KATAHIMIKAN ang namatuwi sa loob ng sasakyan. Walang naglakas-loob na magsalita, kahit ang may pagkamadaldalin na batang si Alessandra at may lakas loob na kausapin ang Ama ay mas pinili nitong manahimik.
Okupado ni Gerode ang passenger seat sa harap, habang nasa likuran naman sila Ianah at ang kambal. Mas piniling sumakay ni Gerode sa ginamit na sasakyan nila Ianah kay sa dala nitong sasakyan.
Napapansin ni Ianah ang paminsan-minsan na pagtingin ni Gerode sa kanila gamit ang rear view mirror. Minsan ay nagtatagpo ang mga mata nila, pero mas pinili niyang magpatay-malisya kahit sa kalooban niya ay naiilang at nagpa-panic na siya. Nangangati rin ang bibig niya na tanungin ito ngunit mas pinili niyang itikom ng mariin ang mga labi para pigilan ang sarili.
Nang makarating sila ng mansion ay tila doon lang nakahinga ng maluwag si Ianah.
Nakita niya sa labas ang nag-aabang na si Lea. Mabilis na lumapit ito sa sasakyan at pinagbuksan sila ng pinto.
"Aya, buti nakauwi na kayo. Kumusta ang lakad niyo?" pagtatanong nito sa kaniya habang maingat nitong tinulungan si Alessandra mula sa pag-alis ng seatbelt hanggang sa pagbaba. Akmang tutulungan niya sana si Allendrex nang naunahan siya nito sa pag-alis ng seatbelt at nagbukas sa katabing pinto nito saka bumaba.
Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa isinara nito ang pinto at naglakad patungo sa kinaroroonan ng kambal.
Wala siyang nagawa kundi bumaba na rin ng sasakyan.
"Hindi ba kayo napagalitan ni sir Gerode?" tanong muli ni Lea sa kaniya.
Bahagya naman siyang napasulyap sa may passenger seat kung saan nakaupo si Gerode. Hindi niya maiwasan na magtaka kung bakit hindi pa ito bumababa sa sasakyan.
'Nakaidlip ba ito?' tanong niya sa isip.
"Bakit, Aya? May naiwan ka ba sa sasakyan?" Napatingin na rin si Lea sa sasakyan.
Nagdadalawang isip man ay naglakas loob siyang lumapit sa kinaroroonan ni Gerode.
Akmang kakatokin niya sana ang babasagin na bintana ng kotse nang marinig niya ang pag-ingay ng pinto at saka bumukas.
Mabilis naman siyang napaatras.
Narinig niya ang bahagyang pagsinghap ni Lea. Halatang na gulat nang makita si Gerode.
Napa-pisil si Ianah sa kamay niya nang pumukol sa kaniya ang seryosong mukha ni Gerode. Matiim siyang tiningnan nito.
"Good afternoon po, Sir Gerode," nahihiyang bati ni Lea rito nang tuluyan ng nakababa si Gerode sa kotse.
Hindi umimik si Gerode. Tahimik lang itong nanatiling nakatingin ng deritso kay Ianah.
Naiilang na napaiwas naman ng tingin si Ianah.
"Dad, let's go inside first," kinakabahang singit ni Alessandra.
Napatingin si Ianah sa gawi rito at doon lang naalala na hindi pa nakakapasok ang kambal dahil mas pinili ng mga ito na hintayin sila.
Tumikhim si Gerode at akmang magsasalita nang marinig ang pamilyar ng ringtone ng cellphone nito, hudyat na may tumatawag.
"You can go inside first. I'll just answer this call," sabi ni Gerode habang nakatuon ang paningin kay Ianah, tila siya ang sinasabihan nito.
"Okay po, Dad," sagot ni Alessandra. "Yaya, let's go inside po," tawag nito kay Ianah.
Tarantang napatango naman si Ianah at lumapit sa kambal. Agad siyang hinawakan ng mga ito sa magkabilang kamay at saka hinila.
Nagpatianod naman siya sa dalawa at bahagya pang nilingon ang kinaroroonan ni Gerode. Nakita niyang nakatingin din ito sa kaniya bago may pinindot sa cellphone at itinapat sa may kanang tainga.
Iniwas niya na ang tingin dito at tuluyan nang pumasok sa mansion.
"Where did you two go?" bungad na tanong sa kanila ni Alisha. Nakatayo ito sa huling baitang ng hagdan.
'Two?' komento sa bahaging utak ni Ianah. Mukhang sinadyang huwag siyang isali sa bilang ni Alisha at trinatong invisible o hangin lang.
"We visited Dad, Ate Alisha," sagot ni Alessandra.
Hindi ito pinansin ni Alisha. Bagkus nakatuon ang paningin nito kay Ianah. Masama ang tingin na nakapukol rito.
"You're really a bad influence on my siblings. I hope you get fired tonight," malamig ang boses na sabi ni Alisha kay Ianah.
Bahagyang nanigas si Ianah sa sinabi nito, ngunit kalaunan ay tipid lang siyang ngumiti--na ikinairita naman ni Alisha.
"Why are you still standing here?" Halos sabay-sabay silang napalingon sa bandang likuran nang marinig nila ang boses ni Gerode.
"Tsk!" asik ni Alisha bago tumalikod sa kanila at umakyat sa hagdan nang may mabibigat na yapak.
"K-kasi Dad," nangangapang sagot ni Alessandra. "Are you not mad with us anymore?" deritso nitong tanong. "Sandy," tila nai-stress na tawag ni Allendrex sa kakambal. "That's a landmine question," dugtong pa nito.
Bumuntong hininga si Gerode.
"I'm not mad, but we still need to talk. But first, go to your room and wait for my call. There's something I need to finish--some important papers," kalmadong sagot ni Gerode.
Tila nakahinga naman nang maluwag ang kambal dahil sa naging sagot ng Ama.
May kalakasan na huminga si Allendrex habang hindi na maitago pa ang ngiti ni Alessandra.
"Okay po, Dad," nakangiting sabi ni Alessandra.
"Don't be too happy, Sandy," sabi ni Gerode sa anak.
Mabilis namang inayos ni Alessandra ang ekspresyon at pilit na sumeryoso saka tipid na tumango.
Nanatiling tahimik na nakikinig si Ianah sa kanila. Takot na makagawa ng kaunting ingay na makakakuha ng atensyon ni Gerode. Ngunit kahit nakatikom ang bibig at halos hindi na gumalaw. Nahuli pa rin siya nito.
Kabado siyang naghihintay sa sasabihin nito. Ngunit ilang sandaling lumipas ay wala itong sinabi at nagpaalam nang maunang umakyat ng hagdan para dumeritso sa pribadong opisina nito.
Doon lang nakahinga ng maluwag si Ianah nang tuluyang makaalis si Gerode.
"I guess we're safe tonight, Yaya," natutuwang sabi ni Alessandra sa kaniya.
Hindi naman magawang ngumiti o sumang-ayon ni Ianah dahil alam niyang wala pa rin silang takas sa magiging sermon ni Gerode mamaya.
***
HINDI mapakali at nanlalamig sa kaba si Ianah habang naglalakad patungo sa pribadong opisina ni Gerode nang pinapatawag siya nito.
Humugot siya ng malalim na hininga saka ibinuga ito para pakalmahin ang sarili nang nasa tapat na siya sa pinto ng opisina ni Gerode.
Sa nanginginig at nanlalamig na kamay ay kumatok siya ng tatlong beses sa pinto.
"Come in," seryoso at mababang boses na sabi ni Gerode sa loob.
Mas lalong kumabog ng malakas ang puso niya. Pakiramdam niya ay aatakehin siya sa puso dahil sa kaba.
Gamit ang namamawis na kamay ay maingat niyang pinihit ang door knob saka dahan-dahang binuksan ang pinto.
Bahagya niyang dinungaw ang ulo para tingnan ang loob, ngunit agad siyang nanigas nang sumalubong sa kaniya ang paningin ni Gerode. Halatang napahinto ito mula sa ginagawa nang marinig ang pagbukas ng pinto.
Nahihiya at kinakabahan namang binuksan ni Ianah ang pinto ng malaki at tuluyang pumasok.
Tahimik lang si Gerode na nakatingin sa kaniya habang hindi niya matingnan ng deritso.
"G-good evening po, Sir Gerode," halos manginig ang boses niyang bati rito.
"Come closer, Ms. Gamboa," wala sa emosyon nitong sabi sa kaniya nang makitang nasa may kalayuan siyang tumayo mula rito.
Tipid naman siyang tumango at nagtungo sa harapan nito.
Kasalukuyang naka-upo si Gerode sa isang swivel chair. May suot itong eyeglasses at bahagyang naiilawan ang mukha mula sa nakabukas na laptop. Nakabukas na rin ang ilang butones sa suot nitong puting long sleeves. Bahagyang magulo na rin ang naka-slick side na buhok nito.
Hindi niya maiwasan na mamangha. Malakas ang dating nito at masasabi niyang gwapo talaga ito.
Nahuli siyang nakatigitig dito. Nahihiyang tumayo siya ng tuwid, at tumikhim saka patay-malisyang sinuyod ng tingin ang loob ng silid.
Ito ang pangalawang beses niyang makapunta rito. Malinis at minimalist lang ang desinyo. May malaking wall glass, at nag-aagaw ang kulay abo at puti. May isang may malaking kulay dark gray na shelves na puno ng makakapal na libro. Sa harap nito ay isang set ng sofa at isang mababasaging coffee table.
Mas lalo siyang nahiya nang mapansin ang bahagyang pag-angat ng gilid ng labi ni Gerode, ngunit agad din nitong inayos ang sariling ekspresyon.
Ramdam niya ang labis na pagka-ilang at hindi niya magawang tumingin nang matagal kay Gerode dahil matiim na siya nitong tinititignan.
Nakita niyang inalis nito ang suot na eyeglasses at maingat na inilapag sa mesa. Malalim itong bumuntong-huminga.
"You are aware why I called you here, right, Ms. Gamboa?" pagsisimula nito.
Muling nabuhay ang kaba sa puso niya.
Namumutla siyang tumango.
"Y-yes po, Sir. Pasensya na po kung nagmatigas ako, at sana'y huwag niyo pong masyadong pagalitan ang kambal dahil mas malaki po ang kasalanan ko kumpara sa kanila," pag-amin niya, at buong lakas ng loob siyang tuminging nang deritso sa mga mata ni Gerode.
Nakita niya ang pagkasalubong ng mga kilay nito--halatang may hindi ito nagustuhan sa sinabi niya.
"I'm sorry po," takot niyang sabi sabay yuko.
Mariin niyang kinagat ang ibabang labi at wala sa sariling pinipisil-pisil ang sariling kamay upang pakalmahin ang sarili.
"I already warned you, Ms. Gamboa. When it comes to my children's safety, I can't just let this pass. And who gave you the right to tell me how to discipline my children?" nagpipigil sa inis na tanong ni Gerode.
Napa-angat siya ng ulo at tiningnan ito. Mabilis siyang napayuko ulit nang makita niyang mas dumilim ang mukha nito.
"Sorry po, Sir," mahina niyang sabi.
Hiyang-hiya siya rito.
Kumibot ang labi niya. Nangangati ang bibig na magsalita muli.
"Pasensya na po talaga, Sir Gerode. Naiintindihan ko po at buong puso kong tatanggapin ang magiging desisyon niyo kung tatanggalin niyo man po ako sa trabaho ngayon din mismo," hindi na niya napigilan pa ang sarili.
Nagulat si Gerode sa sinabi niya.
"W-wait... firing you?" gulat at naguguluhang tanong ni Gerode.
Kumunot ang noo ni Ianah at nag-aalinlangan na tumango.
"Hindi po ba ito ang dahilan kung bakit niyo ako pinatawag?"