CHAPTER 3
Olivia's POV
Napangiti ako nang maalala ko ang mga kalokohan ko dati noong college ako. Maging kung gaano kakapal ang mukha ko noon para agawin ang project na pinaghirapan ni Josh para sa babaeng nakakuha sa bata niyang puso.
Lumabas na ako sa kuwarto at muli kong inikot ang paningin ko. Bukod sa kuwarto na tinulugan ko ay mayroon pang tatlong kuwarto.
Binuksan ko ang kuwarto sa tabi ng tinulugan ko at sa palagay ko ay ito ang study room niya, samantalang ang isa pang kuwarto ay may mga gym equipments.
Nasa pinaka-dulong kuwarto na ako nang hindi ko ito mabuksan. Sinubukan kong buksan ulit ito pero ayaw nitong mabuksan dahil naka-lock, nagkibit-balikat na lang ako at bumaba na mula sa pangalawang palapag.
Sa kaliwa ay ang entrance ng bahay, kung saan nandoon ang living room. Sa may kanan naman ay ang kusina, at may isa pang kuwarto malapit sa kusina.
Binuksan ko ito at nakitang walang laman ang kuwarto kundi isang inflatable bed, kung saan may nakalagay lamang na tag-isang unan at kumot. Siguro ay rito siya natulog kagabi, habang nandoon ako sa kuwarto niya nagpapahinga.
Dumiretso na ako sa may kusina at nakitang nakapatong nga sa mesa ang susi ng kotse, at may nakatakip nang pagkain sa ibabaw ng mesa.
Nagsasandok na ako ng pagkain nang mag-ring ang telepono sa may living room, sinagot ko ito agad dahil baka mahalaga ang tawag.
“Hello, si--” hindi ko pa natatapos ang sasabihin ko nang may nagsalita sa kabilang linya.
“Hello, is this Mr. Aragon’s house helper? Sorry to disturb you, but can you deliver the documents to the office later? I think I left it in his study room.”
“Okay po.” Nagtataka man ako kung sino ang tumawag ay um-oo na lamang ako, dahil baka emergency.
“Kahit after lunch na. Thank you, Miss. I need to go. Ah, one last thing, padala rin ng laptop sa ibabaw ng study table niya.
Hindi pa ako nakakasagot ay ibinaba niya na ang telepono.
Nagkibit balikat na lamang ako at dali-daling umakyat sa pangalawang palapag, para kuhanin ang pinapadala ng tumawag.
Binuksan ko ang study room niya at nakita kong mayroon ngang apple laptop sa ibabaw ng table, sa tabi noon ay may tatlong envelope.
Hindi ko manlang natanong kung anong papeles ang kailangan niya, kaya dinala ko na lamang lahat pababa.
Tiningnan ko ang orasan at alas diyes pa lamang ng umaga. Ang sabi ng babaeng tumawag kanina ay kahit after lunch pa raw dalhin ang papeles. Siguro ay magagawan ko pa ng pangmeryenda si Josh para makapagpasalamat.
Bumalik ako sa kusina at tinapos ang pagkain bago ko naisipang mag-bake.
Mahilig si Josh sa matatamis kaya naisipan kong ipag-bake siya ng cookies, ang tagal na rin simula nang huli ko siyang napag-bake. Tiningnan ko ang mga gamit na puwedeng gamitin sa pagbe-bake, luckily mayroon siyang sapat na gamit para makagawa ng chocolate chip cookies.
Pinagsama-sama ko na ang harina, baking powder, cornstarch, at asin sa isang bowl.
Kumuha ako ng isa pang bowl para naman sa mga wet ingredients, at nang nakahanda na ang wet ingredients, pinaghalo ko na ang wet and dry ingredients, bago ko nilagyan ng chocolate chips.
Eight to ten minutes lang ay okay na ang mga cookies, nilipat ko na ito sa ibang lalagyan. Mabuti na lamang at iniwan ni Josh ang susi ng kotse niya, hindi na ako mahihirapan na ihatid ang mga gamit at cookies na ni-bake ko.
Ito ang unang pagkakataon na makakapunta ako sa office niya, dati ay sa labas lamang ako naghihintay, pero ngayon ay parang gusto kong makita kung paano siya magtrabaho.
Bumaba na ako ng kotse at nagdire-diretso sa entrance.
“Good morning po, Ma’am,” bati sa akin ng guard. Nginitian ko lang siya at tumuloy ako sa desk office.
“Good morning. I just want to ask, on what floor is the Planning team?”
“Good morning po. The Planning team po is on the 8th floor.”
“Thank you!” Dumiretso na ako sa elevator. Ang daming sumasakay at naghihintay ngayon ng elevator, at mukhang marami sa kanila ang galing sa may cafeteria. Katatapos lang rin kasi halos ng lunch time.
“Which floor?” Sasagot na sana ako nang may naunang magsalita sa akin.
“8th floor po.” Napatingin ako sa nagsalita, pareho pala kami ng pupuntahan. Mukhang isa siya sa mga Planning team.
Huminto ang elevator at nakita kong 6th floor pa lamang kami, 1 more floor and makikita ko na ang office ni Josh.
Should I ask him for a date? Ang tagal na rin kasi simula nang huli kaming lumabas.
Bumaba na ako nang bumukas ang elevator sa tamang palapag, lumabas na agad ako sa sobrang excitement. Inikot ko ang tingin ko at mukhang nasa cafeteria pa halos ang mga tao kaya wala akong mapagtatanungan. Hinabol ko ang babaeng nakasabay ko kanina para sana magtanong. Malayo-layo na kami sa elevator pero hindi ko pa rin siya natatanong, bakit naman kasi ang bilis niyang maglakad.
“Excuse me, Mi-“ napatigil ako. Mukhang hindi ko na pala kailangan magtanong kung nasaan si Josh, dahil kitang-kita ko siya sa harapan ko. Napangiti ako nang mapait.
“Here, these are the documents that you need.” Aalis na sana ako nang may maalala.
“Oo nga pala, ito cookies oh.” Sabay lapag sa mesa nila.
“Mamatay sana kayo sa tamis,” dugtong ko pa.
Nag-walk out agad ako at dali-daling dumiretso sa elevator.
“Vi, wait.” Lalo kong binilisan ang paglalakad ko.
“Olivia, wait lang. Let me explain.” Masisira ko na ata itong pindutan ng elevator pero hindi pa rin ito bumubukas. Nang maabutan niya ako ay hinarap ko siya.
“Here.” Inabot ko sa kaniya ang susi ng kotse niya.
“Thanks for letting me stay in your house yesterday.” Saktong bumukas ang elevator at pumasok agad ako.
Hindi tuluyang nagsara ang pinto ng elevator dahil pumasok siya. Sinusubukan niya akong hawakan pero umiiwas ako.
“Vi, pakinggan mo naman ako.”
Nagdire-diretso ako palabas ng elevator, hindi ko hinahayaang tumulo ang luhang kanina ko pa pinipigilan.
Umabot na kami sa kalsada pero habol pa rin siya nang habol sa akin.
“Vi, let me explain. It’s not what you think.” Hinarap ko siya at inismiran.
“Ahh, it’s not what I think. So, mas malala pa, gano’n?”
“No, katrabaho ko lang siya.”
“Bullshit Josh, katrabaho? Katrabaho pero nakapulupot sa leeg mo? Let me think, siya ‘yong may-ari ng laptop sa study room mo.” Sinusubukan niyang abutin ang kamay ko, pero imbis na mahawakan niya ito ay pinadapo ko ito sa pisngi niya.
“Kaya ba hindi mo ko dinadala sa bahay mo? Akala ko pa naman kasi nirerespeto mo ako. All along ang reason pala is ibang babae ang dinadala mo.” Tinalikuran ko na siya at nagdire-diretso muli.
“Vi, hindi. Hindi ko kayang gawin sa ‘yo iyon.” Hinarap ko siya ulit, and this time hindi ko na napigilan ang mga luha ko.
“Too late, nagawa mo na. Ang tanga ko lang kasi nagpadala ako sa ‘yo.” Tumakbo ako palayo sa kaniya, hindi ko na makita ang dinadaanan ko dahil sa mga luhang tumutulo sa mata ko.
Akala ko pa naman siya na, akala ko nakita ko na ang taong hindi ako iiwan at sasaktan. Pare-pareho lang pala sila, iiwan rin ako kapag nakakita na sila ng iba.
“VI!” Tumakbo ako nang marinig kong papalapit na siya sa akin.
Nagulat ako nang bigla niya akong hinila at niyakap. Ang sumunod na nangyari ay naramdaman ko na lang na para kaming lumutang sa ere. Parang naka slow motion ang lahat, ramdam na ramdam ko ang higpit ng yakap ni Josh sa akin, ang sigaw ng mga tao, at ang tunog ng pagkabunggo ng mga sasakyan. Tiningnan ko si Josh at nakita kong nakatitig siya sa akin na tila ba may gusto pa siyang sabihin.
Ang sumunod kong naramdaman ay ang pagbagsak naming dalawa sa semento. Pagtingin ko ay nakita ko na lamang siyang nakapikit bago ako unti-unti ring nawalan ng malay.