ARABELLA:
PAGDATING namin sa bahay nila Dexter, pinagbuksan kaagad kami ng kanilang mga guard. Nakikita ko na ang bahay nila noon pa pero– ngayon pa lang ako makakapasok dito. Hindi ko mapigilang mapagala ng paningin habang papasok ang sasakyan sa kanilang garahe.
Nasa dalawang palapag din ang bahay. Sobrang laki nito maski ang bakuran nila na kasya ang nasa benteng sasakyan na magparada. Salamin ang dingding sa second floor at concrete naman dito sa baba. Kulay puti ang bahay at maraming halaman ang naka-display dito sa harapan kaya napakaganda nitong tignan. May fountain pa sila sa harapan na napakaganda tignan.
Kung susumain, parang guardhouse lang nila ang bahay namin. Kaya hindi ko maiwasang manliit at makadama ng hiya. Dahil kitang-kita kung gaano kalaki ang agwat namin sa buhay ng crush ko.
“Anak, tara na,” untag ni mama sa akin.
Hindi ko napansin na bumaba na si Dexter at pinagbuksan niya ng pintuan si mama. Tumango ako na nagtanggal ng seatbelt. Inalalayan pa ni Dexter si mama na makababa. Hindi ko na ito hinintay at ako na ang nagbukas ng pinto sa tapat ko. Wala pa silang mga bisita at kasalukuyang naga-arrange pa ang mga narito para sa party ni Dexter. Malapit naman na silang matapos at ang iba, nagse-setup na lang ng mga mesa.
Tanaw mula dito sa garahe nila ang garden sa kabilang side lang ng bahay kaya kita kong patapos na ang pagde-decorate ng mga tao. Nasa harapan ang malaking tarpaulin ni Dexter na larawan nito noong graduation at nakasulat doon na validictorian ito.
“Okay ka lang ba, anak?” tanong ni mama habang iginigiya kami ni Dexter na papasok sa bahay nila.
“O-opo, Mama.” Matamlay kong sagot.
“E bakit ang lungkot ng Ara ko, hmm? Iniisip mo pa rin ba si Tina? Anak, si Dexter ang may party nito oh? Si Dexter na magiging kuya mo,” saad pa nito.
Napapayuko sa amin ang mga katulong at binabati pa kami. Tahimik lang naman si Dexter na kasabay namin.
“Mama, matalik kong kaibigan si Tina. Syempre– mas nanaisin ko naman siyang samahan kaysa sa kung sino lang, ‘di ba? Hindi po kami magka-section ni Dexter lalong-lalo nang hindi kami magkaibigan kaya ayoko po talaga dito. Wala akong mga kaibigan dito at hindi ako komportable dito,” sagot ko at totoo naman iyon.
Napahinga pa ng malalim si mama na malungkot ang mga matang tumitig sa akin.
“Anak, hindi lang basta kung sino lang si Dexter sa atin, hmm? Anak ko siya at kuya mo na siya. Pamilya muna, anak, hmm?” kalmadong saad nito.
Hindi na lamang ako sumagot. Hinaplos niya ako sa ulo na ngumiting yumapos sa braso ko.
“Mama, gusto niyo po bang magmeryenda na muna?” tanong ni Dexter na makarating kami sa sala nila.
Napagala ako ng paningin. Napakagara ng loob ng bahay, dito sa sala nila, agaw attention ang malaking chandelier na nakasabit sa kisame. Maluwag ang espasyo, kulay puti din ang tema at maging mga sofa nila dito. Napakalaki din ng flat screen TV nilang nasa harapan at may ilang naka-display silang picture dito sa sala. Tanging si gov at Dexter lang, wala ang mama nito.
Napakakintab din ng kanilang tiles na tila walang maski alikabok na naligaw. Naupo kami sa sofa nila at halos lumundo na ang pwet ko sa sobrang lambot maupo dito. Mas malambot pa nang ‘di hamak ang sofa nila kaysa higaan ko. Lalo tuloy akong nangliliit sa sarili at damang-dama ang layo ko sa kay Dexter.
“Ikaw, anak, gusto mo bang magmeryenda na muna?” pagtawag ni mama sa akin.
Sa lalim ng iniisip ko, hindi ko namalayan na may nagdala na pala ng meryenda at inumin sa amin na mga katulong nila Dexter. Ikinuha pa ni Dexter ng makakain si mama at ipinagsalin ng juice sa baso. Hindi ko alam kung pakitang tao lang ang pag-aasikaso niya kay mama o. . . sadyang ina na rin ang turing niya sa mama ko.
“O-okay lang po ako, Mama. Busog pa po,” tugon ko.
“Anak,” aniya na nangungusap.
“Kakain na naman po kasi mamaya e. Hindi pa po ako natutunawan. Kayo na lang po, Mama.” Sagot ko na pilit ngumiti dito.
Tumango siya pero kita ang lungkot sa mga mata niya. Naiinis na rin ako sa sarili ko. Bakit ba ako nag-iinarte na maipamukha sa akin kung gaano kami kalayo ni Dexter sa isa't-isa? E imposible din naman ang lahat sa amin dahil una sa lahat? Hindi niya ako gusto. Pangalawa, ikakasal na ang mga magulang namin, in short– magiging step siblings na kami. Pangatlo, napakataas niya para maabot ng isang katulad ko. Kahit saang anggulo, imposible ang lahat sa amin.
Nagmeryenda ang mga ito at nagkwentuhan. Nagsuot naman ako ng headset at inabala na lang ang sarili sa cellphone ko. Ramdam kong panaka-nakang sumusulyap si Dexter sa akin na hindi ko na lamang pinapansin. Wala ako sa mood para makipagdiwang sa party niya. Pakiramdam ko, hindi ako nababagay dito. Hindi ako makahinga nang maayos. Lalo na't iniisip kong darating mamaya ang mga ka-section niya at mga adviser nila. Out of place ako dito kaya hindi ko mapilit ang sariling magdiwang na narito ako sa party ng crush ko.
MAGDIDILIM na nang may ilang dumating na staff mula sa salon na ipinatawag ni gov para maayusan kami ni mama. Alasyete kasi magsisimula ang party. May ilan na nga sa mga classmates ni Dexter ang nagdatingan, maging ang mga nagtatrabaho sa munisipyo namin sa bayan na ito. Imbitado din kasi ang ilang matataas na government officials dahil anak ng governor ang may party. Kaya maski ang ilang kapulisan sa headquarters, nandito na at malapit lang naman ang bahay nila Dexter sa munisipyo katabi ang police station at fire station.
Dinala kami ni mama sa isang guestroom para dito maayusan at makapagbihis. Magiliw kaming inasikaso ng mga staff. Napangiwi pa ako habang sinusuri ng binabaeng staff ang mukha ko dahil sa mga pimples at blackheads ko.
“K-kahit manipis lang po ang i-makeup niyo sa akin, ma'am. Para hindi kayo mamroblema na takpan ang mga alaga ko sa mukha,” saad ko dito na mahinang natawa.
“No, dear, madali lang naman takpan ang mga pimples mo, halika, maghilamos ka muna. May gamit ako rito para mas mag-smooth ang balat mo at madali natin maalis ‘yang mga blackheads at mabawasan ang mga pimples mo,” aniya na inalalayan akong tumayo.
Nagtungo kami sa banyo nitong silid. Tinuruan niya ako kung paano maghilamos gamit ang facial wash niya at napakabango nito. Ilang segundo ko rin siyang magaang ini-scrub sa buong mukha ko bago ako naghilamos.
“Lagyan natin nito ang mukha, ilang segundo lang naman ito, my dear.” Aniya.
Hindi na lamang ako umangal. Siya na ang nagpahid no'n sa buong mukha ko. Ilang segundo pa, bumubula na ang buong mukha ko na ikinakurap-kurap ko. Natakot pa ako habang nakatitig sa malaking salamin dito sa lababo ng banyo. Nangingiti naman ito.
“Normal lang iyan, my dear. Inaalis niya ang dumi sa balat mo at syempre, kasama na ang mga blackheads at pimples mo,” wika nito.
Napaawang ako ng labi. Posible ba iyon?!
Nang matapos na akong maghilamos muli, napasuri ako sa aking mukha at hindi makapaniwala! Mas pumuti nga at naglaho ang mga blackheads ko! Mas kuminis tignan ang balat ko. Naroon pa rin ang mga pimples ko pero hindi na malalaki at nawala na ang laman ng mga iyon.
“Tara,” wika nito na inakbayan pa ako.
Napangiti ako. Magiliw kasi sila kahit wala naman dito ang boss nila. Bumalik kami sa harapan ng vanity mirror kung saan kami pinaupo ni mama. Ang isang kasama nitong make-up artist din ay kasalukuyan nang inaayusan si mama. Wala kasing pimples ang mama sa mukha kaya madali lang siya maayusan. Isa pa, natural na maganda si mama. Kahit nga hindi siya nag-aayos, maganda siyang tignan at may kaputian din siyang babae.
Kabado ako at excited na ipinikit ang mga mata. Nagsimula naman na akong ayusan ng make-up artist na nakatutok sa akin. Habang mini-make-up an nila kami, inaayos na ng ibang kasama nilang hairstylist ang buhok namin ni mama. Nagdadatingan na kasi ang mga bisita sa baba at tiyak na parating na si gov. Kahit nga si Dexter ay pinagbihis na kanina. Tiyak na napakagwapo na naman niya ngayon.
HINDI naman nagtagal, natapos na nila kaming maayusan ni mama. Halos hindi ko makilala ang sarili ko sa salamin! Napakahusay ng pagkaka-makeup sa akin dahil kuminis at natakpan ang mga pimples ko sa mukha. Ngayon ko lang nakita ang sarili ko na naayusan nang gan'to kaya halos hindi ko makilala ang sarili ko!
“Anak, napakaganda mo!” kinikilig na irit ni mama.
Napangiti ako na nilingon ito. Siya man ay halos hindi ko makilala. Mas lalo pa kasi siyang gumanda.
“Salamat, Mama. Kayo rin po, napakaganda niyo po,” tugon ko na hinaplos ang wavy hair nitong nakalugay.
“Naku, magaling kasi ang mga make-up artist at hairstylist natin, anak.” Wika ni mama na nilingon namin ang mga itong nakangiti sa amin at yumuko pa sila.
“Naku, madame, maganda po kasi talaga kayong mag-ina. Ni hindi nga kami nahirapan ayusan kayo e. Natural na maganda kayo,” tugon ng leader ng mga ito na sinang-ayunan ng mga kasama.
“Magbihis na po kayo, madame, nand'yan na raw sa baba si gov,” tugon pa ng isa.
Tumayo na kami ni mama. Iniabot nila sa amin ang maisusuot namin. Nagtungo kami sa loob ng wardrobe at magkatulong kami ni mama na nagbihis ng aming dress para hindi magulo ang buhok namin.
Napangiti kami ni mama matapos makapagbihis at tinitigan ang repleksyon namin sa salamin. Bumagay sa amin ang make-up at suot naming dress. Halos hindi nga namin makilala ang aming sarili. Masarap din pala sa pakiramdam na mag-ayos ka. Mas nakakadagdag ng self-confident na humarap sa ibang tao. Pakiramdam ko, lumakas bigla ang loob ko dahil sa itsura ko ngayong gabi.
“Tara na, anak, baka hinahanap na tayo nila Damian,” wika ni mama.
Nakahawak ako sa kamay ni mama at magkasabay na lumabas ng wardrobe. Nandidito pa rin naman ang mga salon staff at napapalakpak pa sila na makita kami ni mama. Napangiti kami sa mga ito.
“Bongga ka day!” impit pa nilang irit na mahinang ikinatawa namin ni mama.
Sakto namang bumukas ang pintuan na ikinalingon namin doon at sumilip si gov na ikinairit ng mga kasama namin. Napangiti si gov na lumapit sa amin at nagniningning ang mga mata.
"Hi, ladies, napakaganda naman ng mag-ina ko," nakangiting saad ni gov na nagyakapan pa sila ni mama.
"Hi, gov!" pagbati pa ng mga staff sa kanya.
Lumingon siya sa kanila at ngumiti. "Hello, salamat sa pag-asikaso sa mga mag-ina ko, hmm? Hindi niyo ako binigo." Wika ni gov sa mga itong napairit.
"It's our job, gov! Salamat po sa pagpili sa amin," kinikilig nilang sagot.
Napangiti naman si gov na bumaling sa aming mag-ina. "Napakaganda mo, honey." Bulong niya kay mama."
Nangingiti namang kinurot pa ito ni mama na napahagikhik. Bumaling ito sa akin na matamis na napangiti. Bakas ang kamanghaan sa mga mata.
"Ikaw rin, hija. Halos hindi kita makilala a. Napakaganda mo," papuri nito sa aking ikinainit ng mukha ko.
"S-salamat po, gov." Sagot ko.
Kumapit kami ni mama sa magkabilaang braso niya at inakay na kaming palabas ng silid. Habang palabas, pabilis naman nang pabilis ang t***k ng puso ko!