BRIELLA'S POV
Saktong alas otso ay bumalik sa kwarto si Senyorito Nyx. At katulad ng sinabi niya ay may dala na siyang pagkain para sa akin. Ibinaba niya ito sa bedside table niya. Ako naman ay kinuha ang gamot at iniabot sa kaniya.
"Wala na akong lagnat," seryosong sabi niya sa akin.
Tipid naman akong napangiti. "Pero kailangan pa rin po kung ayaw niyong bumalik ang lagnat niyo. Sa oras na lagnatin ulit kayo, wala akong magagawa kundi ang sabihin sa magulang niyo para dalhin kayo sa ospital," pananakot ko pa sa kaniya.
Agad naman niyang kinuha ang gamot at mabilis na ininom iyon. Napangisi naman ako dahil alam ko na ang isa sa mga kahinaan niya.
"Kumain ka na. Nasa salas pa sina Dad dahil may pinag-uusapan pa sila doon. Mamaya ka pa makakalabas," utos niya sa akin.
Hindi naman ako tumanggi pa. Kanina pa kasi ako nagugutom at isa pa, ang dinala ni Senyorito ay pagkain nila, hindi ang pagkain para sa aming mga kasambahay. Di hamak na mas masarap itong dala niya kaysa sa pagkaing naghihintay sa akin sa kusina.
"You can come with me tomorrow," pagbasag niya sa katahimikan.
"Po?"
"May pupuntahan ako bukas, and I want you to come with me," seryosong sabi niya.
"Ang totoo po kasi niyan ay off ko bukas," alanganing sabi ko.
"What? Hindi ba dapat ay nakauwi ka na kaninang hapon?" nagtataka niyang tanong sa akin.
Alanganin akong ngumiti. Totoo 'yon. Pinapayagan kasi kaming umuwi sa hapon bago ang araw mismo ng day off namin.
"E hindi po ba't hindi niyo ako pinaalis kanina?"
Napaiwas ng tingin sa akin si Senyorito at hindi rin nakatakas sa paningin ko ang pamumula ng tainga niya. Napakagat naman ako sa labi ko dahil tila nasobrahan na naman yata ako sa mga sinabi ko. Pero nagsabi lang naman ako ng totoo.
"I'm sorry. Hindi ko alam na off mo pala bukas. I can take you home tonight," seryosong sabi pa niya.
Marahan naman akong napailing. "Hindi na po, Senyorito. Bukas na lang po ng umaga ako uuwi."
Nakapagsabi na rin kasi ako kay Nanay na hindi ako makakauwi ngayong gabi. Pero sinabi ko naman sa kaniya na aagahan ko ang uwi bukas para naman masulit ko ang off ko. At isa pa, may mga labahin pang nag-aabang sa akin sa bahay.
"Are you sure?" paninigurado pa sa akin ni Senyorito.
"Opo, Senyorito. Late na rin po kasi, hindi na ligtas sa lugar namin nang ganitong oras," sabi ko pa.
Napatango naman siya kaya ipinagpatuloy ko na ang pagkain ko. Habang si Senyorito ay kumuha ng damit niya sa cabinet niya. Akmang papasok na siya sa CR nang bigla akong magsalita.
"Bawal kayong maligo, Senyorito."
"Seriously?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"Hinignawan lang kayo pero hindi ibig sabihin no'n ay magaling na talaga kayo."
"Hin..hinig..anong salita iyon?" nalilitong tanong niya.
"Hinignawan. Ibig sabihin po ay bumaba ang lagnat niyo dahil sa ininom niyong gamot kanina. Pero pwedeng tumaas ulit ang lagnat niyo sa oras na mawalan ng bisa ang gamot," paliwanag ko naman.
Hindi ko akalain na may mga hindi rin pala alam ang mga mayayamang katulad niya. Siguro ay dapat ko ring dalasan ang paggamit ng mga malalalim na tagalog para asarin siya.
"Pero uminom na ulit ako," giit pa niya.
"Bahala kayo, Senyorito. Hindi naman ako ang madadala sa ospital e," kaswal na sabi ko pa.
"Wait, napapansin ko na parang ginagamit mong panakot 'yan para mapasunod ako," kunot noong sabi naman niya.
Matamis ko siyang nginitian. "Nagsasabi lang po ako ng totoo."
"Fine."
Padabog siyang pumasok sa CR habang ako naman ay ngingiti ngiti dahil natalo ko na naman ang amo ko. Inayos ko na ang mga pinagkainan ko para mamaya ay bibitbitin ko na lang paglabas ko. Sumilip pa ako sa bintana at aninag ko pa ang ilaw na nanggagaling sa salas. Gising pa nga ang don at donya kaya napahinga na lang ako ng malalim.
Ilang saglit pa ay lumabas na ng CR si Senyorito. Hindi basa ang buhok niya na ikinangiti ko. Hindi nga siya naligo katulad ng sinabi ko. Pero nagulat ako nang makitang hindi pantulog ang suot niya.
"Lalabas pa kayo, Senyorito?" gulat na tanong ko.
Napangisi naman siya sa akin. "Yes."
"Pero baka mabinat kayo," nag-aalalang sabi ko naman.
Nakapang-alis kasi siya kaya hindi simpleng paglabas lamang ang gagawin niya. Hindi ko pa alam ang pang-night routine ng amo kong ito kaya wala akong ideya kung saan siya pumupunta kapag gabi.
"At isa pa, baka mahuli na naman kayo ng daddy niyo," dugtong na sabi ko pa.
"Nahuli lang naman ako no'n dahil sa 'yo," kaswal na sagot niya.
"Gusto niyo bang isumbong ko kayo?" seryosong tanong ko.
"At bakit mo gagawin 'yan?" tanong naman niya.
"Dahil ako ang naatasan na magbantay sa inyo," deretsong sagot ko naman.
Pumunta sa may pinto si Senyorito at pinakinggan ang ingay na nanggagaling sa labas. Nang lingunin niya ako ay tipid siyang ngumiti. Lumapit siya sa cabinet niya at nagkalkal doon. Hanggang sa inihagis niya sa akin ang isang t-shirt at short na sa tingin ko ay kasya sa akin kahit na panlalaki ito.
"Hindi mo ako isusumbong dahil isasama kita," sabi pa niya.
"Ano? At sinong may sabi na sasama ako?"
"Ako. Kasasabi ko lang, hindi ba?" pabirong sagot niya.
Naningkit ang mga mata ko. "Hindi bagay sa 'yo, Senyorito, ang mga kanal humor."
"Kanal humor? What's that?"
Mabilis akong umiling. "Never mind po. Basta hindi ako sasama sa 'yo."
"Magpapalit ka o lalabas tayong naka-uniform ka?"
Napailing na lang ako. Pumasok ako sa CR para magpalit ng damit. Pinagmasdan ko ang sarili ko sa salamin. Mukha tuloy akong lalaki sa suot ko pero mas okay na ito kaysa sa nakapang maid na uniform.
"Nasa kwarto na nila sina Dad. Let's go."
Hinawakan ako ni Senyorito sa braso at hinila palabas ng kwarto. Patay na ang mga ilaw sa bahay kaya paniguradong nasa maid's quarter na rin sina Ate Jenny. Nakakapagtaka lang na hindi niya ako tinetext o tinatawagan para itanong kung nasaan ako.
Nakalabas kami ng mansion na wala man lang nakakapansin sa amin. Nagderetso kami sa may gate at nang makita siya ng guard ay tila alam na nito ang gagawin. Binuksan nito ang gate para palabasin kami.
"So, kasabwat mo rin ang guard sa bawat pagtakas mo," hindi ko napigilang itanong.
Lumabas din ang guard bitbit ang isang bike. "Mag-iingat po kayo, Senyorito."
"Salamat, Kuya."
Sumakay si Senyorito sa bike bago ako lingunin. "Marunong ka naman sigurong umangkas sa bike?"
"Seryoso ka? Magba-bike ka?" hindi makapaniwalang tanong ko.
"Hindi ko pwedeng gamitin ang sasakyan ko dahil maririnig 'yon ni Dad. So, ano, aangkas ka ba?"
Hindi na ako nagdalawang isip at umangkas na ako sa bike. Ipinatong ko ang mga kamay ko sa balikat niya kahit na medyo naiilang ako. Nang umandar na siya ay humampas sa mukha ko ang malamig na simoy ng hangin. Napapikit ako dahil nakaka-relax ang gabi.
"Ito po ba ang lagi niyong ginagawa?" tanong ko pa.
"Yes. Why?"
"Ang akala ko kasi ay katulad kayo ng ibang mayayaman na laging nasa bar, nag-iinom o kaya ay nambababae," prangkang sabi ko naman.
"That's what my father thinks."
"Hindi kayo close sa daddy niyo?"
"Tanging si Lola lang ang kasundo ko sa bahay na 'yon. Siya lang ang nakakaintindi sa akin."
"Nasaan na po ang lola niyo?"
Hindi na sumagot si Senyorito dahil tumigil na kami sa tapat ng isang convenience store. Bumaba kaming dalawa at saka niya ipinarada ang bike. Agad akong sumunod sa kaniya nang pumasok siya doon. Kumuha siya ng isang malaking ice cream at ilang piraso ng chips. Kumuha rin siya ng dalawang bote ng tubig at softdrinks. Pagkatapos ay binayaran niya iyon at iniabot sa akin.
Lumabas na kami ng convenience store. Sinusundan ko lang siya hanggang sa makarating kami sa isang burol kung saan kitang kita ang city night light.
"Wow," ang tanging nasabi ko na lamang.
"Dito ako lagi pumupunta kapag gusto kong mapag-isa," seryosong sabi naman ni Senyorito.
"Kung ganoon, bakit niyo po ako isinama dito?" nagtatakang tanong ko pa.
Nagkibit balikat lamang siya. Iniabot niya sa akin ang isang disposable spoon at saka niya binuksan ang ice cream. Nagsimula na siyang kumain habang ako naman ay nakatingin lang sa kaniya.
"Baka mas mauna pa akong matunaw kaysa sa ice cream," nakangising sabi niya na hindi tumitingin sa akin.
Agad naman akong napaiwas ng tingin. Nagsimula na rin akong kumain dahil natakam din ako sa ice cream. Hindi ko alam kung anong purpose ni Senyorito sa pagdala niya sa akin sa sanctuary niya. Pero magandang progress na ito na pwede kong ibalita kay Ma'am Callie. Kahit papaano ay sa tingin ko naman ay umuusad ako sa plano. At ngayon pa lang, sa utak ko ay humihingi na ako ng sorry kay Senyorito Nyx dahil may posibilidad na masaktan ko siya sa huli.