“MAY DARATING akong mga bisita bukas. Magiging busy ang mga maid dito kaya tumulong ka sa kanila,” bilin ni Chris ng umagang iyon.
“Okay, sige,” mabilis namang sagot ni Dani.
Pag-alis ni Chris ay bumalik sa kusina si Dani. Naabutan niyang naglilista ang yaya ni Chris ng mga bibilhin.
“Yaya, sasama po ako sa inyo.”
Napailing ang matanda sa sinabi niya.
“Ma’am, kabilin-bilinan ni Sir Chris na huwag kang hahayaang lumabas ng bahay. Kaya pasensiya na kung hindi kita maisasama.”
Napamaang si Dani. Kahit pumunta ng grocery o palengke, bawal sa kanya? Anong iniisip ni Chris? Tatakasan niya ito? Nangako na nga siyang susundin ang lahat ng utos nito, bakit pa siya nito pinagdududahan?
Hindi na nagpumilit si Dani na sumama dahil nag-aalala siyang mapapagalitan ang matanda kung isasama siya nito. Naiwan na lang siya sa bahay at tumulong sa ibang gawain.
Nang sumunod na araw ay maaga pa ring umalis ng bahay si Chris kahit Sabado pa iyon. Nagbilin pa ito sa kanya bago umalis.
“Ayokong pakalat-kalat ka kapag nandito na ang mga bisita ko. Kapag hindi kita tatawagin, huwag kang lalapit sa akin. Doon ka lang sa kusina, mag-stay. Naintidihan mo?”
“Oo, sige.”
Tinitigan pa siya nito na para bang sinisiguro kung totoo ang sinasabi niya o hindi. Hinintay niyang may sabihin pa ito ngunit hindi na nagsalita ang asawa niya. Tinalikuran na lang siya nito.
Eksaktong tanghalian na nang bumalik si Chris. Nasa dining room siya at tumutulong sa paghahain nang marinig niya ang ugong ng mga sasakyan.
“Naku! Nandiyan na si Sir Chris,” bahagyang sigaw ni Ada, ang maid na kasama niyang naghahain.
Kunot-noong sinulyapan ni Dani si Ada. Mula nang dumating siya sa bahay ng asawa niya ay may napapansin na siya sa babaeng ito. Parang hindi maganda ang pakiramdam niya kapag nakikita ito. Pero wala naman kasi itong ipinapakitang mali sa kanya kaya hindi na lang niya pinapansin lalo na at hindi rin naman siya nito gaanong kinikibo. Nagtaka nga siya kung bakit ito ang kasama niya ngayon sa dining room.
Dati-rati kasi ay halos hindi siya nito nilalapitan. Madaals ay hindi rin siya nito kinakausap. Pero ngayon nagboluntaryo itong samahan siyang maghain. Something fishy?
Akmang magsasalita si Dani nang mapatigil siya dahil narinig na niya ang pamilyar na tinig ni Chris. Pagtingin niya sa hallway ay naglalakad na patungo sa kanila ang asawa niya kasama ang apat pang kalalakihan.
Pare-parehong guwapo at mukhang galing sa de Buena pamilya ang mga kaibigan ng asawa niya. Kusa siyang tumabi nang makalpit ang mga ito sa mesa.
Ngunit isa sa kanila ang biglang huminto sa mismong harapan niya.
“Hello! I’m Andrei, what’s yours?” tanong nito at inilahad pa ang kamay sa kanya.
Hindi agad nakasagot si Dani. Nakatitig lang siya sa lalaking nasa harapan niya. Guwapo ito, mestizo, at matangkad katulad ng asawa niya. Pero siyempre, para sa kanya mas magandang lalaki pa rin ang asawa niya.
“Hey! Babaero ka talaga, Andrei. Kahit sinong babae pinopormahan mo,” sita ng isa pang lalaki na kasama rin nina Chris. Bahagyang hinampas pa nito ang likod ng nagpakilalang Andrei.
Hindi naman pinansin iyon ng lalaking nakikipag-usap sa kanya.
“Miss, baka puwedeng malaman ang pangalan mo. Single pa ako at available,” malapad ang ngiting wika pa nito.
Napaawang ang labi ni Dani. Hindi niya malaman ang gagawin. Sasagot na sana siya nang biglang lumapit sa kanila si Chris.
“Andrei, tigilan mo na siya. Maghanap ka na lang ng ibang babae. Hindi siya available,” walang kangiti-ngiting wika ni Chris. Hinila nito ang braso ng kaibigan at inilayo sa kanya.
Nakahinga nang maluwag si Dani. Ngunit mabilis pa rin ang t***k ng puso niya.
Nagsimula nang mag-serve si Ada sa mga kasama ni Chris dahil nakaupo na silang lahat. Akmang lalapit na rin siya sa mesa para tumulong ngunit naramdaman niyang may humatak sa kamay niya. Mabilis niyang nilingon ito.
“Ma’am, huwag ka nang makialam. Hayaan mo na si Ada na gawin ang trabaho niya,” pabulong na sabi ng yaya ni Chris.
Tinanguan niya ito. Ngunit hindi siya umalis sa kinatatayuan niya. Baka kasi bigla siyang hanapin ni Chris.
“Bakit hindi na siya available? Ni hindi ko pa nga nakuha ang pangalan niya, sinira mo na ang diskarte ko,” narinig niyang saad ni Andrei na ekasakto namang nakaupo sa tabi ni Chris.
“Ako na ang nagsasabing hindi siya available. Huwag mo na siyang kulitin,” matigas na sabi ni Chris.
“Sino ba siya, bro? Ngayon ko lang siya nakita rito sa bahay mo,” sabad naman ng lalaking unang pumigil kay Andrei kanina.
“Bagong yaya ko,” walang pag-aatubiling sagot ni Chris.
Nagkatinginan pa sila ni Yaya Aurea dahil sa sinabi nito.
“Yaya mo? Talaga? Hindi naman siya mukhang katulong. Mas mukha siyang girlfriend mo o kaya asawa mo?”
Napabuga ng hangin si Dani. Tapos narinig pa niya ang biglang pagbagsak ni Chris sa hawak nitong baso. Natapon pa yata ang ibang laman nito.
“Nah! Wala rito ang asawa ko. Umalis siya,” ani Chris.
Nanlaki ang mga mata ni Dani. Inaasahan na niyang idi-deny siya ni Chris dahil nauna na itong sinabi na yaya siya nito. Pero dinagdagan pa nito ng isa pang kasinungalingan kaya para siyang may sugat na binudburan ng asin.
Pinisil naman ni Yaya Aurea ang palad niya kaya napalingon siya rito. Napapailing ito na halatang dismayado rin sa sinabi ni Chris.
“Ay! Sayang naman! Akala ko pa man din makikilala na namin ang misis mo. Hindi mo man lang kasi kami inimbitahan sa kasal mo kaya hindi namin siya nakita. Ni wala kaming ideya kung sino iyong napangasawa mo,” singit ng isa pang lalaki na sa tantiya ni Dani ay pinakamatanda sa kanilang lima. Mas matured kasi ang pagmumukha nito kumpara sa asawa niya at sa iba pa nilang kasama.
“Tama ka, bro. Ang daya nga ni Chris kasi wala naman siyang ipinapakilalang girlfriend tapos malalaman na lang natin may asawa na siya,” nailing na saad ng isa pang lalaki.
“Huh? Parang alam ko na kung bakit hindi niya tayo inimbitahan sa kasal niya. Baka nahihiya siyang makilala natin ang bride niya. O kaya naman ayaw niya doon sa napangasawa niya,” sabad ng isa pa.
Napahawak si dan isa dibdib niya nang maramdaman niyang parang may sumakit sa loob niya. Nakakasakit nga ang katotohanan. Hindi niya napaghandaan iyon. Akala niya hindi na siya masasaktan dahil masakit na noong una pa lang. Pero parang sinampal na naman siya ng katotohanan habang nakikinig sa usapan nina Chris at ng mga kaibigan nito.
Inakbayan siya ni Yaya Aurea. Pilit naman niyang nginitian ito. Kailangan niyang magpakatatag kung gusto niyang tumagal sa piling ni Chris. Kapag sumuko kasi siya at umayaw, siguradong mananagot ang ate niya. Baka nga pati ang papa niya ay lalong magalit sa kanya. Galit na galit na nga ito sa ginawa nila ng ate niya.
Halos magwala ito nang makilala siya nito pagkatapos halikan ni Chris. Mabuti na lang at tapos na ang kasal, kung hindi baka kinaldkad siya nito paalis sa lugar na iyon. Sa takot nga niya ay hindi man lang niya ito nilapitan kahit na noong nasa reception area na sila.
Nagkaharap lang sila nang lumapit ito sa mesa nila nang nagsisipag-alisan na ang mga bisita. Hinding-hindi niya makalimutan ang binitiwang salita ng papa niya.
“Mas mahal mo ang ate mo kaysa sa iyong sarili. Ano ba ang ipinakain niya sa iyo para magkaganyan ka? Kapag nagkaproblema ka balang araw, huwag kang hihingi ng tulong sa akin. Bahala ka na sa buhay mo.”
Pagkatapos sabihin iyon ay tinalikuran na siya ng papa niya. Ni hindi na niya ito nakita pa magmula noong araw na iyon hanggang ngayon na isang buwan na siya sa bahay ni Chris.
Kinukurot ang puso niya sa tuwing maaalala niya ang kanyang mga magulang lalo na ang papa niya. Paborito siya nitong anak pero dahil sa pagmamahal niya sa kanyang kapatid, mas pinili niya itong tulungan kaysa isipin ang kapakanan niya. Pero at least, napatunayan niyang kahit galit ang papa niya, hindi siya nito kayang saktan na katulad ng ginagawa nito sa ate niya. Ganoon siguro katindi ang pagmamahal nito sa kanya.
“Don’t tell me na arrange marriage iyong kasal mo, Chris?” usisa ni Andrei.
Sa halip na sagutin iyon, iba ang lumabas sa bibig ng asawa niya.
“Kumain na nga lang tayo. Bakit ba ang dami ninyong tanong? Huwag na ninyong pakialaman ang personal na buhay ko. Basta wala rito ang asawa ko. Wala rin akong balak na ipakilala siya sa inyo.”
Natahimik ang mgakakaibigan. Walang nagreklamo sa sinabi ni Chris. Kahit paano ay nabawasan ang dagundong ng dibdib ni Dani. Hindi nagtagal ay napilitan siyang lumapit sa mesa nang mapansin niyang paubos na ang ibang pagkain na nasa mesa. Kinuha niya ang lagayan at nag-refill sa kusina. Pagbalik niya sa mesa ay muli na naman siyang kinausap ni Andrei.
“Miss Beautiful kung mag-break kayo ng boyfriend mo, available ako. Tanungin mo lang si Chris kung paano mo ako mahahanap,” nakangiting wika nito.
Sasagutin niya sana ang sinabi ni Andrei ngunit nabigla siya sa naging reaksyon ni Chris.
“Andre! Isa pang banat mo, sasakalin na talaga kita! Sinabi ko na ngang huwag mo siyang pakialaman, nangungulit ka pa rin!”
Halos mabingi si Dani sa lakas ng boses ni Chris. Hindi pa ito nakuntento. Tumayo pa ito at mukhang susugurin ang kaibigan nito. Nagtaas naman ng kamay si Andrei.
“Okay, titigil na ako. Masyado ka namang hot diyan,” pabirong sabi ni Andrei.
Matalim pa rin ang mga mata ni Chris kahit na noong sulyapan siya nito.
“Ano pang ginagawa mo riyan? Umalis ka nga rito! Huwag kang magpa-display sa mga bisita ko!” Nakakunot ang noo ni Chris habang nagsasalita at mistula itong leon na gusto siyang lapain.
Napakagat-labi si Dani. Walang imik siyang tumalikod. Ngunit hindi pa man siya nakakalayo ay narinig niya ang sumunod na usapan ng magkakaibigan.
“Grabe ka naman, Chris. Pinahiya mo iyong tao. Pero honestly, hindi siya mukhang yaya. Mas mukha siyang girlfriend material o wife material kaya siguro pati si Andrei ay nabighani sa kanya.”
“Shut up, MJ!”
“Ang init ng ulo mo, Chris. Kulang ka ba ng lambing mula sa asawa mo kaya ka nagkakaganyan?”
“Baka hindi siya pinagbibigyan ng misis niya kaya para siyang babaeng nireregla. Kawawa naman ang kaibigan natin.”
Nagkatawan ang mga kaibigan ni Chris. Ngunit halos magtakip siya ng kanyang tainga sa narinig niyang sinabi ng asawa niya.
“What the hell! Wala kayong pakialam sa s*x life ko! Kung gusto ko ng babae, kahit sino makukuha ko! Hindi ko kailangan ang asawa ko!”
Napahinto sa paghakbang si Dani. Para kasing tinusok ng kutsilyo ang puso niya. Kahit anong gawin niyang paghahanda, kahit ilang beses niyang sabihin na kakayanin niya ang gulong niya, masasaktan pa rin pala siya. Iindahin pa rin pala niya kahit salita lang mula kay Chris.