Chapter Three “Fear and Will”

4238 Words
Chapter Three “Fear and Will” Kailan ma'y hindi pa nakaramdam si Amethyst ng matinding takot sa buong buhay niya. Pilit niyang pinakakalma ang sarili habang panay ang pagdarasal niya ngunit ang dilim ng silid ay nagpapalala sa takot niya. May mga mahihina ring kaluskos siyang naririnig na marahil ay nililikha ng maliliit na insekto o ng mga daga. Hindi niya alam kung gaano na siya katagal na nakatali sa loob ng silid. Nagsisimula na niyang maramdaman ang ngalay at p*******t ng katawan ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring taong pumapasok. “Tulungan ninyo po ako. Natatakot na ako,” humihikbing aniya sa gitna ng dilim bago muling nagpatuloy sa pagdarasal. Nasa kalagitnaan siya nang pagdarasal ng pabalagbag na bumukas ang pinto. Pagmulat ng mata si Amethyst ay sumalubong sa kaniya ang bahagyang liwanag na nagmumula sa dalang ilawan ng lalaki na may pamilyar na pigura at suot na damit. Kung hindi siya nagkakamali ay ito ang lalaking humaklit sa kaniya. Nang tuluyang makapasok ito sa loob ng silid ay bumaha ang liwanag sa loob at malinaw niya nang nakikita ang buong silid. Sa hinuha niya ay nasa loob siya ng isang imabakan ng mga plastic, bote, at mga bakal dahil maayos na nakasalansan iyon sa gilid na bahagi ng silid. “Gising ka na pala,” nakangising puna ng lalaki. Lumapit ito sa kaniya makaraang ipatong ang ilaw sa mesa na nasa gilid niya. Nakasalampak siya sa sahig habang ang dalawang kamay at ang mga paa ay nakatali, kaya kinailangan nitong tumalungko para magkapantay sila. “Sayang ang ganda mo at nagmadre ka,” nakangising hinagod siya nito nang tingin. Gumapang ang kilabot at takot niya dahil sa paraan nito nang pagtingin. Sa isang tingin pa lang niya sa lalaki ay makikitang mapanganib ito. Ni hindi niya magawang titigan ng diretso ang mukha nito. Bigotelyo ang lalaki at may ilang peklat sa mukha. Isang palatandaan ng napakaraming g**o at away na nitong pinagdaanan. Ultimo ang kilay nitong malago ay may hiwa. Hindi nga lang siya sigurado kung pasadya ba iyon o hindi. “A-anong kailangan ninyo sa’kin?” pilit na pinatatatag ang tinig na tanong niya. “Wala akong ginawang masama sa inyo.” Hindi pinansin ng lalaki ang tanong niya at sa halip ay hinawakan nito ang pisngi niya. “Totoo pala ang sabi-sabing magaganda talaga ang lahi ng mga Montenegro. Matagal ka nang nasa kumbento pero hindi man lang nagbago ang ganda mo. Lalo tuloy akong nasisiyahan ngayon.” Iniiwas niya ang mukha mula sa kamay nito. Naghahalo ang takot, kilabot at inis na nararamdaman niya para rito. “Ano bang kailangan ninyo?” mariin niyang ulit. Ibinaba nito ang kamay bago tumayo at naupo sa isa sa gilid ng mesa. Isang bagay na ipinagpasalamat niya. Bahagya pa lang siyang nakakahinga nang maluwag nang muli itong magsalita. “Ano ba sa palagay mo ang kailangan namin sa mga katulad mong anak-mayaman?” Ikiniling nito ang ulo na para bang isa siyang batang kinakausap. Ransom. Kailangan nila ng pera! Pero nagkakamali sila. Umiling siya sabay sabing, “Nagkakamali ka. Itininakwil na ako ng mga magulang ko kaya tiyak hindi na sila mag-aabala pang gumastos ng pera para sa’kin.” Sa loob niya’y may kirot ang sariling salita pero iyon ang totoo. Ilang taon siyang tinikis ng mga magulang kaya tiyak matitikis din nila siya ngayon. Hindi nga ba at sa kanila ng mga bibig nagmula na wala na silang anak na babae? Hindi ba’t tinikis mo rin sila para masunod ang bokasyon mo? Kaagad niyang pinalis ang mga isiping nagsisimulang gumulo sa kaniya at itinuon ang atensyon sa lalaki. “Naghahanda na ang kapatid mo ng limang milyon kaya kung makikipag-negosasyon sila kaagad ay makakauwi ka rin kaagad,” kampanteng lahad ng lalaki. “Si Kuya August?” bulalas niya na sinamahan pa nang pamimilog ng mga mata. Hindi ito sumagot at sa halip ay nakangising tumayo bago nagsimulang maglakad palabas. Nabawasan ang takot niya ngunit hindi maikakailang ang kaba ay patuloy na sumisilip sa dibdib niya. Sana lang ay maayos kaagad ng kapatid niya ang pera… Sana ay matapos ito ng maayos… “KAPAG HINDI nila dinagdagan ay uuwi ang babaing ito ng ulo na lang!” Napapitlag si Amethyst sa pagkakasalampak sa sahig ng marinig ang sinabi ng lalaki mula sa labas. Base sa boses nito ay ito rin ang pares na lalaki kanina at base rin sa sinasabi nito ay gusto pa nitong dagdagan ang naunang limang milyon. Hindi ito nasiyahan sa limang milyon lang. Bakit may mga taong ganid pagdating sa salapi? Bakit ang puso nila’y hinahayaang pagharian ng mga makamundong bagay? Hindi niya maiwasang isipin habang nakatitig sa nakasarang pinto. Pumikit siya at akmang muling magdarasal nang bumukas ng malakas ang pinto. Pumasok roon ang lalaki na may hawak na cellphone sa kanang kamay nito. Nanlilisik ang mga mata nitong lumapit sa kaniya at marahas na hinawakan siya sa buhok. Hindi pa siya nakakabawi ay nagsalita ito sa mariing paraan habang hawak pa rin ang cellphone. “Hawak ko siya ngayon at anumang oras ay kayang-kaya kong baliin ang leeg niya,” pagbabanta nito sa kung sinumang kausap nito. Nilingon siya nito at nakangising sinulyapan ang leeg niya bago muling nagsalita, “O kaya nama’y pagsasawaan ko muna ito bago ipadala sa inyo ang katawan. Hindi ko man makuha ang pera, masisiyahan naman ako. Magiging patas lang ang laban.” Nanlaki ang mga mata niya dahil sa sinabi nito. Ang takot kaninang unti-unting naglalaho ay bumalik at tila mas higit pa sa kanina. “Maawa ka sa’kin,” nakikiusap na bulong niya rito. “Alam mo bang nagmamakaawa siya ngayon sa’kin,” paglalahad pa nito sa kausap sa cellphone. Binitawan nito ang buhok niya at ibinaba ang cellphone, pumindot at sa isang iglap ay dinig niya ang malakas at galit na tinig ng kapatid. “Huwag na huwag kang magkakamaling saktan ang kapatid ko! Ibibigay ko ang halagang gusto ninyo, ‘wag na ‘wag ninyo lang sasaktan siya!” “Kuya!” malakas niyang tawag. “Kuya, please! Tulungan mo ako, Kuya.” “Amethyst? Ikaw ba iyan!?” nag-aalalang ani ng nasa kabilang linya. “Kuya! Tulungan mo ako!” sigaw niya pero hindi na niya muling narinig ang tinig nito dahil pinutol na ng lalaki ang tawag. “Siguro naman ay mag-iisip na sila ngayon,” baling sa kaniya nito. “Tingnan natin kung alin ang mas mahalaga sa kanila. Ikaw o ang limpak-limpak na pera nila." “A- akala ko ba ay naghahanda na sila ng limang milyon?” “Nagbago ang isip ko.” Pinasadahan muli siya nito nang tingin at pinalandas ang dila sa labi. “Hindi lang limang milyon ang halaga mo. Hindi ko sasabihing tama na ang dalawampung milyon para maging halaga mo pero okay na rin iyon. Hindi na ako lugi pagkatapos ng mga hirap na dinanas ko.” Nahumindig siya sa kinauupuan. “H-Humihingi kayo ng dalawampung milyon?” “Mayaman kayo at kilala ang angkan ninyo kaya walang problema iyon. Baka nga barya lang sa mga katulad ninyo ang halagang iyon. Isang tawag lang sa bangko at tiyak na maglalabas sila ng malaking halaga,” nakangising tugon nito. “Sana lang ay hindi sila matagalan at baka mainip ako.” Lumawak ang ngisi nito kasabay nang pagbaba ng makalyo nitong kamay sa binti niya. Sinubukan niyang lumayo pero dahil nakatali siya’y hindi niya magawa. “Sa totoo lang ay naiinip na ako,” anito pa at tumaas ang kamay nito at nililis ang laylayan ng habit na suot niya patungo sa may tuhod. Nagpapasag siya sabay nagmamakaawa, “Please, itigil ninyo na ito. Mali itong ginagawa ninyo. Maraming marangal na trabaho ang pwed—“ “H’wag mo akong pangaralan!” malakas na singhal nito sa kaniya at hinaklit ang laylayan ng suot niya dahilan para matumba siya. “Maawa ka, please,” nagsisimula na siyang umiyak. “Maawa ka!” pumapalag na nagmamaawang aniya. Kumakabog ang dibdib niya sa takot nang hinawakan nito ang laylayan ng bestida niya at pinunit iyon. “H’wag! Maawa ka!” sigaw niya. “Madre ka ‘di ba? Nasaan ang Diyos mo? Bakit hindi ka niya iligtas ngayon?” nanlilibak na tanong nito. “Bakit hindi mo Siya tawagin at sabihing ipadala ang mga sundalo niya? Sayang at mukhang pinabayaan ka na Niya.” Umiiyak na umiling-iling siya. “H’wag, please. Maawa ka. Hindi tama itong ginagawa mo. Mali ito! Maawa ka sa sarili mo!” Sa isang iglap ay nagawang hawakan siya nito sa leeg. Humigpit ang hawak nito roon. Napasigok siya. “Mas maraming tao sa mundo ang hindi gumagawa ng tama. Pero ano? Nasaan sila? Nandoon sa malalaking bahay nila at nagkakamal ng maraming salapi, nagpapakasarap sa buhay. Wala silang pakialam sa mga taong natatapakan nila,” nanlilisik ang mga matang anito kasabay nang pagdiin ng kamay nito sa leeg niya. “At kung may dapat ka mang kaawaan ay ang sarili mo, hindi ako!” dugtong nito at lalong diniinan ang pagkakahawak sa leeg niya. Unti-unting nawawala ang hangin niya. Hindi na siya makapagsalita at kumikiwal na ang katawan dahil sa pangangapos ng hininga. Diyos ko! Alam kong nariyan Ka lang. Tulungan mo ako. Tulungan mo kami. Gusto ko pang mabuhay, please. Nagdidilim na ang paningin niya ngunit hindi pwedeng magdilim ang munting pag-asa na meron siya. “Brock! Anong ginagawa mo? Tama na iyan!” Nakarinig si Amethyst ng malakas na tinig ng lalaki kasabay nang pag-alis ng kamay ng lalaki mula sa leeg niya. Napaubo siya habang pilit sumasagap ng hangin. “Kapag pinatay mo iyan ay wala na ang dalawampung milyon natin,” dugtong pa ng tinig. “Bwiset eh,” asar na katwiran ni Brock. Nagmulat ng mata si Amethyst at nakita ang lalaking bagong dating. Tiningnan niya ito at sa kabila ng tila pagkahilo ay napansing halos hindi nalalayo ang edad nito sa kaniya. Mas bata rin ito kesa sa unang lalaki. “Tulong…” nanghihinang bulong niya. “Please… Tulungan mo ako…” “Kapag natapos ang buhay niyan, tapos na rin ang bagong buhay natin. Kumalma ka muna, Brock.” “Wala kang pakialam! Ano bang ginagawa mo dito? Nasaan si Asher?” inis na inignora ni Brock ang sinabi ni Julio. “Siya ang pinapupunta ko rito ah.” “Papunta na siya,” tugon ni Julio bago sinulyapan ang babaeng nakagapos at halos maghabol nang hininga habang nakahiga sa semento. Nakasuot ito ng pangmadre maliban sa wala itong belo. Bumaba ang tingin niya sa binti nito at nakitang wasak ang laylayan ng suot nito. Naiiling na sinulyapan niya sa Brock. Sira talaga ang ulo ng isang ito at pati madre ay balak pang patusin. Wala na talagang pag-asa ang kaluluwa nitong mailigtas pa. Sabagay, pare-parehas lang naman sila. Sa dami ng ginawa nilang mali, may pag-asa pa nga ba sila? Baka buhay pa sila ay unti-unti nang sinusunog ang kaluluwa nila sa impyerno. Nagsimula nang maglakad palabas si Brock pero sandaling tumigil ito ng nasa may pinto na. “Ihanap mo iyan ng damit. Nasusuka ako kapag nakikita ko ang suot niyan,” iritadong utos nito. Tinanguan niya lang ito bago sinulyapan ang babae. Nakakaawa sana ito pero wala na siyang maggagawa para dito. Kailangan nila ito para sa plano nila. Lumabas siya at naghanap ng damit para dito. Iyon na lang ang tangi niyang maggagawa para dito. TIGMAK ng luha ang mata at pisngi ni Amy habang nakapikit at patuloy sa pagdarasal. Ngunit sa kabila ng mga luha at pagdarasal niya, sa kabila ng patuloy na pagtitiwala niya sa tanging inaasahang tutulong sa kaniya ay walang tugon siyang nakukuha. Ano po bang plano Mo sa’kin sa mga oras na ito? Natatakot po ako at hindi ko alam kung magtatagal pa ba ako. Hindi ko alam ang gagawin ko. Tulungan mo po ako. Oh Lord, please, hear me. Hindi siya nagmulat ng mata o tumigil man sa pagdarasal nang marinig ang muling pagbukas ng pinto. Patuloy ang pagbuka ng bibig niya habang mahinang nagdarasal. Wala siyang pakialam kung anong sunod na mangyari. Patuloy siyang maniniwala at aasa, kahit pa hanggang sa huling hibla ng hininga niya. UMUNA si Julio sa pagpasok sa silid habang sa likod ay nakasunod si Asher. Sinulyapan ni Asher ang dalang plastic bag ng kaibigan. May laman iyong ilang damit na pangbabae. “Para saan iyan?” tanong niya nang makapasok sila sa lugar kung nasaan ang babaing kinidnap nila. “Sabi ni Brock ay pagpalitin daw ng damit iyong madre,” tugon naman ni Julio at ipinatong sa nag-iisang mesa ng kwarto ang plastic. “Naririmarim daw siya kapag nakikita ang suot ng babae.” Sumunod siya dito at mula sa kinatatayuan ay nakita niya ang babae. Nakalugmok ito sa sahig habang nakatali ang paa’t kamay. Lumuluha ito at kumikibo ang labi na tila may ibinubulong, tila walang pakialam sa paligid. Naningkit ang mga mata niya nang mapansin ang laylayan ng damit nito. “Sinira ni Brock ang damit niya. Pagdating ko nga’y halos patayin niya na sa sakal,” pagkukwento ni Julio nang makitang nakatingin siya sa babae. “Napaka ikli talaga ng pasensiya noon. Para siyang gas na bigla na lang magsisiklab.” “Hindi ko alam na madre ang kukunin ninyo kagabi,” malamig na aniya. Wala siyang pakialam sa mga ginagawa ni Brock. Sa ngayon, ang mahalaga lang sa kaniya ay makuha ang kabahagi niya sa dalawampung milyon. “Hindi matiyempuhan iyong isa kaya nang makita nilang lumabas na iyan ng kumbento ay siya na ang inabangan. Mas madali dahil walang bodyguard sa paligid. Wala pang kamalay-malay sa paligid.” Hindi si Asher sumagot at sa halip ay nakapamulsang naglakad patungo sa babae. Alam niyang alam ng madre nasa silid sila ngunit tila sinasadya nitong hindi sila pansinin. Patuloy ito sa pagbulong at kahit hindi niya naririnig ang sinasabi nito ay alam niyang nagdarasal ito. Nakakalungkot mang sabihin, walang nakikinig rito. “Sinabi ni Brock na pagpalitin daw natin iyan ng damit,” sabi ni Julio mula sa likuran niya. “Bakit? Kailangan pa ba?” Pinasadahan niya muli ng tingin ang babae. Hindi maikakailang maganda ito lalo pa at nagmula sa isang maganda at kilalang pamilya. “Sumunod na lang tayo.” Hindi na siya umimik. Tumalungko siya sa harap ng babae at walang sabi-sabing hinawakan ito sa magkabilang braso at pinaupo. Napamulagat ito at ang unang rumehistro sa magandang mukha nito ay takot—matinding takot. Hindi niya pinansin ang reaksyon nito at malamig na nagtanong, “Anong pangalan mo?” Napakurap ito pagkatapos niyang magtanong. Hindi ito sumagot at tinitigan lang siya. “Sister Amy ang tawag sa kaniya,” si Julio ang sumagot habang palapit sa kanila dala ang plastic bag. “Amy…” mahinang bigkas niya sa pangalan nito at binitawan ito. “Pero Amethyst talaga ang totoo niyang pangalan,” singit ulit ni Julio. Amethyst… Napakaganda ng pangalan nito. Hindi maiikailang bagay na bagay sa magandang mukha nito. “Oo nga pala, Asher. Nag-text si Brock na kailangan ko raw sumunod sa kanila. Ikaw na muna ang bahala diyan.” Ibinaba ni Julio ang plastic sa tapat nila. “Ipabihis mo sa kaniya,” anito saka tumingin kay Amethyst, “’wag kang mag-alala, pumili ako ng may mahahabang bestida na may mahahabang manggas,” nakangising dugtong nito bago tuluyang tumalikod. Dahil sa sinabi ng kaibigan ay may kislap ng pag-asa siyang nakita sa mata ni Amethyst. At hindi gusto iyon ni Asher. Hindi niya gustong makita ang mga ganoong klase ng kislap. Naiirita siya. Naiinis siya. PATULOY na umaasa si Amethyst na may natitira pang kabutihan sa loob ng mga lalaking kumuha sa kaniya. At nakita niya iyon mula sa lalaking tinawag na Julio. Sa kasamaang-palad ay umalis ito at iniwan siya sa isa pang lalaki na ang pangalan ay Asher. Blangko at malamig ang mga mata nito pares ng paraan nitong makipag-usap. “Kakalagan kita ng tali para makapagpalit ka pero h’wag kang magkakamaling gumawa ng maling hakbang o mananagot ka sa’kin,” pagbabanta ni Asher sa kaniya sabay baba ng plastic sa harapan niya. “Kung nakaligtas ka kay Brock, sa akin ay hindi. Tinitigan niya ito at dahil alam niyang wala siyang ibang hakbang na pwedeng gawin, pinili niyang sumunod. Tumango siya bilang tugon. “Mangako ka,” utos nito. Takang napatitig siya dito. “Tapat kayong mga madre sa bawat salita ninyo ‘di ba? Mangako kang hindi ka gagawa ng kalokohan kapag inalis ko ang tali at mangangako akong kapag hindi ka sumunod ay hindi ako magiging simbait ni Julio sa’yo,” dire-diretsang sabi nito. Ultimo ang tinig nito’y wala halos buhay. “Oo, pangako,” napipilitang aniya. Kinalagan siya nito at bahagya siyang nakadama ng kaginhawaan ng maiunat ang paa’t kamay. “Magpalit ka na,” utos nito habang nakatayo sa harap niya. Inabot niya ang plastic at inilabas ang bestida. Hindi nagsisinungaling iyong Julio dahil mahaba ang bestida at may mahabang manggas rin. Malaking bagay dahil purong puti rin ang bestida. Tiningala niya si Asher at hinintay na umalis ito ngunit naglakad lang ito papunta sa mesa at naupo roon. Hindi nakatingin sa kaniya si Asher pero hindi niya pa rin kayang magbihis ng may lalaki sa harapan niya. Nakuyumos niya ang bestida sa kandungan niya. “Bakit hindi ka pa nagbibihis?” Halata sa tinig nito na nagsisimula na itong mainip. “H-Hindi ka ba lalabas ng silid?” nag-aalangang tanong niya. Nilingon siya nito ng naniningkit at may pangungutya sa mga mata nito. “Sa palagay mo ba’y may pakialam ako kung maghubad ka sa harapan ko? Kahit anong gawin mo diyan ay wala akong pakialam. Ang mahalaga lang sa akin ay ang pera na kapalit mo.” Humigpit ang pagkakakuyom niya sa damit. Kahit anong sabihin nito ay pipilitin niyang hindi pansinin iyon. Ibinaba niya ang damit sa sahig. “Hindi na lang ako magbibihis,” mahinang aniya. Ilang taon siya sa kumbento at kahit noong bago pa siya pumasok doon, walang kahit sinong lalaki ang nakahawak o nakatingin sa katawan niya. She’s conserving herself for only one being. Ngunit tila walang pakialam ang lalaki sa nararamdaman niya dahil padabog itong tumayo at malalaki ang mga hakbang na lumapit sa kaniya. Hindi nito itinago ang inis at iritasyon sa mukha at mas lalong hindi ito naging maingat nang bigla na lang siya nitong hawakan sa magkabilang braso at hatakin patayo. “H’wag mo akong subukan, babae! Wala akong pakialam kung ano ka pa. Magbihis ka kung ayaw mong sa kamay ni Brock ka mamatay.” Tumalim ang mga mata nito sa kaniya at tumaas ang sulok ng labi nito. “O baka naman gusto mong subukan ang galit niya at sa ibang paraan ka magpaalam?” Napalunok siya kasabay nang pag-iinit ng mga mata. Ayaw niyang mag-isip pero hindi niya mapigilan. Gumagana ang imahinasyon niya pero hindi siya pwedeng panghinaan nang loob. “Magbibihis naman ako. Ang hinihiling ko lang ay lumabas ka sandali,” pilit pinakakalma ang tinig na paliwanag niya. “Inuutusan mo ba ako?” “Nangako akong hindi ako gagawa ng kahit ano. Sa palagay mo ba’y makakaalis ako dito nang hindi mo nalalaman?” tanong niya at iginala ang tingin sa silid. Malaki man ang lugar kung nasaan siya. Wala naman siyang nakikitang maari niyang daanan. Hindi ito nagsalita ngunit naramdaman niya ang pagluwag ng mga kamay nito sa magkabilang braso niya. “Limang minuto… Hindi kahit tatlong minuto lang at pwede ka nang pumasok muli,” aniya dito, umaasang pagbibigyan siya nito. Aminado siyang natatakot siya sa oras na bumalik ‘yung Brock at sa maaaring gawin nito. Isa pa, sinira na nito ang damit niya at hindi siya mapakali dahil doon. “Makakaligtas ako nang hin—“ “Umaasa ka ba talagang makakakaalis ka pa ng buhay dito pagkatapos ibigay ng kapatid mo ang dalawampung milyong piso?” putol nito sa mga sasabihin niya dahilan para mamilog ang mga mata niya. “A-Anong ibig mong sabihin?” Ngumisi ito. “Bakit hindi mo itanong sa Diyos mo kung anong mangyayari sa’yo?” Binitawan siya nito at nakapamulsang naglakad patungo sa direksyon ng pinto. “Dalawang minuto, tapos o hindi tapos ay papasok ako.” Iyon lang at lumabas na ito ng silid. Dala nang pagkabigla dahil sa sinabi nito, hindi siya kaagad nakagalaw. Tsaka lang siya kumibo nang kumatok ito sa pinto at sumigaw na, “Tumatakbo ang dalawang minuto mo.” Mabilis siyang kumilos at nagbihis. Hindi naman siya nahirapang magpalit dahil bestida iyon. Itinitipay na niya ang butones sa harapan nang bumukas ang pinto at pumasok si Asher. “Time’s up,” he announced, but his gaze wasn’t at her. “Tapos na,” mahinang aniya. Noon lang ito lumingon sa kaniya. Pinasadahan siya nito nang malamig na tingin, mabilis pero tila nag-iiwan ng kaba at takot sa kaniya. Kinuha nito ang tali sa mesa at naglakad palapit sa kaniya. Walang salitang pinaupo siya at muling itinali ang paa’t kamay niya. Nagpatianod na lang siya dahil iyon lang ang maggagawa niya sa mga oras na iyon. Manipis ang posibilidad na makalabas siya kahit pumalag pa siya. Natapos na itong magtali pero nananatili itong nasa harap niya. Hindi ito nakatingin sa kaniya kundi sa kwintas na suot niya. Madilim at walang buhay ang mga mata nito habang nakatitig sa pendant na krus na nasa dibdib niya. Lord, alam kong kaya mong baguhin ang puso ng kahit na sino. Kapain mo po ang puso niya. Bumulong ka sa kaniya. Inipon niya ang lakas-loob na meron siya at nagtanong, “Kapag nakuha ninyo na ang dalawampung milyon, alam kon—“ “Alam mo ba kung bakit hinahayaan naming makita mo ang mga mukha namin?” Hindi na siya nagulat sa sinabi nito. Batid na rin niya ang sagot kaya isang malungkot na ngiti ang sumilay sa labi niya. “Nauunawaan ko,” bulong niya. “Tanggap mo nang mamamatay ka?” Umangat ang tingin nito sa mukha niya. Wala na ang malamig at madilim nitong mga mata. Blangko na iyon. “Sino bang nakakaalam kung ang isang tao ay mamamatay bukas o mamaya? Kung sakali man na hanggang mamaya o bukas na ako…” Sinalubong niya ang mga mata nito. “Siya lang ang nakakaalam at patuloy akong magtitiwala sa kaniya. Isa pa, hindi ko naman mababago ang sitwasyon ko ngayon.” Hindi inaalis ang mga mata sa kaniya na tumayo ito. Nakatayo ito sa harap niya pero hindi ito nag-abalang lumayo. “Nagtitiwala ka sa maling nilalang.” “May tiwala ako sa kapatid ko na pipilitin niya akong iligtas. Alam kong gagawin niya ang lahat para makaipon ng dalawampung milyon at gawin lahat ng gusto ninyo pero tao lang siya at pwede siyang mabigo. Ang ‘nilalang’ na tinutukoy mong pinagkakatiwalaan ko, hindi man Niya ako mailigtas dito, sa ibang paraan naman niya ako ililigtas. Ngunit hindi ko ipagkakatiwala ang buhay ko sa dalawampung milyong anumang oras ay mawawala. Sa isang kisap lang, maaaring maglaho ang perang buhay ang inilalaan ninyo para makuha,” kalmado pero determinadong aniya. Bumalik ang malamig nitong mga mata at sinamahan pa iyon ng siklab ng galit. “Kung ganoon, magsimula ka nang sabihin sa Kaniyang ipaghanda ka ng magarbong kwarto para maging libingan mo. Siguraduhin niyang engrande iyon para sa kagaya mo na martyr.” Ngumiti siya at sa oras na iyon ay puno ng sinseridad. “Maraming silid ang Ama doon at matagal nang umakyat si Jesus para ipaghanda tayo ng lugar. Ayaw mo bang maging isa sa isasama ni Jesus kapag bumalik siya?” Tumaas-baba ang Adam’s apple nito. “Kung ako sa’yo ay mananahimik na lang ako,” matigas nitong angil sa kaniya sabay yuko sa harap niya. “Hindi ko ititikom ang bibig ko,” hamon niya habang matapang na sinasalubong ang mga mata nito. “Kapag hindi ka tumigil, una ko nang kukunin ang dila mo,” banta nito sabay haklit sa kaniyang braso. Dama niya ang pagbaon ng mga daliri nito sa balat niya at hindi niya mapigilan ang sariling mapangiwi. Wala siyang balak galitin ito pero sa nakikita niya ay nangyari na. “N-nasasaktan ako,” ingit niya nang hindi pa rin nito binibitawan ang braso niya. “Kung ayaw mong masaktan, manahimik ka na lang hanggang sa huling hininga mo,” mapanganib na banta nito sa kaniya. Sinalubong niya ang nag-aalab na mga mata nito sa galit. “At kapag hindi ka pa rin tumahimik, bubusalan ko iyang maingay mong bibig,” dagdag pa nito bago pabalang na binitawan siya. Hindi niya inaasahan ang ginawa nito kaya napabagsak siya sa sahig. Tumama ang kabilang siko niya dito dahilan para impit na mapatili siya. Ngunit walang pakialam si Asher dahil tinalikuran na siya nito at naglakad patungo sa mesa. Wala siyang nagawa kundi ang pagmasdan ito hanggang sa makaupo sa upuan. Sinulyapan siya nito pero hindi ito nagsalita. Ilang segundo ring magkahinang ang mga mata nila ngunit walang salitang namagitan. Nang hindi na niya matagalan ang malamig at nangungutyang tingin nito ay siya na ang kusang nag-iwas ng mga mata. Sa nakikita niya, napakabigat nang dinadala nito na kahit makiusap siya’y tiyak na magbibingi-bingihan lang ito. At sa hindi mabilang na beses, muli niyang ipinikit ang mga mata at tahimik na umusal nang panalangin. Naniniwala siyang makakaligtas siya. May darating na tulong at makakabalik siya sa kumbento. Makakabalik siya sa dating buhay… Kung paano? Sino lang ba ang nakakaalam?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD