ARABELLA:
MAGKAKAHARAP kaming kumain nila mama at Dexter. Alas-onse na din kaya nagtanghalian na kami. Nahihiya nga ako dahil unang umaga ni Dexter dito, tanghali akong bumangon. Kung hindi pa ako ginising ni mama, hindi pa ako babangon.
“Siya nga pala, anak, iyong mga binili ni Damian, doon ka mamili ng isusuot mo mamaya ha? Naalala ko, wala ka palang ibang maisusuot para sa party ni Dexter mamaya,” saad ni mama.
Natigilan ako sa akmang pagsubo at nakikinig si Dexter na kay ganang kumain. Feel at home kaagad ang atake.
“Hwag na po, Mama. Wala akong planong sumama e. Hindi naman kami magka-section ni Dexter. May celebration sila Tina ngayon e. Doon po ako dadalo,” sagot ko na ikinatigil ng mga ito na napatitig sa akin.
Kimi akong ngumiti na nagpatuloy sa pagkain. Kahit nakatitig si Dexter sa akin, binalewala ko. Naroon ang mga kaklase niya at syempre, kasama na si Rebecca.
“Anak, magiging kuya mo na si Dexter. Sa amin ka sumama, hmm?” pakiusap pa ni mama.
“Magtatampo naman po si Tina sa akin, Mama. May tampo na nga sila na hindi ako naka-mart’ya kahapon kasama sila e.” Alibi ko kahit ang totoo, hindi naman nagtatampo si Tina at nakausap ko na sila tungkol doon– gusto ko lang umiwas.
“Anak, hindi pwede, hmm? Inaasahan ni Damian na sasama ka sa amin. Bumawi ka na lang kay Tina, okay? Kahit tawagan ko pa siya,” wika ni mama na kinukumbinsi ako.
“Ayoko do'n, Mama. Wala naman akong kaibigan o kakilala doon e,” sagot kong ikinalamlam ng mga mata nitong nakatitig sa akin.
“Pero nandoon ako, anak. Ako na mama mo. Mas nanaisin mo bang sumama sa mga kaibigan mo, kaysa sa akin?” tanong nito na nagtatampo ang tono.
Napahinga ako ng malalim. Nagpatuloy naman na sa pagkain si Dexter at tahimik lang sa usapan namin.
"Sige po, ayoko naman na kayo ang magtampo. Hindi pa nga ako nakabawi sa inyo sa nangyari kahapon," sumusukong pagsang-ayon ko na ikinangiti nitong hinaplos ako sa ulo.
"Salamat, anak. Kakausapin ko na lang si Tina, hmm? Kahit mag-celebrate pa kayong tatlo sa labas nila Jessa sa susunod." Tugon nitong tinanguhan ko at nagpatuloy na kami sa pagkain.
Matapos naming kumain, naligo na ako bago umakyat ng silid. Naiwan naman si Dexter at mama dito sa sala. Ewan ko pero, may selos akong nadarama na makitang nagkagaanan na sila ng loob. Pakiramdam ko-- inaagaw na ni Dexter maging ang mama ko. Mabuti sana kung gusto din niyang tawagin kong papa ang ama niya para patas lang kami. Ang kaso, madamot siya. Gusto niyang tawaging mama si mama pero ayaw niyang tawagin kong papa ang ama niya.
Pagpasok ko sa silid, nilapitan ko ang mga regalo ni gov sa akin at tinignan muli ang mga dress na naroon. Magaganda silang lahat. Hindi rin sexy o revealing. Pinili ko ang violet na round neck silky dress. Wala itong ibang design pero ang ganda niya at ang lambot ng tela. Abot kalahati ng braso ko ang manggas at lagpas tuhod ang haba. Hindi rin siya fitted sa skirt kaya makakalakad ako nang maayos at malaya.
Pinili kong ipares ang white sandals na nasa 2inch lang ang taas. Hindi naman kasi ako sanay na magsuot ng mataas ang heels. May tatlo kasing wedge sandals dito na pawang magaganda pero natatakot akong isuot at tiyak na matatapilok lang ako.
Inabot ko ang shopping bag ng beauty products. Kumpleto ang set no'n. May soap, sunblock cream, night cream at kahit cleansing. May lotion din siya at pabango. Napangiti ako. Dati, pangarap ko lang makabili ng mga ito, baka sakali maalis ang mga pimples at blackheads ko sa mukha pero ngayon-- heto at narito na sila sa harapan ko.
"Paano ba gamitin ang mga ito?" usal ko na inabot ang isang box ng make-up kit.
Kumpleto ang kulay at may makeup brushes pa. Kahit nga maskara at lipstick, meron din. Kinumpleto talaga ni gov.
Napabuga ako ng hangin na napailing. Muli ding ibinalik ang mga iyon sa bag at hindi rin naman ako marunong gumamit ng mga iyon. Tanging ang perfume lang ang inilabas ko at muling ibinalik sa shopping bag nila ang mga ito, maliban sa isusuot ko.
PASADO alastres, bumaba na kami ng bayan. Hindi pa ako nagbihis at sabi ni mama, may mag-aayos daw sa amin sa bayan mamaya na kinuha ni gov. Si Dexter naman ang driver namin.
“Dito ka sa harapan, panget. Hwag mo akong pagmukhaing driver,” masungit na saad nito sa akin na akmang tatabihan ko ang mama sa backseat.
Napangiwi ako. “Sige na, anak. Sa harapan ka, hmm?” saad ni mama na ngumiti sa akin.
Pinagtitinginan na rin kami ng mga kapitbahay kaya sumunod na lamang ako. May bahagi sa puso ko ang masaya na maranasan kong sumakay sa Mercedes Benz ni gov at si Dexter pa ang driver pero– pilit akong umaktong normal at ipinagsisiksikan sa isipan ko na walang gusto si Dexter sa akin.
Pagkaupo ko, in-start naman na nito ang kotse at nagsuot pa ng seatbelt. Nangunotnoo ito na nilingon ang pintuan sa tabi ni mama bago sa akin.
“Panget, isara mo ‘yang pinto,” aniya sa akin.
Nagtataka naman ako. “Nakasara na oh?” sagot ko na sinungitan din ito.
“Gawin mo na lang kung ayaw mong mahulog,” sagot nito.
“Sarado naman a. Ano ba'ng problema mo?” inis kong sagot dito.
Nagtanggal siya ng seatbelt na dumukwang na halos ikatalon ng puso ko sa ribcage ko! Namimilog ang mga mata ko at halos mahalikan ko na siya sa pisngi! Inabot nito ang pintuan, binuksan at saka isinarado ulit na nang mas malakas saka ako nilingon na mayabang ang ngisi at tingin.
“See? Sumunod ka na lang kasi at hwag umaapila. Para namang mas marunong ka sa akin,” aniya na napangisi pang napasulyap sa mga labi ko bago umayos sa pagkakaupo.
Inirapan ko ito. Saka lang ako huminga at pigil-pigil ang paghinga ko sa pagdukwang niya kanina na konting-konti lang, mahahalikan ko na siya! Sinamaan ko ito ng tingin.
“E ‘di ikaw na matalino.” Ingos ko na inirapan itong ngumisi.
“Seatbelt, panget. Kapag sa harapan ka uupo, siguraduhin mong naka-seatbelt ka. For your safety din naman iyan kaya hwag ka nang umapila pa,” aniya na pinaandar na ang kotse.
Hindi ako sumagot at nagsuot ng seatbelt. Napasulyap pa siya sa akin na pinaningkitan ko. Ngumisi ito na inabot ang sunglasses na nasa harapan saka isinuot na napasipol pa.
Napalapat ako ng labi! My gosh! Sobrang gwapo niya! Hindi ko mapigilang kiligin at mapairit sa isipan! Nangingiti naman si mama na palipat-lipat ng tingin sa amin.
“Alam niyo, para na talaga kayong magkapatid na hindi magkasundo ang mga buntot at palaging nagbabangayan,” nangingiting saad ni mama sa amin.
Napasulyap pa si Dexter sa kanya sa rearview mirror na ngumiti.
“Talaga po, Mama? Pasaway kasi itong isa e. Ayaw makinig sa kuya niya,” wika pa nito na feel na feel tawaging mama ang ina ko.
“Naku, pagpasensiyahan mo na, anak. Hindi naman talaga pasaway si Ara e.” Tugon ni mama dito.
“Opo, Mama. Hwag kayong mag-alala. Isasako ko ito kapag patuloy na sumusuway sa akin.” Sagot pa nitong ikinaikot ng mga mata ko.
“Mama daw. Na para namang mama ko ang nagluwal sa'yo,” ismid ko ditong napangisi na sumulyap sa akin.
“Mama ko siya, panget. E ikaw, hmm? Mas kamukha ko nga siya kaysa sa'yo e. Hindi nga kayo magkamukha ni mama e. Maganda siya habang ikaw-- hindi.” Anitong inirapan ko. “Aba, ilang beses mo na akong iniirapan a.” Aniya pa.
Habang nasa byahe kami patungo sa bayan, nagkukwentuhan sina mama at Dexter. Sa labas lang ako nakamata at nakikinig sa kanila. Malambing makipag-usap si Dexter sa mama ko at magalang din. Nagbibiruan pa nga sila e. Mabuti na lang, hindi niya sinusungitan si mama at sa tingin ko naman. . . gusto niya ang mama ko para sa papa niya.
Inilabas ko ang cellphone ko sa slingbag ko at nag-quick selfie. Pero dahil umaandar ang sasakyan, hindi ako makakuha ng malinaw. Napasulyap naman si Dexter sa akin at itinabi na muna sa gilid ng daan ang kotse.
"Akin na," anito.
Hindi pa man ako pumapayag, kinuha na niya ang cellphone na inilapit pa ang mukha sa akin.
"Mama, sali ka po," anito kaya sumali si mama.
Pinagigitnaan namin si mama at halos magkakadikit na ang mukha naming tatlo. Dahil mahaba ang braso nito, kuhang-kuha kami at loob ng sasakyan. Ilang beses nitong ini-click ang camera.
"We look cute here. Ang ganda po ng ngiti niyo, Mama." Aniya sa selfie namin na nakangiti kaming tatlo.
Hindi siya nagtanggal ng sunglasses na suot niya kaya sobrang gwapo niya roon. Napangiti naman kami ni mama.
"Naku, salamat, anak. Ikaw rin, ang gwapo mo d'yan at syempre, ikaw rin, Ara anak, ang ganda mo." Tugon ni mama na hinalikan pa kami sa ulo ni Dexter bago umayos ng upo.
"Akin na," wika ko dito.
"Sandali lang. Isend ko lang sa akin. Gusto ko ang picture namin ni mama dito e." Aniya pa na ikinataas ng kilay ko.
"Nand'yan ako oh?"
"So? E 'di I will crop it na lang," sagot naman nito.
"Nakaka punyeta ka talaga," bubulong-bulong ismid ko.
"Kuya mo ako, panget. Hwag mo akong minumura." Aniya na inisend sa messenger niya ang picture namin.
"Tss, hindi kita kuya."
Napailing naman ito. Maya pa'y ibinalik na din ang cellphone ko at nagmaneho na muli. Napanguso ako na sinilip na muna ang mga kuha nito at hindi ko mapigilang mapangiti. Lahat kasi iyon ay malinaw at maganda. Hindi nga kita ang mga pimples ko kasi ang linaw at naka-filter din. Pumuti rin ako sa picture namin.
Kinikilig ako at akmang isesend iyon sa group chat namin ng mga kaibigan ko nang sunod-sunod na tumutunog ang notification ko. Nangunotnoo ako na nagbukas sa epbi ko at halos lumuwa ang mga mata na makitang. . .
naka-post sa epbi ko ang selfie namin at naka-tag pa kay Dexter! Trend iyon dahil marami siyang followers at maging ang mga ka-batch namin, nakita at nagsisi-react!
"Ba't mo 'to pinost? Bwisit ka talaga!" sikmat ko at dagsaan na ang comment sa comsec ko!
Karamihan pa naman, inuuyam ako!
"Oops, account mo pala, nakalimutan kong cellphone mo pala iyan," painosente niyang sagot na pangisi-ngisi!
"Asar ka talaga. Namumuro ka na!"