"Talaga? Wala kang gusto kay Gavin?" usisa ni Tinay kay Erica. May pagdududa ang una sa kaibigan. At sinong hindi magkakagusto kay Gavin? Nasa isip ni Tinay na baka may lihim din na pagtingin ang matalik na kaibigan sa lalaking hinahangaan. Hindi siya makakapayag. Sa kanya lang dapat si Gavin at walang sinuman ang maaaring ibigin ng binata kundi siya lang. Siya lang ang karapat-dapat sa binata.
Maganda naman siya. Pang modelo ang kanyang tindig at postura. Isang malaking insulto kung ipagpapalit lang siya sa kung sinumang babae na walang ka dating dating.
"Kita mo itong babaeng ito!Kelan ba ako nag sinungaling sa iyo? Kahit pa manligaw si Gavin sa akin basted pa rin siya. Hindi ko siya type. Para sa akin, kayo ang bagay sa isa't isa," hinampong sumbat ni Erica sa kaibigan. Nais man niyang magtampo kay Tinay ay naiintindihan niyang sadyang gustong gusto nito si Gavin.
"Talaga ha? Promise mo yan ha!" makulit na gagad ni Tinay kay Erica.
"Ang kulit naman. Hindi ko nga siya type eh!" Gusto ng magalit ni Erica sa pagiging paranoid ni Tinay.
Umalis na lang si Erica. Naumay na siya sa kakulitan ng kaibigan at nagpasya na pahupain ang emosyon ng kaibigan atsaka na niya ulit kausapin ito.
Umuwing laglag ang balikat ni Erica. Matamlay siyang umakyat sa kanilang bahay. Tanghali na kaya nagpasya siyang magluto na ng pananghalian. Iinitin na lang niya ang natira ng lechon paksiw at gumawa siya ng ensaladang pipino at labanos na may maraming sibuyas.
Magsasaing na dapat siya ng bumukas ang pinto. Iniluwa noon ang kanyang Tatay at si Senyorito Harvey. Nanlaki ang kanyang mata at tiningnan ang ama na tila nagtatanong ang mga titig kung bakit naroon ang amo.
"Magandang tanghali po Senyorito Harvey. Pasensya na po kanina may importante lang na pinuntahan," ang paliwanag nito sa amo sa biglang pag-alis kanina.
Wala namang naging reaksyon ang nabanggit bagkus ay umupo lang ito sa upuan sa sala. Parang may - ari ng bahay ng kumuha ng photo album at binuklat ang bawat pahina.
Lumapit ang ama sa anak at sinabihang magdagdag ng isasaing na kanin dahil doon manananghalian ang binatang amo.
Biglang naasiwa si Erica. May duda siyang isang palabas lang ang biglang pag iiba ng pakikitungo ng binatang amo sa kanila. Pero magkaganunman pa man, ayaw niyang mag-isip ng masama. Maging mapagmatyag na lang siya sa mga susunod na hakbang ng huli.
Treinta minutos lang ay luto na ang kanin at naghain na si Erica. At dahil dito sa kanila manananghalian ang amo ay inilabas niya ang magandang pinggan na sadyang para sa bisita lang ginagamit.
"Halina't mananghalian Tay, Senyorito Harvey," tawag niya sa dalawang nakaupo sa sala. Umupo sa kabisera ang ama at sa katapat na silya naman ang binatang amo.
Magsasandok na sana si Harvey ng pagkain ng nag aya ng maikling panalangin si Erica. Yumuko silang tatlo at nagpasalamat sa grasyang nasa hapag.
Tila nahiya naman ang binatang amo at pinauna ng kumuha ng pagkain si Mang Enrico.
"Huwag po kayong mahiya Senyorito. Pagpasensyahan n'yo na ang aming nakayanan, " magalang na sabi ng una sa huli.
"Ako nga po ang nahihiya at nakikain pa po ako sa inyo Mang Enrico," sagot naman ng binata.
Kahit naman pala sutil ay may urbanidad naman ang binatang amo. Pinauna na ang tauhan na kumuha ng makakain bago pa ito sumandok ng pagkain.
Samantalang tahimik lang na nakamasid si Erica sa talastasan ng dalawang kasalo sa hapag kainan. Ang dalawa ay abala sa pag-uusap ng mga bagay na may kinalaman sa palaisdaan.
Ninamnam ni Erica ang ensalada ng biglang bumaling ang binata sa kanya.
"Masarap ka palang magluto Erica. Magandang kombinasyon ang napili mong ulam. Hindi nakakaumay. Pwede ka nang mag-asawa, " walang kagatol-gatol na sabi ng binata sa tahimik na si Erica.
Nagulat siya sa biglang komento ng amo. Napangiwi sa obserbasyon ng binata. Siya ding paglunok ng kinakain at sa di malamang dahilan ay biglang nasamid siya. Umubo si Erica at pinukpuk ang dibdib ng kanyang palad para makahinga.Dali dali namang napatayo ang ama para kumuha ng tubig at ang binata ay hinimas ang likod n'ya.
Biglang bumilis ang t***k ng dalaga sa pagdaiti ng palad ng binata sa kanyang likod. Tila ilang libong boltahe ng kuryente ang dumaloy sa kanyang mga ugat. Napaigtad siya at napatingin sa binata.
Inabutan siya ng ama ng tubig. Uminom siya ng dalawang lagok at nahimasmasan kaagad. Tiningnan ni Erica ang binata kung seryoso ba ito sa mga pinagsasabi.
Pormal ang mukha ng binata at muling naupo sa katapat ng dalaga. Tahimik silang nagpatuloy sa kanilang pananghalian.
Matapos kumain ay nagligpit na si Erica ng pinagkainan. Ang ama at ang amo ay lumabas na ng bahay at naglakad sa bakuran at binaybay na ang daan patungong palaisdaan.
Nawili naman ang dalaga sa kanyang paglilinis ng kusina. Lumabas na din siya kalaunan at namitas ng kangkong sa kanyang hardin sa likod bahay. Plano niyang magluto ng adobong kangkong. Tamang tama at may oyster sauce pang natira mula sa mga sangkap na ginamit noong nakaraan bisperas ng fiesta.
Pagkatapos mamitas ng gulay ay nilinis na din ang bakuran. Nagwalis siya sa palibot ng bahay at nagdilig na din sa kanyang munting gulayan at mga potted plants.
Sadyang kaaya-aya ang kanilang bakuran kung titingnan sa malayo. Kahit kasi maliit lang ang kanilang bahay na gawa sa kahoy ay maayos naman ang paligid. Ang kanyang tanim na mga bulaklak ay maayos na nakahilera. Ang likod bahay ay alaga sa tabas ang mga d**o.
Matapos maglinis ng paligid ay bandang alas kwatro na ng hapon. Pumunta siya sa isang munting kamalig kung saan nakalagay ang feeds para sa palaisdaan. Naglagay siya ng isang timbang feeds at binaybay na ang tulay na kahoy kung saan siya dumadaan para magpakain ng mga isda.
Nakasanayan na niya ang ganoong gawain dahil madalas ay nasa ibang kahon naman ang nakatoka sa kanyang Tatay.
May dalawang kahon na palaisdaan ang mga Angeles. Ang isang kahon ay may sukat na sinlaki ng isang Olympic size swimming pool. Nasa limang talampakan ang lalim ng bawat palaisdaan. Ang mga dulo ng kahon ay may outlet ng tubig na may nakaantabay na mga lambat. Maganda ang water source sa palaisdaan ng nga Angeles. Isa itong bukal na nilagyan ng culvert at diretso sa palaisdaan. At dahil may sariling water source ay hindi problema ang patubig sa sampung ektaryang palayan ng mga Angeles.
Magaling mag alaga si Mang Enrico ng mga isda dahil 'di tulad ng ibang palaisdaan ay hindi amoy putik ang mga alaga nilang tilapia. May kakaiba kasi siyang istilo sa pagpapatubig na nag-aalis ng masangsang na amoy sa mga isda. Palaging masagana ang harvest ng isda na lubhang ikinalulugod ng mga amo.
Ang kanyang pamamaraan ay namana pa niya sa yumaong ama pati na ang pagiging katiwala sa palaisdaan.
Isinaboy ni Erica ang huling isang kuyom ng feeds. Natapos niya ng eksaktong treinta minutos ang pagpapakain ng isang kahon ng isda. Nakayuko niyang binaybay ang kahoy na tulay pabalik sa kanilang bahay ng sa kalagitnaan ay nabungo niya ang kung sino. Napaaray siya sa tigas ng nasagi. Inangat niya ang ulo at namilog ang mata ng makita ang pilyong ngiti ng binatang amo. Kinabahan siya dahil alam niya ang ganung gawi ay nagbabadya ng kapahamakan. Pumihit siya pabalik ngunit inabot ng amo ang kanyang kamay at hinablot palapit sa katawan nito.
Nagkukumahog siyang umiwas sa pagpiksi ng kamay ngunit mas malakas ang binata.
"Bitaw po, Senyorito pakiusap" hiling ni Erica na abala sa pag tanggal sa kamay ng binatang amo.
Ngunit tila bingi ito at mas humigpit pa ang hawak sa kanyang pulsuhan.Nabitawan na niya ang timba at tuluyan nang nahulog sa tubig.
Ang ngisi nito ay mas naging malapad at tila na-amuse ito sa nakikitang pagtutol sa mukha ng dalaga. Hinila na nito ng tuluyan ang dalaga at dahil sa gaslaw ng dalaga ay nawalan sila ng balanse at sabay silang nahulog sa palaisdaan.
Isang malaking labusaw sa tubig ang umalingawngaw sa buong palaisdaan. Nagtalunan din ang mga alagang isda na nabulabog sa dalawang taong nahulog.
Mababaw naman ang palaisdaan dahil nasa tatlo't kalahating talampakan lang ang lebel ng tubig.
Agad na lumayo ang dalaga sa binatang amo. Nakabusangot si Erica na naglakad sa tubig para umiwas sa pilyong amo pero muli siyang hinatak nito.
Nabigla man ay pumiglas pa din ang dalaga at patuloy na umiwas sa binata. Isang malakas na hatak pa ay tuluyan nang napalapit si Erica sa binata. Namilog ang mata ng dalaga ng ilapit ng binata ang mukha nito sa dalaga. Napapikit na lang si Erica at nanalangin na mali ang kanyang iniisip.
Muntik na siyang himatayin ng may kung anong mainit ang lumapat sa kanyang labi. Agad iminulat ang mata at namilog ng mamasdan ang nakapikit na binata at ninamnam ang kanyang labi. Tinapik niya ito pero imbes na lubayan ay mas lalo pa nitong pinag-igihan ang paghalik sa kanyang labi.
Nakanganga lamang si Erica at dilat ang mata habang ang binata ay damang dama ang halik. Mas hinapit pa nito ang dalaga at sa pagkakataon iyon ay hinawakan ang kanyang buong mukha sa malalaki nitong palad. Sinipsip na din nito ang labi ng dalagang parang tuod lang na nakatingkayad. Naestatwa lang siya sa mga kaganapan habang ang binata ay naglalakbay na ang kamay patungo sa kanyang likod.
Isang pagtawag sa pangalan ng dalaga ang nag alis sa tila isang mahika na bumalot sa kanila.
"ERICA! " dumagundong na boses ni Gavin na may dala pang isang pumpon ng bulaklak.
Agad na tinulak ni Erica ang binatang amo at pinunasan ng basang braso nito ang labing nilamutak ng binatang amo. Hindi siya diretsong makabaling kay Gavin sa kahihiyan ng inabutan eksena ng una.