“Uy, nakita niyo ba ’to?”
’Yun ang unang salitang bumasag sa umaga ko....hindi sa totoong mundo, kundi sa screen ng phone ko. Isang voice note sa group chat na hindi ko dapat kasama. Isang chat na dati kong tahanan. Mga taong dati kong kasabay kumain, tumawa, magreklamo sa overtime.
Seen.
Huminga ako. Mali. Hindi ako dapat nandito. Pero huli na.
Nag-scroll ako.
At doon ko nakita ang pangalan ko...hindi bilang tao, kundi bilang biro.
“Grabe, si Yanna pala ’yung bagong ‘it girl’ ni Kairo Valencia.”
“Downgrade amp.”
“From office girl to billionaire bedmate. Sana all may shortcut.”
Namilog ang paningin ko. Parang may humigpit sa lalamunan ko, parang may humila pababa sa sikmura ko.
“Huwag kayong maingay, baka may NDA na ’yan.”
“NDA? Mas bagay sa kanya DTR.”
Tawa. Emojis. GIFs. Isang screenshot ng akin...umiiyak sa isang frame, naka-zoom ang mata, may caption:
‘ARTISTE ANG LUHA.’
Napatigil ang hininga ko.
Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakatitig. Hindi ko alam kung kailan ko naramdaman ang unang kirot...kung sa salitang downgrade, o sa katotohanang kilala ko ang mga boses na ’yon. Mga taong tinawag akong kaibigan.
“Sabi ko na nga ba, may kapalit ’yang PR cleanup niya.”
“Gold-digger energy.”
“Team Brian pa rin ako. At least ’yon, hindi binili.”
Napabitaw ako sa phone. Tumama ito sa kama, parang isang ebidensiyang ayaw ko nang hawakan. Nanginginig ang kamay ko. Hindi dahil galit...kundi dahil parang may humihila sa loob ko, pababa, pababa.
Huwag mong basahin ulit, sabi ng utak ko.
Binasa ko ulit.
Isang bagong message ang pumasok. Screenshot. Mas malinaw. Mas masakit.
LEAKED: Office group chat mocking Yanna Cruz.
Trending. May hashtag. May comments.
“She thinks she’s untouchable now.”
“Nakakahiya sa dating officemates.”
“Ungrateful talaga.”
Umiwas ako ng tingin, pero wala akong matakbuhan. Ang katahimikan ng condo ay mas maingay kaysa sa ingay sa phone ko. Sa salamin, nakita ko ang sarili ko...nakapambahay, mata’y namumula, labi’y nanginginig.
“Yanna?”
Boses ni Kairo sa likod ko. Hindi ko namalayang pumasok siya. Hindi ko namalayang nakatayo na pala ako.
“Hindi ngayon,” sabi ko agad, mabilis, parang tatakbo.
“May nangyari,” sabi niya. Hindi tanong. Pahayag.
Pinulot niya ang phone ko mula sa kama. Isang segundo lang. Dalawa. Tumigas ang panga niya.
“Sinong gumawa nito?” tanong niya, mababa.
“Wala,” sagot ko. “It's not important.”
“Tingnan mo ’ko,” sabi niya.
“Huwag,” sagot ko. “Huwag mo ’kong tignan na parang kasalanan mo.”
Lumapit siya. Hindi niya hinawakan ang braso ko. Hindi niya hinarangan ang daan. Sa halip, ibinaba niya ang phone sa mesa....maingat, parang may basag.
“Hey, you're not alone on this,” sabi niya.
Napatawa ako...isang tunog na hindi masaya. “Hindi mo alam kung gaano kasarap marinig ’yan mula sa isang lalaking pinaniniwalaan ng lahat.”
“Yanna...”
“Alam mo ba,” putol ko, “kung ano ang mas masakit? Hindi ’yung sinasabi nila ngayon. Kundi ’yung alam kong dati, kasama ako ro’n.”
Tahimik siya.
“Mga taong kilala ang kape ko, ang lunch ko, ang kwento ng kapatid ko,” tuloy ko. “Ngayon, screenshot na lang ako.”
Lumapit siya ng kalahating hakbang. “Sabihin mo lang, aayusin ko.”
“Hindi mo puwedeng ayusin ang lahat,” sabi ko, nanginginig. “At ayokong ayusin mo ’to.”
“Bakit?” tanong niya.
“Dahil kapag ginawa mo ’yan,” sabi ko, diretso sa mata niya, “lalo lang nilang iisipin na tama sila. Na may kapalit ang bawat paghinga ko.”
Tumahimik siya. Kita ko ang galit na pilit niyang nilulunok. Ang kamay niyang kumikilos, gustong sumuntok sa hangin.
“May press meet mamaya,” sabi niya sa wakas. “Pwede nating...”
“...magpanggap?” tanong ko. “Ngumiti? Hawakan ang kamay mo? Magmukhang panalo?”
Hindi siya sumagot.
“Hindi ako panalo,” sabi ko. “At ayokong magpanggap ngayon.”
Tumunog ang phone niya. Isang pangalan ang lumitaw sa screen.
BRIAN CHAVEZ.
Napasinghap ako. Hindi dahil gusto ko. Kundi dahil may sugat pa.
Tinignan niya ako. “Sasagutin ko?”
“Bahala ka,” sagot ko.
Sinagot niya. Hindi lumayo. Narinig ko ang boses sa kabilang linya...galit, may halong pag-aalala.
“Kairo, anong kalokohan ’to?” sigaw ni Brian. “Pinagtatawanan siya ng buong internet.”
“Alam ko,” sagot ni Kairo, malamig.
“Kung may konsensya ka...”
“ ..meron,” putol ni Kairo. “At hindi ko siya ginagamit.”
Tumigil ang linya. Saglit. Tapos...
“Kung talagang may pakialam ka, layuan mo siya.”
Humigpit ang dibdib ko.
Tinignan ako ni Kairo. Parang hinihingi ang pahintulot ko. Hindi ko ibinigay. Hindi ko rin binawi.
“Hindi ko gagawin yan,” sagot niya sa linya. “At hindi ko siya iiwan kapag ganito.”
Pinatay niya ang tawag.
“Hindi ko kailangan ng tagapagtanggol,” sabi ko agad.
“Hindi ako nagtatanggol,” sagot niya. “Naninindigan ako.”
“Para kanino?” tanong ko. “Sa’kin? O sa image?”
“Sa’yo,” sagot niya, walang pag-aalinlangan.
May kumirot. Hindi ko alam kung saan nanggaling.
“Mas madali sana kung galit ka,” sabi ko. “Kung masama ka.”
“Mas mahirap kapag totoo,” sagot niya.
Kinuha ko ang phone ko ulit. Isang bagong alert.
MORE SCREENSHOTS DROP.
May bago na namang pangalan. May bago na namang tawa.
Huminga ako nang malalim. “Aalis muna ako.”
“Saan ka pupunta?” tanong niya.
“Hindi ko alam,” sagot ko. “Basta sa lugar na hindi ako topic.”
Lumapit siya, sa wakas hinawakan ang kamay ko...mahigpit, hindi para pigilan, kundi para kumapit.
“Kasama mo ’ko,” sabi niya.
Umiling ako. “Huwag ngayon.”
“Yanna...”
Tumingin ako sa kanya, mata sa mata, sugatan pero buo. “Kung sasama ka,” sabi ko, “hindi kita kayang protektahan kapag nasaktan ka.”
Tumahimik siya. Bitawan niya ang kamay ko...dahan-dahan.
Sa pinto, huminto ako. Lumingon.
“Kapag bumalik ako,” sabi ko, “gusto kong malaman kung sino talaga ang kakampi ko.”
Hindi siya kumurap.
“Ako,” sagot niya.