Pagkatapos ng klase, nakita ni Carmen si Tristan na nakatayo malapit sa hallway, tila nag-aabang.
"Mauna na akong umuwi," sabi ni Carmen, medyo nahihiya pa rin. Hindi siya makatingin nang diretso.
Ngumiti si Tristan. "Wait lang! Sumabay ka na sa akin."
Umiling si Carmen. "Hindi na, kaya ko na."
Pero bago pa siya makalakad palayo, hinawakan siya ni Tristan sa kamay — magaan lang, pero sapat para mapatigil siya.
"Please," aniya. "Madadaanan naman namin ang bahay niyo."
Carmen's heart skipped a beat. Hindi niya inaasahan na hahawakan siya nito. Hindi mahigpit, pero may sinseridad. Lumingon siya sa kamay nilang magkadikit — tapos sa mukha ni Tristan. Seryoso ito, hindi tulad ng madalas na nakangiti at pilyo. Parang... may ibig sabihin.
Bakit ba ako laging natutulala pag ganito na siya makatingin? Para akong nagiging high school ulit.
Hindi na siya tumutol. Tahimik siyang sumama.
Pagbukas ng pinto ng sasakyan, bumungad sa kanya ang isang matandang babae na elegante ang ayos pero may maamong mukha. Medyo nagulat si Carmen — lalo na nang ngumiti agad ito sa kanya.
"Good afternoon po," nahihiyang bati niya.
"This is my Lola Soledad," sabi ni Tristan. "Ito naman si Mang Ronald," sabay turo sa driver.
"Magandang hapon din po," sabay ngiti niya. Kahit medyo nanginginig ang boses niya sa kaba, pinilit niyang maging magalang at maayos.
"Hija, dito ka na tumabi sa akin," wika ni Lola Soledad, na parang kilala na siya kahit hindi pa sila formal na nagpapakilala.
Napakunot ang noo ni Carmen sa loob-loob. Paano niya ako kilala? Pinag-uusapan ba ako ni Tristan sa pamilya nila?
Tahimik siyang umupo sa tabi ng matanda, habang si Tristan naman ay sa harapan katabi ni Mang Ronald. Sa likod ng ngiti niya, may umuusbong na tanong:
Anong ibig sabihin ng ganito? Kaibigan lang ba talaga kami ni Tristan? At kung oo, bakit parang siya mismo ang gumagawa ng paraan para lumapit sa akin — hindi lang basta-basta, kundi parang... may dahilan?
"I'm happy that you and Tristan are now friends," nakangiting sabi ng matanda.
Ngiti lang ang nasagot ni Carmen. Speechless siya. Ang dami niyang gustong itanong, gustong linawin — pero sa ngayon, tumango na lang siya.
Baka nga friends lang kami. Pero bakit parang iba ang nararamdaman ko?
Tahimik lang si Carmen sa tabi ni Lola Soledad habang umaandar ang sasakyan. Ramdam niya ang lamig ng aircon at ang bango ng sasakyan — amoy leather at perfume na hindi masakit sa ilong. Hindi niya alam kung saan ibabaling ang tingin. Sa labas? Kay Lola? Kay Tristan na ngayon ay tahimik rin sa harapan?
"Carmen," biglang sambit ni Lola Soledad, "alam mo bang ilang beses ka nang nabanggit sa akin ni Tristan?"
Nagulat si Carmen. "Po?"
Ngumiti si Lola. "Oo, lagi ka niyang nababanggit. Madalas niyang ikuwento yung mga nangyayari sa school. Hindi naman siya ganyan dati. Tahimik 'yan kapag tungkol sa personal niyang buhay. Pero sa'yo, parang di niya napapansing ang dami na pala niyang nasasabi."
Parang may bumundol sa dibdib ni Carmen. Napatingin siya kay Tristan, na nagkibit-balikat lang habang nakangiti, parang nagsasabing "Sorry, nahuli ako."
"Ah... baka po napag-uusapan lang minsan," sagot ni Carmen, pinilit ngumiti. Pero nararamdaman niyang namumula na siya.
"Baka nga," sabi ni Lola. "Pero alam mo, hija, minsan may mga taong dumadating sa buhay natin na hindi natin inaasahan... tapos bigla na lang, hindi na natin ma-imagine ang araw-araw na wala sila."
Tahimik si Carmen. Hindi niya alam kung anong isasagot doon. Pero ramdam niya — parang may tinamaan sa loob niya.
Sa rearview mirror, pasimpleng sumulyap si Tristan. Nahuli siya ni Carmen. Nang magtama ang mga mata nila, ngumiti si Tristan. Hindi pilyo. Hindi mayabang. Ngiting totoo. Ngiting nagpapahiwatig ng tiwala.
At sa di niya maipaliwanag na dahilan, ngumiti rin siya pabalik.
"Hija," mahinahong wika ng matanda, "salamat sa pagsama. At salamat din sa pagiging mabuting kaibigan sa apo ko. Hindi mo lang alam, pero bihira na 'yang magtiwala sa mga tao ngayon."
Napatingin si Carmen kay Tristan, na tila naalarma sa sinabi ng kanyang lola.
"Lola naman," sabi ni Tristan, halatang naiilang. Pero may halong ngiti sa mukha niya. "Baka matakot si Carmen sa'kin n'yan."
Ngumiti si Lola Soledad, bahagyang umiling. "Hindi. Hindi siya matatakot. Nakikita ko, mabait ang batang ito. May puso." Tumingin ulit kay Carmen.
Namula si Carmen. "Thank you po," sagot niya, pilit tinatago ang kaba sa dibdib.
"You're always welcome, hija. Minsan ha, mag-dinner ka dito sa bahay. Gusto kitang makilala nang mas mabuti," masayang yaya ni Lola Soledad.
"Sige po," mahina ngunit magiliw ang sagot ni Carmen.
Nang makababa na siya, sumunod na rin si Tristan para ihatid siya sa gate. Tahimik silang naglakad.
"Sorry kung nagulat ka kay Lola. Minsan talaga... straightforward siya," natatawang sabi ni Tristan.
"Okay lang," sagot ni Carmen. "Mabait siya."
Tumingin si Tristan sa kanya, seryoso ang tingin. "Gusto ko lang din malaman mo na... masaya ako na nagkaayos na tayo. And I meant what I said kanina — gusto talaga kitang maging kaibigan."
Tumango si Carmen, at sa unang pagkakataon, hindi na siya umiwas ng tingin.
"Sige na, pumasok ka na," sabi ni Tristan. "Text mo lang ako pag kailangan mo ng kasama."
"Hindi naman kita laging kailangan," pabirong sagot ni Carmen.
Ngumiti si Tristan. "Alam ko. Pero sana kahit minsan, maisip mo rin ako."
Iniwan siyang nakatayo sa gate. At nang makapasok na siya sa loob ng bahay, napahawak siya sa dibdib niya.
Bakit parang ang bilis ng t***k ng puso ko?
TRISTAN'S POV
Pagbalik niya sa sasakyan, tahimik lang si Tristan habang binabaybay nila ang kalsada paalis sa lugar nina Carmen. Napansin niyang nakangiti si Lola Soledad habang nakatingin sa labas ng bintana.
"Nagustuhan ko siya," biglang sabi ng matanda.
"Si Carmen?" tanong ni Tristan, kahit alam naman niyang iyon nga ang tinutukoy.
"Oo. Tahimik pero mabuting bata. Marunong magdala ng sarili. May respeto." Saglit na tumingin sa kanya si Lola. "At higit sa lahat, hindi siya umaarte. Hindi siya tulad ng ibang babae na paligoy-ligoy."
Tahimik lang si Tristan. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang sinabi ng lola niya. Totoo naman. Sa dami ng naging kakilala niya, iba si Carmen. May lalim. May kabigatan. Pero hindi iyon nakakainis — sa totoo lang, iyon ang nagpapalapit sa kanya.
"Napatawa ka na uli, apo." Tila nang-aasar si Lola.
"Hindi naman po," tanggi niya, pero halata sa boses niya ang ngiti.
"Alam mo, Tristan," seryoso nang tono ni Lola, "minsan ang pinakamagandang bagay sa isang tao... ay 'yung hindi nila sinusubukang maging espesyal. Kasi natural na silang ganun."
Napatingin siya sa side mirror. Parang may iniisip, pero wala siyang masabi.
Carmen, bulong ng isip niya. Anong meron sa'yo at hindi kita kayang balewalain?
CARMEN'S POV
Tahimik ang buong bahay. Patay na ang ilaw sa hallway, tanging dim light mula sa maliit na lampshade sa tabi ng kama ang nakabukas. Sa tabi niya, mahimbing nang natutulog ang kambal — si Alden nakaakap sa manika, si Alison naman nakatalikod pero banayad ang paghinga.
Nakatalikod si Carmen sa kanila, nakadapa sa kama, nakatingin lang sa dingding. Hindi niya maitulog ang sarili.
Ang dami kasing tumatakbo sa isip niya.
Lalo na 'yung mukha ni Tristan. 'Yung paraan ng pagkakasabi niya kanina:
"Text mo lang ako pag kailangan mo ng kasama."
"Alam ko. Pero sana kahit minsan, maisip mo rin ako."
Napahawak siya sa unan at niyakap ito nang mahigpit.
Ano ba 'tong nararamdaman ko?
Hindi naman ito 'yung first time na may nagpakita ng interest sa kanya. Pero iba si Tristan. Hindi dahil sa itsura, o dahil kilala siya ng lola niya. Iba kasi ang paraan niya — minsan magulo, minsan nakakainis, pero totoo. Hindi nagpapanggap.
Naalala niya rin 'yung mga sinabi ni Lola Soledad. Na minsan, may mga taong dumarating na hindi mo inaasahan, pero bigla na lang sila nagiging mahalaga.
Carmen, tama na. Friends lang kayo. Pinipilit niyang kumbinsihin ang sarili. Wala kang oras sa ganyan. Focus ka sa pag-aaral. Sa trabaho. Sa pamilya.
Pero kahit ilang ulit niyang ulitin sa sarili 'yun, hindi pa rin siya mapakali.
Kinuha niya ang cellphone niya. Walang message. Walang chat.
Magte-text kaya siya? O ako ang unang magme-message?
Napabuntong-hininga siya at pinikit ang mga mata.
Hindi ko siya naiisip. Hindi talaga...
Pero kahit pa ipikit niya ang mata at pwersahin ang sarili na matulog, ang huling imahe sa isipan niya ay si Tristan — ngumingiti habang nakasulyap sa kanya mula sa rearview mirror."