CHAPTER 19

1214 Words
THIRD POV Kahit na madaling araw nang nakatulog si Nyx ay sinikap pa rin niyang bumangon ng maaga. Kailangan kasi niyang makasabay sa almusal dahil paniguradong papagalitan siya ng kaniyang ama. Iyon kasi ang batas sa bahay na iyon. Kailangan ay sabay sabay silang mag-aalmusal tuwing linggo. At isa pa, may lakad siya ngayong araw na linggo linggo niyang ginagawa. "Good morning, Mom and Dad," bati niya sa mga magulang na nasa dining table na. "Mabuti naman at gising ka na. May dapat tayong pag-usapan," seryosong sabi ni Don Mallari. "Ano po 'yon?" "Nabalitaan kong nakipaghiwalay ka na sa anak ng mga Salvador, which is good," sagot nito. Mapaklang napangiti naman si Nyx. Ni minsan ay hindi niya binanggit sa mga magulang ang naging relasyon nila ni Callie. At nalaman na lang nila iyon nang makipaghiwalay na siya sa dalaga. "Tungkol saan po ba ito?" walang emosyong tanong niya. "Hindi ka na pwedeng makipagrelasyon sa iba dahil ikakasal ka sa tagapagmana ng mga Elizondo. At sa isang taon ay makikilala mo na ang mapapangasawa mo kaya mag-ayos ka na at ayokong mababalitaan na nasasangkot ka sa mga gulo." Ibinaba ni Nyx ang hawak na kutsara at tinidor. Nawalan na siya ng ganang kumain dahil sa narinig mula sa ama. Hindi na lingid sa kaalaman niya ang plano nitong ipakasal siya sa anak ng mga Elizondo. At matagal na rin niya itong tinututulan na sanhi ng laging pag-aaway nilang mag-ama. "Hijo, sigurado naman akong matututunan mo ring mahalin ang mapapangasawa mo," nakangiting sabi sa kaniya ng ina. "Tapos na po akong kumain. Excuse me," ang tanging sinabi na lamang niya. Ayaw na niyang makipagtalo sa ama kaya siya na lamang ang umiwas. Bumalik siya sa kwarto upang maligo at magpalit ng damit. Hindi naman na siya nilagnat pa kagabi. Pagkatapos niyang mag-ayos ay bumaba na ulit siya. Hindi na siya nag-abala pang magpaalam sa mga magulang. Nagmadali na lamang siya at hindi na rin niya dinala ang kotse niya. Nag-bike na lamang siya dahil mas komportable siya doon. Pagkarating niya sa simbahan ay magsisimula na ang misa kaya nagmadali na siya. Tuwing linggo ay nagsisimba siya dahil iyon ang nakagawian nilang mag-lola. Iyon ang nagsisilbi nilang bonding na dalawa. At ngayong nag-iisa na lamang siya ay hindi niya itinigil ang gawain na iyon. BRIELLA'S POV "Mabuti naman at nakauwi ka na, Ella. Halina at magsimba tayo," magiliw na salubong sa akin ni Nanay. "Sina ate po?" tanong ko naman. "Nasa palengke na dahil hindi sila binigyan ng day off ngayon. Kumusta ka naman, anak? Mahirap ba ang trabaho mo sa nilipatan mo?" Ngumiti naman siya. "Hindi po, Nanay. Mas magaan po ang trabaho ko doon," sagot ko naman. "Mabuti naman kung ganoon. Hala, tara na dahil malapit nang magsimula ang misa." Ayaw kong tanggihan si Nanay kaya pumayag na lamang ako. Mamaya na lang siguro ako maglalaba pagkauwi namin. Minsan lang kasi ako sumama kay Nanay kapag linggo. Kalimitan kasi ay nagdadahilan ako para hindi niya isama sa pagsimba. Ngunit dahil ilang araw kaming hindi nagkita ay sasamantalahin ko na ang makasama siya. Naglakad na kami palabas ng bahay. At sakto namang paglabas namin sa may kalsada ay may tumigil na tricycle. Mabuti na lamang na may naitabi akong pera kaya pwede rin kaming mamasyal sandali ni Nanay pagkatapos magsimba. Pagkarating namin sa simbahan ay saktong magsisimula na ang misa. Puno na sa loob kaya sa may labas na lang kami pumwesto. Tinapos namin ang misa dahil iyon ang laging ginagawa ni Nanay. "Nakaka-miss magtinda ng sampaguita," nakangiting sabi ni Nanay nang naglalakad na kami. "Ayos lang po 'yan, Nanay. Pero sabi ko po sa inyo, hindi na kayo pwedeng magtinda ha," paalala ko naman. "Alam ko naman iyon, Hija. Ay teka, si Mareng Minda. Tara doon." Tiningnan ko ang sinasabi ni Nanay na Mareng Minda. Ngunit hindi sa kaniya natuon ang atensyon ko kundi sa lalaking kausap ni Aling Minda. Kahit nakatalikod siya ay kilalang kilala ko na ang hubog ng katawan niya. Pipigilan ko na sana si Nanay ngunit nakalapit na siya. Kaya wala na akong nagawa kundi ang sumunod sa kaniya. "Minda," magiliw na bati ni Nanay. "O ayan na pala. Hetong si Brandon, hinahanap ka o," nakangiting sabi naman ni Aling Minda. "Nanay Tere." Literal na nanlaki ang mga mata ko nang biglang yakapin ni Senyorito si Nanay. Yumakap din si Nanay sa kaniya na mas lalo kong ikinagulat. Sa dami ng tao at sa lawak ng Pilipinas, bakit magkakilala sila ni Nanay? "Kumusta ka, Hijo?" "Ayos lang po, Nanay. Hinahanap po kita e sabi ni Nanay Minda, hindi na raw po kayo nagtitinda ng sampaguita dahil nagkasakit daw po kayo?" tila nag-aalalang sabi pa ni Senyorito. "Oo, Hijo. Inoperahan kasi ako kaya binawalan na akong magtinda ng mga anak ko. Ay oo nga pala, kasama ko ang isa kong anak. Ella, halika." Kitang kita ko ang pagkagulat sa mukha ni Senyorito habang lumalapit ako sa kanila. Marahan naman akong umiling sa kaniya upang ipahiwatig sa kaniya na huwag sasabihin kay Nanay na magkakilala kami at siya ang amo ko. "Siya si Ella, ang bunso ko. Anak, siya si Brandon, isa sa mga suki ko," pagpapakilala sa amin ni Nanay. Ngumiti naman si Senyorito at inilahad niya ang kamay niya. "It was nice meeting you, Ella," nakangiting sabi niya sa akin. "Same here, Se.. Brandon." "May lakad ka ba, Brandon? Sumama ka sa bahay, magluluto ako. Ngayon na matutuloy ang pag-imbita ko sa 'yo," pag-aalok pa ni Nanay. "Ayos lang po ba iyon sa anak niyo?" alanganing tanong pa ni Senyorito. "Naku, ayos lang 'yan, 'di ba, anak? Siya 'yong lagi kong kinukwento sa 'yo, Ella, na laging bumibili sa akin ng sampaguita kada Linggo." "Linggo linggo ka nagsisimba?" hindi makapaniwalang tanong ko. "Aba, oo, Ella. Daig na daig ka niyan ni Brandon. Hindi 'yan lumiliban ng misa," singit sa amin ni Nanay. "Ay teka, Tere, bago kayo umuwi, may ibibigay ako sa 'yo. Tara doon sa likod," sabi naman ni Aling Minda. "Maiwan ko muna kayo. Brandon, huwag kang aalis ha. Magtatampo ako sa 'yo kapag hindi ka sumama sa amin. Saglit lang ako." Umalis ang dalawa kaya naiwan kami ni Senyorito dito sa may gilid ng simbahan. "Small world," tipid na sabi niya. "Huwag mong sasabihin na sa inyo ako nagtatrabaho ha?" sabi ko naman. "Don't worry. Hindi rin alam ni Nanay Tere na isa akong Mallari. Ang pakilala ko sa kaniya ay isang ordinaryong tao lang," nakangiting sabi naman niya. "Matagal na kayong magkakilala ni Nanay?" hindi ko napigilang itanong. "Yes. Sa kaniya ako lagi nabili ng sampaguita. Kayo ba? Matagal na kayong magkakilala ni Nanay Tere?" nakangiting tanong naman niya. Napairap naman ako. "Tatawa na ba ako sa kanal joke mo? Teka nga, may pupuntahan ka pa po ba? Ako na ang bahalang magpaliwanag kay Nanay. Paniguradong maiintindihan niya na hindi mo mapapaunlakan ang paanyaya niya," sabi ko naman. Ngumisi naman si Senyorito. "Bakit ba pakiramdam ko ay ayaw mo akong pumunta sa bahay niyo? Actually, matagal na naming usapan iyon ni Nanay Tere. Gustong gusto kasi niya akong lutuan ng pagkain." Napakamot naman ako sa noo ko. "Inuunahan na kita, napakaliit lang ng bahay namin. Hindi ka nababagay doon," sabi ko pa. "Ako ang magsasabi kung saan ako nababagay, Briella. Don't worry, hindi ako magrereklamo mamaya."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD