Aira's POV
Kinabukasan, parang wala lang nangyari. Parang walang misteryosong papel, walang banta mula kay Zeke, at walang malamig na boses na sumisigaw sa hallway kagabi.
Pero sa loob ko, alam kong may kakaiba sa lugar na 'to. May tinatago ang mansyong 'to... at si Zeke.
Habang nagwawalis ako sa malaking receiving area, hindi ko maiwasang mapatingin sa mga pader. Parang may mga matang nanonood kahit wala kang nakikita. Kahit 'yung mga painting, parang may buhay. Lalo na 'yung babaeng may hawig sa'kin. Hindi ko alam kung guni-guni lang, pero pakiramdam ko, sinusundan niya ako ng tingin.
"Hoy," tawag ng isa sa mga kasambahay, si Clara. "Ikaw 'yung bagong maid, 'di ba?"
Tumango ako habang patuloy sa pagwawalis.
"May tip ako sa'yo," sabay lapit niya. "Kung gusto mong mabuhay nang matagal dito, wag kang magtanong. Lalo na tungkol kay Sir Zeke."
Napahinto ako.
"Bakit?"
"Hindi mo na kailangan ng dahilan. Maniwala ka na lang. Ako na nagsasabi sa'yo, lahat ng nagtangkang malaman ang sikreto ng mansion na 'to, nawala. Walang paalam. Walang bakas."
Hindi ako nakasagot. Pero sa loob-loob ko, mas lalo lang akong naging curious.
Pagsapit ng hapon, inutusan ako ng matandang kasambahay na magdala ng tray ng pagkain sa ikalawang palapag, sa mismong opisina ni Zeke. Sa isip ko, bakit ako pa?
Pero hindi na ako tumanggi.
Pagdating ko sa tapat ng pinto, kumatok ako.
Tok... tok...
"Come in," malamig niyang boses.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto. Ang loob ng silid, puro itim at kahoy ang disenyo. Malinis. Malamig. At sobrang tahimik.
Nasa may malaking desk si Zeke, may hawak na papel at parang may binabasa. Nakaayos ang buhok niya, naka-black dress shirt na nakabukas ang unang dalawang butones. Para siyang artista. Pero hindi 'yung sa teleserye kundi 'yung tipong killer sa pelikula.
Nilapag ko ang tray sa mesa sa tabi.
"Gusto niyo po bang i-init pa?" tanong ko nang mahinahon.
Hindi siya sumagot. Tumingin lang siya sa'kin, matagal. Sobrang tagal. Para bang binabasa niya ang buong pagkatao ko gamit lang ang mga mata niya.
"Umupo ka."
Napakunot ang noo ko. "Po?"
"Sit."
Hindi ko alam kung bakit, pero sumunod ako. Umupo ako sa upuang nasa tapat ng mesa niya. Ilang segundong katahimikan ang dumaan bago siya nagsalita muli.
"Do you know how to use a gun?"
Nanlaki ang mga mata ko.
"Ano po?"
"I said, do you know how to use a gun?"
Umiling ako. "Hindi po. Bakit n'yo po tinatanong?"
Tinitigan niya ako. "Good."
Tumayo siya, pumunta sa may kabinet sa likod, at may kinuha. Isang maliit na kahon.
Paglapag niya sa mesa, binuksan niya 'yon. At nandoon ang isang baril. Maliit lang, pero halatang totoo at nakakamatay.
Hindi ako makagalaw. Nanigas ang buong katawan ko.
"In this house, you must be ready. Anything can happen," sabi niya.
"B-bakit po 'yan pinapakita sa'kin?" halos pabulong kong tanong.
"Because curiosity kills. And weakness is punished."
Tumayo siya, lumapit sa'kin, at inilapit ang mukha.
"Do your job, Aira. And pretend you saw nothing."
Pagbalik ko sa kwarto ko, nanginginig pa rin ako. Sa isang araw lang, dalawang beses na akong muntik mawala sa sarili.
Pero mas pinagtataka ko...
Bakit kahit anong lamig ng kilos at boses niya...
...parang sa mata niya, may lungkot?
Gabi na. Tahimik sa buong mansion pero sa dibdib ko, parang may rumaragasang tambol. Hindi ko makalimutan 'yung baril na ipinakita ni Zeke kanina. Totoo 'yon. Hindi laru-laruan. At nakita ko sa mata niya na kaya niya akong patayin ng walang pag-aalinlangan.
Habang nakahiga ako sa kama, pilit kong iniisip na bukas ay normal na ulit ang araw ko. Maglilinis. Magwawalis. Magpupunas ng alikabok. Uiiwas sa gulo.
Pero parang hindi na ako makakabalik sa normal simula nang pumasok ako rito.
Biglang...
KRIIIING.
Napatalon ako sa kama. Telepono. 'Yung lumang landline sa gilid ng kwarto ko, bigla na lang nag-ring. Hindi ko maalalang may tumawag na dito kahit isang beses.
Dahan-dahan akong lumapit, inangat ang receiver.
"...Aira?"
Nanlaki ang mata ko. Babae ang boses. Mahina. Pa-whisper. At tila humihikbi.
"Sino 'to?" tanong ko agad.
"Wala ka bang naririnig? Wala ka bang naaamoy? Tumatakbo na ang oras. Kapag hindi ka lalayo, ikaw ang susunod."
"Ha? Anong ibig mong—"
CLICK.
Naputol ang tawag.
Humigpit ang hawak ko sa receiver. Hinanap ko agad kung may caller ID pero wala. Analog 'yung telepono. Walang screen. Walang kahit ano. Parang ghost call.
