Chapter Six “Confine”

3447 Words
Hindi na mabilang ni Amethyst kung ilang pabalik-balik na ang ginawa niya mula sa pinto pabalik sa gilid ng papag. Anyong tatayo siya, lalapit sa pinto, at babalik sa pagkakaupo sa papag. “Hindi ko na talaga kaya,” frustrated na bulong niya at muling lumapit sa may pinto, itinaas ang nakakuyom na kamao at kumatok ng malakas sa pinto. “Asher, andiyan ka ba?” malakas na tawag niya. Inilapit niya ang tenga sa may pinto. Wala siyang narinig na yabag. Kumatok muli siya habang malakas na tumatawag, “May tao ba diyan? Andiyan ka ba?” Tumigil muli siya at sandaling nakinig pero parang walang tao sa labas. Napapikit siyang napatingala. “Oh God, please.” Kinalampag niya muli ang pinto hanggang pakiramdam niya’y namamanhid na ang kamay niya ngunit namula na ang kamay niya ay walang siyang narinig na nagsalita o yabag man lang na lumapit sa pinto. Hindi mapakaling bumalik siya sa gilid ng papag at naupo. Igininalaw-galaw niya ang paa upang palisin ang nararamdaman ngunit kahit anong gawin niya’y walang nangyayari. Naisubsob niya ang mukha sa dalawang palad. “Oh please… please…” Napatayo siya nang makarinig ng kaluskos at pagkalampag ng mabigat na bagay sa may pinto. Halos hindi humihinga siyang nakatitig doon hanggang bumukas iyon. Salubong ang kilay ni Asher na bumulaga sa kaniya. Basa pa ang buhok nito at bagong palit ng t-shirt at pantalong kupas. Napalunok siya at mabilis na humakbang palapit dito. Kuyumos ang dalawang kamay sa harap at halos nagpapapadyak siyang tumigil sa harapan nito. “Ano? Bakit ba ang ingay mo?” iritang tanong nito. “A-ano kasi…” Hindi niya alam kung paano sasabihin, pero kailangan na talaga niya. “Ano nga?” “Ano kasi…” Nag-iwas siya nang tingin sa matiim nitong mga titig. Buo na ang loob niyang magsabi rito kanina pero ngayon ay parang naumid ang dila niya. “Ano ba?” “K-Kailangan kong gumamit ng banyo.” mabilis niyang tugon. Hindi ito kumibo at wala rin siyang nakuhang tugon dito kaya naibalik niya ang mga mata rito. Nawala na ang pagkakakunot ng noo nito at maang na napatingin sa kaniya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakakita siya ng ibang reaksyon sa mukha nito. “Please, I really need to use the comfort room,” she pleaded. Napakurap ito at bumalik ang istriktong mukha. “Hindi ka nagsisinungaling?” “Mukha ba akong nagsisinungaling?” halos magpapadyak na tanong niya dito. Muli siyang pinasadahan nito ng tingin bago may tila kinuha sa likod at tuluyang binuksan ang pinto. Hinuli nito ang braso niya, pinauna siya at kahit hindi siya lumingon ay alam niyang may nakahanda itong b***l. Bagama’t may takot ay mas matindi ang kagustuhan niyang pumunta ng banyo. Ilang saglit na lang at talagang sasabog na ang pantog niya. Pagkalabas nila ng kwarto ay halos itulak siya nito. Sa mabilis na sulyap ay naiikot niya ang tingin sa may salas ng cabin. Hindi niya akalaing may kalakihan ang cabin na iyon. May takip pa ang ilang gamit kaya hindi niya tiyak kung ano ang mga iyon. Nawala ang atensiyon niya sa cabin nang tumigil sila sa isang pinto hindi kalayuan sa kusina. Mula sa kinatatayuan ay kita niya ang nakabukas na pinto sa loob ng kusina at kung hindi siya nagkakamali ay backdoor iyon. “Iyan ang banyo, bilisan mo,” untag nito sa kaniya sabay turo sa tinigilan nilang pinto. Tumango siya at nagmamadaling pumasok ng banyo. Laking pasasalamat niya nang magawa ang kailangang gawin. Bagama’t tiyak niyang naghihintay si Asher sa labas ay sinamantala niya ang pagkakataong makapaghilamos. Nakadama siya ng kaginhawaan ng madama ang tubig sa nanlalagkit na niyang mukha. Nang matapos at akmang lalabas na nang hindi sinasadyang mapatingin siya sa may itaas. Umagaw ng atensiyon niya ang bintana sa taas ng tapat ng gripo. Hugis-parisukat iyon na kakasiya ang katawan ng isang payat na tao kung susubukang lumusot. Wala itong harang na kahit ano at bagama’t may kataasan iyon, tiyak niyang makakaabot siya kung may matutuntungan siya. May kung anong nabubuo sa isip niya nang marinig ang malakas na katok sa pinto kasunod ang malakas na pagtawag ni Asher. “Ano? Tapos ka na?” Napakagat-labi siya at muling sinulyapan ang bintana. Isang plano ang nabuo sa isip niya bago tuluyang binuksan ang pinto ng banyo at lumabas. ‘Makakatakas ako dito! Sisikapin kong makatakas dito!’ determinadong bulong niya sa isip habang naglalakad pabalik ng kwartong pinagkukulungan niya. PINAGMASDAN ni Asher ang naglalakad na babae. Tahimik lang ito pagkalabas ng banyo hanggang maibalik niya ito sa kwarto. Gaya kagabi, walang salita o reklamo siyang nakuha dito nang sarahan niya ang pinto. Wala rin siyang nakikitang pagbabago sa reaksyon nito kaya hindi niya alam kung anong iniisip nito. Ini-lock niya ang pinto ng kwarto at hawak pa rin ang b***l, naupo siya sa upuang kahoy. Hindi pa rin tumatawag sa kaniya si Julio para kumpirmahin ang mga hinihingi niya. At hindi siya natutuwa sa takbo ng mga pangyayari. Gaya ng kung paanong hindi siya natutuwang parang hindi lang ang babaing iyon ang nakakulong sa cabin na iyon. Dahil kahit siya’y tila nakakulong na rin doon… Nakakulong at hindi alam kung anong gagawin. NAKATANAW si Amethyst sa maliliit na siwang ng palatpat ng kawayan na nakatakip sa bintana. Hindi niya malinaw na nakikita ang labas. Wala rin siyang ibang nakikita kundi mga puno. Hindi na siya magtataka dahil nasa gitna sila ng gubat. Nangangalay na sa kakatingkayad na bumalik siya sa gilid ng papag at naupo doon. Hindi pa rin nawawala sa isip niya ang bintana sa palikuran. May kudlit nang pag-asa siyang nararamdaman dahil sa planong naisip. Ang kailangan na lang niyang gawin ay pag-aralang mabuti ang gagawing pagtakas nang hindi nakakahalata ang lalaki. Kailangan niyang lumaya sa lugar na iyon… Kailangan niyang makaalis… Kailangang may gawin siya para makalaya… DUMAAN ang maghapon na walang nangyayari sa naisip ni Amethyst. Hindi na siya nakalabas muli ng silid na iyon. Nang dumating ang tanghali ay dinalahan lang siya ni Asher ng pagkain at nawala na uli ito. Gusto man niyang kausapin ito, tanungin kung anong plano nito sa kaniya at kung hanggang kailan pa siya sa lugar na iyon ngunit bigo siya. Kung paanong bigla na lang itong dumarating ay bigla na lang din itong umaalis. Walang salita o kahit sulyap man lang. Sapagkat sanay naman siyang nasa loob lang ng kumbento, inubos niya ang lakas at oras sa pagdarasal. Umaasa pa rin siyang may darating na tulong sa kaniya. Nang sumapit ang hapon, unti-unti na namang kumalat ang dilim sa paligid. Nararamdaman na naman niya ang lamig na pumapasok sa loob ng silid. Bagama’t nilinis niya at pinagpagan ang papag kanina at ang lumang unan at kumot na nakita, batid niyang hindi lang pisikal na lamig ang unti-unting nanunuot sa kalamnan niya. It’s a coldness of fear