TUWANG-TUWA si Vann Allen habang sumasayaw kasama ni Enzo. Halos sumabog ang dibdib niya sa pagmamalaki. His son was a great dancer. Alam din niyang maganda ang tinig nito. Nasa isang dance studio sila para sa rehearsal ng Lollipop Boys. Katatapos lang nilang mag-rehearse nang yayain niya si Enzo na sumayaw. Wala itong pasok kaya naroon ito. Mag-isa lang naman daw ito sa bahay. Napakanatural ng galaw nito. Defined ang bawat kilos, hindi ito katulad ng ibang mga bata kung sumayaw. Bata pa lang ito ay hilig na nito ang magsayaw. Noong maliit ito ay pinapatayo niya ito sa mesa at pinapasayaw. Lahat ng mga nakakakita rito ay binibigyan ito ng pera sa labis na katuwaan. “Tama na, Enz,” awat na niya rito nang tumagal. Baka mapagod ito nang husto. Inabutan sila ng tuwalya. Agad na pinunasan n

