Dead End
“ARAY ko po. Ang sakit ng mga kasu-kasuan ko pero mas masakit kung si Makisig ay hindi ko maaakit,” nangingiting ani Themie sa sarili.
Masakit ang katawan na naggising siya kinabukasan. Sobra siyang nangalay sa pagtanim kahapon ng palay pero sa tingin niya ay worth it naman. Sa tingin niya, konting-konti na lang mapapa-oo niya na ang isang Makisig Recto.
Ayaw pa sanang bumangon ni Themie pero kinakailangan dahil bukod sa ipagluluto niya ulit si Makisig ng almusal at pananghalian, may klase rin siya ngayong araw. Limang araw na naman siyang hindi makakapunta sa farm kaya dinadaan niya na lang sa sulat ang mga banat niya. Ang lalakeng iyon, napaghahalataan lang na pakipot pero gusto naman ang mga banat niya at nangingiti na lang sa kanya.
“Good morning, Tay,” bati ni Themie pagkababa niya sa hagdan at nagtungo sa kusina para magluto. Naabutan niya ang ama na nagkakape.
“Good morning, anak. Masyado pang maaga ah.”
Ngumiti siya. “Keribels lang, Tay. Baka mapasobra pa ako sa beauty sleep at hindi na ako maggising,” biro niya saka kinuha sa ref ang gulay na pinamalengke niya kahapon.
Nailing naman si Matias sa naging turan ng anak. “’Wag ka ngang magbibiro ng ganyan. Maiba pala ako, may nakapagsabi sa akin na panay ang punta mo sa mga Recto. Anong ginagawa mo doon? Dinidiskartehan mo ba si Makisig katulad ng gusto ng nanay mo sa mga kapatid mo?”
Natigilan si Themie, kapagkwan ay hilaw na napahalakhak. “T-tay naman. A-ano naman ang kinalaman dito ni Nanay? Eh siya na nga mismo ang nagsabi hindi ba? H-hindi ako papatulan ng isang Makisig Recto. Hindi ako papasa sa standards nun,” aniya, tila may kung anong nakabara sa lalamunan niya.
Napabuntonghininga naman si Matias. “Anak, hindi ka panget. Ang ganda-ganda mo kaya. Sa akin ka nagmana. Sadyang may mga tao lang talaga na hindi marunong mag-appreciate ng mga bagay dito sa mundo.”
Tumango-tango si Themie. “At isa na ho doon si n-nanay.”
Nag-iwas ng tingin ang kanyang tatay. “P-pagpasensyahan mo na ang nanay mo, ha?”
Ngumiti si Themie. “O-oo naman, Tay. Sanay naman na ako. P-pero tay, matanong ko lang… bakit ganoon sa akin si Nanay? Bakit ayaw niya sa akin?” Simula kasi pagkabata niya pa lamang ay ramdam niya na ang distansya ng ina sa kanya. Kumpara sa mga ate niya, kumukulo ang dugo sa kanya ni Lolita.
Themie never thought na magiging madrama ang umaga niya. Mahina kasi talaga ang puso niya pagdating sa ina.
Walang nakuhang tugon si Themie mula sa ama kundi ang isang mahigpit na yakap. “P-pasensya na anak.”
Themie just nodded and hugged his father back. Ramdam niyang mahal na mahal siya ng ama pero kasalanan ba kung sasabihin niyang nakukulangan siya lalo na at binabalewala siya ng ina?
“At bakit kayo nag-iiyakan habang nagyayakapan? Sinong namatayan?”
Mabilis na kumalas si Themie sa ama at pinunasan ang kanyang mga luha nang marinig ang masungit na boses ng ina. Umiling siya at ngumiti dito. “M-magandang umaga, ho, Nay,” aniya at akmang dadaluhan ito ng yakap pero itinaas lamang nito ang kamay para huminto siya sa akmang paglapit dito.
Katulad ng madalas niyang gawin, nagpanggap siyang parang wala lamang iyon sa kanya.
***
MEDYO nag-aalangan tuloy si Themie kung masarap ba ang niluto niyang pananghalian ni Makisig dahil baka naapektuhan iyon ng pagdrama niya kaninang umaga.
Katulad ng naging routine niya nitong nagdaang araw, nag-abang siya ng dyip patungo sa farm nila Makisig. At kung siniswerte nga naman at naabutan niya ulit si Manong Domeng.
Malawak ang ngiti na tila walang dramang naganap kaninang umaga na lumapit siya sa matanda. “Good morning, Manong. As usual, nandito na naman ang inyong lingkod para maghatid ng masarap na pagkain para sa soon to be mapapangasawa ko,” aniya sabay abot dito ng paper bag.
Nailing na lamang ang matanda. “Magandang umaga rin, Themie. Naku paniguradong mahuhulog talaga nito sa ‘yo si Sir Makisig. Iba ang mga tinginan niya sa ‘yo kahapon habang tinuturan ka niya kung paano magtanim eh.”
Napahagikhik si Themie. See? Hindi lang siya ang nakakaramdam na malapit niya nang magayuma—este mabihag ang puso ng hot na magsasakang iyon. Kapag dumating na ang araw na iyon, hindi niya na pakakawalan pa ang binata. Hay madadagdagan na naman ang mga pinay na may exotic beauty na nakapangasawa ng isang gwapong half foreigner.
Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ni Themie na ibang lahi ang nanay ni Makisig. Obvious naman sa tila karagatan na mga mata nito. Iyon nga lang ay hindi niya alam kung nasaan ito at bakit sila lamang ng tatay nito ang nagsasama sa iisang bahay.
“Talaga ba Manong Domeng? I-a-advance ko na ho. Invited kayo sa kasal naming dalawa. Ninong ka ho,” banat pa niya dahilan para umani iyon ng matunog na halakhak sa matanda.
“Aba’y parang planado mo na pala ang lahat ah. Iyong mapapangasawa mo na lang ang hindi pa.”
She winked. “Malapit na ho. Sadyang nagpapakipot lang. O siya, sige ho, mauuna na ako at ako ay may trabaho pa.”
Nagpaalam na siya sa matanda at pumara ng tricycle pahatid sa highway para mag-abang ng dyip. Medyo na-late pa siya ng umagang iyon pero ayos lang naman sa kanya. Worth it naman at si Makisig Recto ang kapalit.
“Mukhang nag-eenjoy ka na sa ginagawa mong pang-aakit kay Makisig ah.”
Namilog ang mga mata ni Themie at agad na inilibot ang paningin sa buong faculty room sa takot na may makarinig sa sinabi ng kanyang ate Thrina. Hindi pa naman siya naka-earphone. Mabuti na lamang at dalawa lang sila ang nandidito. Mukhang busy pa iyong co teacher niya at parang hindi naman narinig ang sinabi ng ate niya.
Pasado alas dose pa lamang ng tanghali at katatapos pa lamang ni Themie mag-lunch nang tumawag ang ate Thrina niya. Dapat nga ay kasama rin ang ate Thea niya pero dahil sa may biglaangnlunch meeting ito ay hindi na nakasali pa.
“Ano ka ba naman ate! Sandali nga lang at hahanapin ko iyong earphone ko.” Dali-dali niyang hinalungkat ang bag niya. At nang mahanap ay agad niya itong sinalpak sa kanyang cellphone.
Humalakhak ang ate Thrina niya sa kabilang linya. “May tanong pala ako sa ‘yo.”
“Ano naman iyon? Kung may progress na kami ni Hubby—I mean Makisig? Yes naman! Tiklop siya sa beauty ko actually,” tuloy-tuloy na aniya, hindi niya namamalayang titig na titig na pala sa kanya ang ate Thrina niya habang may sinusupil na ngiti sa labi. “B-bakit ate?”
Her Ate Thrina shook her head. Umayos ito ng pagkakaupo mula sa kanyang swivel chair. “Thea and I are just curious, you know.” She shrugged her shoulder.
“Saan naman?” she asked.
Her ate Thrina smiled again. “Sa pagpayag mo sa amin ng ate Thea mo na ikaw na lang ang umakit kay Makisig imbis na kami.”
Panandalian siyang natigilan. Sumupil ang asiwang ngiti sa mga labi ni Themie. “S-syempre kasi natatakot ako na baka masira ang relasyon ninyo sa mga boyfriend niyo kapag pinilit kayo ni Nanay,” she answered.
Thrina looked at her like she was really examining her dahilan para makadama ng asiwa si Themie. Kilala niya ang Ate Thea niya. Ganito ito sa kanya kapag may napapansin na tinatago siya o may kung anong kakaiba sa kanya.
“Tim, kilala mo kami ng ate Thea mo. Hindi kami papayag na masira ang pakikipagrelasyon namin sa mga boyfriend namin. Kahit pa si Nanay iyan.”
Natigilan si Themie. Hindi siya makaimik. Bakit nga ba hindi niya naisip iyon?
“Actually, Thea and I are just only testing you kung kakagat ka ba sa plano namin na ikaw na lang ang pumursige kay Makisig katulad ng gusto ni Nanay na gawin namin.”
“A-ate…” Alam niyang nahuli na siya ng kapatid.
“Bukod sa bigyan ka ng atensyon ni Nanay at para hindi masira ang relasyon namin sa mga boyfriend namin ni Thea, we know na may iba ka pang rason kung bakit pumayag ka sa pinagawa namin sa ‘yo,” dagdag pa ng ate Thrina niya. “We noticed how you became attentive kapag pinag-uusapan namin si Makisig. At hindi rin maitatanggi na nasasaktan ka sa tuwing binabanggit ni Nanay na isa dapat sa amin ni Thea ang makatuluyan ni Makisig.”
Tuluyan nang nawalan ng imik si Themie. Tama ang ate Thrina niya. Matagal na siyang may gusto kay Makisig. Kaya nga kahit walang karapatan, naging choosy pa rin siya nang minsang may magtangkang manligaw sa kanya at tinanggihan iyon dahil umaasa siya na baka balang araw ay mapansin din siya ng nanay niya na pwede rin siya para sa isang Makisig Recto.
Pero iba ang kinalabasan. Nilait pa siya mismo ng nanay niya at sinabing di papasa sa standard ng huli.
“And it’s okay, Tim. Thea and I, love you so much. Naka-suporta kami lagi sa ‘yo. Iyan ang lagi mong tatandaan.”
“Salamat ate. Mahal na mahal ko din kayo ni Ate Thea.” Sa kabila ng pambabalewala sa kanya ng nanay nila, naryan naman ang mga ate niya.
Hindi na rin naman sila nagtagal sa pag-uusap ng ate niya at kapwa pa sila may trabaho mamayang ala una. Nakatanggap pa siya ng text dito, number ni Makisig. Her sister told her na she should flirt with him on text para wala na talagang kawala pa na siyang ikinahagikhik naman niya.
At iyon ang ginawa niya sa mga sumunod na araw. Panay ang text niya dito ng good morning, good afternoon at good night na may kasamang banat pero ni isang beses ay wala siyang natanggap na reply. Naiintindihan niya naman at baka busy lang ang binata.
Nagpatuloy ang rin ang paghatid niya dito ng breakfast at lunch sa mga sumunod pang araw. Kung hindi kay Manong Domeng, sa guard na nagbabantay naman sa gate niya inaabot ang paper bag.
Araw ngayon ng huwebes at pasado alas singko na ng hapon. Dumiretso na si Themie sa palengke para mamili ng lulutuin niya bukas. Matapos kumpletuhin ang mga pinamili ay pinuntahan niya naman ang pwesto ng tindahan ng magulang ng estudyante niya.
Nag-aalala rin siya at mag-iisang linggo nang hindi pumapasok ang bata. Malapit na pa naman ang finals.
“Pasensya na ho talaga kayo, Miss Fedelicio. Nagkaroon lang ng problema sa bahay kaya hindi ko ho siya pinapapapasok,” sambit ng ama ng kanyang estudyante.
Tinapik naman ito ni Themie sa balikat at sinabing naiintindihan niya. Bibigyan niya na lamang ng special exam ang anak next week kung hindi pa rin makakapasok bukas.
At dumating nga ang araw ng biyernes. Pagkagising pa lamang ay agad niyang inabot ang cellphone matapos magpasalamat sa D’yos sa panibagong araw at ni-text si Makisig.
To: Hubby
Magandang umaga. Kaya siguro hindi ka nagre-reply ay dahil nagpapa-miss ka sa ‘kin. Don’t worry, para kang bola sa akin, hindi kasi kita pwedeng ma-miss. Kaya gogora ako d’yan bukas. Pakihanda ng red carpet aking mahal na hari.
Napahagikhik si Themie matapos ma-i-send iyon. Gumayak na rin siya ng umagang iyon. Matapos niyang magluto at maihanda ang pagkain ni Makisig ay saka siya naligo.
Hindi niya na naabutan ang ama paglabas niya ng kwarto at pumasok na ito sa trabaho. Habang ang nanay niya naman ay tulog pa.
Mabilis na lumipas ang oras at nasa labas na ulit siya ng farm para maghatid ng pagkain ng future hubby niya. Nasakto na namang naabutan niya si Mang Domeng kaya doon niya inabot ang paperbag.
Malawak pa ang ngiti niyang binati ito pero agad na nabura ang ngiting iyon nang ilingan siya ng matanda at paperbag sa kamay niya.
“B-bakit ho, Manong Domeng?”
“Pasensya ka na, Themie. Ang totoo niyan ay sinabihan na ako ni Sir Makisig noong lunes pa na sabihan ka raw na iyon na ang huling padadalhan mo siya ng pagkain at nasisira raw ang t’yan niya. Ang kaso nga lang hindi ako makatanggi sa ‘yo nitong nakaraan at ang saya-saya mo kaya hindi ko masabi-sabi. Pasensya ka na talaga kung nabalewala lahat ng ginawa mo.”
Hindi makaumang si Themie sa nalaman. Tila kumirot ang dibdib niya sa kaalamang iyon. Dead end na ba talaga? Ligwak ba ang beauty niya kay Makisig?