and terror. Once again, she kneeled beside the pallet, and that’s when Asher unexpectedly stormed inside the room, holding a small lamp on his hand. A bit surprised, she sat on her heels as she looked up at him. “Nagdarasal ka na naman,” mapaklang komento nito. “Mas higit kong kailangan nito,” wika niya na para bang sapat nang paliwanag iyon. Naningkit ang mga mata nito sa kaniya. “Bakit hindi ka sa Kaniya humingi ng pagkain kagabi noong gutom na gutom ka na?” sarkastikong tanong nito. Tumayo siya at hinarap ito. “Binigyan niya ako ng pagkain at ikaw ang ginamit niyang instrumento.” Hindi nakalingat sa kaniya ang pagdilim ng anyo nito. “Tingnan ko lang kung may gamitin pa siya para makakain ka ngayong gabi,” matalim nitong saad at walang sabi-sabing tinalikuran siya bago pabalibag sinaraduhan ang pinto. Maang na sinundan niya ito nang tingin. Hindi niya alam kung saan nagmumula ang matinding galit nito pero sa klase at sa uri ng trabaho nito para kumita ng pera, hindi na siya magugulat. Tila bato na ang puso nito. ‘Diyos ko, bakit may mga katulad niyang tila napakatigas ng puso?’ Naiiling na lang na inalis niya ang tingin sa nakasarang pinto. NAGPUPUYOS sa galit si Asher na lumabas ng kwarto ng cabin. Aalis siya ngayong gabi para kunin ang supplies nila. Wala siyang balak sabihin sa babae ang pag-alis pero napagdesisyunan niyang iwan ito ng ilaw at pagkain sa silid bago umalis. Ngunit nang madatnan niyang nagdarasal na naman ito, halos sumambulat ang inis niya. Naiirita siya sa t’wing nakikita itong nagdarasal. Naiinis siya sa t’wing nakikita itong tumawag sa Diyos nitong tila inabandona na ito. ‘Bakit ba hindi ito mapagod-pagod sa pagtawag sa isang nilalang na wala namang pakialam dito?’ Hindi man lang ba nito naisip na kung may Diyos nga, wala sana ito sa kinalalagyan nito ngayon? Hindi ba’t kapag may Diyos ka’y hindi ka mapapahamak? Na walang kahit sino ang makakagalaw sa’yo? Pero hinayaan ng Diyos nito na masadlak ito sa gulong iyon? Pinabayaan na ito ng Diyos nito… Bakit patuloy pa rin itong naniniwala? Dala ng pagkairita, pagkatapos i-lock ang buong cabin ay inis na umalis si Asher at iniwan ang babae na walang ilaw, pagkain o inumin. Kung may Diyos talaga ito, hindi nito pababayaan ang babae. MADILIM na ang paligid, wala nang maririnig sa paligid maliban sa pagaspas ng hangin, mga huni ng kulilig, mga insekto, at ilang panggabing mga hayop. Gumagapang na rin ang lamig sa buong cabin at pati na rin sa silid na kinalalagyan ni Amethyst. Ngunit hindi niya iyon alintana na nakaluhod sa tabi ng papag at patuloy na tahimik na nanalangin. Nang matapos siyang manalangin ay humiga na siya sa papag at ikinumot ang lumang kumot na pinagpagan niya. Sa ilang taon niya sa kumbento, isa sa mga pangunahing pinag-aralan niya ay ang katotohanang wala siyang anumang pag-aari sa mundo. She owned nothing, even her body. All she had was the thought and faith that God was with her. And with Him, she could survive even owning nothing at all in this world. Just like how Jesus’ disciples, she and other nuns, deprived their selves from owning anything. They lean on to what the convent could give them. Hindi big deal sa kaniya kahit na luma o sirang kumot, unan o kahit anong gamit ang gamitin niya. Sa kabilang banda, hindi maiikailang tao pa rin siya, at hindi niya maiiwasan ang makadama nang gutom, uhaw, lamig at takot. Amethyst curved her slim body like a ball, ignoring the coldness of the room, and the growing hunger. ‘Oh God, it will not be easy, but I believe that with You, everything’s going to be fine. And even if it’s not, I know You’ll never leave me…’ She shut her eyes tightly, thinking that as long as she was still in the flesh, the desires, emotions, and yearnings would be her contradictions, but as long as her spirit remained trusting God, she would be fine. Kinabukasan… NAGISING si Amethyst dahil sa malakas na pagsara ng pinto. Napabalikwas siya nang bangon mula sa pagkakahiga sa papag at mabilis na iginala ang tingin sa paligid. Mag-isa lang siya sa silid at walang ibang kasama. Ang kabang biglang nabuhay ay unti-unting humupa ng makita ang pinggan ng pagkain at isang baso ng tubig sa ibabaw ng kawayang mesa. Hindi makapaniwalang napatitig siya doon bago sa nakasarang pinto. ‘Oh gracious God, thank you for touching his heart.’ Tuluyan siyang tumayo at pagkatapos manalangin ay kumain siya nang matiwasay. Eksaktong natapos siyang kumain ay bumukas muli ang pinto. Gaya kahapon, salubong ang kilay na si Asher ang pumasok. Mukhang bagong paligo ito at bagong gupit. Wala na ang malago nitong buhok na halos tumabing sa noo at sa batok nito dati. Asher actually wasn’t bad at the eyes. He has thick eyebrows, eyes that formed into slate whenever he narrowed them, and lips that even though always in grim line couldn’t hide the lusciousness and heaviness of its lower lip. His now crew-cut hair fit his chiseled-face, and it made him looked like a bodyguard rather than a kidnapper. Still, his cold demeanor frightened Amethyst at some extent. “Salamat sa pagkain,” maagap na saad niya bago pa makapagsalita ang lalaki. “Kapag namatay ka sa gutom, wala na ang dalawampung milyon namin,” malamig nitong saad. Sa pagkakataong iyon ay hindi nakasagot si Amethyst. Inaasahan niya na iyon pero umaasa rin siyang pwedeng magbago ang takbo ng mga pangyayari. “Heto!” Inihagis ni Asher sa kaniya ang ilang plastic bag. Nagawa niyang saluhin iyon at kaagad na sinilip ang laman. May lamang mga damit at pang-ilalim ang plastic bag. “Mamaya maligo ka at magpalit ng damit,” dugtong pa nito na ikinatunghay niya dito. “S-Salamat.” “Hindi ako ang bumili niyan kaya ‘wag kang magpasalamat sa’kin. At kung sasabihin mo na namang dahil ako ang nagdala sa’yo niyan, napilitan lang ako,” mapaklang pahayag nito habang mariin pa ring nakatingin sa kaniya. “Still, yo—“ “Tumahimik ka na. Babalikan kita mamaya kaya maghanda ka.” Iyon lang at kagaya nang dati, tumalikod ito bago pa siya makapagsalita at pabalag na isinara ang pinto ng silid. Napakibit-balikat na lang siya habang nakatitig sa nakasarang pinto. BAGO dumating ang tanghali ay bumalik si Asher sa kwarto kung saan nakakulong si Amethyst dala ang walis, dustpan, basurahan, at basahan. Nakaupo ito sa gilid ng papag at nakatanaw sa kawalan. Hindi ito nagdarasal o kumikibot ang labi. Nakatanaw lang ito sa kawalan. ‘Tss. Kung iniisip niyang maloloko niya ako, nagkakamali siya. Tiyak na nag-iisip ito ng paraan para makatakas,’ sigaw ng isip niya. Lumingon ito sa kaniya nang ihagis niya sa paanan nito ang mga dalang panlinis. Walang salitang sumulyap ito sa kaniya at sa mga gamit na dala niya. “Pulutin mo iyan at linisin mo ito,” marahas na utos niya at iniligid ang mga mata sa buong silid. May ilang bahaging tila nalinis na nito pero dahil naiinip na rin siya at wala siyang magawa, naisip na paglinisin ang babae. Isa pa, pakonswelo na niya dahil sa kaibigang cabin pa rin iyon at hindi basta lumang bahay lang. Hinugot niya ang b***l sa bewang dahilan para bumaba ang tingin nito sa kamay niya. Buong akala niya’y matatakot ito gaya noong mga unang araw pero wala siyang nakitang takot sa mukha at mga mata nito. “Hindi mo ako kailangang takutin niyan, maglilinis ako,” kalmado at may riing anito bago tumayo at pinulot ang walis. Hindi siya nagkomento at sa halip ay sumandal sa may hamba ng pinto. Hawak pa rin ang b***l sa kanang kamay, pinanood niya ang babae na naglinis ng silid. Pinalis nito ang agiw sa kisame at ang mga alikabok sa dingding. Pinunasan rin nito ang papag, ang nag-iisang mesa doon, at ang lumang aparador na kung hindi siya nagkakamali ay may lamang gamit pa ng kaibigan. Kahit matagal ng ibinigay sa kaniya ang cabin, hindi niya magawang alisin ang mga gamit nito. Para sa kaniya, wala siyang karapatan sa kahit anong gamit nito o kahit sa mismong cabin na iyon. Kung hindi lang kailangan, hindi siya pupunta roon. Ang cabin na lang na iyon ang nag-iisang lugar na naisip niyang takbuhan. Ang lugar na alam niyang magkakaroon siya ng kapayapaan. “Pagkatapos mo riyan, maligo ka na. Bibigyan lang kita ng kinse minutos para maligo. Tapos o hindi tapos, lalabas ka.” Nakahalukipkip na deklara niya sa babaeng kasalukuyang pinupunasan ang sahig. Sinulyapan lang siya nito at tahimik na nagpatuloy sa pagpupunas ng sahig. Sa nakita niya, halatang sanay naman ito sa gawaing bahay. Maliksi itong kumilos at malinis gumawa. Sabagay, sa kumbento ito nanirahan at hindi sa malaking mansion nito na puno ng mga katulong. Siguro sa sunod ay ang labas at kusina naman ang ipapalinis niya. Nang matapos maglinis si Amethyst ng kwarto ay pinagbigyan siya ni Asher maligo. Pabor para sa kaniya na linisin ang silid dahil bukod sa doon siya natutulog ay kailangan niyang ibaling sa ibang bagay ang isip. Kahit panay ang pagdarasal niya, palagi pa ring sumisilip ang takot sa isip niya. Alam naman niyang mamamatay ang lahat pero sa loob niya’y tila hindi pa siya handang dumating ang panahong iyon. “Limang minuto na lang!” Dinig niyang sigaw ni Asher mula sa labas ng banyo. Nagmamadaling nagtapos nang paliligo si Amethyst. Hindi lang dahil alam niyang seseryosohin nito ang sinabi kundi dahil bago lumabas ay may kailangan siyang gawin. Nang matapos maligo at makapagbihis, sinulyapan niya ang pinto. Yari sa makapal na kahoy ang pinto at wala ring siwang sa kahit anong sulok. Mula sa pinto ay tiningala niya ang bintana sa tapat ng gripo. Dahan-dahan ay tumuntong siya sa gripo at nangunyapit hanggang maabot ang bintana. Nang makaabot ay sumilip siya sa may bintana. Wala iyong sangga kaya malaya niyang nakikita ang labas. Puro puno ang nasa paligid. Sumulyap siya sa baba at bahagyang napangiwi nang makitang may kataasan ang pwede niyang bagsakan. Gayunpaman, makapal ang d**o kaya umaasa siyang hindi gaanong magiging masakit ang bagsak niya kung sakali. “Ano na?” Muntik na siyang makabitiw sa pagkakakapit dala nang gulat dahil sa malakas na pagtawag ni Asher mula sa labas. Dahan-dahan siyang bumaba, nag-iingat gumawa ng ingay na maaaring maging rason ng pagdududa ng lalaki. Pagkatapos huminga nang malalim ay lumabas na siya ng banyo at kalmadong hinarap ang