“Yanna… please, just hear me out.”
Tumigil ang mundo sa isang iglap.
Nasa loudspeaker ang boses ni Brian...paos, mabigat, puno ng pagsisis at ramdam ko kung paano biglang nanigas ang hangin sa penthouse. Hindi ko kailangang lumingon para malaman ang reaksyon ni Kairo. Ramdam ko na agad. Parang may biglang humigpit na bakal sa paligid ko.
“Brian,” sagot ko, pilit pinatatatag ang boses. “Gabi na.”
“Alam ko,” sabi niya agad. “I’m sorry. Alam kong wala akong karapatan pero kailangan kitang marinig.”
Sa gilid ng paningin ko, nakita ko si Kairo. Nakatayo siya malapit sa salamin, ang mga kamay nakapulupot sa bulsa, ang panga mahigpit na nakatikom. Ang mga mata niya ay hindi nakatingin sa’kin pero alam kong bawat salita ni Brian ay tinatamaan siya diretso sa dibdib.
“Hindi ito ang tamang oras,” sabi ko.
“Walang tamang oras para humingi ng tawad,” sagot ni Brian. “Pero kung may oras man na pinaka-deserve mo ’yon ngayon.”
Napapikit ako sandali. Loudspeaker. Sinadya ko. Hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil ayokong magtago. Siguro dahil ayokong mag-isa sa pagharap sa nakaraan. O siguro ay dahil gusto kong marinig ni Kairo ang katotohanan.
“Nasaktan kita,” patuloy ni Brian. “Iniwan kita nung kailangan mo ako. Pinaniwala kita na mag-isa ka. And I hate myself for that.”
Huminga ako nang malalim. “Brian...”
“Please,” putol niya. “Hayaan mo akong tapusin.”
Sa likod ko, may gumalaw. May papakapit na hakbang. Lumapit si Kairo pero hindi pa rin nagsasalita. Pero ang presensya niya ay parang anino na may sariling pulso.
“Akala ko tama ang ginawa ko,” sabi ni Brian, mas mabigat ang boses. “Akala ko kaya mong tumayo mag-isa. Pero mali ako. I left you to drown.”
May kumirot sa dibdib ko. Hindi dahil mahal ko pa siya kundi dahil minsan, naniwala akong kaya niya akong saluhin.
“Yanna,” sabi niya, halos pabulong, “kung may paraan para bawiin ang lahat...”
“Wala,” sagot ko, diretso. “Wala nang babalikan.”
Isang katahimikan ang bumagsak sa linya.
“May iba na,” dagdag ko, malinaw. “At masaya ako.”
Sa gilid ko, gumalaw si Kairo. Isang mabagal na ngiti ang sumilip...hindi masaya. Mapanganib.
“Masaya,” ulit ni Brian, parang tinatanggap ang sugat. “Kung totoo ’yan… I’ll step back.”
“Salamat,” sabi ko. “Ito na ang huling beses.”
“Yanna,” huling tawag niya. “In another life...”
“Goodbye, Brian.”
Pinatay ko ang tawag.
Tahimik.
Sobrang tahimik.
Narinig ko ang sarili kong paghinga. Narinig ko ang mahinang tunog ng lungsod sa labas. At narinig ko...ang mabagal, kontroladong paghinga ni Kairo sa likod ko.
“Another life?” tanong niya, mababa ang boses. Delikado. “Talagang ’yan ang huling linya niya?”
Lumingon ako. “Hindi ko siya pinigilan.”
“Hindi,” sagot niya. “Pero hindi mo rin siya pinutol agad.”
“Hindi ako obligado na burahin ang nakaraan ko para lang maging komportable ka.”
Lumapit siya. Isang hakbang na sapat para ma-trap ako sa pagitan ng katawan niya at ng mesa.
“Hindi ako hindi komportable,” sabi niya, ang mga mata diretso sa’kin. “Nagbabantay lang ako.”
“Hindi mo ako pag-aari, Kairo.”
Ngumiti siya—yung ngiting alam kong may kasunod na apoy. “Hindi,” sabi niya. “Pero ang mundo mo? That’s different.”
Umiwas ako ng tingin. “Huwag mong gawing kompetisyon ’to.”
“Hindi,” sagot niya. “Babala ’to.”
Tumalikod siya bigla. Kinuha ang baso sa mesa...whiskey. Isang lagok. Dalawa. Hindi ako nagsalita. Pinanood ko lang kung paano niya nilulon ang galit kasama ng alak.
“Gabi na,” sabi ko. “Matulog ka na.”
“Hindi pa,” sagot niya. “May mga multo pang gising.”
Lumakad siya papunta sa balcony. Bumukas ang pinto. Pumasok ang malamig na hangin.
Ilang minuto ang lumipas bago ako sumunod.
“Akala ko ba ayaw mong makita kitang umiinom mag-isa?”
Hindi siya lumingon. Nakatingin lang siya sa ibaba...sa mga ilaw ng siyudad, parang mga bituing nahulog sa lupa.
“Hindi ako mag-isa,” sagot niya. “Naririnig pa rin kita.”
Lumapit ako sa gilid niya. Nakita ko ang bote sa maliit na mesa. Halos kalahati na.
“Hindi ito solusyon.”
Ngumiti siya, mapait. “Hindi rin naman ang pag-ibig.”
Napatingin ako sa kanya. “Bakit ka galit?”
“Dahil bumalik siya,” sagot niya, diretso. “At dahil may bahagi sa’yo na minsan niyang inangkin.”
“Hindi na,” sabi ko agad.
Sa wakas, tumingin siya sa’kin. Ang mga mata niya...madilim, nagseselos, pero may takot na pilit tinatago.
“Sigurado ka?” tanong niya. “O sinasabi mo lang ’yan para hindi kita ipagtanggol nang masyado?”
Huminga ako nang malalim. “Hindi ko kailangan ng bantay.”
Lumapit siya, sapat para maramdaman ko ang init niya sa malamig na hangin. “Lahat ng mahalaga, binabantayan.”
“Kairo...”
“Sa mundo ko,” putol niya, mahina pero matalim, “ang mga nawawala ay kinukuha ng iba.”
Tumigil ang mga salita ko.
“Hindi kita kukunin,” dagdag niya. “Pero hindi rin kita hahayaan na kunin.”
Tumunog ang phone ko sa bulsa.
Isang notification. Isang headline na nag-flash sa screen sa pagitan namin.
BRIAN CHAVEZ SPOTTED CALLING YANNA CRUZ .... OLD FLAMES REIGNITE?
Natawa si Kairo...isang mababang tawa na walang saya.
“At heto na,” sabi niya. “The war you didn’t ask for.”
Tumingin siya sa’kin, seryoso, buo ang tindig.
“So tell me, Yanna...are you ready to let me fight this?”