Chapter Four “The Captive and The Capturer”

3833 Words
Chapter Four “The Captive and The Capturer” Nagdarasal na naman siya. Naniningkit ang mga mata ni Asher sa madreng kinidnap nina Brock kagabi. Nakapikit ito ngunit kitang-kita niya ang paggalaw ng natural na malarosas na mga labi nito. Wala itong kahit na anong kolorete sa mukha pero litaw ang kakaibang ganda nito. Bagama’t may maliliit at maninipis na pekas ito sa pisngi ay makinis pa rin itong tingnan. Kung hindi nga lang sinabi nina Julio na madre ito ay baka hindi siya maniniwala. Maliit ang mukha nito, matambok ang magkabilang pisngi, bilugan ang mga mata na may maninipis na pilikmata. Bumawi ito sa manipis pero itim na itim na nakaarkong kilay, matangos na ilong at mga labing kahit walang lipstick ay namumula. Matangkad ito at ngayong hindi na nakasuot nang pang-madre ay kita niya ang maliit nitong bewang sa suot na mahabang bestida. Hindi ito ang babaing Montenegro na tinitiktikan niya kaya nagulat siya nang malamang ito ang kinuha nina Brock at hindi ang dalagita na madalas niyang sinusundan nang palihim. May magkaiba silang prospect nina Brock para kung sakaling tumabla sila sa una ay may pagpipilian sila. Pinaghandaan nila ito. Plinano ang bawat kilos na gagawin. Kailangan nila nang malaking halaga at dahil ito na ang huling beses na susugal muli sila, kailangan nilang maging maingat. Hindi niya gusto ang ginagawa pero sa loob ng ilang taon, praktisado na siya kung gusto, dapat o kailangan ba niyang gawin ang isang bagay. Sa mundong ginagalawan niya, hindi pwede lang ang gusto niya. Kailangang matibay ang sikmura at dibdib para maharap lahat. Nagmulat ng mga mata ang babae at kaagad sinalubong nito ang mga mata niya. Katulad kanina ay hindi nito kaagad inalis ang tingin sa kaniya. Nakikita niya ang takot sa mukha nito pero ang mga mata nito’y may kakaibang kislap ng tapang at pag-asa. Nagtitiwala pa rin itong makakaalis ito ng buhay. Hindi niya gustong sabihin dito ang plano nila kapag nakuha na ang pera ngunit ayaw niyang paasahin lang ito. Mas mabuti ng habang maaga pa’y alam nitong walang kwenta ang magdasal pa dahil mamamatay lang din naman ito. Mapapagod lang ito sa kakatawag sa kawalan. Gaya kanina, ito rin ang unang nag-iwas ng mga mata. Hindi na ito pumikit at sa halip ay sa ibang bahagi ng imbakan tumingin. Siya nama’y nanatili lang na nakatingin dito. Pinagmamasdan ang bawat kibot ng labi, galaw ng pilik nito sa bawat pagkurap, at ang mga pisngi nitong sumasabay sa paggalaw ng mga labi nito. “Pinapagod mo lang ang sarili mo,” hindi nakatiis na sarkastikong aniya dito. “Walang nakikinig sa’yo.” Hindi ito nagsalita o tumingin man lang sa kaniya. Pumikit pa ito at nagpatuloy sa ginagawa. Dala nang pagkainip, akmang tatayo si Asher upang upang paglaruan muna ang dalaga nang biglang tumunog ang cellphone niya. Dinukot niya iyon mula sa bulsa ng pantalon. ‘Julio’s Calling…’ ‘Bakit kaya?’ he thought as he accepted the call. “Bakit?” salubong niya kaagad. Wala ng hello- hello. “Asher! Umalis na kayo diyan! May nakatunog na nandiyan kayo?” mabilis at hindi magkamayaw na sabi ni Julio mula sa kabilang linya. Tuluyan na siyang napatayo siya mula sa kinauupuan. “Ano? Paanong nangyari iyon? Nasundan ba kayo ng mga pulis?” “Buti sana kung mga pulis lang. Letse pero mga taga-Galleria ang kumikilos ngayon. Inililigaw nina Brock ang mga pulis pero ang grupo ng GSA ang papunta diyan. Mukhang nakatunog sila kung saan ang pinagtataguan natin.” “Sh*t!” nasigaw niya at nagmamadaling hakbang ang ginawa niya palapit sa babae. Nakatingala na ito sa kaniya, nakaawang ang bibig sa pagtataka, at walang kaurap-kurap na nakatitig sa kaniya. “Ako ng bahala dito. Mag-ingat kayo diyan. Lalo ka na!” mariing saad niya. “Ikaw rin, Asher. Hindi basta pader ang binangga natin. Hindi nila tayo lulubayan.” “Alam ko,” malamig at may diing aniya habang inilalabas sa bulsa ang isang panyo. “Sige. Pero may alam ka bang lugar na maaaring puntahan?” Natigilan siya dahil sa tanong ng kaibigan. Hindi pa siya sigurado. “Bahala na. Tatawag na lang ako muli sa’yo. Ang mahalaga ay makaalis kami rito ngayon,” aniya bago naputol na ang tawag. Pinatay niya ang cellphone at inilagay sa bulsa. Naupo siya sa harap ng babae at inalis ang tali nito sa paa. “Bakit? Anong nangyayari?” kinakabahang tanong nito habang pinapanood ang ginagawa niya. “Manahimik ka.” Pagkakalag niya ng tali nito sa paa ay itinali niya iyon sa katawan nito kasama ang buong braso nito. Akmang magpipilwag ito pero mas malakas siya dito. “Ano ba? Bakit mo ba—“ “Isa pang imik, babae, at tatamaan ka na sa’kin,” bulyaw niya dito at parang papel na inalog ito. Natahimik si Amethyst sa ginawang pag-alog sa kaniya ni Asher. Wala naman siyang magawa dahil pati ang buong braso niya ay itinali nito. Subukan man niyang sipain ito’y tiyak matutumba muna siya bago maigalaw ang mga binti. Hindi pa siya nakakabawi sa ginawa nito nang hawakan nito ang likod ng ulo niya at ilapit ang panyong inilabas nito sa bulsa kanina. “A-ano iyan?” kinakabahang tanong niya kahit ang totoo ay may ideya siya kung ano iyon. “Matulog ka muna,” nakangising saad nito kasabay nang pagdiin ng palad nito sa likuran ng ulo niya. Ipinaling niya ang ulo kung saan-saan pero wala talaga siyang laban dito hanggang sa itakip na nito ang panyo sa ilong at bibig niya. Nagpapasag siya, nagwala, nagpumiglas pero hindi rin nagtagal at ang traydor niyang katawan ang kusang sumuko. Namilog ang mga mata niya at ilang sandali pa’y unti-unti nang sumara ang talukap niyon. MABILIS na pinangko ni Asher ang babae nang mawalan ito ng malay at malalaki ang hakbang niya na lumabas ng imbakan. Napakagaan ng babae na halos napakadali para sa kaniyang gumalaw kahit na buhat ito. Para lang siyang may buhat na manika. Nasa ikalawang palapag ang pinagkukulungan nila sa babae. Paglabas ng silid ay mahabang pasilyo. Sa gilid ay may mga bintana na natatakpan ng mga lumang metal. Marupok na at kinakalawang na ang mga metal kaya halos may siwang na ang mga iyon. Sumilip siya sa siwang upang tingnan ang labas. Wala pang tao sa harap at sa kabilang gilid. Hawak pa rin ang babae ay lumipat siya sa kabilang bintana upang doon sumilip. “Letseng mga taga-Galleria!” Mahina siyang napamura nang makita ang parang grupo ng mga langgam na naka kulay itim na mga lalaki na mabibilis ang pagkilos patungo sa gusali. Minsan niya nang nakaengkwentro ang mga ito at aminado siyang hindi biro