Panibagong kabanata ng buhay
3rd Person POV
Nakahanda na ang lahat ng gamit ni Katherine at handa na siyang lumipat. Maingat niyang sinuri kung may naiwan pa sa paligid bago tuluyang magpaalam.
“Wala na bang nakalimutan?” bulong niya sa sarili habang sinusuyod ng paningin ang maliit na apartment na halos isang buwan din niyang tinirhan.
Nang makitang ayos na ang lahat, kinuha niya ang cellphone at agad nag-message na nakahanda na siya. Hindi nagtagal, dumating ang matandang lalaki kasama ang isa pang lalaking magbubuhat ng kanyang mga gamit—kahit na iilan lang naman ang mga iyon.
“Good morning, Miss Katherine. Ito na ba ang lahat ng gamit mo?” nakangiting tanong ng matanda.
Nahawa naman siya sa ngiti nito at marahang tumango. “Opo, kaunti lang naman po ang gamit ko,” sagot niya, may bahid ng hiya.
Paglabas nila ng apartment, dumiretso muna siya sa landlady upang magpaalam. Kahit paano ay naging malapit na rin sila; mabait kasi ito at may malasakit sa mga nakatira sa kanyang paupahan. Dahil doon, hindi na rin niya kinuha ang advance payment niya bilang pasasalamat.
Sa trabaho naman, nakapagpaalam na rin siya sa pamamagitan ng text. Hindi niya inaasahan na ganun kadali siyang pinayagan. Ayon sa mensahe ng kanyang boss, siya na mismo ang magpapaalam sa part-time niyang pinapasukan. Napangiti si Katherine habang inaalala iyon, napakabait talaga ng boss niyang babae.
Paglabas nila ng gusali, agad niyang napansin ang pamilyar na mamahaling sasakyan na naghihintay sa kanila. “Thank you,” sabi niya nang pagbuksan siya ng pinto ng lalaking kasama nila.
Pagkaupo niya sa loob ng sasakyan ay sumunod na rin ang matandang lalaki, si Vicente. Umupo ito sa tabi niya habang ang lalaking tumulong magbuhat ay umupo sa harapan katabi ng driver.
“Kamusta ka naman?” tanong ni Vicente habang umaandar na ang sasakyan.
“Hindi ba mabigat sa loob mo ang pumayag sa kasunduan niyo ni Doña Mercedes?” Saglit siyang natahimik bago sumagot. “Syempre po, may kung ano pa rin sa puso ko. Pero, maayos na naman ako. Matatanggap ko rin po unti-unti.”
Tumango ang matanda. “Mabuti kung gano’n. Hindi ka rin naman talo kay Sir Greyson, mabuti siyang lalaki.”
Mabuti kung gano’n, pero ayaw pa rin niyang magpakasiguro. Hindi pa niya kilala ang lalaking iyon, kaya pinili na lang niyang manahimik at tumango bilang tugon.
Ilang minuto lang ang biyahe bago huminto ang sasakyan sa tapat ng isang mataas at magarang gusali. Bumaba ang lalaking nasa harapan at pinagbuksan sila. Nauna si Vicente, at sumunod naman si Katherine.
Pagkapasok nila sa loob, hindi niya napigilan ang pagkabighani. Para siyang pumasok sa isang hotel—maliwanag, malinis, at amoy bagong ayos. Sumakay sila sa elevator at pinindot ni Vicente ang isa sa pinakamataas na palapag.
“Pansamantalang dito muna kayo ni Sir Greyson titira habang hindi pa kayo nagpapakasal,” paliwanag ni Vicente.
Agad siyang kinabahan. “M-magtatabi ba agad kami sa isang kwarto?” mahina niyang tanong, halos pabulong.
Natawa naman ang matanda. “Hindi hija, may sarili kayong kwarto. Huwag kang mag-alala,” sabi nito ng may ngiti.
Nakahinga siya nang maluwag. Ilang saglit pa, bumukas ang pinto ng elevator at pumasok sila sa penthouse. Napanganga si Katherine sa nakita.
Ang loob ay moderno at mamahalin. Ang mga ilaw ay malamlam ngunit elegante, at halos kumikinang ang sahig sa sobrang kintab. Pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat tumira sa ganitong lugar.
“Welcome sa bago mong titirhan,” sabi ni Vicente na may ngiting mapagkalinga.
“Dahil isa ka na rin sa may-ari ng penthouse na ito, pwede mong baguhin ang ayos ng mga gamit kung gusto mo.”
“Isa sa mga may-ari?” ulit niya, hindi makapaniwala.
“Oo, dahil parte ka na ng pamilya,” sagot ng matanda, inuulit ang pamilyar na katagang dati na niyang narinig mula. Isang katagang palaging nagpapalambot sa puso niya.
Habang nililibot siya ng matanda, pinagmamasdan niya ang bawat bahagi ng lugar. May malaking sala na may glass wall na tanaw ang siyudad, isang kusinang puno ng stainless appliances, at isang dining area na parang sa magazine.
Hanggang sa huminto sila sa harap ng dalawang pinto na magkatabi. “Ito ang kwarto niyo ni Sir Greyson. Dito naman ang kwarto mo.”
Sabi ni Vicente habang binubuksan ang isa sa mga pinto.
Pagpasok niya, agad siyang namangha. “Dito talaga ang kwarto ko? Sobrang laki naman po!” halos hindi makapaniwala si Katherine habang umiikot sa loob.
Ang silid ay may malambot na kama, malawak na bintana, at mabangong amoy ng lemon na nakaka-relax.
“Napakasimple naman ng puso mo,” natatawa na sabi ni Vicente. “Napakaliit pa nito.”
Nanlaki ang mata niya. “Ibig sabihin po, may mas malaki pa rito? Napakalaki!”
Natawa ulit ang matanda. “Feel free na iayos ang kwarto mo. At may dalawa lang akong rules sa bahay na ito,” sabi nito na may seryosong tono.
Agad siyang tumayo at nakinig ng mabuti.
“Una,” patuloy ni Vicente, “huwag kang papasok sa kwarto ni Sir Greyson.”
Tumango siya agad. Naiintindihan niya iyon, kahit siya, gusto niya rin naman ng privacy.
“Pangalawa,” dugtong ng matanda. “Kailangan mong mahalin si Sir Greyson. Hindi lang basta bilang kasundo, kundi tulad ng pagmamahal ng isang asawa. Pagluluto mo siya, aasikasuhin mo, at tatanungin kung maayos ba ang trabaho niya. Umaasa ang pamilya na mapapabuti sa kamay mo si Sir Greyson.”
Napabuntong-hininga si Katherine. Sa unang rule, madali lang. Pero sa pangalawa—ramdam niya ang bigat. Hindi niya alam kung kaya ba niyang magpanggap ng ganoong lalim ng damdamin. “Gagawin ko po ang magagawa ko,” mahinang sabi niya.
Ngumiti si Vicente, pero umiiling. “Huwag lang magagawa. Gawin mo ang best mo.”
Tumango siya kahit medyo may pag-aalinlangan siya.
“Opo,” sagot niya na may pilit na ngiti.
“Bukas o mamaya ay darating na si Sir Greyson,” dagdag ng matanda. “Magpahinga ka muna. May kasamang katulong si sir pero aalis din pagkatapos. Kaya bukas ka na magsimula.”
“Okay po,” sagot niya.
Ngumiti ulit si Vicente at marahang tinapik ang kanyang balikat. “Ang lahat ng bagay ay mahirap talaga sa umpisa, Miss Katherine. Pero natutunan din ang lahat, kaya magiging madali. Magpakatatag ka lang. Alam kong hindi madali ang desisyong ginawa mo, pero mahalin mo lang ng buo si Sir Greyson, magiging maayos ang lahat.”
Pagkasabi niyon, tumalikod na ang matanda at nagpaalam. Naiwan si Katherine sa loob ng kwarto, nakaupo sa gilid ng malambot na kama.
Tahimik niyang pinagmasdan ang paligid. Hindi pa rin siya makapaniwala na ito na ngayon ang bagong tahanan niya. Mula sa maliit na apartment papunta sa isang penthouse—ang laki ng pagitan. Pero higit sa lahat, mas malaki ang pagbabago sa buhay na tatahakin niya mula ngayon.
Habang nakatingin sa malawak na bintana, marahan niyang hinaplos ang malamig na bedsheet at napabuntong-hininga.
“Kaya ko ‘to,” sabi niya sa sarili. Kahit may kaba at pangamba, may bahagyang pag-asa rin sa puso niya, pag-asa na baka, sa piling ni Greyson, matutunan niyang mahalin hindi lang ito, kundi pati ang bagong mundong papasukin niya.