Chapter 7 - How to Make You Leave

1722 Words
“O, BAKIT parang pang-Biyernes santo iyang mukha mo? Ang aga-aga ay parang binagsakan ka na ng langit, ah. Bitiwan mo nga muna iyang kutsarang hawak mo Mamaya mabali mo pa iyan.” Napatingin si Chris sa kutsarang kanina pa ay nasa kamay niya. Parang napasong bigla niya itong binitiwan. Tama nga ang yaya niya, halos mabaluktot na ito sa sobrang diin ng pagkakahawak niya. Para kasing may apoy ang dibdib niya. Gusto niyang sumabog. “Bakit ba kasi umagang-umaga ay ang init na ng ulo mo? May problema ka ba?” pangungulit ng yaya ni Chris. “Si Dani,” may diing tugon niya. “O, ano ba ang nangyari sa asawa mo? Napaano si Dani?” Napakuyom ang mga palad ni Chris. Kasabay nito ang pag-igting ng kanyang mga panga. He hates hearing that woman’s name lalo na at mukhang concern pa ang sarili niyang yaya rito. “Bakit siya ang kinakampihan ninyo? Ako naman ang alaga ninyo, ah!” mataas ang tinig na saad ni Chris. Biglang lumambot ang mukha ng yaya niya. “Ito naman kung makapagtampo, akala mo pinababayaan ko. Nagtataka lang naman ako kung bakit aga-aga ay galit ka na. May nagawa bang mali ang asawa mo?” “Puwede ba yaya, tigilan nga ninyo ng kasasabi sa salitang asawa? Naiirita ako. Sinisira ninyo lalo ang umaga ko.” Tumaas ang kilay ng yaya niya. “Ano naman ang mali sa sinabi ko? Totoo namang asawa mo si Dani. Ikinasal kayo, hindi ba? Legal iyong kasal ninyo at hindi peke,” diretsahang sabi ng matanda. Napahilot ng kanyang sentido si Chris. “Yaya, gusto ko lang ipaalala sa iyo na kasal lang kami ng babaeng iyon sa papel. Hindi ko siya gusto. Alam mo iyon. Kaya ayokong ipinagtatanggol mo siya sa harapan ko. Hindi ko gustong pinapaboran mo siya kaysa sa akin. Pakisabi na rin sa kanya na ayaw ko siyang makasabay na kumain at ayoko na rin siyang makita pa sa kuwarto ko mula sa araw na ito. Ang dami namang guest room dito. Doon na ninyo siya patulugin,” saad ni Chris sa pinakamahinahon na tinig. Kung hindi lang niya yaya ang kaharap niya ngayon, baka nabulyawan na niya ito. Naririndi na talaga siya. “Ano bang ginawa sa iyo ni Dani at nagkakaganyan ka?” pangungulit ng yaya niya. Pinukpok ni Chris ang mesa. Halos tumalsik ang mga pagkain na nakahain sa harapan niya. “Hindi ka ba nakikinig, yaya? Ayokong marinig ang pangalan ng pesteng babaeng iyon! Naiintindihan po ba ninyo ako?” Sumigaw na siya dahil hindi na niya kayang magtimpi pa. Napangiwi ang matanda. “Nagtatanong lang naman ako, iho. Nagtataka kasi ako kung bakit galit ka na naman sa kanya.” Gustong sabunutan ni Chris ang sarili niya. Ang kulit talaga ng yaya niya! “Gusto ninyong malaman kung ano ang totoo?” Halos sigawan na naman niya ang matanda sa taas ng boses niya. “Ipaliwanag mo kasi para maintindihan ko. Hindi iyang sumisigaw ka. Ikaw rin naman ang sumisira ng araw mo,” malumanay na wika ng kanyang yaya. Tanging ang matandang ito ang may kakayahang salubungin ang galit niya. Kahit ang sarili niyang magulang ay hindi magawang makipagsabayan kapag tumaas na ang tinig niya. Pero ang yaya niya kahit nanggagalaiti na siya sa galit, balewala iyon sa matanda. Nagagawa pa rin siya nitong harapin at kausapin. Hindi ito takot sa kanya. Ni hindi ito tumitiklop o tumatahimik katulad ng mga magulang niya. Alam kasi nito na hindi niya kayang saktan ang damdamin nito gaano man ang galit niya. Mas higit pa nga na nagtatampo siya sa sarili niyang magulang kaysa sa yaya niya. Minsan nga nasasabi pa ng mama niya na mas mahal daw niya ang yaya niya kaysa sa sarili niyang ina. Hindi naman totoo iyon. Pareho niyang mahal ang yaya niya at ang kanyang mga magulang. Mas malapit nga lang siya sa yaya niya dahil ito ang halos nag-alaga sa kanya mula pa noong ipinanganak siya. Mas maraming oras ang ginugol niya sa piling ng yaya niya kaysa sa mama niya na laging nakabuntot sa papa niya kaya bihira niya itong makasama habang lumalaki siya. “Ano ba kasi ang nangyari at nagagalit ka na naman sa kanya?” untag ng yaya ni Chris. Napa-buntunghininga si Chris. “Alam ko kagabi na naparami ako ng inom. Natatandaan kong inihatid ko pa ang mga kaibigan ko sa kanilang mga sasakyan. Pero nang makaalis sila, wala na akong matandaan. Nagising na lang ako kanina na nakabihis pantulog na ako at nakahiga sa sarili kong kama. Sino ang nagdala sa akin sa kuwarto? Sino ang nagbihis sa akin? Hindi ba ang babaeng iyon?” Napakagat-labi ang yaya niya. “Inalalayan ka ni Rosie na makabalik dito sa loob ng bahay pagkaalis ng mga kaibigan mo. Tapos sinalubong kayo ng asawa mo sa may hagdan. Siya na ang umalalay sa iyo papunta ng kuwarto ninyo. Hindi ba dapat magpasalamat ka dahil inasikaso ka niya at hindi pinabayaan na makatulog ka na lang na amoy alak ang suot mo? Bakit ka nagagalit sa kanya? Ginagawa lang naman niya ang responsibilidad niya sa iyo bilang asawa mo, ah. Sino ba ang gusto mong mag-asikaso sa iyo? Si Rosie ba?” Nagpanting ang tainga ni Chris lalo na sa huling sinabi ng yaya niya. “Puwede ba yaya, huwag ninyong idamay ang pangalan ni Rosie rito? Hindi naman siya ang pinag-uusapan natin kung hindi ang babaeng iyon!” Inihagis ni Chris ang kutsarang nasa plato niya. Tumalsik naman ito palayo ng mesa. “Hindi ko alam kung ano ang problema mong bata ka. Ginagawa naman ng asawa mo ang responsibilidad niya bilang asawa pero galit ka pa rin sa kanya. Ano ba ang gusto mong mangyari? Pabayaan ka na lang niya? Ipaubaya ka na lang kay Rosie? Uy! Ipapaalala ko lang sa iyo, maid dito si Rosie at hindi siya ang asawa mo. Kung mas interesado ka sa kanya, dapat siya na lang ang pinakasalan mo.” Muli na namang kumuyom ang mga palad ni Chris. Kaunti na lang at sasabog na talaga siya. “Yaya, naniniwala ka bang binihisan lang ako ng babaeng iyon? Hindi mo ba naisip na baka kung ano-ano pa ang pinaggagawa niya sa katawan ko habang wala akong malay? Hindi ba lahat naman ng mga babaeng nagkainteres sa akin ay katawan, mukha, at pera ko lang ang habol? Anong ipinag-iba niya sa mga babaeng dumaan na sa buhay ko?” “Ano naman ang masama kung gawin nga niya ang mga bagay na naiisip mo? Asawa mo naman siya. Karapatan niya iyon. Mas may higit pa siyang karapatan kaysa kay Rosie.” Padaskol na tumayo si Chris. Halos mitumba pa ang upuan sa biglang pagtayo niya. “Iyon na nga ang problema, yaya. Ayoko sa kanya. Ayoko siyang maging asawa. Pinakasalan ko lang naman siya dahil sa pakiusap ni papa. Iyon lang iyon at wala ng ibang dahilan. Kapag nakuha ko na ang ipinangako ni papa sa akin, hihiwalayan ko na siya kahit ayaw mo o nga mga magulang. Hindi ninyo ako mapipigilan sa plano ko.” Hindi nakaimik ang yaya niya sa mga binitiwan niyang salita. “Pag-uwi ko mamayang gabi, ayoko nang may makita pang kahit anong gamit niya sa kuwarto ko. Wala akong pakialam kung saan ninyo siya patulugin, basta huwag lang sa kuwarto ko.” Pagkasabi iyon ni Chris ay tinalikuran na niya ang yaya niya. Hindi pa siya tapos kumain pero nawalan na siya ng gana. Magkakape na lang siya sa opisina. Sasakay na sana siya sa SUV niya nang makasalubong niya si Rosie. “Good morning, Chris,” matamis ang ngiting bati nito. Hindi niya ito pinansin. Tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad. Pero sinundan pa rin siya ng babae. “Kailan uli tayo lalabas, Chris?” Marahas na nilingon niya ito. “Huwag mo akong kakausapin. Hindi kita kailangan,” may diing sabi niya. Biglang lumungkot ang mukha nito. “Uy! Nagbago ka na. Akala ko naman tayo pa rin dahil hindi mo naman gusto iyong asawa mo, hindi ba?” Hindi agad nakaimik si Chris. Pero tinitigan niya ng masama ang babae. “Dati naman kapag umuuwi ka ay nagdi-date tayo. Ikinasal ka lang, kinalimutan mo na ako. Ayaw mo na ba sa akin?” Tumaas ang isang sulok ng labi ni Chris. “Alam nating pareho na wala naman tayong relasyon maliban sa ginagawa natin sa kama. Kaya huwag kang mag-ilusyon na may gusto ako sa iyo.” Nanlaki ang mga mata ni Rosie. Nakasimangot na inilabas niya ang kanyang wallet. Kinuha niya ang lahat ng paper bills na naroon at inilagay sa kamay ng babae. “Sa iyo na iyan. Tigilan mo na ako. Matagal na tayong tapos. Wala ka nang mapapala pa sa akin.” Natahimik ang babae. Ngunit napansin niyang ang pagsilay ng ngiti sa labi nito habang nagbibilang ng perang inabot niya. That’s it! Pera lang naman niya ang habol ni Rosie bukod pa sa katawan niya. Kung bakit naman kasi pinatulan pa niya ito noon. Makulit kasi ang babae. Ito mismo ang nagbibigay ng motibo sa kanya. Lalaki naman siya kaya nang palay na ang lumapit sa manok, tinuka na rin niya. Hindi niya akalaing clingy rin pala ito katulad ng mga naunang babae sa buhay niya. Pero lumabas din ang totoong pagkatao nito. Nasisilaw rin pala sa pera. Kung sana kaya rin niyang tapatan ng pera si Dani, baka hindi na ito sumama pauwi sa bahay niya. Pero ibang klase ang babaeng iyon, walang halaga ang pera rito. Hindi niya alam kung ano ang dahilan nito at nananatili sa poder niya kahit anong pagpapahirap ang ginagawa niya rito. Hindi naman talaga siya nananakit ng babae. Pero lahat ng masamang ugali niya ay kayang palabasin ng babaeng iyon. Ano pa kaya ang puwede niyang gawin para ito mismo ang kusang makipaghiwalay sa kanya? Personally, hindi naman ito pangit. Mas maganda nga lang ang ate nitong si Karen. Mas maputi kasi iyon at mas matangkad kaysa sa pinakasalan niya. Pero kahit maganda rin ito, hindi niya talaga magugustuhan. Si Ellie lang ang gusto niya. Kay Ellie lang niya gustong ibigay ang puso niya at ang kanyang apelyido. Kaya malas lang ni Dani dahil nagpakasal ito sa kanya. Gagawin niya talagang impiyerno ang buhay nito hanggang sa ito na mismo ang sumuko at kusang umalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD