Aira's POV
Hindi ako nakatulog buong gabi.
Laging bumabalik sa isip ko 'yung mga tinig kagabi. 'Yung salitang "eliminate" para bang ako lang ang normal na tao sa lugar na 'to. Para akong tupa na napadpad sa kulungan ng mga lobo.
Kinabukasan, tahimik lang ako habang naglilinis sa hallway. Parang walang nangyari. Pero bawat hakbang ko, may kaba. Bawat sulok, tinitingnan ko. Lahat ng kasambahay na madaanan ko, pinagmamasdan ko.
Kahit 'yung mga simpleng tanong "Anong oras ang kainan?" o "Pwede bang gumamit ng kusina?" parang may laman. May mga tingin na parang nagsasabing, "Tumigil ka na, kung ayaw mong mawala."
Habang naglilinis ako sa may library, napansin ko ang isang malaking bookshelf sa bandang dulo. Puno ng makakapal na libro, puro pang-English, puro hindi ko maintindihan.
Pero may isa doon na parang naiiba.
Mas makintab ang gilid. Mas bago ang papel. At nakalitaw nang bahagya, parang sinadyang itulak palabas.
Hinila ko ito, at biglang...
KLIK.
Ha?
Gumalaw ang buong bookshelf. Unti-unting umusog paatras at may lumitaw na maliit na daanan sa likod. Madilim. May bahagyang amoy ng lumang kahoy at alikabok.
Secret passage?
Nagdalawang-isip ako kung papasukin ko. Pero kung hindi ako kikilos ngayon, kailan?
Luminga-linga ako. Walang tao. Dahan-dahan akong pumasok, hawak ang basang pamunas na dala ko, kahit papano may panlaban man lang.
Habang bumababa ako sa makitid na hagdan sa loob, ramdam ko ang lamig ng hangin. Parang nasa ilalim na ako ng lupa. Tahimik. Tanging yabag ko lang ang maririnig.
Pagdating ko sa dulo, may maliit na ilaw mula sa bumbilyang dilaw. Maliwanag nang kaunti, sapat para makita ko kung nasaan ako.
Dumaan ako sa isang hallway na may bakal na pinto sa dulo. May keypad. Walang label. Walang clue kung anong meron sa loob.
Ano 'to...?
Hindi ko pa man nasusubukan ang pinto, biglang...
"What the f*ck are you doing here?"
Halos mapatalon ako.
Pamilyar ang boses. Mababa. Galit.
Si Zeke.
Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Hindi ko alam kung mas nanginginig ang tuhod ko dahil sa malamig na hangin sa ilalim ng mansion, o dahil sa boses na pumunit sa katahimikan.
Si Zeke.
Nakatayo siya sa dulo ng hallway, hawak ang isang flashlight, at diretso ang titig sa akin. Hindi ko siya matingnan sa mata. Para akong batang nahuli sa kasalanan.
"Bakit ka nandito?" malamig niyang tanong.
Hindi ako makasagot agad. Gusto kong magsinungaling at sabihing naligaw lang ako. Pero sa tingin ng mga mata niya, hindi na puwede ang paawa.
"Na-curious lang po ako... may libro kasi sa shelf, gumalaw siya. Tapos may daanan..." paliwanag ko, halos pabulong. Pilit kong hindi ipakitang nanginginig ako.
Lumapit siya. Mabigat ang bawat hakbang. Pakiramdam ko bawat hakbang niya ay parang hatol sa ginagawa ko.
Paglapit niya sa akin, huminto siya ilang hakbang lang mula sa mukha ko. Tiningnan niya ang keypad, tapos ako. Parang sinusukat niya kung hanggang saan ang lakas ng loob ko.
"Hindi mo dapat 'to nakita," aniya, mababa ang boses. "Hindi mo alam kung anong klaseng lugar 'to."
"Bakit? Ano bang meron dito?" tanong ko, mahina pero diretso. Wala na rin namang silbi ang umiwas pa.
Tinitigan niya ako. Matagal. Parang nagdadalawang-isip kung sasabihin niya ba o hindi. Hanggang sa bigla siyang tumalikod at lumakad pabalik sa hagdan.
"Sumunod ka."
Hindi ako agad nakagalaw. Pero nang lingunin niya ako at sinabing, "Now," dali-dali akong sumunod.
Habang paakyat kami pabalik sa library, tahimik lang siya. At ako? Hindi ko rin alam kung dapat ba akong matakot o mas ma-curious pa.
Pagkalabas namin ng secret door, isinara niya ang shelf gamit lang ang isang pindot sa gilid. Wala na akong makikitang palatandaan na may pintuan pala roon.
"Makinig kang mabuti," aniya habang nakatalikod sa akin. "You're here to clean. Not to spy. Not to investigate. And definitely not to wander into places that could get you killed."
Natigilan ako. Get me killed?
Humarap siya sa akin, seryoso ang mukha.
"I let you live this time, Aira. Don't make me change my mind."
Pagkatapos ng banta ni Zeke, hindi na siya nagsalita. Umalis siya, iniwang nakatayo ako sa gitna ng library mag-isa, tuliro, at puno ng tanong.
"I let you live this time."
Paulit-ulit 'yon sa isip ko habang binabalikan ko ang bawat hakbang pabalik sa kwarto ko.
Wala akong ginawang masama. Pero pakiramdam ko, may kasalanan akong hindi ko alam. Parang kahit anong gawin ko, mali. At ang pinakamasakit, hindi ko alam kung sino ang puwedeng pagkatiwalaan dito.
Pagbalik ko sa kwarto, isinara ko agad ang pinto at inilock. Inilapit ko ang silya sa likod ng doorknob para kahit papano, may dagdag na proteksyon.
Hinubad ko ang medyas kong basa sa pawis. Kumapit na 'yung kaba sa buong katawan ko. Anong pinasok ko?
Tahimik ang buong gabi.
Hanggang sa...
BLAG!
Napabalikwas ako. May malakas na tunog sa labas. Para bang bumagsak ang isang bagay. O mas malala... isang tao?
Dahan-dahan akong lumapit sa pinto. Idinikit ko ang tainga ko sa kahoy.
May mga yabag. Mabilis. Mabibigat. Tapos, isang boses na hindi ko kilala, pabulong pero galit.
"Tapos na siya. Linisin n'yo."
Kasunod nun, may tunog ng pagkaladkad. Parang hinihila ang mabigat na bagay sa sahig.
Tumakbo ako pabalik sa kama, kinuha ang unan, at isinubsob ang mukha ko doon, hindi para matulog kundi para hindi marinig ang sarili kong pag-iyak.
Ito na ba 'yung kinatatakutan kong mangyari? May pinatay na ba?
At paano kung ako na ang susunod?
Kahit anong pilit kong ipikit ang mata, hindi na bumalik ang antok. Ang natatandaan ko na lang, ay ang pagdilim ng paligid habang may hawak akong dasal sa dibdib.
"Panginoon... sana bukas buhay pa ako."