NASA LOS ANGELES si Bea. Nakapag-check in na siya sa kanyang hotel ngunit hindi pa rin niya mapaniwalaan na nasa lugar siya kung saan naroon si Ryan Boyd. Halos dalawang buwan na silang hindi nagkikita ng binata. Kapag pareho silang libre ay nagpapalitan sila ng text messages at e-mail. Kung nagkakapang-abot ay nagvi-video call din sila. Ngunit dahil nga sa magkaiba ang kanilang timezone at kapwa abala sa kani-kaniyang trabaho, hindi nila madalas na magawa. Naisip ni Bea na lilipas din ang nadaramang pangungulila. Makakasanayan din niya kagaya ng sinabi ng kanyang mga kaibigan. Ngunit maling-mali siya. Habang lumilipas ang panahon ay mas sumisidhi ang kanyang nadarama para sa binata. Nais niyang sabihin na negosyo ang dahilan ng pagparoon niya ngunit alam din niya sa kanyang sarili na hi

