ARABELLA:
BUMALIK ako ng silid at pilit kinakalma ang sarili. Kahit may konting pagbabago kay Dexter ngayon, wala din naman siyang sinasabi na may gusto siya sa akin. Kaya hindi dapat ako magselos o mag-assume na may kami. Isa pa, hindi rin naman ako nababagay sa kanya. Magagalit si mama sa akin at tiyak na hindi rin sila papayag na magkaroon kami ng relasyon ni Dexter.
Napapikit ako na naisandal ang katawan sa headboard ng kama. May nag-uudyok pa rin sa akin na sumilip sa balcony at tignan kung naroon pa rin sila Dexter at Rebecca sa may pool, o kaya ay bumalik na sila sa venue sa garden pero– mas pinili kong manatiling nakapikit habang nakaupo sa kama.
“Kung sakali at magkamabutihan sila, e ‘di good for them,” usal ko sa isipan.
Hindi ko namalayan at nakaidlip na ako habang hinihintay ang pagbalik ni Dexter. Kinabukasan paggising ko, wala akong kasama sa kama. Maliwanag na rin sa labas. Napaupo ako na napakusot-kusot ng mga mata. Naigala ang paningin, tahimik ang silid at walang senyales na may iba akong kasama dito.
“Sabi niya thirty minutes lang siya sa baba kagabi. Nakatulog na ako at umaga na pero– hindi na siya bumalik. Paasa rin e, ang sama niya talaga,” usal ko sa kaisipang hindi na bumalik si Dexter kagabi.
Natulog nga ako sa silid niya at ginamit ang damit niya pero. . . hindi naman siya tumabi sa akin. Mukhang sa iba siya sumama kagabi at malamang. . . iyon ang kinatabi niya. Nahiya pa siya. Pwede namang dito na lang sila sa silid niya at doon ako sa guestroom nila.
Bumaba ako ng kama na naiinis. Kinuha kong muli ang dress na suot ko kagabi at pumasok ng banyo. Mabilis akong naligo at isinuot itong muli, kaysa naman isuot ko ang damit ni Dexter at makita nila mama. Matapos kong maligo at magbihis, lumabas na ako ng silid.
Habang pababa ay naigagala ko ang paningin. Ang laki ng bahay nila pero ang tahimik. May mga katulong na may kanya-kanyang ginagawa. May mga naglilinis dito sa second floor at meron din sa baba. Ngumingiti at bumabati pa ang mga ito sa akin.
“Nasaan kaya si mama?” usal ko.
Naigala ko ang paningin pagkababa ko sa sala. Ni hindi ko alam kung saan ang gawi ng kusina nila. Lumapit sa akin ang isang may katandaang katulong na ngumiti.
“Magandang umaga, ma'am, nasa garden nga pala ang mama mo, kasama si gov at Dexter. Ang sabi ni Ma'am Laura, ihatid ka namin doon kapag bumaba ka na,” magalang wika nito.
Lihim akong napangiti. “Magandang umaga din po. Salamat,” tugon ko.
Tumango siya na sinamahan akong inihatid sa may garden. Wala na ang decorations dito kagabi. Malinis na dito at napakaganda tignan na malawak ito, maraming halaman at ang sarap sa paa ng mga bermuda grass. Nasa may sulok sila mama kasama ang mag-ama. Nagkakape at masayang nagkukwentuhan.
Huminto ako sa paghakbang na napatitig sa kanilang tatlo. Ang saya kasi nilang tignan at parang totoong pamilya sila.
“Ma'am, bakit po?” tanong ng katulong sa akin.
Napailing ako na pilit ngumiti. “May bibilhin po sana ako sa labas. Babalik din ako,” wika ko na tumalikod na bago pa ako makita nila mama.
“Pero–”
Ngumiti ito na tumango sa akmang pagpigil niya sa akin. “Mabilis lang po ako.”
Pilit siyang tumango na walang nagawa nang umalis na ako at lumabas ng gate. Hindi ko alam pero– para akong kinurot sa puso kanina sa nakita ko. Bigla akong nakadama ng inggit at selos sa puso ko na makitang masaya sila mama kahit wala ako.
Pakiramdam ko, buo na sila. Habang ako. . . naiwan mag-isa. Namuo ang luha ko at namigat ang dibdib ko sa mga naiisip. Bakit gan'to? Hindi dapat ako maiinggit o magselos kay Dexter dahil magiging isang pamilya na din naman kami, ‘di ba? Parte naman ako ng pamilyang bubuoin nila a.
Pero bakit hindi ko iyon maramdaman? Pakiramdam ko, inagawan ako ni Dexter ng ina. Naikuyom ko ang kamao na naghanap ng masasakyan. Biglang sumama ang loob ko sa nakita ko. Halo-halo na ang nadarama ko at hindi makapag-isip nang maayos.
“Manong, sa barangay Aurora po,” saad ko sa tricycle driver.
Tumango naman ito na pinaandar na ang tricycle. Habang nasa daan, nag-text ako kay mama para alam niya kung nasaan ako.
“Ma, pauwi na po ako. May lakad kasi kami mamaya nila Jessa at Tina.” Alibi ko.
Matapos maisend, bumaling na ako sa daan. Hindi ko napapansin na panay ang pagtulo ng luha sa pisngi ko habang naiisip ang nakita kanina. Kung gaano kasaya si mama kasama si gov at Dexter. Ngayon ko lang nakitang tumawa nang gano'n si mama. Na makikita mo talagang sobrang saya niya. Gano'n din si Dexter at gov. Tila may malalim na silang relasyon at ako? Wala manlang akong kaalam-alam sa mga nangyayari.
Pakiramdam ko, para akong naa-out of place sa kanila. Na hindi ako bahagi ng masaya nilang pamilya. Maayos naman ang relasyon namin ni mama. Mula pagkabata, malapit na talaga ako sa kanya dahil wala naman akong papa. Pero ngayon na magkakaroon na siya ng asawa at isa pang anak, hindi ko maiwasang makadama ng selos dahil hindi na akin ang buong attention ni mama.
Normal lang naman siguro sa isang solong anak na makadama ng selos kapag may iba ng anak ang ina niya, ‘di ba? Valid naman itong pagseselos na nadarama ko dahil nakikita kong tila inaagaw ni Dexter ang mama ko mula sa akin. O masyado lang akong nagiging mababaw dahil hindi ako sanay na may kaagaw ako kay mama.
MAGHAPON akong mag-isa sa bahay. Humilata at hindi din naman nakabalik si mama. Ni hindi na nga ito nag-reply sa message ko. Pasado alassingko na nang maligo ako at nagbihis. Tumatawag na kasi si Jessa at nagpapaalala na pupunta kami sa bahay nila ngayon.
Nakasuot lang ako ng jogger, shirt at hoodie. Walang make-up katulad sa dati. Palabas na ako ng bahay nang may humintong kotse sa tapat. Nangunotnoo ako na mapasulyap doon at hindi iyon pamilyar sa akin pero– magara ang sasakyan.
Hindi ko na sana ito papansinin pero bumaba ang isang supistikadang babae mula doon. Nakasuot ng all red mula sa pants, blouse, stiletto at bag nito. Madame na madame ang datingan niya. Nakapusod ang mahaba niyang buhok at pulang-pula ang labi.
Nagtanggal ito ng suot na shades na napapapilantik pa ng mga daliri. Tila nandidiri sa lugar at mga nakikita. Hindi ko alam pero, bigla akong binundol ng kakaibang kaba sa dibdib. Napatitig siya sa akin na napahagod pa ng tingin sa kabuoan ko.
“Ahm, dear, pwede bang magtanong?” aniya na napakaarte magsalita.
Pilit akong ngumiti na tumango. Hindi ko siya kilala. Ni hindi pamilyar ang mukha niya sa akin pero– hindi naman ako naiilang sa kanya.
“Alam mo ba kung nasaan ang bahay ni Laura Garcia dito?” tanong niya na ikinatigil kong napalunok sa kanyang tanong!
Napalinga siya sa mga kabahayan at magkakatabi lang naman ang mga bahay dito sa amin. Nakikiusyoso na din ang mga kapitbahay at agaw pansin ang sasakyan nitong kay gara.
“Bakit po? Ano ang kailangan niyo sa kanya, ma'am?” tanong ko na pilit pina-normal ang boses ko.
Bumaling siya sa akin na matamis na ngumiti. “It's too personal, my dear. Pero sabihin na nating. . . may ipinatago ako sa kanya noon na babawiin ko na ngayon,” sagot nito.
Naipilig ko ang ulo na napaisip sa kanyang sinabi. “May ipinatago siya kay mama noon na babawiin na niya ngayon?” usal ko sa isipan.
Napatitig siya sa akin. Unti-unti, napalis ang ngiti niya na mapatitig sa akin at namutla.
“S-sandali, ano ang pangalan mo, hija?” tanong niya sa akin na matiim akong tinitignan.
Lalong bumilis ang t***k ng puso ko! Napakapit ako sa laylayan ng hoodie ko na hindi makaapuhap ng maisasagot sa kanya! Humakbang siya palapit kaya napaatras naman akong ikinatigil nito.
Maya pa'y biglang sumulpot ang bigbike ni Dexter na sakay si mama! Dali-daling bumaba si mama na namilog ang mga matang makita ako at ang babae.
“Dexter, dalhin mo si Ara sa bahay,” utos nito kay Dexter na lumapit sa akin.
“Laura, mabuti naman at nandidito ka na. Akala mo yata ay. . . nagbibiro akong pupuntahan ka, kahit saang dako ka pa magtago,” wika ng babae.
Hinarap ito ni mama. Napapalunok ako at ngayon ko lang makitang seryoso si mama at tila galit!
“A-ano'ng ginagawa mo dito, Vina?” madiing tanong ni mama.
“Let's go, panget.” Bulong ni Dexter sa akin na iwinalin ko ang kamay.
“Bitawan mo nga ako. Hindi ko pababayaan ang mama kong mapaaway, ano?” madiing asik ko dito na kina mama ako nakatingin.
“Pumasok ka sa loob ng bahay at ako na ang bahala dito,” aniya pa na sinamaan ko ng tingin.
“Bakit ikaw? Ako ang anak ni mama dito, hindi ikaw. Masyado ka namang nagpapaka anak sa kanya. Iniluwal ka ba niya?” inis kong asik dito na hindi sumagot at nakatitig lang sa akin.
“Alam mo kung bakit ako nandidito, Laura.” Wika ng babae kaya napalingon ako sa kanila.
Galit pa rin ang mukha ni mama. “Wala ka ng mababalikan dito, Vina. Kaya makakaalis ka na!” madiing sagot ni mama dito na natawa lang.
“Mama, ano po ang nangyayari? Sino po siya?” tanong ko na ikinalingon nila sa akin.
Napatitig sa akin ang babae at unti-unting umamo ang mukha. Matamis siyang ngumiti na nangilid ang luhang nakatitig sa akin.
“Sabi na e. May kakaiba sa'yo. Kung gano'n, ikaw na pala iyan– ana–”
“Tumahimik ka!” sikmat ni mama na naitulak itong napasandal sa hood ng kotse nito!
“Mama!”
Napatili ako na kaagad tinakbo si mama at inilayo sa babae. Pagak namang natawa ang babae saka umayos ng pagkakatayo. Dama ko ang panginginig ng katawan ni mama na hawak-hawak ko siya sa braso. Maging si Dexter ay hinawakan din ito.
“Umalis ka dito!” sikmat pa ni mama sa babae.
“Ibigay mo na muna ang kailangan ko, Laura!” madiin at palabang sagot din ng babae.
“Ang kapal ng mukha mo! Matapos ang labingwalong taon, babalik ka at aasta na may mababalikan ka pa?! Bakit, Vina? Hindi ba't ibinigay mo na siya sa akin na parang tuta noon dahil ayaw mo sa kanya?!” galit na singhal ni mama dito.
Natigilan ang babae na napalunok. Napatitig sa akin na tila nagsusumamo.
“Bata pa ako noon, Laura. Kaibigan kita. . . kaya ipinagkatiwala ko siya sa'yo,” anito na mas mababa na ang tono.
“Hindi, Vina. Ibinigay mo siya sa akin dahil ayaw mo sa kanya. Pinutol mo ang ugnayan mo sa kanya noon pa man. Kaya wala ka ng babalikan pa,” madiing sagot ni mama na tila may malalim silang pinag-aagawan!