Ikaw ang susunod.
Hindi ko alam kung warning 'yon o banta.
Biglang may naamoy akong kakaiba. Usok. Amoy nasusunog.
Tumakbo ako palabas ng kwarto.
Pagbaba ko ng hagdan, nakita ko agad ang kusina at may apoy sa ibabaw ng gas stove! Tumalsik ang mantika at nasunog ang nakapatong na basahan.
"Tubig! Tubig!" sigaw ko, pero walang tao. Lahat ata tulog na.
Kumuha ako ng timba sa lababo at ibinuhos sa apoy. Mabuti na lang at agad kong naapula.
Humihingal ako sa sahig, nanginginig pa rin. Doon ko lang napansin...
May papel na naman.
Sa ilalim ng ref. Medyo nadikit sa tubig pero nabasa ko pa rin.
'You were warned.'
"WHAT THE HELL HAPPENED HERE?"
Malamig. Matigas. At pamilyar na tinig.
Pag-angat ko ng tingin, nandoon si Zeke, nakatayo sa may pintuan ng kusina, suot ang itim niyang coat. Halatang kagigising lang pero alerto ang katawan.
"A-aksidente lang po! Nasunog po 'yung tela, pero naagapan ko na!" paliwanag ko agad habang pinupunasan ang sahig.
Tahimik siya. Tinitigan lang ako.
Tumalikod siya at tumungo sa lababo. Nagbukas siya ng gripo, hinugasan ang kamay, saka nagsalita.
"I'm not stupid, Aira."
"Po?"
"Things like this don't just happen."
Naglakad siya palapit. Tumayo sa harap ko. Ilang pulgada lang ang layo namin. Tumingala ako.
"Who did this?" tanong niya.
Umiling ako. "Wala po... wala akong alam."
Hinawakan niya ang mukha ko gamit ang dalawang daliri, marahan, pero may bigat.
"People in this mansion don't survive because they're lucky. They survive because they know how to shut up."
Kumakabog ang dibdib ko. Hindi ko alam kung dahil sa takot, kaba, o pareho.
Bumitaw siya at tumalikod.
"Go back to your room. Clean this mess tomorrow."
Naiwan akong nakatayo sa gitna ng kusina, hawak pa rin ang basang trapo at ang papel sa palad ko.
Hindi ko alam kung anong mas dapat kong katakutan
Ang mansion,
Ang mga lihim dito,
O si Zeke mismo.
Pero isa lang ang malinaw.. Simula ngayong gabi, hindi na ako simpleng kasambahay.
Pagbalik ko sa kwarto, hindi ako makatulog.
Inikot ko ang buong silid para lang masigurong walang kakaiba. Lahat ng sulok, ilalim ng kama, loob ng aparador. Binuksan ko pa ang ilaw ng banyo kahit hindi ko kailangan.
Pero kahit na maliwanag, ramdam ko pa rin 'yung bigat sa dibdib ko. Para bang may nakatingin pa rin.
Dahan-dahan akong humiga, pero nananatiling gising ang diwa ko.
Hindi ko alam kung ilang minuto na ang lumipas nang biglang may narinig akong tunog ng yabag. Banayad. Galing sa labas ng kwarto.
May gising pa?
Tumayo ako, marahan kong binuksan ang pintuan, saka sumilip. Madilim ang hallway. Pero may mahihinang boses sa dulo... mula sa may likod ng hagdan. Para bang may mga nag-uusap.
Dahan-dahan akong lumapit.
Hindi ko alam kung anong nagtulak sa akin. Curiosity? Takot? Kakulangan sa tamang pag-iisip?
Nagkubli ako sa likod ng malaking paso ng halaman malapit sa sulok. Doon ko narinig nang mas malinaw ang mga tinig.
"...hindi pwedeng malaman ng babae," sabi ng lalaking boses. Hindi ko kilala, pero may diin ang pananalita.
"Boss said to keep her close. She's clueless," isa pang lalaki. Mas malalim ang boses. May accent.
"Clueless? Or playing dumb?"
Babae? Ako ba 'yung tinutukoy nila?
Naramdaman kong nanlalamig ang palad ko. Hawak ko pa rin 'yung lumang papel na nakuha ko sa kusina.
"Once she finds out about the shipment, she becomes a threat."
Shipment? Anong shipment? May kinalaman ba 'to sa mga armas? Sa mafia?
"Then eliminate her before she talks."
Halos mabitawan ko ang hawak ko.
Gusto kong umatras, bumalik sa kwarto, tumakbo palabas ng mansion kung kinakailangan pero bago pa ako makagalaw...
"Who's there?"
Nanigas ako.
May boses na sumigaw. At biglang tumahimik ang paligid.
Lintek.
Humakbang ako paatras, pero natapakan ko ang paso.
CRACK.
"Run!" sigaw ng isang lalaki.
Tumakbo ako pabalik sa kwarto, mabilis kong sinarado ang pinto at ni-lock. Hindi ko na alam kung may humabol. Hindi ko na inisip. Basta ang alam ko, ligtas na ako sa ngayon.
Huminga ako ng malalim. Sobrang bilis ng t***k ng puso ko, para bang puputok.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Napatulo ang luha sa pisngi ko.
"Anong pinasok ko...?" mahina kong sabi sa sarili.
Akala ko simpleng trabaho. Akala ko malaki lang ang suweldo kasi mayaman ang amo.
Pero ngayong gabi, malinaw sa akin...Hindi ako tinanggap dito para lang maglinis.
May mas malalim silang dahilan. At unti-unti na akong nalulubog.