lalaki. “Salamat,” maagap niyang ani nang makalabas. Umarko ang kilay nito bago sinenyasan siyang bumalik sa kwarto. Nang makabalik siya ng kwarto ay ini-lock muli siya nito sa loob. Maayos niyang isinalansan ang mga damit na ibinigay ni Asher at pagkatapos ay lumuhod sa gilid ng papag. At muli, itinuon niya ang buong oras, puso, at isip sa pananalangin. MABILIS na lumipas ang tatlong araw. Halos bilang na bilang ni Amethyst ang bawat pagsikat at paglubog ng araw. Kabisado na rin niya ang bawat pagpasok ni Asher para dalahan siya ng pagkain. Unti-unti’y nakakabisa na rin niya ang ilang bahagi ng cabin t’wing nagkakaroon siya nang pagkakataong lumabas ng kwarto upang gumagamit ng palikuran at kapag naiisipan nitong paglinisin siya. Ngunit sa kasamaang-palad hanggang ngayon ay hindi pa rin naiisagawa ni Amethyst ang plano niya. Aminado siyang natatakot siya pero bukod doon ay tila may pumipigil sa kaniya. Ilang beses ng nasa taas na siya at kailangan na lang niyang tumalon pero hindi niya magawa. Palaging nagtatalo ang loob at isip niya. At kung minsan, hindi niya alam kung nasa tamang huwisyo pa ba siya. Ilang sandali na lang at alam ni Amethyst na papasok na si Asher sa kwarto para dalahan siya ng hapunan. Alam niya ring sa t’wing pumapasok ito, sa t’wing magpapasalamat siya ay mas tumatalas ang dila nito. Habang tumatagal ay umuukilkil sa isip niya ang mga sinasabi nito na nagpapadagdag sa munting takot na hindi niya namamalayang nabubuo sa loob niya. Alam mo bang hanggang ngayon ay hindi pa rin makipagkasundo sa’min ang mga magulang mo? Mas mahal nila ang pera nila kesa sa’yo. At tiyak akong sa mga oras na ito, wala ka nang halaga sa Diyos mo para pabayaan ka niya dito. Mariin siyang napapikit nang maalala ang sinabi nito noong makalawa. Ayaw niyang mag-isip, ayaw niyang pagdudahan ang pagmamahal ng mga magulang at kapatid, at higit sa lahat, ayaw niyang magkalamat ang pananampalataya niya… Ngunit ang takot ay lumilikha ng iba’t ibang kasinungalingan… Habang tumatagal tila bumababaw ang mga panalangin niya. Habang tumatagal tila ba napakalayo ng Diyos sa kaniya. Habang tumatagal hindi na niya maramdaman ang presensiya nito. ‘Kinalimutan ka na Niya… Hindi ka Niya pinakikinggan.’ May pagkakataong gusto na niyang maniwala na kay Asher. May pagkakataon namang naiinis siya sa sarili dahil ilang araw pa lang pero heto at pinanghihinaan na siya nang loob. Ibinukas niya ang mga mata nang maramdamang bumukas ang pinto. Pumasok doon si Asher, naglakad palapit sa kaniya, at inilagay sa ibabaw ng papag ang plato ng pagkain at baso ng tubig. “Hmmpp, napagod ka na bang magdasal? Sinabi ko sa’yo, hindi Siya nakikinig,” punong-puno nang pangungutyang wika nito. Hindi siya nagsalita hanggang sa makalabas ito ng kwarto. Hindi siya gumalaw sa kinauupuan hanggang tuluyang kumalat ang dilim sa buong silid. At nang sumungaw na ang malamlam na liwanag ng buwan sa siwang ng nahaharangang bintana, bumagsak ang mga luha niya kasabay ng isang mahinang hikbi at pagsusumamo. ‘Oh God, why did you bring me here? Why I am still alive? Ano ba talagang plano mo sa’kin? Naguguluhan na ako… Bakit hinahayaan mo pa akong mabuhay sa lugar na ito? Bakit hinahayaan mong kutyain ka niya? Bakit ba ako narito?’ Napakaraming tanong pero alam niyang sa mga oras na iyon ay wala pa siyang makukuhang tugon…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD