"Hoy, Rosamie!"
Mula sa pagkakatingin ko sa aking cellphone ay nilingon ko ang tumawag sa akin na malayo pa lang ay rinig ko kaagad ang boses.
Hinintay ko itong makarating sa aking puwesto nang hindi bumabangon mula sa pagkakahiga ko rito sa duyan na madalas kong pagtambayan. Maganda kasi ang parteng ito. Malilim at magaan sa pakiramdam. Nasa harapan ko lang ang asul na dagat at sa hindi kalayuan ay ang bahay na siyang tinutuluyan namin pansamantala.
"Akala ko ba bakasyon ka? Bakit busy-busy-han ka r'yan, aber?" tanong sa akin ng pinsan ko nang makalapit na at pilit pang nakisisiksik dito sa duyan.
Nagkibit-balikat ako. "Naghahanap lang ako ng kompanya na p'wede kong pagpasahan ng resume."
"Magpapasa ka na ngayon? Agad-agad?"
"S'yempre hindi pa. Bakasyon nga, 'di ba? Nililista ko lang iyong mga p'wede kong pag-apply-an para kapag nakauwi na kami, alam ko na kung ano kaagad ang target ko," paliwanag ko pa sa kanya habang tumatango-tango siya sa akin.
"Ligo tayo!" pagyaya nito sa akin matapos tumayo.
"Ayaw ko. Mangingitim ako," sagot ko sa pinsan ko. Sinamaan naman niya ako ng tingin.
"Para naman itong ewan! Kaya ka nga nagbakasyon, eh."
"Ano ka ba? Kailangan maganda pa rin ako pagkabalik ko ng Maynila. Kasama sa criteria ng job interview ang pagiging disente—s'yempre, isasama ko na rin ang mukha ko," nakangisi kong imporma sa kanya.
"Disente ka lang pero—"
"Maganda ako! Maligo ka na nga roon, hindi iyong nanlalait ka rito," pagtataboy ko sa kanya. Kaagad naman itong tumakbo palayo sa akin habang may mga nakalolokong tawa. "Loka talaga itong babae na ito," usal ko pa sa aking sarili habang tinatanaw ito pabalik sa bahay. Nasa First Year College pa lang itong pinsan kong babae pero malapit kami sa isa't isa kaya kung mag-usap kaming dalawa ay akala mo buwan lang ang pagitan ng tanda namin.
Isinandal ko sa mas maayos na paraan ang aking likuran kaya nakatingala ako sa mga punong nakapalibot sa kinalulugaran ko. Payapa lang ang loob ko na humiga-higa nang ganito kasi alam kong walang Buko ang mahuhulog sa akin. Walang bunga ang punong kinatatalian ng duyan na narito kaya hindi ko alam kung anong klaseng puno ba ito.
Marahan kong idinuduyan ang aking sarili para malibang kahit papaano. Ito na ang pang-apat na araw namin dito sa Bicol at masasabi kong nakatulong ang buong lugar sa pagpapahinga ng aking sarili at maging ng utak ko. Mas nakapag-isip-isip din ako.
Hanggang ngayon ay wala akong balita kay Ross. Ang huling naging pag-uusap lang namin ay noong mag-reply siya sa story ko sa aking social media. “Ingat” lang naman ang sinabi. Gusto ko sana siyang i-chat para kumustahin pero nahihiya naman akong gambalain kaya hindi ko alam kung nagkaroon na ba siya ng plano ngayon o baka parehas kaming nagbabakasyon din. Hindi naman kasi talaga kami mausap, simula pa noon, sa social media dahil madalas naman din kasi kaming magkasama ng personal. Kung may pagkakaparehas kami, iyon ay ang hindi kami mahilig na gaano sa social media.
Mas pinahahalagahan ko ang personal na komunikasiyon.
Natigilan ako sa aking pagmumuni-muni nang marinig ko ang pagtunog ng aking cellphone. Muntikan ko pa nga itong mahulog dala ng gulat. Ikaw ba naman na mag-isa ka lang dito sa tahimik at payapang bakuran sa oras na ala una, ewan ko lang kung hindi ka talaga aatakehin sa gulat.
