CHAPTER 5
Olivia's POV
Nagising ako sa tunog nang pagbukas ng pintuan ng kwarto. Dahan-dahan kong dinilat ang mata ko, at ang unang bumungad sa akin ay ang nakangiting mukha ni Abi.
“Good morning, ay este, good afternoon na pala,” sabi ni Abi. Napansin kong may hawak-hawak siyang papel at may sinusulat dito.
Napatingin ako sa orasan sa harapan ko. Alas-dos pa lang ng tanghali pero madilim na ang kalangitan na tanaw sa bintana sa may bandang kaliwa ko.
Nang mapansin ni Abi na hindi ako nagsasalita at nakatitig lamang sa kalangitan ay sinubukan nitong kausapin ako.
“Kumusta naman yung pakiramdam mo?” tanong nito.
“May masakit ba sayo?” dugtong niya rito ng hindi ako sumagot sa unang tanong niya.
“Nakausap ko si doktora tungkol sa lagay ni Josh.” Nang banggitin niya ang pangalan ni Josh ay saka lamang niya agad nakuha ang atensiyon ko.
“Kumusta na siya? Okay lang ba siya? Kumusta na yung lagay niya?” sunod-sunod na tanong ko kay Abi.
“Sabi ni Doktora ay pwede na siyang bisitahin sa susunod na araw. Okay naman na yung mga stats niya, pero kailangan pa ring obserbahan.” Parang may nawalang mabigat na bagay na nakadagan sa dibdib ko nang marinig ko na ayos na ang lagay ni Josh.
Hindi ko mapigilan ang bugso ng nararamdaman ko kaya muli ulit nito akong nilamon. Sunod-sunod ang naging pagtulo ng luha ko mula sa aking mga mata. Naramdaman ko ang lapad ni Abi na dumapo sa pisngi ko para punasan ang dumaloy na luha rito. Na kahit pinupunasan niya ito ay lalo lamang nababasa dahil sa hindi matigil na pagtulo ng luha ko.
“Shh. Tahan na Olivia magiging okay rin ang lahat.” Kahit alam kong mahirap, at matatagalan ang proseso, pero ang marinig na balang araw ay magiging ayos rin ang lahat ang nagsilbing pag-asa para sa akin.
Nang medyo mahimasmasan na ako mula sa pag-iyak ay tumayo si Abi bago siya magsalita. “Pero bago ka makabisita kay Josh, ang sabi ni Doktora ay kailangan mo munang magpalakas. Hintayin mo lang ako dito at kukuha kita ng makakain para magkalakas ka,” sabi niya bago lumabas sa kwarto.
Nang umalis si Abi at naramdaman ko ang katahimikan ng lugar ay muling umagos ang luha ko. Ang ayoko sa lahat sa tuwing malungkot ako ay ang makaramdam ng katahimikan. Dahil ang katahimikan ang nagiging dahilan kung bakit lalong nagsi-sink in sa akin ang mga pangyayari. Dahil ang katahimikan ang nagpaparamdam sa akin na mag-isa lang ako, walang kakampi, at walang kasama.
Naalala ko tuloy ang ikalawa naming pagkikita ni Josh. Sa halip na awayin niya ako dahil sa ninakaw kong project niya ay inalo niya ako sa kalungkutan na nararamdaman ko.
Maagang sumakabilang buhay ang mga magulang ko, kinse anyos pa lamang ako ng masawi sila sa isang car accident. Nang mawala sila ay naiwan ako sa tiyahin ko na kapatid ni mama. Noong una ay ayos naman kami ng tita ko, at nagkakasundo kami. Pero di nagtagal ay nabaliw siya sa isang lalake na naging dahilan ng pagkaubos ng perang inipon niya.
Naubos ang pera ni tita sa kakabili niya ng luho ng nobyo niya, maging ang mga ari-arian niya ay unti-unti niyang binenta. Pineperahan lang pala siya ng naging nobyo niya, pero sa ibang babae pala ito umuuwi. Ang masama pa ay may iba pala itong pamilya na sinusustentuhan niya mula sa pera ni tita, at iba pa ang babaeng inuuwian nito gabi-gabi.
Dahil sa katotohanang nalaman ni tita ay naghanap ito ng ibang mapagkakaabalahan para mabaon niya sa limot ang dating kasintahan. Nalulong siya sa bisyo, naadik rin siya sa paninigarilyo at pag-inom ng alak. Nabaon siya sa utang kakasugal niya, maging ang perang iniwan sa akin ng mga magulang ko ay naubos niya sa kabibisyo niya.
Wala siyang ginawa kundi uminom ng alak, hindi siya kumakain o umiinom ng tubig. Ang tanging pumapawi sa gutom niya ay alak na siyang naging dahilan ng pagbigay ng katawan niya. Unti-unti siyang nanghina at hindi rin nagtagal ay binawian siya ng buhay.
Nang mawala si tita ay nagbago ang ideya ko tungkol sa pag-ibig. Nagsimula akong matakot magmahal, dahil sa naging bunga ng pagmamahal kay tita. Dahil sa pagkabaliw ni tita sa isang lalaki ay nakalimutan na niya ang tama sa mali, at maging ang kaniyang halaga bilang isang tao. Umikot lamang ang buhay niya sa isang tao, isang tao na siya palang wawasak sa buong pagkatao ni tita.
Pero nawala ang lahat ng ikinatatakot ko nang makilala ko si Josh. Nang pumasok sa buhay ko si Josh ay nalaman kong mayroon pa palang pag-ibig na totoo. Pag-ibig na hindi nakita ni tita noong siya ay nabubuhay pa.
***
Sunod-sunod ang pagpatak ng luha ko habang nasa library ako. Isang linggo na rin ang lumipas simula ng mailibing si tita, pero hanggang ngayon ay sariwa pa sa akin ang sugat na natamo ko ng mawala siya.
Isang linggo na akong nagpapanggap na okay lang. Isang linggo na akong nagpapakatatag. Isang linggo na rin akong umiiyak gabi-gabi dahil sa sobrang bigat ng nararamdaman ko.
Minsan, kahit walang dahilan ay bigla na lang tutulo ang luha ko sa tuwing naaalala ko na wala na si tita. Minsan naman ay may mga bagay akong nakikita o di kaya naman ay tunog na naririnig na nagpapaalala sa akin kay tita. Na siyang nagiging sanhi ng kalungkutan ko. Naiiyak rin ako tuwing hindi preoccupied yung utak ko, kaya gusto kolaging may ginagawa ako kahit pagod na pahgod na ako.
Tulad ngayon, nasa library ako para sana mag-review sa quiz ko, pero sa halip na mag-review ay busy ako kaka tingin sa itaas at pagpaypay sa sairli ko para tumigil na sa pagtulo yung luha ko. Bakit ba kasi sa library ko pa naisip mag-review, ang tahimik tuloy. Kung alam ko lang na iiyak na naman ako, di sana ay sa students lounge na ako umiyak para masiguro ko na hindi tutulo ang luha ko sa takot na may makakita sa ‘kin.
Hindi ko pinansin nang may biglang humila ng upuan sa harapan ko at umupo rito. Busy ako sa pagpaypay at pagpigil na tumulo ng luha ko kaya hindi ko na ito pinagtuonan ng pansin.
Hindi ko na sana ito papansinin hanggang sa umalis ito, kung hindi lamang siya tumikhim.
Nang ibaba ko ang ulo ko para magpantay ang mukha naming dalawa ay nagkatinginan kami.
“Wala ka bang balak sabihin sa ‘kin-“ Hindi niya na natuloy ang sasabihin niya nang mapatingin siya sa namamaga kong mata at sa panyong hawak ko na may bahid ng luha.
Ipinatong ko ang panyo ko sa may hita ko para hindi niya makita. Iniyuko ko rin ang ulo ko para hindi niya masiyadong makita ang pamamaga ng mata ko. Patago ko ring pinunasan ang pisngi ko para masiguro na wala ng bakas ng luha sa mukha ko.
Tumikhim muna ako bago ako nagsalita. “Excuse me? Kilala mo po ba ako?” tanong ko sa kaniya.
“Classmate po ba kita? Groupmate? Batchmate?” dagdag ko ng hindi agad siya sumagot sa tanong ko.
“No, I’m-“ Umiling siya bago dinugtungan ang sinasabi niya. “Are you fine?” tanong niya sa akin na siyang naka-trigger ng muling pagtulo ng luha ko. Bakit ba kasi napakahirap sagutin ng tanong na ‘ayos ka lang?’, kahit oo o hindi lang naman ang sagot.
“s**t,” tanging salita na lumabas sa labi ko.
Bakit naman kasi napakaiyakin kong tao, pinaglihi ata ako sa sibuyas nila mama. Teka sibuyas? Edi dapat ako yung nagpapaiyak? Ay ewan, basta pinaglihi ako sa isang bagay na naging sanhi ng pagiging iyakin ko. Siguro laging naghihiwa si mama ng sibuyas noong nasa sinapupunan niya pa lamang ako.
“Hey, hey. Are you crying?” tanong ng lalaking nasa harapan ko.
Para namang ewan to, kita na nga na umiiyak ako bakit ba kailangan pang tanungin. Bulag-bulagan lang?
“Hey, stop. Pinagtitinginan na tayo.” Hindi ko pinansin ang sinasabi niya at tinuloy ko lang ang pag-iyak ko.
Kung ano-ano na ang inabot sa akin ng taong nasa harapan ko. Kung ano-ano na rin ang mga sinabi niya para lamang tumigil ako sa pag-iyak. Kapansin-pansin na hindi niya alam kung paano mag-comfort ng isang taong umiiyak dahil sa pagkataranta niya simula ng umiyak ako.
Lagpas limang minuto rin siguro akong umiiyak, at lagpas limang minuto na rin akong pinapatahan ng nasa harapan ko. Nang mahimasmasan ako ay saka lamang ako nakaramdam ng hiya nang mapansing ang daming nakatingin sa amin sa loob ng library.
Naririnig ko rin mula sa pwesto ko ang ilang usapan sa kabilang table.
“Grabe naman yung lalaki. Noong isang araw lang si Elaine yung pinopormahan tapos ngayong ibang babae na yung kasama,” sabi ni chismosa number one.
“Baka naman binasted ni Elaine kaya pumili ng madaling makuha,” sabat naman ni chismosa number two.
“Or kaya sabay niyang niligawan si Elaine saka si girl. Kaso sinagot na siya ni Elaine kaya gusto na niyang makipaghiwalay diyan sa cheap na girl,” dagdag ni chismosa number three.
“Dapat lang no. Alangan naman mas piliin niya yung desperada na iyan kesa kay Elaine,” sagot ni chismosa number one.
Teka nga bakit naman may nadawit na ibang pangalan sa chismisan nila. Kami ba talaga yung pinag-uusapan nila? At sino naman kaya si Elaine?
Sasabat na sana ako sa usapan nila ng may ma-realize ako. Napatingin ako sa mukha ng lalaking nasa harapan ko at parang pamilyar siya sa akin. Parang na kita ko na siya dati, pero hindi ko maalala kung saan.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang ma-realize ko kung sino ang taong nasa harapan ko ngayon. Apaka-slow ko talaga. Natuyot na ata yung utak ko kakaiyak ng ilang araw.
Sino pa bang hindi ko kakilalang lalaki ang madidikit ang pangalan kay Elaine. Siya lang naman yung lalaking inagawan ko ng project sa laboratory, na sa tingin ko ay ginawa niya para ibigay sana kay Elaine.
Bigla akong tumayo sa kinauupuan ko sa sobrang gulat. Dahil sa biglaan kong pagtayo ay nabaling ang tingin ng maraming tao sa akin sa loob ng library. Tila ba hinihintay nila kung ano ang susunod kong gagawin. Sasampalin ko ba siya? Bubuhusan ng malamig na tubig? Sisipain? Malamang hindi no, ako na nga ang may kasalanan ako pa ang may karapatang mag-isip ng masama.
“Sorry,” huling salita na sinabi ko bago ko siya iniwan sa library dahil sa kahihiyan na nararamdaman ko. Nang lumingon akong muli sa kaniya ay napansin kong may bakas ng gulat sa mukha niya dahil sa bigla kong pag-iwan sa kaniya.
Nagtataka siguro siya dahil sa biglaan kong pag-iyak at biglaan kong pag-alis. Duh, anong gusto niya? Malusaw ako doon sa loob ng library dahil sa kahihiyan. Asa no, malusaw man ako sa kahihiyan dahil sa ninakaw kong project, ayoko naman na sa harap ng maraming tao.
***