ARABELLA:
PILIT akong umaktong normal sa harapan nila mama. Tahimik lang din naman si Dexter at hindi halatado na may something na namagitan sa aming dalawa kanina sa daan.
“Dex, can you join us?”
Napalingon kami na tinawag si Dexter ng isa sa mga kaklase nito. Nag-iinuman na ang mga ito. Beer lang naman ang inumin nila. Kahit ang ibang bisita, nag-iinuman at mga hard pa.
“Mama, Daddy, puntahan ko lang po sila,” wika ni Dexter na tinanguhan ng ama nito at ni mama.
Tumingin ito sa akin na nagtatanong ang mga mata dahil nakaupo pa rin ako sa silya ko.
“Hindi ka sasama?” tanong nito.
“Hindi na. Hindi rin naman ako umiinom. Gusto ko na ngang matulog e,” alibi ko pero totoo namang hindi ako umiinom.
“Kung gusto mo, hija, magpahinga ka na sa taas. May guestroom naman tayo dito na ipinahanda ko e. Para hindi na kayo uuwi ni Laura.” Wika ni gov na pilit kong ikinangiti. “Dexter, ihatid mo na muna si Ara sa guestroom bago ka humarap sa mga kaklase mo, hmm?” baling nito sa anak.
“Opo, Dad.” Anito na bumaling sa akin.
Napilitan na akong tumayo. Nakakainis, matutulog na tuloy ako.
“Sige po, Gov, Mama, mauuna na po ako,” pamamaalam ko.
“Goodnight, anak ko. Susunod ako mamaya, hmm?” wika ni mama na ikinatango ko.
“Sleep well, hija. Goodnight,” wika din ni gov.
“Opo, goodnight din po.” Tugon ko.
Inalalayan na ako ni Dexter. Dumaan kami sa table ng mga classmates nito na tinutukso kaming dalawa.
“Babalik ako mamaya,” wika ni Dexter na nakipag fist bump pa sa ilan niyang classmates na lalake.
Napataas kilay naman sa akin si Rebecca. Umiinom siya kasama ang mga classmates nila. Hindi rin ako nagpatalo na napataas din ng kilay dito. Ngumisi ako na yumapos sa baywang ni Dexter na ikinasulyap niya doon at napalunok.
“Let's go, doon ka na lang sa silid ko, hmm?” wika nito na ikinasinghap pa ng mga classmates niyang narinig ito.
Napalapat ako ng labi na nag-init ang mukha. Inakbayan niya ako na inakay na palabas ng venue. Lihim akong nagdidiwang. Narinig kasi iyon ni Rebecca na natigilan at namutla na marinig niyang. . . sa silid ni Dexter ako matutulog ngayong gabi!
Umakyat kami ng second floor. Nakaalalay naman si Dexter sa akin kahit walang ibang nakatingin. Pagkaakyat namin ng hagdanan, inakay niya ako patungo sa mga silid.
"Uhm, sa guestroom naman ako, 'di ba? Nagbibiro ka lang kanina," wika ko.
Tumingala ako dito na tuloy-tuloy sa paglakad. "Nope, mukha ba akong nagbibiro?" sagot nito na ikinamilog ng mga mata ko sa kaisipang. . . magtatabi kaming matulog!?
"H-hoy, ano ka ba? Ang sabi ni gov, sa guestroom mo ako ihatid," mahina at may kadiinang sikmat ko dito.
Binuksan niya ang pintuan ng silid na tinungo namin. Napalunok ako na bumilis ang pagtibok ng puso sa kaisipang. . . papasok ako at matutulog sa silid niya!
"Pasok na, panget. Hindi ka naman tatabihan ni mama sa guestroom mamaya kaya hindi nila tayo mapapansin," bulong nito na hinila na ako papasok sa silid niya!
MARIIN akong napapikit nang pagpasok namin, isinara niya ang pintuan at isinandal ako doon na walang pasabing inangkin ang mga labi ko! Napakapit ako sa kanyang polo na ramdam ang pangangatog bigla ng mga tuhod ko!
Kabado ako dahil baka may ibang makakita sa amin pero– hindi ko naman kayang tanggihan ang halik ni Dexter! Ramdam ko ang panggigigil sa uri ng halik niya ngayon sa akin. Napapapisil na din siya sa baywang ko habang patuloy na nilalaplap lang naman ang mga labi ko!
“Uhmm– D-dex!”
Hindi ko napigilang napaungol nang marahan niyang kagatin ang ibabang labi ko at ipinasok sa loob ng bibig ko ang kanyang dila! Para akong manlalambot sa mga sandaling ito habang inaaral ang paggalaw ng dila nitong gumagalugad sa loob ng aking bibig!
Para akong kakapusin ng hangin sa baga sa tagal ng aming halikan! Naghahabol hininga kami pareho nang sa wakas ay pakawalan na niya ang mga labi ko!
"A-ano ka ba?" naghahabol hiningang anas ko na nakurot ito.
Napangiti naman ito na naghahabol hininga din. "What? E sa gusto kitang halikan e. May magagawa ka ba?" aniya.
Napalapat ako ng labi na hindi nakasagot. Aangal pa ba ako? Ang crush ko na ang hahalik sa akin!
"You can use my clothes, panget. You can take a shower now. Babalik ako mamaya para wala silang masabi," anito na lumayo na bahagya sa akin at magkadikit ang aming katawan.
"Makikipag-inuman ka ba sa kanila?" tanong ko na nakatingala dito.
"Yeah, konti lang. Sasabay lang ako," sagot nitong ikinanguso ko.
Hinaplos niya naman ako sa ulo. Matangkad kasi ito at hanggang dibdib niya lang ako.
"Nandoon si Becca. Alam mo namang. . . may gusto siya sa'yo, 'di ba?" nakanguso kong saad.
Sumilay ang pilyong ngiti sa mga labi nitong lalo kong ikinabusangot na nakatingala sa kanya.
"So what if she's there? Kung gusto mo, e 'di sasama ka na lang sa amin," aniya pa.
"Ayoko. Kaya nga magpapahinga na ako e." Nakanguso kong sagot.
Yumapos naman ito sa baywang ko at magaan akong niyakap na impit kong ikinairit! Ang sarap makulong sa bisig niya. Ang sarap niyang yakapin pero. . . mas masarap pala kung siya ang nakayakap sa akin!
"Babalik kaagad ako. Give me thirty minutes, hmm? Let's sleep together and cuddle all night long, panget." Pabulong saad nito na humalik sa ulo ko.
Kinikilig akong tumango na ngumiti sa kanya. "Hwag kang magpapa-cute sa Becca na 'yon ha?" ungot ko.
Ngumiti ito na tumango. "Opo."
Nag-smack kiss pa ito sa akin bago ako pakawalan. Kinikilig naman akong kumaway dito na lumabas na ng silid at napakindat pa bago isinarado ang pintuan.
"Gosh! Magtatabi kami sa kama niya? Panaginip ba ito?!" irit ko na napapatalon sa kilig at saya!
NAMAMANGHA ako na gumamit ng shower ni Dexter. Kaya naman pala hindi siya marunong sa gamit namin sa bahay. Dahil dito, shower ang gamit niya. Sa amin kasi, timba, gripo at tabo ang gagamitin para makaligo o shower ka.
Kahit ang mga gamit niya dito ay ibang-iba sa amin. Kung kami, safeguard at shampoo na nasa sachets ang gamit, siya naman kumpleto sa showergel, shampoo at conditioner na sa bottle nakalagay, hindi sa sachets.
Mabilis na akong nag-shower at dama kong nangangati na ang mukha ko. Hindi kasi sanay ang balat ko ng make-up. Nangangati ang mukha ko kaya hindi ako gumagamit no'n.
Matapos mag-shower, tinignan ko na muna ang repleksyon ko sa salamin. Napangiti ako na makitang malinis pa rin ang mukha ko. Mukhang effective ‘yong ginamit sa mukha ko kanina. Sayang lang at hindi ko naitanong kung ano ang pangalan no'n para makabili ako sa susunod. Kita ko kasing effective kaagad. Nawala na ang mga blackheads ko at naalis niya ang mga malalaki kong pimples.
Kinikilig ako na nagbihis. Kumuha ako ng jogger pants at shirt ni Dexter na siyang isinuot ko. Ang bango ng damit niya at kahit maluwag sa akin, pakiramdam ko ay ito na ang pinakamaganda kong naisuot na damit!
Nilinisan ko na muna ang banyo bago lumabas. Dinala ko rin ang damit na suot ko kanina at inilagay sa empty basket ni Dexter sa sulok. Napanguso akong naigala ang paningin dito sa silid niya. Malinis at maaliwalas. Kung tutuusin, kasinglaki na ito ng sala at kusina namin. Malaki ang silid niya at napinturahan ito ng puti. Maging ang tiles ay napakakintab na puti kaya maliwanag at maaliwalas tignan.
Malaki din ang study table niya sa sulok. May bookshelf pa nga siya dito na puno ng mga libro. King size ang kama niya at kulay puti din maski kumot, kobrekaba at mga unan. Nagtungo ako sa kama at naupo sa gilid. Sobrang lambot pa nito.
Ibang-iba ang buhay na nakagisnan niya sa buhay na nakagisnan ko. Ang swerte talaga ng mga batang naisilang sa mayamang pamilya. Hindi nila kailangang mahirapan o magtiis na muna sa kaya ng magulang nila. Dahil lahat ng gusto nila, nakukuha kaagad nila na walang kahirap-hirap.
Muli akong tumayo na nagtungo sa tapat ng balcony. May balcony kasi dito sa silid niya at sliding glass door pa ang pintuan. Maingat kong binuksan ito at lumabas ng silid. Tanaw dito ang mga bisita sa ibaba. Nakapatay naman ang ilaw dito sa balcony kaya hindi nila ako makikita mula dito.
Nakita ko naman kaagad ang pwesto nila mama at gov. Nagbubulungan at hagikhikan pa ang mga ito sa mesa nila. Hinanap ko si Dexter sa gawi ng classmates nito at kaagad ko rin namang nahanap. Napangiti ako na makitang mga lalake ang katabi niya. Naroon pa rin si Rebecca at mga kaibigan nito. Masaya silang nag-iinuman.
Napanguso ako. Parang gusto ko na tuloy bumaba at maupo sa tabi ni Dexter para mabakuran ito. Nag-iinuman pa naman sila at wala akong tiwala kay Rebecca. Halata ngang nagseselos siya kanina at tiyak na gagawa siya ng paraan para masolo niya si Dexter.
Napalunok ako na kumabog ang dibdib ko. Napakapit sa railings at unti-unting namigat ang paghinga sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Nakamata lang ako kay Dexter. Maya pa'y tumayo ito at may tumawag sa kanyang cellphone. Lumayo siya sa mga bisita na sinagot ang tawag.
Naningkit ang mga mata ko na makitang tumayo din si Rebecca at sinundan si Dexter! Todo support pa ang dalawang alipores niya at nakatitiyak akong may gagawin siya para makuha si Dexter!
Kaagad akong patakbong lumabas ng silid! Bahala na pero-- hindi ko siya panonoorin na umisa kay Dexter! Sinasabi ko na nga ba at may plano siyang lapitan si Dexter. Naghihintay lang siya ng pagkakataon na masundan ito at masolo!
Tumuloy ako sa gawi ng pool kung saan ko nakitang nagtungo si Dexter na sinundan ni Rebecca. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko sa mga sandaling ito. Pero hindi pa man ako nakakarating sa may pool, narinig ko ang boses ni Rebecca sa malapit!
Napakubli ako sa mataas na halaman at napasilip sa kanila. Nakatalikod si Dexter sa gawi ko kaya si Rebecca ang kitang-kita ko. Naikuyom ko ang kamao. Pigil-pigil ang sariling masugod ang Becca na ito!
"I like you, Dex. From the very start, gustong-gusto na kita," pagtatapat ni Rebecca ditong ikinalunok ko.
Akmang hahawakan nito ang kamay ni Dexter pero nagpamulsa si Dexter kaya hindi niya nahawakan iyon. Pilit siyang ngumiti na naluluhang nakatitig kay Dexter.
"Hindi mo ba nakikita? We're compatible. Pareho tayong matalino, parehong nagmula sa may kayang pamilya at may itsura. Kung tutuusin, matatawag tayong perfect couple kung magiging tayo, Dex. Bigyan mo naman ng chance 'yong atin oh?" pakiusap ni Rebecca na ikinalunok ko at tama naman ang mga sinabi nito.
Pareho silang nagmula sa may kayang pamilya. Pareho silang matalino at parehong may itsura. Habang ako? Mula ako sa mahirap na pamilya. Ni hindi ko nga alam kung sino ang papa ko e. Hindi ako matalino at . . . hindi ako kagandahan dahil na rin sa kulay ng balat ko at mga alaga kong pimples at blackheads sa mukha.
Tumulo ang luha ko na tumalikod. Hindi ko kayang hintayin ang sagot ni Dexter. Imposible din naman ang sa amin e. Dahil kahit sabihin na nating maibigan niya ako, hindi pa rin mababago ang katotohanan na magiging step siblings kami. Isang buwan na lang ay ikakasal na si mama at gov. Ibig sabihin, next month. . . kuya ko na siya.