Tiffany Santos
calling . . .
Bahagya pa akong nabigla nang makita sa screen ang pangalan ni Ma'am Tiffany. Video call. Mabilisang pag-aayos ang ginawa ko sa aking buhok at mukha bago sinagot iyon. Bumungad sa akin ang maganda nitong mukha kaya naman nahiya ako nang kaunti sa aking ayos.
"Rosie!" bungad niya sa akin nang sinagot ko iyon. "Congratulations!" bati pa nito sa akin kahit na binati na rin naman niya ako noong araw mismo ng graduation ko.
"Salamat po ulit, Ma'am. Kumusta po kayo?" Tumayo ako dahil nagha-hang siya sa akin. Dala siguro ng mahinang signal ko. Itinaas ko pa ang hawak kong cellphone para makasagap-sagap nang mas malakas na signal at mukha naman ding gumana dahil luminaw ang boses ni Ma'am kahit papaano.
"Ito, maganda pa rin. Hindi ba halata? Joke lang! Ayos naman ako. Medyo nagtatampo lang dito sa aasawahin ko, pero alam mo naman ako, may pagka-hard-to-get kaya kailangan niya pa akong suyuin ng very light," nakatawang sagot niya sa akin. "Ikaw, kumusta ka?"
"Okay naman din po ako. Narito po ako sa Bicol ngayon at nagbakasyon na muna bago makapaghanap ng trabaho," kuwento ko pa.
"Iyon nga! Speaking of work, ito talaga itinawag ko sa iyo," bakas sa boses nito ang pagkasabik kaya naman na-curious ako kaagad. "Suggest ko na baka gusto mong mag-apply rito. Hiring ang HR Department ngayon dahil may mga nag-retired na sa trabaho . . . Baka lang naman want mo, hehehe," imporma nito sa akin na labis na nagpapukaw ng aking atensiyon.
Bahagya ko pa ngang sinaway ang sarili ko dahil bakit nga ba hindi ko naisip na magbaka-sakali sa kompanya na iyon, tutal doon din naman ako nag-internship at baka kahit papaano ay may chance ako na matanggap.
"Sige po, Ma'am. Aayusin ko na ho ang mga application form para pagkauwing-pagkauwi ho namin ay maasikaso ko na rin kaagad. Salamat po sa pag-inform, Ma'am," sinsero kong sambit.
"Ano ka ba! Ganyan naman kadalasan ang gawain ng karamihang fresh graduate. Try mo lang naman at baka palarin ka na makapasok, 'di ba? Oh, eh 'di magkakasawaan tayong dalawa," biro niya na ikinatawa ko rin naman talaga. "Si pogi ba, may work na?" tukoy nito kay Ross.
Napangiti ako nang bahagya. "H-Hindi ko ho alam, eh. Wala pa akong balita."
"Ganoon ba? Pero baka gusto niya rin na mag-apply rito. Try mo na lang din sabihan."
Nagkaroon pa kami nang kaunting kuwentuhan ni Ma'am Tiffany at karamihan sa mga iyon ay tungkol na sa personal naming buhay. Nang matapos ang tawag ay hinanap ko kaagad ang pangalan ni Ross para sana mag-iwan ng message sa kanya pero nahinto rin nang mag-alinlangan akong ituloy iyon.
Nanatili akong nakatingin sa pangalan niya. Ross Xedric Sarmiento. Sa huli ay pinatay ko na lang din ang data ng aking cellphone. Ayaw ko naman siyang pangunahan. Naisip ko rin na baka mas gusto niyang mag-trabaho o mag-apply ng trabaho nang siya lang—iyong wala ng ako.
Siguro mas mabuti nga iyon para naman matuto na ako nang mag-isa. Iyong wala ng Ross na gagabay at tutulong sa akin sa lahat ng oras.
Ipinikit ko ang aking mga mata kasabay ng pagbuntong-hininga ko. "Bahala na si Batman, Rosie!" usal ko sa aking sarili.
MABILIS ang naging usad ng bawat araw. Kauuwi lang namin kahapon galing sa Bicol at ito ako ngayon, abala sa pag-asikaso ng susuotin ko bukas at dadalhin na rin dahil mag-a-apply na ako ng trabaho sa kompanya kung saan kami nag-OJT noon.
Kinagabihan noong mismong araw na tinawagan ako ni Ma'am Tiffany ay hindi ko napigilang mag-chat kay Ross. Sinabi ko sa kanya ang sinabi rin sa akin ni Ma'am at pati na ang balak kong pag-apply roon sa oras na makauwi na kami. Nabasa niya ang message ko pero hindi siya nag-abalang mag-reply sa akin. Bahagya pa akong nagdamdam noong gabing iyon pero sa huli ay inintindi ko na lang din at baka nagsawa na nga rin talaga sa akin ang lalaki na iyon dahil sa madalas naming pagkakasama at ito na rin siguro ang panahon para makalayo na siya sa akin.
Okay lang. Hindi naman mas'yadong masakit.
Samantalang noong gabi no'ng graduation namin habang nasa Tagaytay kami may pasabi-sabi pa siya sa akin na hindi niya rin daw alam kung paano siya mag-a-adjust kasi nasanay na raw siya sa presensiya ko. Well, it's a bluff. Kasi ang totoo, masaya siya na wala ng Rosie na pabigat. Another okay lang, hindi naman nga kasi masakit.
Pagsapit ng kinabukasan ay maaga akong nag-asikaso ng aking sarili. Itim na slacks, formal white top na pinatungan ko lang ng itim ding blazer, at tinernuhan ko ng satin kitten heels. Sapat lang kasi ang taas ng takong nito na alam kong kaya kong panindigan. Hinayaan ko lang na nakalugay ang aking tuwid na itim na buhok dahil bumagay rin naman sa ayos ko ngayon.
Maaga akong nakarating sa kompanya. Binati pa ako ni Kuya Bitoy na siyang ka-close ko ring guwardiya noong intern pa lang ako.
"Goodluck sa interview mo, iha! Nararamdaman kong makapapasa ka kaya madalas na kitang makikita rito ulit," anito sa akin na ikinangiti ko nang malapad.
"Nawa nga ho, Kuya Bitoy, eh. Salamat po!"
"May dumating din na kasabayan mo ring intern noon. May isa na empleyado na nga," pagbabalita nito sa akin.
Gusto ko pa sanang chikahin si Kuya Bitoy kung ilang dating intern din ang naging empleyado na o kaya nag-apply, kaso kinailangan ko nang magpaalam sa kanya.
Pagkarating sa HR Department kung saan gaganapin ang interview ay may iilan akong nakitang naghihintay roon. Abot-abot ang kaba ko kahit na pamilyar naman na ako sa ilang company policies dito o kahit ang mga empleyado na narito. Malaki pa rin kasi ang tiyansa na ma-reject pa rin ako. Depende pa sa mga isasagot ko sa mismong interview.
Kung sakaling kasama ko si Ross ngayon, paniguradong matatanggap siya tapos ako ay 50-50 pa. Ganoon din.
Ilang minuto na ang nakalipas at palapit na rin ako nang palapit. May ilang lumalabas na mukhang tatawagan na lang daw, at may iba rin naman na mukhang makapagsisimula na rin kaagad bukas. Mukhang iba-iba kasi yata kami ng ina-apply-an na posisyon. May iba na Manager at hindi lahat ay HR Officer.
Nang ako na ang papasok ay mabilis kong pinakalma ang aking sarili. Mahirap mag-isip nang kinakabahan. Pagkapasok ko pa lang ay namukhaan ko na rin ang interviewer, mukhang ganoon din siya sa akin. Mabilis niyang binanggit ang apelyido ko pero naroon pa rin ang pagiging pormal kahit na ba kilala na niya ako. Kinabahan man ako sa unang mga tanong pero kalaunan ay kumalma na rin ako.
Bumalik lang ang kaba ko nang matapos ang interview at oras na ng resulta: kung tatawagan na lang ba ako o pababalikin ako bukas para mag-training. Sa huli ay inanunsyo niya sa akin na tanggap daw ako.
"You are hired, Miss Monticildez not just because you have a record here as our intern, pero isa sa mga naging factor ay ang mga sagot mo. And besides, familiar ka na rin sa kalakaran natin dito—even the company policies. At base na rin sa naging evaluation namin sa iyo ay maganda ang ipinakita mo rito kahit na intern ka pa lang noon. You have a potential to be an employee here. Looking forward to work with you. Goodluck!" anito kasabay nang pakikipagkamay niya sa akin na siyang malugod ko ring tinanggap.
"Thank you so much, Ma'am!"
Matapos kong makapagpaalam at mabilinan na p'wede na raw akong makapagsimula kinabukasan ay lumabas na rin ako ng may ngiti sa aking labi. Habang palabas ay may iilan pa akong nakasalubong na kakilala at nakipagngitian pa sa akin.
Sa wakas, hindi na lang ako basta intern dito—kung hindi, empleyado na rin.
"Kuya Bitoy!" agaw pansin ko sa guwardiyang nakapuwesto sa Main Entrance. "Magsasawa ka na sa mukha ko!" masaya kong bungad sa kanya. Na-gets naman niya ako kaagad dahil lumaki ang ngiti nito.
"Sabi naman sa iyo, eh. Congrats, iha!" Matapos kong makipag-fist bump sa kanya ay nagpaalam na rin ako.
Hindi mapuknat ang aking pagkakangiti habang lumalabas ng establisyemento. Akmang kukuhanin ko sana sa aking bag ang cellphone ko para balitaan sila Mama at maging si Ross na rin sana, nang mamukhaan ko ang isang lalaki na makasasalubong ko.
May hawak itong kape sa kabilang kamay habang nakasuot ng white long sleeve at slacks. Pormal na pormal ang ayos nito. Parang bigla ko tuloy naramdaman na parang ang tagal naming hindi nagkita para hindi ko siya makilala nang ganito. Bakit parang mas gumwapo siya?
Nagkatinginan kami at bakas sa mukha nito ang labis na gulat pero kalaunan ay sumimangot sa akin. "Ang tagal mo."
"R-Ross?" mahinang usal ko saka tinakbo ang pagitan namin para yakapin siya.
Kaagad ako nitong nasalo nang dambahan ko siya nang yakap. Bigla akong nawalan ng pakialam sa buong paligid at maging sa hawak-hawak niyang kape basta mayakap ko lang siya. Niyakap niya rin naman ako pabalik na may halong pag-alalay dahil sa paraan ng pagkakakapit ko sa kanya ngayon. Bigla na lang akong naiyak sa hindi malamang dahilan.
"Bakit ngayon ka lang?" may bahid ng inis sa tono niya nang itinanong niya ito sa akin.
Bumitaw ako sa kanya para matingnan siya nang ayos pero nanatiling nakaalalay ang isa niyang kamay sa likuran ko. "R-Ross, nagawa ko. Hindi ako na-reject sa first interview ko. Sabi sa akin, ang ganda raw ng sagot ko," imporma ko sa kanya na tila ba nagsusumbong.
Ngumiti naman ito sa akin. " I know."
Ako naman ang napakunot ng noo. "H-Huh?" naguguluhan kong usal. "Saka bakit nakasuot ka ng ganyan? May work ka na ba? Saan ka nagwo-work? Saka bakit hindi mo man lang ako kinakausap, o kaya ay kinukumusta, o kaya ni-reply-an man lang sa sinabi ko sa iyo," maktol ko.
"Magiging ka-trabaho na kita," nakatawa nitong sagot. Nanlaki ang aking mga mata at saka siya tiningnan na may halong pang-aakusa. "Noong araw na mag-chat ka sa akin, nakatanggap na ako ng invitation mula sa kanila. Sasabihan sana kita but I want to surprise you. Naisip ko, tutal balak mo rin namang mag-apply rito, might as well na hintayin na lang kita. Kinabukasan noon ay pumunta ako rito at naging ganap nang empleyado," pagkuwento niya.
