Kanina pa tila sinisilaban ang aking sikmura at wala na ring tigil sa pagkabog nang malakas at mabilis ang aking dibdib, magmula pa kagabi. Gusto kong ikalma lang ang aking sarili pero hindi ko magawa. Nagtataka nga ako kung bakit ganito ang nararamdaman ko imbes na matuwa lang nang sobra. Siguro, kasama na talaga ito.
Nag-flashback lahat sa aking isipan ang mga panahon na kinakabahan pa akong pumasok sa kolehiyo hanggang sa makasanayan ko na ang sistema at maging ang kapaligiran. Iyong panahong hindi ko pa malaman kung ano ang major na kukuhanin ko hanggang sa napagdesisyunan kong kuhanin ang Human Resource Management dahil alam kong ito ang mas kailangan ko sa oras na makatapos ako sa pag-aaral—ang mag-trabaho. Nasa Second Year pa lang ako noon pero ang aking isipan ay malayo na ang nalipad. Iyon ang mga panahong gulong-gulo at hindi ko halos mahanap ang aking sarili. Kung ano ba ang tunay kong gusto at kung paano ako hindi magiging pabigat sa mga magulang ko at pabuhat naman sa aking mga kaklase. At iyon din ang oras ng pagdating ni Ross.
Sa tulong ni Ross ay marami akong napagtanto. Siya ang tumulong sa akin para mahanap ko ang tunay kong sarili. Bilib na bilib pa nga ako sa kanya noon dahil alam na alam niya kung saan ang pupuntahan niya, samantalang ako ay walang anumang nakikitang direksyon na dapat puntahan. Totoo pala na kapag nasa edad dalawampu ka na, roon ka magsisimulang maligaw, malito, at maghanap.
Nababahala ka para sa sarili mo. Naroon din ang mga oras na maiinggit ka sa mga taong kasabayan mo lang din pero nagsisimula na silang kumilos para sa kinabukasan nila. Samantalang ikaw ay nananatiling ligaw. Kung hindi ko lang siguro naging kaibigan at kalapit si Ross, baka hanggang ngayon wala pa rin akong malinaw na plano. Hindi ko pa rin alam ang silbi ko—o kung may silbi nga ba talaga ako.
Sa katunayan, wala pa rin naman talaga akong malinaw na plano. Pero ang mahalaga, alam ko na kung ano-ano ang gusto kong daanan para makarating sa napili kong paroroonan.
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata nang may bumulong sa akin na gawin iyon. Sa pagmulat ko, tumambad sa akin ang sarili kong repleksiyon na may malayong katangian mula sa nakaraan.
"Anak, ang ganda mo!" Rinig kong masayang komento ni Mama na nasa likuran ko habang walang tigil sa pagsuri sa kabuuan ko.
Hindi ko napigilang mamangha sa aking nakikita kung kaya naman buong puso akong sumang-ayon sa sinabi ni Mama. Maganda, simple ngunit pulido ang mga kolorete na nasa aking mukha. Nakaayos din ang aking mahabang buhok na ngayon ay nakakulot na. Malayong-malayo sa itsura at tekstura ng aking buhok kapag nasa normal na mga araw lang.
"Oo, Ma. Maganda talaga iyan si Rosie pero mahuhuli na tayo," sabat ni Kuya na siyang nagpa-alarma sa akin nang lubos.
"Salamat po, Ate Beng!" mabilis kong pasalamat sa kapitbahay namin na siyang nag-ayos sa akin ngayon.
Si Mama na ang nag-abot ng pambayad rito at ako ay mabilis na tumayo mula sa kinauupuan. Hindi ko na alintana ang suot-suot kong sapatos na may takong at ang plantsado kong bestidang puti.
Naging alerto kaming lahat bigla at naghanda nang umalis ng bahay dahil tama nga si Kuya at mahuhuli na kami sa seremonya. Maayos kong bitbit sa aking kamay ang pajah na aming gagamitin ngayon, samantalang hawak ko naman sa isang kamay ang aking cellphone. Marami na pala akong chat mula sa iba kong mga kaklase. Pero walang tatalo sa nag-aalburuto nang si Ross. Marami na siyang missed calls sa akin kaya naman ako na ang tumawag sa kanya ngayon habang naglalakad kami sa gitna ng kalye kasama ng aking pamilya. Hindi ko na nga rin mawari kung anong klaseng lakad na ba ang ginagawa ko sa sobrang pagmamadali na sinabayan pa ng tunog ng takong ng aking sapatos sa tuwing naglalakad ako.
"Nasaan na kayo?" bungad na tanong nito sa akin na may bahid nang kaunting inis.
"I-Ito na. Nakaalis na kami ng bahay," tugon ko.
"Kung kailan talaga graduation, Rosie saka male-late?" ismid pa nitong dugtong na siyang ikinangiwi ko.
Oo nga, ano? Noong may klase kami ay talagang isinapuso ko ang sinabi niya sa akin na mahalagang hindi ma-late sa klase dahil kahit ten percent lang ang attendance ay makatutulong na rin iyong panghatak sa grades. Pero ngayon na araw ng graduation namin ay saka pa yata ako mahuhuli.
Napasapo ako sa aking ulo dala ng pagkadismaya sa aking sarili. "Sorry na. Oh, siya sige. Ibababa ko na ito. Kita na lang tayo r'yan," paalam ko saka ibinaba ang tawag.
Laking pasasalamat ko dahil naging mabilis ang biyahe namin. Napakabuti mo ho sa akin, Lord.
Pagkarating ay kaagad na hinanap ng aking paningin si Ross. Alam ko na kaunting minuto na lang ay magsisimula na nga ang program pero kailangan muna naming magpa-picture sa isa't isa bago magsimula habang fresh pa ako at hindi pa hulas ang make-up sa aking mukha. Ako pa naman ang nag-request niyon sa kanya.
"Ate, si Kuya Ross, oh!" banggit ni Rookie habang bahagyang nakahila ang kamay niya sa puti kong bestida. Sinundan ko sa isang banda ang tinuturo ng kanyang hintuturo at doon ko nga nakita si Ross na kasama ang buong pamilya niya na naging malapit na rin sa akin.
"Hayun si Rosie." Si Ate Gielyn ang unang nakakita sa akin sa gawi nila kaya naman napalingon na rin sa akin sila Ross.
Lumapit naman ako kaagad sa kanila para bumati. "Hello po! Pasens'ya na nahuli ho ako," bungad kong bati matapos magmano kina Tita Rubi at Tito George. Nakipagbeso naman sa akin si Ate Gielyn.
"Ano ka ba! Ayos lang iyan. Worth it naman ang pagka-late mo lalo na ang ganda-ganda mo, oh!" masayang puri sa akin ni Tita Rubi na sinang-ayunan din ng iba kaya bahagya akong nakaramdam ng hiya.
Nagkabatian din sila Mama kila Tita Rubi kaya pansamantalang nawala ang atensiyon ko sa kanila at saka nilingon ang nakasimangot na si Rose. Nilapitan ko naman siya.
"Oo na, late na ako. Huwag mo na akong bungangaan," pangunguna ko sa akmang pagbuka ng kanyang bibig. "Mas lalo kang gumwapo," puri ko sa kanya saka pinagpagan ang ibabaw ng kanyang balikat. Parehas kasi kaming naka-pormal na ayos ngayon. Pinagkaiba lang ay suot na niya ang kanyang pajah.
Lumapit ito sa akin at saka kinuha ang pajah na nasa kamay ko. Ibinigay ko naman iyon sa kanya at hinayaan siyang ilagay iyon sa akin. Talagang inayos niya pa ang pagkakakabit niyon sa akin bago umatras nang kaunti.
"Salamat," sambit ko. Nilibot ko ng tingin ang buong paligid. Maraming tao at pawang mga nakangiti ang lahat. Tulad namin ni Ross, kasa-kasama rin nila ang kani-kanilang mga pamilya para sa mahalagang araw na ito. Hindi ko maitago ang pag-uumapaw ng aking kasiyahan ngayon. Isa ito sa pinakahinihintay naming lahat. "Ga-graduate na tayo. Ang sarap sa pakiramdam," nakangiti kong turan nang muli akong bumaling sa aking kaharap.
"And you made it, Rosie," nakangiti rin niyang sabi sa akin.
Tumango-tango ako. "Yes. And all thanks to you, Mr. Sarmiento," sinsero kong wika.
Hindi nawala ang pagkakangiti niya sa akin. Nawala na ang kaninang nakakunot na mga noo. "Sinabi ko na ba sa iyo noon that I'm proud of you?" kalauna'y tanong niya pa.
"Maybe, yes?"
Humakbang ito palapit sa akin saka hinawakan ang magkabila kong balikat. Ngayon ay nakatingala na ako sa kanya kahit na ba naka-heels na ako. "Well, let me repeat it to you. Proud ako sa iyo since then," anito sabay yakap sa akin.
Tila nakaramdam naman ako nang sobrang pagkatunaw ng aking puso dahil sa sinabi niya. Alam kong ilang beses na akong sinabihan ng ganito nila Mama at Papa kagabi at saka kanina, pero hindi ko alam kung bakit parang may kakaibang haplos akong naramdaman nang sabihin ito ngayon sa akin ni Ross. Marahil, noon pa man ay gusto ko na talagang marinig ito sa kanya. At ngayon, hindi niya lang basta sinabi—kung hindi, ipinaramdam niya rin sa akin.
Sinuklian ako ang yakap niya sa akin nang isang mahigpit na yakap. Alam kong naramdaman niya iyon dahil tumawa ito nang bahagya at bahagya rin akong niyakap nang mahigpit. Sa sobra kong galak ay wala ako halos naiutugon sa sinabi niya. Alam ko kasing anumang oras ay pipiyok ako at magsisimulang bumuhos ang aking luha na ayaw ko namang mangyari sa mga oras na ito. Mas'yado pang maaga para umiyak. Makasisira ako ng atmospera sa ibang makakakita sa akin.
"Ang sweet naman talaga!" Nawala ang nagbabadya kong luha nang marinig iyon. Kumalas kaming dalawa ni Ross sa pagkakayakap para tingnan ang taong iyon. "P'wede ba, umamin na kayong dalawa ngayon, please lang! Ang tagal na namin kayong pinaghihinalaan," dagdag pa ni Jimwell na kaklase naming bakla. Kasama na rin niya ang iba pa naming kaklase na nakipagkumpulan na rin sa amin at sinabayan ang tuksuhan.
"Graduation natin ngayon, huwag niyo na kaming paghinalaan," nakatawa kong sagot sa kanila.
"Ay, weh? Lubog kaagad?" nanghihinayang na komento pa ng isa.
"Anyways, graduation na rin naman natin. Baka p'wede akong . . . bumati sa iyo, Ross—na may kasamang hug?" Sa sinabing iyon ni Jimwell ay nagsitawanan kami na ultimo si Ross ay bahagya ring natawa.
Tumango naman si Ross kaya mabilis na lumapit si Jimwell para yakapin si Ross. Inulan namin siya ng tukso na sinabayan pa namin ng palakpakan kaya pinagtinginan kami ng ibang tao.
"Oh, iyong mga may crush d'yan kay Ross. Iyak na kayo kasi nakayakap ako. Kayo hindi, ble!"
Nagkaroon pa nang kaunting asaran at tawanan. Lumapit pa nga ang iba naming naging Prof at binati kaming lahat. Natigil lang kami nang mag-anunsyo na ang emcee na magsisimula na kaya nagkanya-kanya na kami ng puwesto.
Naging matiwasay ang daloy ng buong seremonya. Hindi rin napigilan na maging emosyonal ng bawat isa sa bandang dulo ng programa pero bakas sa mukha ng lahat ang saya at pagka-satisfy sa tagumpay ng bawat isa.
Kanya-kanyang paalamanan at batian pa ang nangyari bago kami tuluyang nakabalik sa pamilya naming naghihintay. Sabay na naming pinuntahan ni Ross ang pamilya namin. Nagulat pa nga ako nang sabihin nila Tita Rubi na magsama-sama na lang daw kaming kumain for celebration. Hindi naman din kasi ganoon kalapit ang pamilya ko sa pamilya nila Ross dahil hindi naman din sila laging nagkakasama at nagkikita. Sadyang kilala lang namin ang isa't isa dahil sa aming dalawa ni Ross.
Sa malapit na kainan lang kami nagpunta at halo-halong usapan na ang naganap. Kung paano mag-usap ang mga matatanda, ay ganoon ang kinalabasan ng usapan sa hapag-kainan. Hindi nawala roon ang tawanan at kuwentuhan na paminsa-minsan ay nakikisali kami.
Dumating ang oras na kinailangan nang magsiuwian pero saka naman nag-alok si Ate Gielyn na kung gusto raw ba naming magkaroon ng time ni Ross para mag-celebrate ng kami lang. Sumang-ayon naman ang pamilya ko roon kaya um-oo rin ako dahil gusto ko rin naman ang ideya na iyon.
Kami na ang gumamit ni Ross sa sasakyan na gamit ng pamilya nila at nag-commute na lang sila Tita Rubi kasama sila Mama. Suot-suot pa rin naming dalawa ang damit namin habang tinatahak ang daan papuntang Tagaytay. Mukhang doon kami sa dati naming pinuntahan dahil natatandaan ko pa ang bawat nadaraanan namin.
"May gusto ka bang ipabili?" tanong nito sa akin nang maupo kami sa dati naming pinag-upuan noon.
Umiling ako. "Wala naman. Busog pa rin naman ako dahil sa kinain natin."
"Okay. I think, coffee will do?"
"Yes, please," sang-ayon ko dahil bigla akong nag-crave roon. Siguro ay dahil naaamoy ko ang halimuyak ng kape mula rito sa kinauupuan ko dahil hindi naman din kalayuan ang store na may nagtitinda ng kape.
Mas'yado nang malamig sa buong lugar lalo pa na gabi na rin. Naka-bestida pa naman ako ngayon. Kahit naman may manggas ito ay hanggang balikat ko lang naman. Tagos pa rin ang lamig.
"Here." Kaagad kong iniabot ang kape na kabibili lang ni Ross. Humihigop ako rito nang maupo siya sa akin tabi na tulad ko ay sumisimsim na rin sa sariling inumin. "Wala akong dalang jacket," aniya kalaunan nang mapansin yata ang panginginig ko nang bahagya.
"Ayos lang. Hot naman ako, eh," biro ko pa na ikinaasim ng mukha nito. Sa huli ay natawa na rin siya tulad ko. "Mamimiss ko ito," pagkuwa'y sabi ko.
Lumingon naman ito sa akin. "Ang alin?"
"Ito, iyong mga ganitong klaseng pag-uusap natin. Alam ko kasi na soon ay bihira na natin itong magagawa—o baka hindi na nga, eh. Lalo pa na graduate na tayo ngayon," paliwanag ko.
"P'wede pa rin naman mangyari kung gugustuhin natin."
"Oo nga, pero . . . ang totoo kasing ikinakabahala ko ay . . . paano na ako kung hindi na kita kasama?" mahina kong usal habang nakaiwas ng tingin sa kanya. Natahimik ito. "Nasanay kasi ako na nariyan ka palagi. H-Hindi ko alam kung paano ako mag-aadjust," pag-amin ko.
"Ano ba ang plano mo pagkatapos ng araw na ito?"
Nag-isip naman ako nang bahagya. "Uuwi kasi kami sa probinsya nila Mama ngayong darating na linggo. One week din kami roon. Gagamitin ko rin iyong chance na iyon para ayusin ang mga requirements na kakailanganin ko sa oras na mag-apply na ako ng trabaho. Kasi pagkauwi namin ay saka na ako magsisimula. Kumbaga, magpapaka-enjoy muna ako ng isang linggo para ihanda na rin ang sarili ko," sabi ko sa kanya na matamang nakikinig sa akin. "Ikaw ba? I'm sure ako na mayroon ka ng plano," nakatawa ko pang dagdag.
Bumuntonghininga ito kaya naman nilingon ko siya. Hindi ko mabasa kung ano ang nasa isip niya ngayon. "Actually, I already prepared my requirements—most especially, my CV. Pero hindi ko alam at bigla na lang akong nablangko sa susunod kong gagawin. Honestly, I don't have any plans after this day," pag-amin nito na ikinagulat ko.
"N-Ngayon ko lang yata narinig iyan sa iyo. For real ba iyan?" paniniguro ko na ikinatango niya. "Bakit naman?"
Tumingin ito sa mukha ko na siyang ginawa ko rin. "Maybe we share same sentiments . . . "
"Alin doon?"
"Hindi ko rin alam kung paano mag-aadjust gayong nasanay na rin ako na lagi kang kasama."