Episode 4: Fake or Real?

1953 Words
"Bakit mo ginawa yun?!" Galit na tanong niya kay Mark. Hanggang ngayon hindi pa rin siya makapaniwala na pinangalandakan ni Mark sa mga tao sa gym na siya ay girlfriend nito. Natatakot siya na baka kumalat yun sa buong campus dahil marami-raming tao ang nakakinig sa mga sinabi nito. Kasalukuyan silang nasa clinic para ipagamot ang pasa at sugat sa mga tuhod niya. Nasa isang kwarto sila ng clinic at tatlo lang silang nandun sa loob. Si Gabby naman hanggang ngayon di pa rin makapagsalita. Na-shock pa rin ito sa mga narinig kanina. Nakatayo lang ito sa tapat niya at halatang naguguluhan sa mga nangyayari. Palipat lipat ang dalawang mata sa kanya at kay Mark. Maya maya ay natauhan na ito. "Friend.. wag mo namang pagalitan si cru-- si Mark. Ayaw mo yun alam na ng lahat na girlfriend ka niya?" "Yun na nga Gabby e. Alam na ng lahat. Yan ang di ko gusto kasi di naman totoo." "E di totohanin natin," deretchong sabi nito habang nakatitig sa mga mata niya. Na-conscious siya bigla at iniwas ang mga tingin dito. Hindi niya maintindihan kung sersyoso ito sa sinasabi o niloloko na naman siya tulad ng madalas nitong gawin sa tuwing magkikita sila. Ramdam niya na kanina pa namumula ang pisngi niya ngunit mas lalo pa yatang uminit dahil sa sinabi nito ngayon. Saktong dumating ang nurse sa loob ng kwarto at may dalang ice pack. Kinuha nito ang ice pack sa nurse. "Ako na po ang gagawa," magalang nitong sabi. Pumayag naman ang nurse dahil may pasyente pa itong pupuntahan sa kabilang kwarto. Nanlaki ang mga mata ni Gabby sa sinabi ni Mark at sa gesture nito na para talagang totoong boyfriend ng kaibigan. Habang tinititigan nito si Sam at si Mark ay bigla itong kinilig. Kung titignan kasi ay bagay na bagay naman talaga ang dalawa sa isa't-isa. Kumbaga sa love team ay may chemistry ang mga ito. Nailayo niya bigla ang hita niya nang maramdaman ang lamig ng ice pack sa tuhod niya. Pero ang lamig ng ice pack ay napalitan ng init at di maipaliwanag na kuryente nang maramdaman ang mga kamay ni Mark na humawak sa kanyang kanang tuhod para suportahan ito. Bigla tuloy siyang nainis sa sarili dahil kanina lang ay gusto niyang iwasan ang lalake pero bakit nung nakita na niya ito ay para siyang magnet na naattract dito? Lumalaban ang isip niya pero iba ang ikinikilos ng katawan niya. "Ano to bakit ganito ang pakiramdam ko? Nahihibang na ata ako. Ako kikiligin sa taong 'to? Matapos ang mga ginawa nito sa akin noon?" Pinilit niyang magalit dito para mawala yung di niya maipaliwanag na nararamdaman. "Teka. Teka. Bakit ba parang laro lang sa 'yo ang relasyon?" ani niya dito. Kinuha niya sa kamay nito ang ice pack at siya na ang nagtuloy na ipatong ito sa tuhod niya. Umupo naman ito sa bangko na malapit sa kinauupuan niya. Lalo siyang na-conscious dahil attentive itong pakinggan kung ano ang sasabihin niya. "Hindi online games ang relationship na pag gusto pwede mong iturn-on, tapos pag-ayaw na, pwede ng i-quit ng basta-basta lang," pagpapatuloy niya. Nag-isip pa siya ng sasabihin. "At saka di ba dapat parehas tayong nagmamahalan bago mo sabihin na girlfriend mo 'ko? Aba Mr. Mark Lester Rodriguez sumosobra ka naman yata? Masyado ka naman yatang confident na papayag ako sa gusto mong mangyari!" Bago pa makapagsalita si Mark ay nauna ng magsalita si Gabby. "Ay friend, mauna na pala ako at nakalimutan ko magrereview pala ako sa library." Nahalata kasi nito na mukhang kailangan niya at ni Mark na mag-usap ng silang dalawa lang. "Teka, Gabby. Wag mo akong iwan dito mag-isa. Saka kailan ka pa nahilig magbasa?" Pagmamakaawa niya dito dahil nakita niyang naghahanda na ito para umalis. Ang pinakaayaw niyang mangyari ay maiwan siyang mag-isa kasama si Mark. Sinubukan niyang tumayo pero mahina pa rin ang kanyang tuhod. Napa aray tuloy siya sa sobrang sakit. Hinawakan siya ni Mark sa balikat para di siya mahulog sa kama. "Masakit pa yan. Wag ka munang tumayo." Muli na namang dumaloy ang kakaibang kuryente sa katawan niya. "Ano ba 'tong nararamdaman ko?" "Bitiwan mo nga ako!" Ani niya. Agad din naman siya nitong binitiwan. Dahan-dahan siyang umupo sa kama. "Friend, aalis na talaga ako. Si Mrs. Santos hinahanap na 'ko. Nandiyan naman si Mark kaya di ka nag-iisa." Ngingiti-ngiti pa ito na nagsisinungaling at halatang nanunukso. Nung napatalikod si Mark ay sinenyasan siya nito na tumawag siya dito sa phone sabay bulong "Ichika mo sa'kin 'to mamaya." Isa pang tingin kay Mark na kinikilig sabay takbo papalabas ng clinic. Hahablutin niya pa sana ito sa damit para pigilan ngunit maliksi itong nakailag. Nang umalis na si Gabby ay nabalot na ng katahimikan ang buong kwarto. Kung kanina ay malakas ang loob niyang magalit, ngayon naman ay nangangapa na siya ng sasabihin. Bigla na siyang na-conscious dahil sila na lang dalawa ang tao sa loob ng kwarto. "Bumalik ka na sa gym at malamang hinahanap ka na ng mga kateammates mo. Wag mo na akong alalahanin pa." Sa wakas nakahanap na rin siya ng sasabihin pero napakagat siya ng labi sa huling sinabi niya. "Bakit ko nasabi yun? Samantha Chavez, masyado kang assumera na mag-aalala sa'yo 'tong taon na 'to." "Nagpaalam na ako kay Coach na sasamahan kita dito sa clinic." "Di ba sinabi ko na sa iyo noon na ayaw na kitang makita? Kaya please lang iwan mo na ako dito sa clinic, Mark." "Two years ago na yun, Sam. Di mo ba ako pwedeng patawarin sa mga ginawa ko noon?" "O sige pinapatawad na kita." Ngumiti ito sa sinabi niya. "Pero pakiusap sana huli na itong pagkikita natin ngayon," pagpapatuloy niya. "For once, bigyan mo 'ko ng peace of mind." Nakita niyang nawala ang ngiti nito sa labi at biglang sumeryoso. "Hindi pwede." "A-anong 'di pwede?" Nagulat siya sa pagkastubborn nito. "Hindi ko na hahayaan na mawala ka pa sa'kin." Bumilis ang pagtibok ng puso niya sa mga sinabi nito. "Pwes, nahanap mo na 'ko. Masaya ka na? Kasi ako hindi." "Sam, seryoso ako. Gusto kitang maging girlfriend. Kaya sana pagbigyan mo ako na ligawan kita." "Samantha Chavez, tumigil ka nga bakit ka kinikilig sa sinasabi nito? Wag kang padalos-dalos at baka lokohin ka lang nito." "Mark, tatapatin na kita. Hinding-hindi ako magkakagusto sa iyo. Kaya ibaling mo na lang ang pagtingin mo sa iba." Sa halip na magsalita ito ay lumapit ito sa kama niya. Naguluhan siya sa paglapit nito. "Teka, anong gagawin nito?" Huminto lang ito nang malapit na malapit na ang mukha nito sa mukha niya. Lalo itong naging manly sa tingin niya dahil naamoy niya ang pinaghalong pawis at pabango nito sa malapitan. Napapikit siya sa gagawin nito. Napakapit din ng mahigpit ang mga kamay niya sa kobre ng kama habang hinihintay kung ano ang susunod na mangyayari. Ramdam niya ang mga titig nito sa mga mata niya papunta sa dulo ng ilong niya pababa hanggang tumigil ang mga titig nito sa mga mapupulang labi niya. Napalunok siya bigla sa ginawa nito. Mayamaya pa ay naramdaman niya ang mga daliri nito na kinuha ang pilik-mata sa mukha niya. "So pumapayag ka na?" Bumulong ito sa tenga niya. Napamulat siya sa sinabi nito at ilang beses na napakurap ang mga mata sa pagtataka. Nakita niyang abot langit ang mga ngiti nito. "A-anong pumapayag?" "Pumapayag ka na ligawan kita." "Di ba sabi ko ayoko? Bakit ba ang kulit mo?!" Pinindot nito ang ilong niya. "Miss Samantha Chavez, nung lumapit ako kanina inexpect mo bang hahalikan kita?" Parang gusto niyang maglaho na lang bigla sa kinauupuan sa observation nito. "Bakit ka kasi pumikit Sam?!" Pinapagalitan niya ang sarili sa maling ginawa. "At bakit ko naman papangarapin na mahalikan mo?! Kadiri kaya!" "Nope. Nakita kitang pumikit. Kung ayaw mo, dapat tinulak mo 'ko." "R-reflex ko lang 'yun." Katwiran niya sa pagpikit niya. Hiyang-hiya siya sa ginawa niya kanina. Tumawa ito ng malakas sa sinabi niya. "Kahit ano pang sabihin mo alam kong attracted ka rin sa'kin." "Ang yabang mo! Wag ka ngang assuming!" Nagulat siya ng biglang kinuha nito ang isang kamay niya at dinala sa mga labi nito para halikan. Naramdaman niya ang pamumula ng mukha niya hanggang tenga. Lumabas ang dimples nito sa pisngi. "You're blushing." Hinawakan nito ang pisngi niya kaya lalo pang uminit ang mukha niya. "Mark, please stop this nonsense." Tinabig niya ang kamay nito. "No, Sam. This isn't nonsense. Alam ko may puwang ako diyan sa puso mo." "Oo sige. Aminado ako attracted ako sa iyo kasi gwapo ka." Pag-amin niya dito. Wala na kasi siyang magawa dahil nahuli na siya nito. "Pero it doesn't mean na pumapayag na akong magpaligaw. This is just infatuation that's all there is to it." "Then let me prove na hindi lang ito infatuation. Hayaan mong ligawan kita. Bigyan mo ako ng ilang months para mapatunayan na seryoso ako sa iyo." Para siyang nasa pelikula at siya ang bidang babae. Hindi siya makapaniwala sa nangyayari. First time na may magtapat sa kanya ng ganito at ang masaklap ang tao pa na itinuring niya na mortal niyang kaaway. Hindi niya alam kung ano ang isasagot dito. Maniniwala ba siya sa sinasabi nito? O baka may masama na naman itong pinaplano? "Pag-iisipan ko." Ngumiti ito sa tuwa. "Bakit parang masaya ka? Hindi pa naman ako pumapayag, ah." Pagtataka niya sa reaction nito. "Pag-iisipan. Ibig sabihin may chance na oo magpapaligaw ka tama?" "Ewan ko sa iyo!" Pero sa loob-loob niya ay bumilib siya sa pagiging positibo nito. *** Bumalik din kaagad si Gabby para sabayan siyang umuwi sa bahay. Kilig na kilig pa rin ito sa kanilang dalawa at halatang excited sa mga ikkwento niya. "Ako na bahala kay Sam, Mark. Balik ka na sa practice mo at baka hinahanap ka na ng coach mo." "Salamat, Gabby." ani nito. Natuwa si Gabby dahil naalala pala nito ang pangalan niya. Bumaling ulit si Mark sa kanya. "Sigurado ka bang kaya mo na? Gusto mo buhatin kita papuntang taxi?" "Hindi na.. Kaya ko na." Tipid niyang sagot dito. "Yung sinabi mo kanina, kailan ko malalaman yung decision mo?" "Bukas." Sinagot na lang niya ito para di na siya kulitin. Hindi naman maipinta ang saya nito. "Sige, aabangan ko yan bukas!" Sabi pa nito habang patalikod na naglalakad palayo sa kanilang dalawa ni Gabby. Nakita pa niyang tumalon ito at sumigaw ng "Yes!" habang tumatakbo sa direction ng gym. Sa sobrang tuwa nito sa sagot niya ay nakalimutan nitong itanong kung saan sila ulit magkikita. Pagkaalis na pagkaalis nito ay niyaya na niya kaagad si Gabby na umuwi. "Tara na, Gabby. Bilis!" "Bakit madaling-madali ka naman, Friend?" "Tara na bilis at baka bumalik pa yun." "E bakit parang gusto mong iwasan? Di ba magkikita kayo bukas?" "Sinabi ko lang yun para tantanan na niya ako." "Ay, ang sama mo naman!" "Ok na yun kaysa malasin ako, noh?" "Di ka ba nanghihinayayang dun? Kung ako sa iyo wala ng ligaw-ligaw sasagutin ko na kaagad yun. Sobrang gwapo kaya!" "Aanhin ko naman ang gwapo kung ubod naman ng yabang? Saka kung palagi akong mamalasin sa kanya, 'di na uy!" "Ay iba rin ang standard mo, girl." "Buti na lang nakat-shirt lang ako ngayon at 'di naka-uniform. 'Di niya alam kung anong course ko. Sa dami ng tao dito sa STU, mahihirapan na siyang hanapin ako." Naiiling-iling na lang ito sa mga plano niya. "Ah, basta! Pag-uwi natin may utang kang explanation sa'kin," ani ni Gabby. "Teka... Bakit nga pala kita kinakausap? 'Di ba may atraso ka sa'kin at iniwan mo 'ko kanina?" "Friend naman..." "Friend ka diyan!" Iika-ika niyang binilisan ang lakad para iwan ito pero nahabol pa rin siya ni Gabby at parang unggoy na kumapit sa braso niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD