Chapter 10

1080 Words
Para sa pamilya 3rd Person POV Noong dumating ang gabi, napansin niyang wala na si Greyson sa tapat ng apartment niya. Nakahinga naman siya ng maluwag, feeling niya kasi ay hindi siya makakapag-concentrate sa trabaho kung alam niyang nandoon ang lalaki. Kinabukasan, bumalik siya sa nakasanayang routine. Wala namang bago, hanggang sa may nagsabi sa kanya na nasa labas daw ang kanyang ina. Napabuntong-hininga siya. Ayaw man niyang humarap pero namalayan na lang niya ng naglalakad na siya palabas. Lumabas siya ng café, at agad siyang sinalubong ng boses na matalim. “Mabuti at lumabas ka rin! Wala ka na bang pakialam sa amin, ha? Kaya mo na kaming tiisin?” Parang tinusok ang dibdib niya sa bawat salitang binitiwan ng kanyang ina. Pinilit niyang maging kalmado. “May nangyari po ba?” mahinahon niyang tanong. “Kasalanan mo ‘to! Hindi ka kasi nagbibigay ng tamang panggastos. Iyong tatay mo, kumuha ng prutas sa palengke, ang magaling, hindi nagbayad! Oh, ayan! Dahil ‘yan sa kakuriputan mo! Ano, hahayaan mo bang makulong ang tatay mo?” Nanginginig ang labi niya. Sa halip na mangamba, mas nangibabaw ang hapdi at sama ng loob. “Hindi ko naman ho kasalanan ‘yon, Nay. Saka hindi ko—” Hindi na niya natapos ang sasabihin nang biglang lumapat ang palad ng ina sa pisngi niya. Pak! Napaatras siya sa gulat. “Aba’t ikaw pa itong matapang? Tinatakwil mo na ba kami? Kung hindi dahil sa kaibigan mong ‘yon, hindi magnanakaw ang tatay mo!” Tumataas na ang boses ng ina, kaya nagsisimula nang maglingunan ang mga tao sa paligid. “Umalis na lang po muna kayo, Nay. Wala akong perang ibibigay,” mahina ngunit mariing sabi niya. “Sumasagot ka na? Wala kang utang na loob!” Hinablot ng kanyang ina ang buhok niya, sabay sabunot. Napangiwi siya sa sakit. Buti na lang at agad na umawat ang guard ng café. “Ma’am, labag po sa batas ang ginagawa ninyo!” sabi ng guard habang hinaharang ang kanyang ina. “Anong labag? Dinidisiplina ko lang ‘tong anak kong walang respeto! Hindi ka ba nagbabasa ng Bible? Nando’n ‘yan!” Bago pa man siya makapagsalita, itinuro siya ng ina—parang isang akusado. “Siguraduhin mong makakakuha ka ng bente mil! Kung ayaw mong mabulok sa kulungan ang tatay mo!” Nanlaki ang mga mata niya. “Nay, napakalaki naman ni—” “Ibenta mo ang katawan mo kung kinakailangan! Ang mahalaga, makalabas ang tatay mo at maipa-check up ang kapatid mo!” At bago pa man siya makasagot, tumalikod na ang ina at naglakad palayo, iniwan siya ng tulala. Napahilamos siya ng mukha. “Ayos ka lang, ma’am?” tanong ng guard. “Ayos lang po ako, kuya,” tipid niyang sagot. Pagpasok niya sa café, ramdam niya ang mga matang nakatingin sa kanya—mga customer, at mga kasamahan niya sa trabaho. Nahihiya siya. Napayuko na lang siya at dumiretso sa locker room. Binuksan niya ang locker at tinitigan ang sarili sa salamin. Magulo ang buhok, mamula ang pisngi. Pinilit niyang ayusin ang sarili, pilit ding binubura ang bakas ng sakit. Bumukas ang pinto. Si Myca. “Umuwi ka muna at magpahinga. Mas kailangan mo ‘yon,” sabi nito, malamig ang tono. “Hindi, Myca. Kailangan kong magtrabaho.” Pinilit niyang ngumiti. “Umuwi ka na. Baka makasagabal ka lang. Tignan mo ang sarili mo.” Parang tinapik ng malamig na hangin ang puso niya. Napayuko na lang siya. Nang lumabas si Myca, tinanggal niya ang apron at huminga ng malalim. “Bakit lahat na lang sila ganito?” mahina niyang sabi, halos mapaiyak na. Pero pinigilan niya. Hindi siya pwedeng umiyak dahil magiging mahina siya. Kinuha niya ang bag at umalis ng hindi nagpapaalam. Ayaw na niyang magpaliwanag. Pagod na siya, hindi lang katawan na physical, kundi pati ang puso niya. Gusto niyang awayin si Myca sa lahat ng ginawa nito sa kanya pero saan ba patungo ang lahat kung lalaban siya? Sa wala dahil nagpatalo siya sa emosyon niya. Nag-decide na lang siyang papasok mamaya sa gabi at magpahinga muna siya. Sakaling gumaan ang pakiramdam niya kapag nakatulog at nakapag-pahinga siya. Habang naglalakad pauwi, iniisip niya kung saan ba siya nagkulang. Ginawa na niya ang lahat para sa pamilya niya, pero bakit kulang pa rin? Bakit parang kasalanan pa niya ang lahat? Nang marating niya ang tapat ng apartment, napahinto siya. Nandoon na naman ang itim na kotse ng matandang lalaki. Bumukas ang bintana, at lumabas ang pamilyar na mukha. “Magandang hapon, Miss Katherine.” Ang pagbati ng matanda. Lumabas ito ng kotse para magbigay galang sa pagyuko. “Good afternoon po,” sagot niya, nahiya siya bigla. “Bakit po kayo nandito? Hindi pa naman po ako tumatawag sa inyo.” “Ilang araw na ang nakalipas. Naiinip na si Doña Mercedes. Baka naman may desisyon ka na?” nakangiti pa rin ang matanda. Napatingin siya sa lupa. Mabilis pumasok sa isip niya ang imahe ng kanyang ina—galit, umiiyak, humihingi ng pera. Ang tatay niya ng nakakulong. Ang kapatid niya na kailangan ng check-up at panigurado ng kailangan din ng masustansyang pagkain. “Kailangan ko ng pera ngayon,” diretsong sabi niya, halos pabulong. Feeling niya ay kumakapal ang mukha niya. “Walang problema,” sagot ng matanda. “Kayang ibigay ng pamilya ni Doña Mercedes ang anumang pangangailangan mo. Sumama ka na, humarap ka sa kanya.” Binuksan ng matanda ang pintuan ng kotse. Sandali siyang natigilan. Ramdam niya ang bigat ng desisyon sa dibdib niya. Alam niyang sa oras na pumasok siya roon, wala nang atrasan. Alam niyang kapag humarap siya kay Doña Mercedes, tuluyan na siyang papasok sa mundong hindi niya sigurado kung gusto ba talaga niya. Ngunit ano pa ba ang pagpipilian niya? Naramdaman niyang nanginginig ang kamay niya habang hawak ang strap ng bag. Sa pagitan ng gutom, sakit, at pagod, isa lang ang tumatakbo sa isip niya—ang pamilya niya. Dahan-dahan siyang pumasok sa loob ng kotse. Hindi niya namalayang umaandar na pala ito. Habang lumalayo sila, nakatingin lang siya sa labas ng bintana. Pinagmasdan niya ang mga ilaw ng kalsada, ang mga taong abala, ang mundong patuloy na umiikot kahit pakiramdam niya’y huminto na ang kanya. Isang pumatak na luha lang ang bumaba sa kanyang pisngi, ang unang luha na hindi niya napigilan. Sa tahimik na biyahe, alam niyang sa gabing iyon, may mababago sa buhay niya. At marahil, wala nang balikan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD