulat man lang siyang malalaman kung sakali.
Gumagabi na ngunit hindi pa rin nakauwi ang ina. Nagtataka na siya at hindi naman ito inaabot ng gabi noon. Nagluto na lang siya ng hapunan. Habang nasa rice cooker ang kanin, naghanap siya ng puwedeng uulamin sa maliit nilang refrigerator.
Tapos na siyang kumain at nasa sala siya..Nakaupo at nanonood ng palabas sa tv habang hinihintay ang ina na makauwi. Pasado alas nuwebe, wala pa rin ang ina.
Kunot-noo siyang tumayo at sumilip sa labas. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang siyang kinabahan nang matindi. Madilim sa iilang parte ng paligid dahil sa harap lang ang may ilaw. Tahimik na ang paligid dahil kapag ganitong oras ay nagpapahinga na ang halos lahat.
hindi niya binuksan ang ilaw sa sala kaya kitang-kita niya ang isang pigura na nakatayo sa tabi ng isang puno ng mangga. Nakatingin ito sa bahay nila. Gumapang ang kaba sa kanyang buong katawan. Halos mapalunok siya. Hindi niya alam ang gagawin. Mabuti na lang at nakasilip siya sa siwang ng bintana kaya alam niyang hindi siya nito napapansin.
Nahigit niya ang hininga pagkatapos maglakad ng pigura papalapit sa bahay nila. Nalukot ang kanyang noo nang makilala ito. “Third?” hindi makapaniwala niyang tanong. May dala itong maliit na bagpack. Nakasuot ito ng itim na jacket at itim na cap. Humihikab ito at napapangiwi pa.
Lumipat si Selestina sa maliit na siwang ng kanyang pinto. May peephole ito kaya kitang-kita niya ang pag-akyat ng binata sa kanilang balkonahe. Tinanggal nito ang suot na sapatos at tahimik na umupo sa sofa na nasa labas. Gulat siya nang biglang humiga ang binata at pumikit.
Ano ang ginagaw niya rito? Sinundan niya ba ako?
Hindi siya makapaniwala sa nakikita. Rinig na rinig niya ang kabog ng kanyang puso. Lalong nalukot ang kanyang mukha pagkatapos niyang marinig ang mahinang hilik ng binata.
“Talaga bang natutulog siya?” nagtataka niyang tanong. Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa kusina at kinuha ang may kalakihang kawali. Mabigat ito kahit maliit. “Tss. Baka makita siya ni Mama.” Kaagad siyang naglakad palapit sa pinto at sumilip doon. Ganoon pa rin ang posisyon ng binata at mukhang tulog na tulog na ito.
Dahan-dahan niyang pinihit ang seradura ng pinto at sumilip sa labas ng pintuan. Nasa ganoong sitwasyon pa rin ang binata. Nalaglag sa sahig ang suot nitong cap kaya tumambad sa kanya ang matangos nitong ilong, ang perektong labi, ang kanyang perpektong hugis ng panga. Nakaramdan siya ng kaunting inis nang mapansin ang makapal nitong kilay.
“Napakagwapo pero napakasungit naman. Tss. Bakla nga, eh. Ang kinis ng balat. Ang sarap siguro nito gawin pulutan,” aniya habang naiisip ang malutong na balat ng litsong baboy. Napangiwi siya dahil sa naisip.
Napatalon si Sel pagkatapos marinig ang ungol ng binata. Hindi ito kasya sa maliit na sofa kaya ramdam niya ang p*******t ng katawan nito. “Well, hindi naman siguro siya mananakit?” Ginising niya ito gamit ang kawali. Nahugasan na niya ito kaya wala na itong dumi.
Hindi natinag ang binata. Mukhang napagod ito kasusunod sa kanya. Paano nga ba siya nito nasundan?
“Hoy,” aniya. “Hoy! Gising!” Wala pa ring reaksyon mula sa binata.
Hinawakan niya ang balikat nito sakay niya ito niyugyog para magising. Mabilis siya nitong nahawakan sa kamay at parang kidlat siya nitong ikinulong sa sariling braso. Napangiwi si Selestina nang maramdaman ang sakit sa kanyang katawan. Parang naputol ang kanyang mga buto sa sobrang lakas ng binata.
“Aray!” naiiyak niyang sabi habang nasa braso pa rin ng binata.
“Huh?” Binitawan siya nito at nagtatakang napatingin sa kanya. Inilibot ng binata ang paningin sa buong paligid. Mukhang hindi pa ito makapaniwala na nasa ibang lugar sila.
“Why am I here?” gulat pa nitong tanong sa kanya habang nakatingin sa kanya nang may pagtataka.