"Surprise mo mukha mo! Paano pala kung minalas ako at na-reject pala ako kanina, ha?" iritable kong sabi sa kanya.
Tinawanan naman ako nito. "Rosie, I trust you," anito na nagpatikom ng aking bibig. "I trust your capabilities kaya alam kong makapapasok ka. Siguro sabihin na nating . . . may mas kumpiyansa pa ako kaysa sa iyo na matatanggap ka. Kilala kita. Alam ko kung kailan ka desidido at hindi. See? Kaya mo nang wala ako. Magagawa mo kahit wala akong sinasabi sa iyo. Hinayaan kita hindi dahil sa wala akong pakialam, hinayaan kita kasi may tiwala ako sa kakayahan mo," sinsero nitong dagdag.
Kinagat ko nang mariin ang aking labi upang pigilan ang napipinto kong pag-iyak. "Seriously, Ross? Sa gitna ng initan? Talagang dito sa sidewalk?"
Tinawanan na naman ako nito saka pinunasan ang nahulog ko nang luha. "Gusto ko lang naman sabihin sa iyo na . . . kung nakaya kitang pagkatiwalaan nang ganito—kaya mo rin para sa sarili mo."
Hindi na ako nasagot pa kaya niyakap ko na lang siya ulit. "Thank you," bulong ko. Naramdaman ko ang pagtango nito.
"Hindi ready ang polo ko na maging panyo mo ngayon, Rosie. Mamaya pang ala-singko ang uwi ko," biro nito kaya lumayo ako kaagad para pagpagan ang polo niya. "Joke lang. Uuwi ka na ba?" tanong nito kalaunan sa akin.
"Oo. Huwag mong sabihin magpapahintay ka pa sa akin?"
Umiling naman si Ross. "Of course not. Kailangan mong magpahinga na. May pasok ka na bukas," nakangisi nitong sabi sa akin.
"May ten percent din ba ang attendance rito?" nakangisi ko ring tanong.
"Hindi lang ten percent, Miss Monticildez. Buwanang sahod mo ang nakalaan dito," pang-iinis niya sa akin.
"Oo, alam ko. Duh! Nakinig kaya ako sa Labor Law natin," sagot ko pa.
"Sige na, umuwi ka na. Sa iyo na ito," aniya sabay abot ng kapeng hawak niya sa akin.
"Ayaw ko. May bawas mo na iyan. Gusto ko ng bago."
"Bakit ba kapag kusa kong ibinibigay sa iyo saka mo tinatanggihan?" Natawa naman ako. "Hindi ko pa nababawasan iyan. Kuhanin mo na ito," pagpupumilit pa niya na tinanggap ko na rin at kaagad kong tinanggap.
"Salamat," usal ko.
"Bukas na lang tayo mag-celebrate," imporma niya sa akin. "Susunduin kita bukas ng umaga."
Kaagad akong umiling. "Hindi na. Ako na lang. Tuwing papasok, kahit ako na lang mag-isa. Sa uwian na lang tayo magsabay," nakangiti kong sabi. "Ayaw ko naman na maabala pa kita tuwing umaga."
Natahimik naman ito saglit habang nakatingin sa akin bago tumango. "Mag-iingat ka sa pag-uwi."
"Yes po. Ikaw rin. Mag-iingat ka sa pagmamaneho mo mamaya. Goodluck sa work!" masaya kong tugon habang humahakbang nang patalikod sa kanya. Kumaway pa ako bago tuluyang tumalikod sa kanya at nang makapaglakad ako nang maayos.
Malayo-layo na ang nalalakad ko nang muli akong tumingin sa gawi niya. Nakita ko pa rin siyang nakatayo roon habang tinatanaw ako. Napangiti naman ako dahil ganoon na ganoon ang ugali niya sa tuwing naglalakad na ako papalayo sa kanya. Iyong tatanawin niya ako mula sa malayo.