“Boss, totoo ba ‘yan o lasing ka lang?”
Tawanan ang sumabog sa paligid ng bonfire. May mga baso sa ere, may mga sigawan, may mga kantiyawan na parang gusto nang gawing punchline ang buong eksena. Halos naririnig ko pa ang pagbangga ng mga upuan, ang katatawanan ng bawat isa, ang naglalabong mga ilaw na sumasalamin sa apoy. Nakaupo ako kanina, tahimik, pinapakinggan ang ingay…hanggang sa marinig ko ang boses ni Patrick.
“Dare,” sabi niya, may ngisi, na parang alam niyang may mangyayaring kakaiba. “Sabihin mo kung sino ang taong pinaka-mahalaga sa’yo ngayon...and why.”
Humina ang tawanan. Hindi tuluyang nawala, pero may nagbago sa hangin. Parang may biglang humawak sa dibdib ko at pinisil. Ramdam ko ang bigat ng titig ng iba sa akin, ang pag-ikot ng mga ulo, ang mga mata na naghahanap ng mapagkukunan ng joke. Lahat sila may inaasahan...joke, sarcasm, cold CEO answer. Yung tipong ligtas, walang sabit, walang apektado.
Hindi nila alam na pagod na akong magtago. Pagod na akong ngumiti sa mga biro na hindi ko nararamdaman, pagod na akong ipakita ang malamig na mukha habang ang puso ko ay nag-aapoy sa loob.
Tumayo ako. Ramdam ko ang pagtaas ng kilay ng ilan, ang pagkatigil ng pag-inom ng iba. Hindi ko tiningnan ang grupo. Isang mukha lang ang hinanap ko.
Si Yanna.
Napatigil siya sa paghinga nang magtagpo ang mga mata namin. Kita ko ang kaba sa kanya, ang tanong na pilit niyang tinatago: Sasabihin ba niya? Kita ko rin ang paghahanda niya sa sarili…na tatanggapin kahit umiwas ako.
Hindi ako umiwas.
“Hindi ‘to dapat seryoso,” may bumulong sa akin, may halong pang-aasar at pagka-alala. “Relax lang, boss.”
Ngumiti ako, pero hindi sa kanila.
“May isang tao,” sabi ko, malinaw ang boses ko kahit magulo ang loob ko, “na hindi ko kayang gawing biro.”
May umubo. May napahawak sa dibdib sa kilig na hindi pa nila alam kung totoo. Halos ramdam ko ang bawat titig sa akin...mga mata na puno ng paghanga, pagkagulat, at kuryosidad.
“Hindi siya ang trabaho ko,” ipinagpatuloy ko, pinipigilan ang titig na kumalat sa paligid. “Hindi rin ang kumpanyang itinayo ko. Hindi ang pangalan ko.”
Tumigil ang oras. Ramdam ko iyon. Parang lahat sila humihinga sa parehong segundo, na parang ang mundo ay tumigil at tanging ang pagitan namin ni Yanna ang umiiral.
“Siya ‘yung dahilan kung bakit nawawala ang kontrol ko,” sabi ko, diretso pa rin ang tingin kay Yanna. “Kung bakit natatakot ako. Kung bakit… may pakialam ako.”
Hindi ko kailangang banggitin ang pangalan niya. Kita ko na ang pamumula ng pisngi niya, ang panginginig ng kamay na pilit niyang ikinukubli sa hita niya. Kita ko ang pagkabigla...at ang takot, halo sa kilig, halo sa pag-amin na hindi niya inaasahan.
May sumipol. May napamura. May napasabi ng, “Put...seryoso siya.”
“Boss pala marunong magmahal?” may tumawa, pero mahina na. Hindi mapang-asar. Halos humanga.
Si Yanna ang tanging hindi tumatawa.
Nanlabo ang mga mata niya. Hindi luha ang bumabagsak... kundi ‘yung klase ng emosyon na nag-iipon, na kapag binitiwan, hindi mo na mapipigilan. Tinangka niyang ngumiti, gawing magaan, pero nakita ko ang pag-urong ng balikat niya. Overwhelmed. Halos ramdam ko ang bawat pikit ng kanyang mga mata, ang bawat maliit na pangangatal ng labi niya, ang bawat konting pagkiling ng ulo na nagsasabi ng "ano ba itong nararamdaman ko."
At doon ako tinamaan.
Isang hakbang lang ang pagitan namin, pero parang bangin ang nilampasan ko nang lumapit ako. Hindi ako nagtanong. Hindi ako nagbigay ng babala. Inabot ko siya...dahan-dahan, parang baka mabasag.
Hinila ko siya papalapit sa akin.
Tahimik ang paligid sa isang iglap. Wala nang kantiyawan. Wala nang tawanan. Ang init ng bonfire parang lumayo habang naramdaman ko ang bigat ng ulo niya sa dibdib ko. Parang oras mismo ang huminto sa loob ng segundo. Ang bawat t***k ng puso niya ay ramdam ko sa ilalim ng balat ko.
Hindi ito bastos. Hindi ito palabas.
Proteksiyon.
Inilagay ko ang braso ko sa balikat niya, hinigpitan nang bahagya, parang sinasabi ng katawan ko ang mga salitang hindi ko pa kayang isigaw. Hinalikan ko ang tuktok ng ulo niya...isang dampi lang, pero puno ng pangako. Isang pangakong hindi natin kailangan pang bigkasin, dahil ramdam naming dalawa.
“Okay ka lang,” bulong ko, para sa kanya lang. “Andito ako.”
Parang sabay-sabay na napasinghap ang buong grupo. May mga kamay na tinakpan ang bibig. May mga matang kumislap sa kilig na hindi na maitago. Ang “terror boss” nila… yakap ang isang babae na parang siya lang ang mahalaga sa mundo.
“Hindi ka nag-iisa,” dagdag ko, mas mahina pa. Ramdam ko ang paghinga niya... mabilis, nanginginig... hanggang sa unti-unting kumalma. Halos ramdam ko ang pagluwag ng tensyon sa pagitan namin, na para bang bawat maliit na halik at yakap ay nagtatanggal ng takot at pag-aalinlangan.
“Boss…” may pabulong na tawanan sa likod. “Next level na ‘to.”
Hindi ko sila pinansin.
“Sa akin ka,” sabi ko, hindi pasigaw, hindi rin pakiusap. Katotohanan. “Hindi ka laro. Hindi kita ilalagay sa alanganin.”
Humigpit ang hawak niya sa damit ko. Doon lang siya nagsalita.
“Kairo…” mahina, nanginginig. “Hindi ko ‘to inasahan.”
Hinawakan ko ang pisngi niya, sapat lang para makita ko ang mga mata niyang puno ng tanong at takot. Halos maramdaman ko ang bawat salitang hindi niya nasasabi, bawat damdamin na naiipit. “Ako rin,” sagot ko. “Pero hindi ko na kayang magpanggap.”
May tumawa ulit, mas malakas. “Boss, kung ganyan ka magmahal, kailan kasal?”
Sumabog ang tawanan. May palakpakan pa nga. Normal sana. Madaling sabayan.
Hindi ako tumawa.
Tiningnan ko si Yanna. Seryoso. Walang biro sa mukha ko. Ramdam ko ang bigat ng salita ko sa pagitan namin, ramdam ko ang bawat paggalaw niya sa loob ng yakap ko.
“Hindi pa ngayon,” sabi ko. “Pero darating.”
Nanlamig ang mga daliri niya sa akin. Kita ko ang pagkagulat, ang bigat ng sinabi ko na parang biglang pumatong sa balikat niya. Halos gusto kong isigaw sa buong mundo na kanya lang siya, na wala nang iba, pero pinili kong hayaan siyang maramdaman ito sa kanyang sariling paraan.
Lumapit ang bibig niya sa tenga ko, halos hindi marinig sa ingay ng paligid...
“Kairo… ano bang ginagawa mo sa’kin?”