Malamig ang bawat dampi ng hangin sa aking balat na siyang sumasalubong sa akin kada naglalakad ako. Madaling araw pa lang ay tinatahak ko na ang may katahimikang lansangan para makapasok nang maaga sa trabaho. Inagahan ko talaga dahil kung sa tipikal na oras ng umaga talaga ako babiyahe ay malamang na marami akong magiging kaagaw sa pampublikong sasakyan. Ayaw kong mahuli ng pasok ngayon lalo pa na ito ang unang araw ko sa trabaho.
Pagkarating sa kompanya ay sakto lang ang naging dating ko kaya nakahinga pa ako nang bahagya. Isang business casual attire lang ang suot ko kaya kahit papaano ay komportable naman ako dahil ganito rin ang madalas kong suot noong intern pa lang ako.
"Good morning, Ma'am!" nakangiting bungad sa akin ni Kuya Bitoy sa entrada pa lamang. Hindi ko napigilang matawa dahil sa pagiging pormal nito. "Goodluck po sa first day," dugtong pa nito na ikinangiti ko nang malapad.
"Salamat po, Kuya Bitoy! Tuwing umaga niyo lang po ako tatawagin nang ganyan, ha. Hindi ako sanay, eh. Utol na lang po kapag out ko na," pagbibiro ko pa tinugunan niya lang ng tawa saka ako nagpaalam na rin sa kanya para tuluyang pumasok.
Habang tinatahak ang daan papuntang HR Department ay may iilan pa akong nakabatian na pamilyar din naman sa akin dahil minsan ko na ring nakasalamuha noon at binabati ako para sa una kong araw ngayon. Malugod ko rin naman silang pinasalamatan. Dumiretso ako sa HR Department para sa ilang briefings na rin bago ako ilagak sa magiging opisina ko.
Kahit na alam ko naman na ang iilang company policies ay itinalakay pa rin iyon sa akin ng HR Manager. Pagkatapos niyon ay saka niya ako dinala sa department kung saan ako madedestino. Lihim pa nga akong natuwa dahil sa Training and Development ako mapupunta, kung saan din ako noon.
Kaagad na bumungad sa akin si Miss Tiffany na siyang Supervisor dito at siya na raw ang bahalang magtuturo sa akin ng ilang bagay na dapat kong matutunan. Civil lang kami nang magtagpo ang aming paningin dahil kahit naman close kami ay dapat pa rin naming maipakita ang pagiging propesiyonal sa oras ng trabaho.
"Welcome, Miss Monticildez," bati ni Ma'am Tiffany sa akin nang makaalis na ang HR Manager. Binati rin naman ako ng ilang kasamahan ko rito at hindi naiwasang magkabiruan pa.
Maaliwalas naman ang area namin. May sapat na laki at dami ng mga gamit. Combination type ang office namin—both cellular and open office plan. Mas madalas kasi ang meeting sa amin dahil kami ang nag-aasikaso ng mga pa-training o kahit na anong activities inside the organization para sa ikauunlad ng bawat empleyado rito.
Matapos akong bilinan ni Ma'am Tiffany ay itinuro niya sa akin ang table na siyang magiging puwesto ko kaya kaagad akong dumiretso roon. "Mas'yado pa namang maaga, Rosie. You can have your coffee time muna sa pantry," suhestiyon nito sa akin. "Hindi ko na ituturo sa iyo, ah. Alam mo naman na kung saan," biro nitong dagdag.
Tinanguan ko siya at saka nagpasalamat. Naupo na muna ako sa harap ng aking lamesa. Ninanamnam ko pa ang pagkakataon na ito dahil hindi ako makapaniwala na ngayon ay ganap na akong empleyado at hindi na lang basta intern. Hindi ka na estudyante, Rosie. Ganito pala ang pakiramdam kapag first time mo at first day mo sa first job mo. Naka-o-overwhelm.
Inayos ko lang ang iilang gamit na nasa ibabaw ng aking lamesa saka naisipang tumayo para magpunta ng pantry. Kaaalis lang noong nag-iisang tao sa pantry bago ako pumasok. Wala pa naman kasing alas otso ng umaga. Nagtimpla lang ako ng kape at nagmasid lang nang kaunti sa paligid. Sinusubukang kabisaduhin kahit ang maliit na bagay para maging pamilyar sa akin.
Akmang hihigop na sana ako ng aking kape nang mapatingin ako sa lalaking kapapasok lang. Mabilis kong nailayo sa aking bibig ang basong hawak-hawak ko nang mapaso ako sa katitimpla ko lang na kape. Kung hindi ko lang kilala itong lalaki na ito baka hindi imposibleng matulala talaga ako sa kabuuan nito.
"Bawas-bawasan mo ang pagkakape para hindi ka nagugulat nang ganyan," komento ni Ross nang makalapit sa akin at saka nagtimpla rin ng kaniya.
"Bigla-bigla ka kasing sumusulpot, eh," nakairap ko pang sabi habang hinihipan ang aking kape.
Lumingon ito sa akin at bahagya pa ngang ngumisi. "Good morning, ah," sarkastikong aniya.
"Did I ruined your morning?" nakatawa kong tanong.
Nagkibit-balikat ito at saka humigop sa kanyang kape. "Immune na ako, Rosie."
"Hoy! Bakit hindi ka napaso? May blower ba iyang bibig mo?"
"Secret, walang clue."
"Alam mo hindi ka naman ganyan dati sa akin, eh. Natuto ka na talaga," pailing-iling ko pang saad.
"Ito ang bunga ng mga itinuro mo sa akin. By the way, welcome, Miss Monticildez," aniya.
"Salamat! Kinakabahan nga ako, eh. Hindi ko alam kung saan at paano magsisimula. Ganito ka rin ba noong first day mo?"
"It's just normal, Rosie. Mawawala rin iyang kaba mo sa mga susunod na araw. Matuto ka lang na magtanong sa mga kasamahan mo sa mga bagay na hindi ka pa ganoon kapamilyar. Hindi mo naman kailangang matutunan o malaman lahat kaagad. Just observe," imporma niya sa akin habang nakatingin nang seryoso sa akin bago itinapon sa malapit na basurahan ang paper cup na ginamit.
Ganito siya sa akin sa tuwing magbibigay na siya ng bilin, o kapag pinag-uusapan na namin ang mga bagay na seryoso. And I admire him for that.
Nginitian ko siya nang malaki saka nag-thumbs up sa kanya. "Okay po, copy!"
Tinanguan naman ako nito. "Saan ka palang office?"
"Doon pa rin sa Training and Development. Ikaw ba?"
"Compensation Administration."
"Oh. Mabuti na lang pala. Atleast, kaunting pangangapa na lang ang gagawin natin kasi medyo pamilyar na tayo sa mga area natin."
Tumingin si Ross sa kanyang wristwatch at saka nagyayang bumalik na sa kanya-kanya naming office. Pagkalabas ng pantry ay nahinto pa kami dahil magkaibang daan ang office naming pareho.
"Babalik na ako roon. Goodluck sa work," sabi ko pa na tinanguan niya rin. "Hindi mo man lang ba ako ichi-cheer? Pampasuwerte lang ganoon," habol ko pang sambit.
"Kailangan mo pa ba niyon?"
Napasimangot naman ako. "Parang goodluck lang kita ugali, eh," maktol ko.
Ngumiti naman ito sa akin. "You know I always cheer you up, right?" Tumango naman ako. "Goodluck, Rosie. I know you can do very well." Tuluyan na akong napangiti nang malaki saka ko siya binigyan ng salute bago tumalikod.
"What a handsome serotonin, Ross," usal ko sa aking sarili nang makaupo na ako sa aking puwesto.
Naging abala na ako sa mga sumunod na oras dahil nabigyan din naman ako kaagad ng trabaho. Natatawa pa nga ako sa aking isipan dahil baka sa una lang ako ganito kasagana magtrabaho dahil unang trabaho ko pa lang naman. Hindi ko namalayan ang oras. Kung hindi pa ako kinalabit ni Ma'am Tiffany para ayain mag-tanghalian ay baka hindi pa ako tatayo rito sa kinauupuan ko.
Nagsabay na kaming pumunta ng cafeteria ni Ma'am Tiffany. Balak ko pa sanang daanan si Ross para ayain din sanang kumain pero nahihiya naman akong puntahan siya roon. Aabangan ko na lang siya rito.
Nakaupo na kami ngayon ni Ma'am Tiffany nang masaktuhan ko si Ross na kapapasok lang. May kasama siyang dalawang lalaki na mukhang hindi naman nalalayo sa edad naming dalawa. Medyo matured nga lang nang bahagya ang isa.
"Nakausap ko iyang si Ross, eh kasi nakita ko siya rito noong time na kinausap kita. Akala ko nga kasama ka niya. Iyon pala, siya iyong tinutukoy ng HR Manager na dating intern at balak na kuhanin nga. Sasabihan sana kita noon kaso ito namang si Ross, huwag ko raw sabihin sa iyo. Medyo pilyo rin pala iyan, ano?" natatawang kuwento pa sa akin ni Ma'am Tiffany nang makita niya rin sila Ross.
Natawa naman ako. Muli kong nilingon ang gawi ni Ross nang makita kong nakabili na siya ng kanyang pagkain kaya iminuwestra ko sa kanya ang puwesto namin dito dahil may espasyo naman na kasya silang tatlo.
"Sino sa inyong dalawa ang ayaw mahiwalay sa isa't isa?" malisyosang tanong sa akin ni Ma'am Tiffany na mukhang tinitingnan ang bawat galaw ko.
"Ayan na naman kayo, Ma'am. Hindi naman sa ganoon . . . nakasanayan na lang po talaga," depensa ko.
"Sus, naku, naku, naku!" panunukso pa niya sa akin.
Natigil lang kami sa pag-uusap nang bumati ang isang kasamahan ni Ross kay Ma'am Tiffany. Si Ma'am na rin ang nagpaupo sa kanila.
Napatingin sa akin ang dalawang kasama ni Ross kaya tumango lang ako sa kanila nang bahagya bilang pagbati na rin. "Kaya pala nagyaya kang maupo rito, Ross, ah porque may bagong employee," panunukso ng isa. Natawa naman si Ma'am Tiffany.
"Akala ko ba may hinihintay kang kaibigan na papasok dito? Hindi mo na mahintay, ano kaya pumuporma ka ngayon?" dagdag pa ng isa.
Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon kaya sumubo na lang ako ng pagkain.
"She's Rosie," tipid na pakilala sa akin ni Ross sa mga kasamahan niya.
Nagulat ang mga ito kaya nagtaka naman ako. "Rosie? Hindi ba Rosie iyong pangalan ng kaibigan mo? Siya na ba ito?"
Tumango naman si Ross.
"Ay, gagi! Iisa lang pala sila." Sinundan iyon ng tawanan ng dalawa kaya nakitawa na lang din ako sa kanila.
"I'm Dylan, by the way," pakilala noong isang lalaki. Iyong mukhang mas matured.
"Ako naman si Gelo. Mabait at simpleng mamamayan lang ng bansang Pilipinas. Nagbabayad ng buwis," nakaloloko nitong pagpapakilala kaya naman natawa ako nang malakas. Bumaling naman ito sa aking katabi. "Hi, Ma'am Tiffany! Ako nga po pala ulit si Ge—"
"Naku, Gelo! Huwag ka nang magpakilala dahil kilalang-kilala na kita," pabiro naman ding sabat ni Ma'am Tiffany.
Doon ko napag-alaman na kaming dalawa lang pala ni Ross ang bago sa aming lima rito. Pero naging ka-close na rin naman kaagad ni Ross. Random ang napag-usapan namin at ang madalas lang na magsalita ay si Gelo. Taga-suporta lang kami.
"Kumusta naman pala ang pumalit kay Sir Bobby?" kalauna'y tanong ni Ma'am Tiffany.
Kaagad na bumusangot ang mukha ni Gelo. "Medyo hindi ko trip, Ma'am. Napaka-bossy, eh. Akala mo kung sinong CEO kung magmando," ani Gelo.
Nilingon ko naman si Ma'am Tiffany. "Wala na ho si Sir Bobby rito?" gulat kong tanong.
"Ah, hindi. Nailipat siya sa Recruitment, head siya roon. Asensado na si Sir Bobby," sagot ni Ma'am Tiffany.
Hindi naman ganoon kabigat ang naging trabaho ko ngayong unang araw ko, pero hindi rin naman naging ganoon kadali sa akin. Nagliligpit na ako ng aking gamit at handa nang umalis para umuwi. Mas naunang nakapagpaalam sa akin si Ma'am Tiffany dahil may lakad raw siya.
Nakatanggap ako ng text mula kay Ross na nasa Parking Lot na raw siya at doon na lang daw ako dumiretso. Hindi na ako nag-reply, bagkus ay nagmadali na lang ako sa pagliligpit.
Hindi naging mahirap sa aking mahanap si Ross dahil nasa labas siya ng kanyang kotse at hinihintay ako. Nagtama ang paningin namin kaya kinawayan ko siya. Hindi ko nga alam kung bakit natawa siya sa ginawa ko kaya kunot-noo ako noong makalapit sa kanya.
"Bakit mo ako tinatawanan?"
"Nothing."
"Ano nga?" tanong ko sa kanya habang pinagbubuksan ako ng pinto.
"I thought ubos na energy mo, pero mukhang hindi pa," naiiling nitong sabi.
"Ah, akala ko naman kung ano. Magagalit na sana ako kasi imbes na kawayan mo ako pabalik, tinawanan mo lang ako," maktol ko nang makapasok na rin siya at naghahanda nang umalis.
"Na-cute-an lang ako sa iyo," anito.
Mabilis akong napalingon sa gawi niya habang may malapad na ngiti sa aking labi. "Bakit ngayon mo lang na-realize iyan? For almost three years, Ross ngayon ko lang iyan narinig sa iyo. Why?" ma-drama ko na namang saad.
"Don't worry, this is my first and last realization na cute ka pala."
Napabalik ako ng upo sa pagkakasandal ko. "Sige na. Ituloy mo na lang ang pagmamaneho, alipin." Narinig ko pa ang mahina nitong tawa.
Hindi ko alam pero sa kalagitnaan ng biyahe namin ay unti-unti kong nararamdaman ang antok. Pinipigilan ko lang na mapapikit ang aking mga mata dahil alam ko kung ano ang kahihinatnan ko sa oras na hinayaan kong lamunin ako ng antok.
"Saan mo gustong mag-celebrate tayo?" kalauna'y tanong sa akin ni Ross. Tinutukoy niya iyong sinabi niya sa akin kahapon magdidiwang daw kami para sa first job naming dalawa.
"Sa Korea."
"Sige. Simulan mo nang maglakad."
Bahagya akong nag-isip. Nilingon ko siya para sana makapag-isip pa lalo, pero kaagad na may pumasok na ideya sa akin. "Sa favorite nating convenience store," nakangiti kong sagot.
Bahagya ako nitong nilingon at nginitian din ako pabalik. Mukhang parehas naming gusto ang ideya na iyon.
Pupungas-pungas akong napadilat ng mga mata nang may mahinang pagtapik sa aking pisngi akong nararamdaman.
"Mukhang naubos din kaagad ang energy mo," nakangisi nitong bungad sa akin. "Nandito na tayo," imporma niya sa akin.
Kumunot ang noo ko. "Saan na tayo?"
"Korea." Hinampas ko ang balikat niya kaya naman tumawa ito.
Inayos ko lang saglit ang sarili ko dahil bahagyang nagulo ang damit at buhok ko mula sa pagkakaidlip saka nilingon ang paligid.
Nasa tapat na kami ng isang pamilyar na convenience store na matagal ko na ring hindi napapasok. Napangiti naman ako at saka sumabay na din kay Ross sa pagbaba.
"Nakatutuwa naman," usal ko na siyang ikinalingon sa akin ni Ross. "Ang dami kong naalala bigla rito."