Chapter 4

1748 Words
CHAPTER 4 Olivia's POV Unti-unti kong idinilat ang mga mata ko. Pagdilat ko ay ang puting kisame agad ang unang bumungad sa akin. Hindi ko alam kung nasaan ako o kung paano ako napunta rito. Maging ang huling nangyari bago ako makatulog ay hindi ko rin maalala. Napapikit ako ng maramdaman ko ang pagpintig ng aking ulo. Nang hawakan ko ang ulo ko ay saka ko lamang naramdaman na may benda pa lang nakaikot dito. Napansin ko rin na mayroong karayom na nakatusok sa kamay ko. Nagtaka ako ng may nakita akong dextrose na nakakabit sa kamay ko. Nasa ospital ba ako? Saka ko lamang napagtanto kung anong nangyayari nang maalala ang nangyari bago ako nakatulog. Puting kisame, amoy alcohol at tahimik na lugar, at idagdag pa ang dextrose na nakatusok sa akin. Naalala ko kung paano ako tignan ni Josh bago ko naramdaman ang pagtama ng katawan naming dalawa sa lupa. Napabangon ako ng maalala si Josh. Inikot ko ang paningin ko sa buong kwarto, at hindi ko nakita ni anino ni Josh. Babangon na sana ako ng biglang bumukas ang pintuan ng kwartong kinaroroonan ko. “Teka Olivia. Hindi ka pa pwedeng tumayo at baka kung ano pa ang mangyari sa iyo.” Napatingin ako sa babaeng dali-daling lumapit sa akin para alalayan akong muli na humiga. “Ano ka ba naman Olivia. Para namang hindi mo alam na hindi pwedeng basta-basta ka na lamang babangon pagkagising na pagkagising mo.”  Tinitigan ko siya. Ang tagal na rin simula ng huli ko siyang nakita, pero kagaya noon ay kapansin-pansin pa rin ang taglay niyang kagandahan. Nakasuot siya ng puting uniporme na minsan ko na rin naranasang suotin. Nakaramdam ako bigla ng lungkot at inggit ng muli ko siyang maalala. *** “Olivia!” sigaw ni Abi habang papalapit sa akin. Napatingin ako agad sa kaniya dahil sa lakas ng boses niya. Inilapat ko ang hintuturo ko sa aking labi habang nakatingin sa kaniya, senyales para manahimik siya. Nakalimutan niya atang nasa ospital pa rin kami at bawal siyang mag-ingay o di kaya naman ay bigla na lamang sumigaw. “Oops. Sorry!” Hingi niya ng paumanhin sa mga taong nakaupo sa may upuan sa hallway. Ang awkward ng ngiti niya habang papalapit sa akin. Napailing na lang ako sa naging reaksyon niya bago bumalik sa mga ginagawa ko. “Shems, nakalimutan ko na nasa ospital na nga pala tayo. Yung utak ko kasi nasa lunch break pa. Kaso wala pala ako nun, naubos na sa kaaaral,” sabi niya habang natatawa siya sa sarili niyang joke.   “Pasalamat ka at walang may sakit sa puso rito. Kundi lagot ka na naman kay Dok.” “Eh kasi naman masiyado akong na-excite sa chichika ko sa ‘yo,” sabi niya habang binabasa ang listahan ng mga gamot na inaayos ko para ibigay sa mga pasyente. “Ito si chika. Nagawa mo na ba yung pinapagawa ni Dok sa ‘yo?” “Oo naman no.” Binalik niya sa akin ang listahan bago siya umupo sa stool at ngitian ako nang nakakaloko. “Konektado nga doon yung kwekwento ko sayo.” Tinalikuran ko siya ng mapansing may kulang sa mga gamot na inaayos ko. Dumiretso agad ako sa mga drawer na lalagyanan ng mga gamot. Ala-una pa lamang ngayon. Mamayang ala-singko pa naman kailangan ibigay yung mga gamot sa pasiyente, pero mas mainam na kung aayusin ko ito kaagad. Para makaalis agad ako pagkatapos ng shift ko. Tinitignan ko isa-isa ng mabuti ang mga pangalan ng gamot sa bote, para hindi ako magkamali. Mahirap na dahil sa isang pagkakamali ko lang ay pwedeng lumala ang kondisyon ng mga pasyente sa halip na umayos ang pakiramdam nila. Muntik na akong mapatalon sa gulat ng biglang magsalita sa tabi ko si Abi. “Nakapunta ka na ba sa Room 303?” tanong niya habang tinutulungan akong maghanap ng mga gamot na nasa listahan. “Abi, nakakagulat ka naman.” Tinignan ko siya nang masama habang busy siya sa paghahanap ng mga gamot. “Ano bang meron at kating-kati kang magkwento.” Parang nagliwanag ang mundo niya ng sa wakas ay magpakita ako ng interes sa nais niyang ikwento sa ‘kin. Kung kanina ay seryoso siya sa pagtulong sa akin, ngayon ay ibinaba na niya ang listahan ng mga gamot, at maging ang bote ng gamot na nasa kamay niya. “Grabe pala yung nasa Room 303 no. Ang pogi mars,” sabi niya habang ibinubulong sa akin ang bawat kataga. May patingin-tingin pa siya sa paligid kung may nakaririnig sa amin. Kung umakto siya ay para bang napakalaking sekreto ang sinasabi niya. “At hindi lang yun ha, bukod sa pogi yung pasyente sa Room 303, pati yung mga kaibigan niya ang popogi rin,” dagdag pa ni Abi. Napailing na lang ako ng malaman na iyon lang pala ang nais niyang sabihin sa akin. “Kung hindi nga lang bawal na magjowa ng pasyente ay baka pinatulan ko na yung nasa Room 303. Pwede rin namang yung mga kaibigan niya na lang, tutal wala namang tapon sa kanila.” Napangiti na lang ako sa mga litanya niya. Mas bata sa akin si Abi ng dalawang taon. Halos magdadalawang buwan pa lamang simula nang magsimula siyang magtrabaho sa ospital na pinapasukan ko. Base sa mga kwento niya ay aral bahay lamang siya noong nag-aaral pa siya. Hinayaan lamang siyang maging independent ng mga magulang niya noong makatapos na siya ng kolehiyo. Kaya hindi na rin nakakapagtaka na excited na excited pa siya sa mga bagay-bagay tulad ng pakikipagrelasyon. “Pwede rin naman kung gusto mo.” Nagliwanag ang mga mata ni Abi nang marinig ang sinabi ko. “Talaga ba Olivia? Pwede yun?” “Oo naman, basta ba ready ka ng i-surrender yung license mo.” Sumimangot siyang bigla sa akin nang mag-sink-in sa kaniya ang gusto kong iparating. “Olivia naman e. Umasa tuloy ako ng slight na may pag-asa pa ako,” sabi niya habang pahaba nang pahaba ang pagkakanguso niya sa akin. “What? Totoo naman yung sinabi ko. Pwede naman talaga kung gugustuhin mo.” Nginitian ko siya ng nakakaloko para lalo siyang mainis. Ang cute niya kasi pagnagagalit, mukha siyang bata na inagawan ng candy. “Che, tara na nga” sabi niya bago niya ipulupot ang braso niya sa kaliwang braso ko. Matapos noon ay kinuha niya ang listahan ng mga gamot, pati ang tray na may lamang tatlong bote ng gamot bago ako hilahin pabalik sa nurse station *** Napangiti ako ng mapait ng maalala ang panahon kung saan seryosong seryoso pa ako sa pagnu-nurse. Kung saan masaya pa ako sa ginagawa ko kahit na nahihirapan na ako. Samantalang ngayon ay kahit gustuhin kong mag-alaga ng pasyente ay hindi na maaari. Nagtungo si Abi sa may pintuan at binuksan ito ng kaonti bago nagsalita. “Pakitawag nga si Doktora, gising na kamo si Ms. Lopez.” “Abi, kumusta ka na?” tanong ko sakaniya nang umupo siya sa may harapan ko. Si Abi ay isa sa mga nurse na nakasama ko rati noong hindi pa nasususpende ang lisensya ko bilang isang nurse. Nakakatawang isipin na rati lamang ay pinag-uusapan naming dalawa ang pagkasuspende ng lisensya niya. Pero ngayon ay ako ang nasuspende ang lisensya. Nakakaloko rin talaga minsan kung paano gumalaw ang tadhana. “Ikaw ang kumusta na, antagal na simula ng huli tayong magkita.” Nginitian ko lamang siya at hindi ko na sinagot. Ilang taon ko na ring iniiwasang sagutin ang tanong na ‘yan. Kung may bagay man ako na hindi pa kayang sabihin sa harap ng iba, ito ay ang kasalukuyang ganap sa buhay ko. “Abi si Josh? Nasaan siya? Lumabas ba para bumili ng pagkain?” tanong ko sakaniya nang maalala na wala si Josh sa kwarto na kinaroroonan ko. “Olivia, ano kasi.” Tinitigan ko lang si Abi habang hinihintay ang susunod niyang sasabihin. Ngunit pumasok na ang isang doktora ay hindi pa rin nasasagot ni Abi ang tanong ko. “Good morning po Doktora,” sabi ni Abi sa kakapasok pa lamang na babaeng may suot na lab gown. “Good morning Ms. Lopez, I’m Dr. Delos Santos.” Nagpakilala sa akin si Doktora at nagtanong ng ilang mga katanungan tungkol sa nararamdaman ko ngayon. Sunod-sunod ang mga tanong niya sa akin sa kadahilanan na kagigising ko pa lamang, at kailangan pa nilang i-monitor ang kalagayan ko. Ang dami na niyang natanong sa akin ngunit ang bagay na gusto kong malaman ay hindi pa rin nila masabi-sabi sa akin. Aalis na sana si Dr. Delos Santos nang kuhanin ko ang pansin niya. “Ahm, Doc may I ask po kung nasaan yung kasama ko?” Nagkatinginan si Abi at si Dr. Delos Santos bago sila muling tumingin sa akin. “Si Josh po? Kasama ko po kasi siya noong naaksidente ako.” Tumikhim muna si Dr. Delos Santos bago siya nagsalita. “I'm sorry to tell you this when you just wake up after days of being unconscious. Mr. Aragon is still unresponsive and is currently in ICU. He might not wake up immediately like you, Ms. Lopez, because he is currently not showing any reflex responses. Mr. Aragon is presently unconscious and in a vegetative state. I'm afraid that he might be comatose.” Parang gumuho ang mundo ko sa mga narinig ko. Biglang humina ang tunog ng mga bagay-bagay sa paligid ko, at wala akong ibang makita kundi ang mga mata ni Joshua na nakatingin sa akin bago kami bumagsak sa lupa. Nang maramdaman ko ang mga braso ni Abi na nakayakap sa akin ay bumuhos ang mga luha ko. Hindi ko alam pero dahil sa pagyakap niya sa akin ay lalong bumuhos ang nararamdaman ko. Lalong sumikip ang dibdib ko at muli kong naalala si Joshua. “I want to see him Abi. No, I need to see him.” Pinipilit kong kumawala sa yakap sa akin ni Abi pero lalo lamang niya itong hinigpitan. Naramdaman ko rin ng may itinusok na karayom sa braso ko ang isang nurse na pumasok sa kwarto ko. Unti-unti akong nanghina at nagdilim ang paningin ko. Ang huli kong nakita ay ang mukha ni Abi habang may luha sa kaniyang mga mata, at ang mata ni Dr. Delos Santos kung saan bakas ang awa. Bago tuluyang nandilim ang paningin ko ay naramdaman ko pa ang init ng luha na dumaan sa aking pisngi na umaagos mula sa mga mata ko.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD