Chapter 1
"Ang laki naman ng paaralan na 'to... Saan kaya ang Education Department?" napabuntong-hiningang tanong ni Carmen sa sarili. "Ayos lang. Magtatanong-tanong na lang ako."
Umakyat siya sa hagdan ng unang gusaling nadaanan.
"Pero bakit puro lalaki ang estudyante rito?" usisa niya sa isip.
May nasalubong siyang lalaki at agad siyang nagtanong, "Excuse me, anong building po ito?"
Tumingin ang lalaki sa kanya. "Engineering Department. Bakit, anong kurso mo?"
"Education," maikling sagot ni Carmen.
Pinagmasdan niya ang lalaki. May itsura—maamo ang mukha, kayumanggi ang balat, nasa 5'7 ang taas.
"Ah, kaya pala. Baka freshman ka?" biro ng lalaki. "Doon pa 'yon, sa dulong bahagi, sa kanan. By the way, I'm Arnold Bayola. Second year sa Agriculture—major in Botany. Tungkol sa mga tanim, sakit ng halaman, at fish farming."
Ngumiti si Carmen. "Ako naman si Carmen Dela Cruz. Salamat ha. Sige, mauna na ako. Baka malate pa ako sa unang klase."
"See you around," sagot ni Arnold, may ngiting tila may nais pang sabihin.
Pagkarating ni Carmen sa silid-aralan, nagsisimula na ang talakayan ng propesor. Dumaan siya sa likod upang hindi mapansin.
"Anong pangalan mo?" bulong ng isang babaeng kumalabit sa kanya.
Napatingin siya. Maganda ang babae—chinita, maputi, makintab at mahaba ang buhok, balingkinitan ang pangangatawan. Ang ganda niya, isip ni Carmen.
"Carmen," pabulong niyang sagot.
"Ako si Cheska," pakilala ng babae na may nakakaengganyong ngiti.
Pagkatapos ng klase, nagbigay lang ng paunang orientation si Mrs. Santos, ang kanilang guro sa Matematika.
Kinalabit muli siya ni Cheska. "Alam mo, may guwapo tayong kaklase—parang artista!" sabay turo sa lalaking nakaupo sa harapan.
Lumingon ang lalaki. Oh my God...
Si Tristan Ibañez.
Si Tristan na kasama niya mula elementary hanggang ngayon sa kolehiyo. Ang heartthrob ng kanilang eskwelahan—matangkad, makinis, maputi, may misteryosong mga mata at mapupulang labi. Bukod sa guwapo, matalino at mayaman pa.
Ngunit kailanman, hindi siya magkakagusto sa lalaking iyon. Antipatiko. Mayabang.
Parang sinusundan siya ng tadhana. Laging magka-klase. Sinusundan ba ako ng lalaking ito? Huwag ako. Hahaha. Girl asa ka!
Naalala ni Carmen ang eksenang nagpabuo sa kanyang pagtingin kay Tristan.
Grade 5. Ka-klase nila si Digna—matalino at maganda, kahit medyo payat. Isang araw, nakita niyang pinagsabihan ni Digna si Tristan.
"Tristan, 'yung bag mo baka matapakan. O kaya may mawala sa gamit mo," mahinahong sabi ni Digna.
Tahimik si Tristan. Di man lang siya nilingon.
"Tristan?" ulit ni Digna, medyo alanganin na.
Napuno si Carmen. "Alam mo, Digna, hayaan mo na 'yan. Mahirap kausap ang pipi na nagbibingi-bingihan," sarkastikong sabi niya.
Tumingin si Tristan. "Narinig ko naman siya. Ayoko lang siyang kausapin. Walang sense kausap."
"Eh ayaw ka rin naming kausap!" sagot ni Carmen, inirapan ito at hinila palayo si Digna.
Pagdating High school. Lumipat na si Digna ng paaralan, ngunit si Carmen at Tristan ay nanatiling magka-eskwela. Lalo pang dumami ang mga babae sa paligid ni Tristan—mga nagpapa-cute, nagbibigay ng sulat, tsokolate, at regalo.
Ngunit walang sinuman ang pinansin. Lahat ng sulat at regalo, diretso sa basurahan. Walang pakialam si Tristan sa mga babaeng humahanga sa kanya.
Isang araw, inabot ng matinding pagregla si Carmen habang nasa eskwelahan. Natagusan ang kanyang palda. Sa loob ng CR...
"Ano ba 'to... paano ako lalabas?" pabulong niyang tanong sa sarili. "Lalakad na lang akong mabilis. Uuwi muna ako."
Paglabas niya ng CR, may biglang humawak sa kamay niya.
Halos mapasigaw siya. Si Tristan.
"Anong problema mo?!" galit niyang tanong at binawi ang kamay.
Iniabot ni Tristan ang kanyang jacket. "Isuot mo 'to."
"Ano naman gagawin ko rito?" pasimangot na tanong ni Carmen.
Walang sabi-sabi, ipinulupot ni Tristan ang jacket sa baywang niya. Hindi siya makatingin nang diretso. Naalangan ako bigla...
"Uuwi ako. Hindi ko kailangan 'to," pagtanggi ni Carmen.
"Ibalik mo na lang bukas kapag malinis na," tugon ni Tristan. "Gusto mo, ihatid kita?"
"Hindi na. Salamat." Sabay lakad paalis.
Kinabukasan, pagdating niya sa school, nakita niya si Tristan sa may gate. Lalapitan na sana niya para isauli ang jacket, nang may naunang lumapit na babae.
"Tristan, para sa'yo," abot ng isang photo album. Puro larawan ni Tristan.
Nabigla ito. "Saan mo nakuha 'to? Kinukuhanan mo ba ako ng litrato?"
Tumango ang babae. "Oo, kasi idol kita."
Tumaas ang kilay ni Tristan. "Alam mo bang bawal 'yan? Stalker ka?"
"Pinaghirapan niya 'yan," sabat ng kaibigan ng babae. "Kahit papano, bigyan mo siya ng respeto."
"I don't care. Itapon niyo 'yan!" pasigaw na sagot ni Tristan.
Muling napatunayan ni Carmen kung gaano ito kasuplado. Hindi ko na lang siya kakausapin. Ilalagay ko na lang 'yung jacket niya sa desk niya mamaya.
Hapon, pagkatapos ng klase. Nagpunta si Carmen sa library para gawin ang assignment.
May lumapit.
"Carmen," tawag ng pamilyar na boses.
Si Tristan... na naman!
"Bakit? Nasa desk mo na 'yung jacket mo. Salamat," malamig niyang sagot.
Umupo si Tristan. "May gagawin ka ba mamaya?"
"Oo. Bakit?"
"Pwede ba kitang maaya sa group study? Nandoon sina Sam."
Tumayo si Carmen at kinuha ang gamit. "Sorry. Hindi ako makakasama."
Hinawakan ni Tristan ang braso niya. "Saglit lang. Gusto lang kitang makausap nang matino."
"Anong gusto mong sabihin?" inis na tanong ni Carmen.
"Bakit parang iniiwasan mo ako? May ginawa ba akong masama?"
"Hindi kita iniiwasan. Busy lang ako. Wala akong panahon para sa kung anuman 'yang iniisip mo."
Napansin ng librarian ang tensyon.
"Kung may aayusin kayong gulo, sa labas niyo gawin. Hindi dito sa library," mahigpit na sabi ni Mrs. Alcantara.
"Pasensya na po," nahihiyang sabi ni Carmen. Sabay labas ng library. Sumunod si Tristan.
"Carmen—"
"Huwag mo na akong sundan. Hindi ako interesado."
Tahimik si Tristan. "Sige. Saka na lang, kapag handa ka na."
At sa mga sandaling iyon, nagpasya si Carmen.
Tatlong araw na ang lumipas mula nang huli silang mag-usap. Tahimik si Carmen sa klase. Iwas sa mga mata ni Tristan. Kapag lumalapit ito, agad siyang lumalayo.
Ngunit isang araw, habang pauwi na siya galing library, hindi inaasahan ang muling pagharap ni Tristan sa kanya.
"Carmen," tawag niya, hinarangan siya sa daan.
Napapikit si Carmen. Hindi pa rin ba siya sumusuko?
"Pakiusap, kung puwede lang, bigyan mo ako ng limang minuto. Hindi ako aalis hangga't hindi mo ako pinapakinggan."
Huminga nang malalim si Carmen. "Limang minuto. Simulan mo na."
Tumikhim si Tristan, tila nahihirapang magsalita. "Hindi ko alam kung paano ko sisimulan 'to, pero... gusto kong humingi ng tawad. Sa lahat. Sa mga maling inasal ko. Sa pagiging suplado. Sa pananahimik ko dati. At lalo na sa pananakit ko—kahit hindi ko sinasadya."
Natahimik si Carmen.
"Hindi ko intensyong saktan si Digna noon. Masyado lang akong sarado. Hindi ako marunong makihalubilo. Hindi ako kagaya ng iniisip mo."
"Bakit mo 'to sinasabi sa'kin ngayon?" tanong ni Carmen, malamig pa rin ang tinig. "Kung akala mo maaapektuhan ako sa drama mo, Tristan, nagkakamali ka. Ayoko ng gulo. Ayoko ng sakit ng ulo. May sarili akong laban sa buhay. Hindi kita kailangan."
Ngumiti si Tristan—hindi ng nakasanayang mayabang, kundi ng mapait.
"Alam ko. At hindi kita pipilitin. Pero sana, balang-araw, makita mo ako bilang tao. Hindi lang bilang 'Tristan na mayabang'. Baka sakaling, kapag handa ka na... puwede tayong magsimulang muli. Kahit bilang magkaibigan lang."
Tahimik na tumalikod si Carmen.
Habang naglalakad siya palayo, ramdam niya ang bigat sa dibdib. Hindi niya alam kung dahil sa pagod,o sa gulo ng damdaming hindi niya pa kayang pangalanan.
Ngunit ang totoo... Hindi niya inaasahang mangungusap ang puso ni Tristan.
Ito na ang huling usapan namin. Kahit anong gawin niya, hindi ako magpapadala. Ayoko ng gulo. Ayoko ng sakit. Study first.