ang makipaglaban sa mga ito. Mabibilis at mataktika. Hindi rin sila marunong sumuko. Umalis siya sa may bintana at nagmamadaling tinungo ang sirang pinto ng fire exit. Dahil simpleng tambakan lang at luma na ang gusali, hindi na masiyadong binibigyan ng atensyon ang mga pinto at gamit doon. Parang papel na inilagay niya sa balikat ang walang malay na babae at iniharang ang sirang pinto sa daan. Malalaki ang hakbang na nagmamadali siyang bumaba ng hagdan. Nasa baba na siya nang matanaw ang isa sa mga nakaitim na lalaki. Mabilis siyang nagtago at sinikap huwag gumawa ng ingay. Hindi siya makapaniwalang parang pusa ang mga itong wala man lang ingay ang mga yabag. Hinawakan niyang mabuti ang babae at kinuha ang b***l na nasa bewang. Kung saka-sakali ay gagawin niyang pananggalang ang babae. At kung mahuhuli siya, titiyakin niyang kasama niyang maglalaho sa mundo ang babae. Pagsisisihan nilang hindi sila sumunod sa usapan. Ilang sandali ang lumipas at nang matiyak na nawala na ang tao ay dahan-dahan siyang lumabas. Tahimik silang nakalabas ng fire exit ngunit isang mura na naman ang kumawala sa bibig niya nang makita ang sasakyang flat na ang gulong. Gusto tuloy niyang mainis at hindi man lang naging maingat nang ipinarada ang sasakyan. Naniningkit ang mga matang sinundan niya nang tingin ang daan palabas ng lugar. Isa na lang ang naiisip niya. Inihanda niya ang b***l, itinutok iyon sa babae na wala pa ring malay at tila manikang nakasampay sa balikat niya bago malakas ang loob na naglakad palabas. Oras na para makipaglaro ng buhay laban sa buhay… Matira matibay… MASAKIT ang ulo at katawan ni Amethyst nang magkamalay siya. Iginalaw niya ang mga kamay pero bigo siyang kumilos. Nangangawit na ang buong braso niya at gustong-gusto na niyang iunat iyon ngunit ang taling nakapulupot sa kaniya ay pinipigilan siya. Ilang segundo niyang pilit hinahamig ang sarili nang maramdaman ang paggalaw ng paligid. Lumilindol ba? Bakit magalaw? Bakit maingay? Muling gumalaw ang paligid niya kasabay ang tila pag-alog ng katawan niya. Napangiwi siya nang tumama ang ulo niya sa isang matigas na bahagi. Napangiwi siya dala ng kirot. “Umupo ka nang ayos kung ayaw mong magkabukol-bukol ka,” ani ng malamig at bahaw na tinig na nagpamulat sa mga mata niya. Napakurap-kurap si Amethyst nang sumalubong sa kaniya ang dumidilim ng daan. Nakasakay sila sa isang sasakyan at kaya pala parang umaalog siya’y dahil nang malubak ang dinaraanan nila. Wala rin siyang nakikitang kahit na anong bahay. Ang paligid ay puro puno na para bang papasok sila sa kagubatan. Napakunot-noo siya bago nagpilit lumingon. Wala na talaga siyang nakikitang ibang tao o mga bahayan man lang. Noon din ay tila bumalik ang diwa niya kung nasaan siya at kung anong nangyari sa kaniya. Nilingon niya ang lalaking kasalukuyang nagmamaneho. Ito pa rin ang pares na lalaking nagpatulog sa kaniya kanina—si Asher. “S- saan mo ako dadalhin?” tanong niya. Kaagad bumaha ang kaba sa dibdib niya. “Sa impiyerno,” malamig na tugon nito habang diretso ang tingin sa kalsada. Napapikit siya dahil sa naging tugon nito. Ngunit pinilit niyang h’wag magpaapekto dito. “Bakit mo ako itinatakas? Hindi ba dapat ay makikipagnegosasyon kayo kay Kuya August?” Hindi ito sumagot at nanatiling nakatuon ang mga mata sa daan habang nagmamaneho. “Bakit hindi ninyo pa ako ibinigay sa kanila? Bakit kailangan mo pa akong dalahin dito? Sabihi—” “Manahimik ka. Wala akong oras para sa kaingayan mo,” angil nito sa kaniya. Natahimik siya pero hindi niya inalis ang tingin dito. Hindi maikakaila ang pagod at iritasyon sa malamig nitong mukha. Iyon pa rin ang suot nito pero nakapagtatakang marumi at puno ng putik iyon. “Hindi ka pa ba napapagod sa ginagawa mo?” mahinang usisa niya. “Ikaw, hindi ka ba napapagod sa kasasalita mo diyan?” “Bakit ba hindi mo na lang ak—“ “Magpasalamat ka at buhay ka pa hanggang ngayon,” nag-aalab sa galit na wika nito sa kaniya. “Kung ako ang masusunod, hinayaan na kitang mamatay. Sana ay pinabayaan na lang kita kanina. Sana noong may pagkakataon pa ako, hinayaan na lang kita. Sa ganoon, hindi lang ako ang talo.” “Buhay pa ako dahil hindi ninyo pa nakukuha ang perang kailangan ninyo,” may pait na aniya. Tumagis ang baga ni Asher bago nagsalita, “Sisihin mo ang pamilya mong mas mahal ang pera nila kesa sa sariling kadugo nila. Mukhang wala naman silang pakialam sa iyo.” Napaawang ang labi niya dahil sa sinabi nito. “Hindi totoo iyan," hindi makapaniwalang anas niya. Tumaas ang sulok ng labi nito pero hindi ito sumagot dahilan para kabahan siya. “Anong ibig mong sabihin?” ulit niya sa mas malakas na tinig. May mga pumapasok sa isip niyang ideya pero ayaw niyang pansinin iyon at pangunahan ng mga negatibong isipin. “Tell me, what do you mean? Hindi pa ba sapat ang dalawampung mily—“ “Dumating sila para kunin ka at hindi para makipagnegosasyon. Ngunit mali sila nang inaakala kung iniisip nilang ibibigay ka lang namin ng basta-basta. Pera ang kailangan namin, sila ang nagsimula ng g**o. Kung tumupad lang sila sa usapan…” Napalunok siya kasabay nang mahinang pag-iling. Ayaw niyang maniwalang mas pipiliin ng pamilya niya ang pera kesa sa kaniya. Masama man ang loob sa kaniya ng mga magulang niya, hindi naman siya pababayaan ng mga ito. Isa pa’y ang Kuya August niya, hindi ba’t gumagawa ito nang paraan? Sigurado siyang natagalan lang ang mga ito dahil hindi rin naman biro ang dalawampung milyon. Hindi basta maglalabas ang bangko ng ganoon kalaking halaga. “Dumating ang mga bodyguard ng pamilya ninyo kanina,” pagpapatuloy nito sa nangungutyang tinig. “Pero wala silang dalang pera. Sa halip na makipagnegosasyon, pinasok nila ang warehouse. Anong gusto mong isipin ko?” Napayukong umiiling-iling siya. Nag-iinit ang sulok ng mga mata niya. “Alam nila ang plano ninyo. Alam nilang hindi ninyo ako ibibigay ng buhay oras na makuha ninyo ang pera,” katwiran niya kahit parang napakalabo. “Gusto lang nilang masiguradong ligtas ako.” Pagak itong tumawa bago sinulyapan siya. “Alam nila pero hindi sila naging maingat o baka wala naman talaga silang balak aksayahin sa’yo ang pera nila.” Nakuyom niya ang palad niyang namimintig na rin dahil sa pagkakatali ng mga kamay at braso niya. Pakiramdam niya’y wala nang dumadaloy na dugo sa mga iyon. Ngunit wala ang ngalay na nararamdaman niya kumpara sa sakit na nararamdaman niya ngayon. Kanina lang ay nakikipaglaban siya sa takot at para sa sariling buhay. Ngayon, tila ang paniniwala at pag-asa niya’y nagsisimula na ring mapagod. Oh God, what should I do? Papaniwalaan ko ba siya? “Kung gusto mong magdasal gawin mo lang pero ako na ang nagsasabi sa’yo, walang nakikinig sa mga hinaing mo. Dahil kung meron man, wala ka sana sa posisyon mo ngayon. At kung nahanap ka ng mga taga-Galleria kanina, titiyakin naming hindi na ngayon,” malamig at mapanganib nitong pangungutya. Galleria? It’s one of Montenegro's Security Agencies, and maybe her brother mobilized them. Apparently, it didn’t help the situation she was in. It made the whole scenario worse. Pinili niyang h’wag pansinin ang sinasabi nito at sa kabila nang p*******t ng katawan ay inihilig niya ang ulo sa may bintana ng sasakyan. Ipinikit ang mga mata kasabay nang hiling na sana… sana… gabayan siya hanggang sa huli. Humigpit ang hawak ni Asher sa manibela. Hindi siya makapaniwalang sinulyapan ang babae sa tabi niya. Halata sa mukha nitong hirap na hirap na ito dahil sa pagkakatali, natatakot, nalilito, at naguguluhan na kung anong paniniwalaan. Gayunman, nanatili itong nagpapakakalma. Hindi man lang ito naghisterya nang magising sa kung nasaan ito, at sa halip din na makipaglaban sa kaniya nang salitaan ay pinili nitong tumahimik at manalangin. Isang bagay na labis na nagpapadagdag sa inis niya. Iniliko niya ang delivery truck na minamaneho patungo sa mas makipot na daan. Nakuha niya ang sasakyan sa isa sa mga pinagtataguan nila nina Julio pagkatapos matakasan ang grupo ng GSA. Hindi naging madali ang ginawa niyang pagtakas lalo na’t dala ang babaing ito. Muntik na siyang mamatay nang subukan niyang makipagpalitan ng putok ng b***l. Ngunit dahil nasa kaniya ang babae at mas mahalaga ang buhay nito, nagkaroon siya ng pagkakataon para matakasan ang mga bodyguards. Hinayaan siyang makatakas ng mga ito, huwag lang masaktan ang babae. Tiningnan niya ang daan. Wala ng kahit anong bahay sa paligid maliban sa mahabang rough road at mga puno na lang. Nagiging maalog din ang sasakyan dahil sa mabatong daan. Humigpit ang hawak niya lalo sa manibela kasabay nang pagtagis ng baga niya at pagkirot ng kabilang balikat. Nagamot na niya ang tama ng b***l na nakuha kanina habang tumatakas pero hindi maalis-alis ang sakit. Kailangan na talaga nilang makarating sa destinasyon para maipahinga ang sarili. Pasimple niyang nilingon ang walang kakilos-kilos na babae sa tabi niya. Hindi man lang nagbago ang ekspresiyon ng mukha nito. Ibinalik niya ang atensyon sa daan. Hindi niya pwedeng kalagan ang babae at hindi niya rin maiwasang hindi mag-alala. Hindi pa nga pala ito kumakain simula kaninang umaga o umiinom man lang. Siguradong gutom at nanghihina na ito. ‘Ano namang paki ko? Hindi pa niya ikamamatay ang hindi pagkain ng isang araw.’ Bulong ng isip niya at mas binilisan ang pagpapatakbo sa kabila nang p*******t ng balikat. Kalat na ang dilim nang itinigil ni Asher ang sasakyan sa bungad ng isang gubat. Ipinarada nito ang sasakyan sa bahagi na natatakluban ng mga puno at d**o. Pagkakuha ng susi ay may inabot na bag ito sa likurang upuan at binalingan si Amethyst. “Wag kang kikilos diyan,” utos nito bago bumaba. Tumango lang si Amethyst habang pabalang namang isinara ng lalaki ang pinto nang makababa. Wala naman siyang magagawa dahil bukod sa nananakit na ang buong katawan niya ay naghihina na siya dala ng gutom. Noong una’y hindi pa niya masiyadong iniinda pero ngayo’y inaatake na siya nang panghihina. Kumakalam na ang sikmura niya at tuyo na ang lalamunan niya dala ng sobrang uhaw. Gusto niyang magsabi kay Asher pero humahanap pa siya ng tamang tiyempo. Napakislot siya nang bumukas ang pinto sa tabi niya. Hindi pa siya nakakabawi ay hinaklit nito ang braso niya at parang laruang ibinaba siya. Paglapat ng mga paa niya sa lupa’y binitawan na siya nito at dala nang panghihina ay bumagsak siya. “Aray!” Napangiwi siya nang tumama ang pang-upo niya sa lupa. “Ano bang ginagawa mo?” asik nito sa kaniya pagkasara ng pinto ng sasakyan. Tiningala niya ang madilim nitong anyo. “N-Nanghihina na ako. Baka naman pwedeng makahingi kahit man lang ng tubig,” aniya sa mahinang tinig. Tintigan siya nito bago padabog na kumilos. Naglabas ito ng bote ng tubig mula sa malaking itim na bag na dala. Nabuhayan siya nang pag-asa sa isiping makakainom man lang. Ngunit ang buong pag-asa niya’y naglaho nang nilagok nito ang laman ng bote hanggang sa wala ng natira at ibinagsak sa harap niya ang boteng walang laman. “Paano ba iyan? Wala na,” kibit-balikat na ngisi nito. Awang ang mga labing tinitigan niya ang boteng walang laman. Gusto niyang magalit. Gusto niyang sigawan ito ngunit alam niyang lalo lang siyang manghihina kapag ginawa niya iyon. Tiningala niya ang nakangisi pa ring si Asher at nagwikang, “Talaga bang kasiyahan mong makita akong nahihirapan?” Naglaho ang ngisi nito at nag-isang linya ang mga labi nito. “Ang dami mong arte,” inis na turan nito at sa hindi na mabilang na beses ay hinaklit siya nito sa braso para tumayo. “Kung ayaw mong ikaw ang gawing pagkain ng mga mababangis na hayop dito, kumilos ka na.” Akmang magpo-protesta si Amethyst pero nang marinig ang tungkol sa mababangis na hayop ay nagpatianod na lang siya dito. Hawak sa braso ay hinila siya nito papasok sa mas masukal pang bahagi ng gubat. Lalong dumilim ang paligid dahilan para magbukas na si Asher ng flashlight. Wala na ring maririnig mula sa paligid maliban sa mga huni ng mga panggabing insekto, pagaspas ng mga dahon at pagkiskis ng mga d**o na nayayapakan nila. Habang tumatagal na naglalakad sila’y pasukal nang pasukal ang daan. Dama rin niya na unti-unti’y nagiging paahon ang dinaraanan nila. “S-Saan mo ba ako dadalahin?” Sa wakas ay nagawa niyang itanong. Hindi ito sumagot at sa halip ay binitawan siya. Dala nang pagkabigla at kawalan ng balanse ay dumausos siya pababa. Hindi gaya kanina, hindi lang siya basta napaupo, gumulong pa siya pababa. “Aray!” Impit na napasigaw siya nang tumama ang likod sa isang puno na naging dahilan para matigil siya sa paggulong. “Ahh!” Hindi magkamayaw kung anong gagawin upang pawiin ang sakit na nararamdaman. Nakatali ang mga kamay niya at kahit anong gawin niya’y para lang siyang uod na nagpapakiwal-kiwal sa damuhan. “Letse! Ano bang ginagawa mo?” iritang nilapitan siya nito. Ibinaba nito ang bag at yumuko para ibangon siya. “Aray,” ingit niya nang maiupo nito. “Bakit ba kasi hindi mo magawang balansehin ang sarili mo? Hanggang dito ba naman ay pahirap ka sa akin?” Parang nawala ang p*******t ng katawan niyang tumalim ang mga mata dito. “Naririnig mo ba ang sarili mo?” Sa kabila ng dilim ay naaninaw niya ang pagkislap ng inis sa mga mata nito. “Hindi mo ba pwedeng kalagan muna ako?” maagap niyang tanong bago pa ito nakapagsalita. “Sa palagay mo ba’y magagawa kong makaalis sa lugar na ito basta-basta?” Nanatiling nakatitig ito sa kaniya na tila ba nag-iisip bago nagsalita sa malamig na tinig. “Kakalagan kita pero kapag may ginawa kang kalokohan ay ako mismo ang gagawa ng paraan para hindi ka makalakad.” Napalunok siya sa takot dahil sa sinabi nito kaya marahan siyang tumango. “Nauunawaan ko.” May kinuha ito sa sapatos na suot na maliit na patalim at pinutol ang tali na nasa braso at kamay niya. Nang maputol ang tali at makawala ang mga kamay niya’y wala sa loob na iginalaw-galaw niya iyon. Sa kabila ng gutom at panghihina ay nakadama siya ng kaginhawaan. “S-Salamat,” mahinang aniya. May kinukuha ito sa bag pero natigilan ito nang magsalita siya. Sinulyapan siya nito na hinahaplos ang nasaktang likuran. Hindi nakalingat sa kaniya ang pagdilim ng anyo nito habang nakatingin sa kaniya. Sandali pang matiim na tinitigan ni Asher si Amethyst bago tuluyang tumuwid ng tayo at kinuha ang flashlight. “Bilisan mong kumilos diyan.” Takot na maiwanang mag-isa ay nagmamadaling tumayo si Amethyst at sumunod dito. Kahit na nasa likod siya nito’y alam niyang pinakikiramdaman siya nito. Magtangka man siyang tumakas ay mapalad na kung makalayo siya. Habang umaakyat ay hindi mabilang kung ilang beses na nadulas si Amethyst. Madilim na ang paligid at kahit may flashlight ang lalaki ay hindi niya magawang kabisahin ang lugar. Pagod at gutom na siya pero hindi siya pwedeng sumuko. Kailangan niyang magpatuloy. Kung hindi man siya makakain, ayaw naman niyang siya ang maging pagkain ng mga hayop. Literal nang nagdidilim ang paningin niya dala ng pagod nang magsalita si Asher. “Bilisan mo’t malapit na tayo.” Nakakapa siya ng pag-asa. Kumapit siya doon kasabay nang tahimik na dasal na sana’y pakainin at painumin siya nito habang sa hindi na mabilang na beses, nangunyapit siya sa mga maliliit na sanga ng mga halaman para hindi madulas. Pilit niyang sinundan ang lalaking tila walang pakialam sa kaniya, hinahabol ng mga mata ang malamlam na ilaw nito. Maayos silang nakaakyat at ng tila patag na ang lupa’y muli siyang lihim na nagpasalamat. Isang malaking himala na nagagawa pa rin niyang kumilos sa kabila ng mga nararamdaman. Nagagawa pa rin niyang aninagin ang madilim na paligid. Ilang minuto pa marahil silang nagpatuloy sa paglalakad nang tila literal na nagdidilim na ang paligid ni Amethyst. Ikinurap-kurap niya ang mga mata pero kahit ang malamlam na liwanag na nagmumula sa flashlight ay nanlalabo sa paningin niya. Ramdam din niya na para siyang kakapusin ng hangin. “A-Asher…” Sa kauna-unahang pagkakataon, tinawag niya ang pangalan ng lalaki sa nanginginig na tinig. Nanunuyo ang lalamunan niya at nanghihina na talaga siya. “Ash—” Hindi na niya nagawang ituloy pa ang sasabihin dahil tuluyan na siyang nilamon ng dilim kasabay nang pagbagsak sa lupa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD