Kinabukasan. Kasabay ng pagsungaw ng araw sa kalangitan ay ang pagtunog ng buzzer sa gate. Ini-expect na iyon ni Trinidad—ang taong nasa labas ang dahilan kung bakit nakatapak pa ang mga paa niya sa propiedad ni Ares. Kanina pa niya ito hinihintay habang nakaupo siya sa silyang tumba-tumba na gawa sa rattan na nakapuwesto sa labas ng bahay, sa ibaba ng lilim ng mayabong na puno. Tahimik siyang nagkakape roon. Tumayo siya, walang pagmamadali sa kaniyang mga kilos. Binuksan niya ang gate. Ang makapal at nagsasalubong na kilay ng may edad na lalaki ang kaagad na tumambad sa paningin niya. Iyon ang una niyang napansin dito. Tantiya niya ay nasa kuwarenta anyos na ito. “Ikaw ba si Trinidad Aloncia?” tanong nito, yamot ang tono ng tinig. Parang napilitan lang itong tumungo roon at makipag-us

