KATATAPOS lang ng meeting ni Chris nang mapansin niya ang mga sulat at iba pang dokumento na nakapatong sa kanyang mesa. Karamihan sa mga ito ay nakabukas na. Ibig sabihin nabasa na ito ng sekretarya niya. Iyong mga confidential lang ang hindi nito binubuksan katulad ng brown envelope na nasa ilalim.
Dinampot niya ito at napansin niya agad na galing ito sa Mt. Carmel Medical City. Napahawak siya sa kanyang dibdib nang maisip na baka ito na ang resulta ng DNA test nina Ella at Mama Eliza.
Sinulyapan niya ang kanyang relo. Alas-kuwatro na pala ng hapon. Puwede na siyang umalis.
Tinawagan niya ang kanyang sekretarya. “Come to my office now,” utos niya saka ibinaba rin agad ang telepono.
Wala pang dalawang minuto ay nasa harapan na niya ang kanyang sekretarya.
“Sir, may kailangan po kayo?”
“May meeting pa ba ako ngayong araw?” Pinasadahan lang niya kaninang umaga ang kanyang itinerary. Nakakapagod ito dahil halos lahat ay ginawa niya sa labas. Pumunta siya ng pabrika nila sa Laguna at sa Batangas. Na-drain na ang utak at katawan niya kaya hindi na halos gumagana at hindi na niya matandaan ang laman ng schedule niya.
“Wala na po, sir. Iyang mga tseke na lang po ang pipirmahan ninyo at iyong presentation na ipo-proofread ninyo.”
Napakamot ng kanyang ulo si Chris. “Bukas na ba iyong board meeting?” Naalala niyang ngayong linggo pa lang ang schedule ng quarterly board meeting. Hindi niya gustong mapahiya kaya dino-double check niya ang lahat ng dokumento at presentation na ipapakita sa mga board of directors.
“Yes, sir. Alas-tres po ng hapon ang schedule.”
“Ilipat mo na lang ng oras. Gawin mong alas-singko. Kung may hindi available, sa ibang araw mo na lang i-schedule. Basta iayos mo na lang nang mabuti. Kailangan ko nang umalis ngayon. May importante akong appointment sa mga magulang ng asawa ko.” Sinabi na niya ang totoo para matapos an ang usapan. Baka mamaya ipipilit na naman ng sekretarya niya na ayusin na nila ang schedule niya ngayon.
“Ah, okay, sir. Ako na po ang bahala.”
“Thanks. Go home as soon as you finished your work. Huwag ka nang mag-overtime,” bilin ni Chris nang tumayo siya. Hinila lang niya ang kanyang coat na nasa sandalan ng swivel chair niya saka dinampot ang envelope.
Nauna na siyang lumabas at dumiretso sa elevator. Habang nasa loob siya ng elevator ay tinawagan niya ang mama ni Dani.
“Mama, nasa akin na po iyong resulta ng DNA test ni Ella. Pakisabi na lang po kay papa na pupunta ako sa bahay ninyo ngayon,” wika niya nang sumagot ito sa tawag niya.
“Sige, iho. Sasabihan ko rin si Kara dahil gusto rin niyang malaman kung ano ang nangyari sa kanpatid niya.”
“Okay po. Puwede po bang isama ko na rin sina mama at papa sa pagpunta ko riyan?” Gusto rin niyang malaman ng mga magulang niya ang katotohanan. Baka sakaling mabawasan man lang ang tampo nila sa kanya dahil sa nangyari sa kanilang mag-asawa.
“Sure. Why not? Baka ito na ang tamang panahon para makapag-usap kami nang maayos.”
“Thank you po, Mama Eliza.”
Pagkatapos niyang makipag-usap sa mama ni Dani, ang kanyang ina naman ang tinawagan niya.
“Hello, iho! Napatawag ka?”
“Hello, ‘ma! Busy po ba kayo ni papa?”
“Hindi naman. Bakit?”
“Puwede po ba ninyo akong samahan sa bahay ng parents ni Dani? Ipina-DNA test ko po kasi iyong nakuha kong strand ng buhok ni Ella. Tapos kanina ay inihatid na sa office iyong resulta. Ngayon ay papunta na ako sa bahay ng mga magulang ni Dani. Gusto ko sanang samahan ninyo ako para malaman din ninyo firsthand kung sino talaga si Ella.” Nabanggit na niya minsan sa mama niya ang pagkakatulad nina Ella at Dani.
“Okay. Kausapin ko ang papa mo. Tiningnan mo na ba iyong result?”
“Hindi pa po, ‘ma. Sabay-sabay na lang po nating tingnan.”
“Gano’n ba? Mauna ka na roon. Susunod na lang kami.”
“Okay, ‘ma. Thank you.”
Nang matapos ang pag-uusap nilang mag-ina ay eksakto namang bumukas ang elevator. Nagmamadali niyang tinungo ang kanyang SUV. Pagkaupo niya sa driver seat ay inihagis niya sa dashboard ang dala niyang envelope.
Halo-halong emosyon ang nararamdaman niya habang nagmamaneho siya. Nagsisiula nang mag-build up ang traffic sa kalsada. Hindi naman siya nagmamadali kaya banayad lang ang pagpapatakbo niya. Baka mamaya madisgrasya pa siya dahil kapag tinopak siya, daig pa niya ang car racer kung mag-drive.
Malapit na siya sa kanyang pupuntahan nang tumunog ang cellphone niya. Binuksan niya ang glove compartment at inilabas roon ang kanyang AirPods. Inilagay niya ito sa kanyang tainga saka sinagot ang tawag.
“Hello!”
“Hello, Chris! Si Kentt ito. Natanggap mo na ba iyong resulta ng DNA test na ipinagawa mo?”
“Yeah, kaninang umaga pa yata dumating sa office. Papunta nga ako ngayon sa bahay ng parents ng asawa ko para makita namin ang result. Thank you, bro.”
“That’s good. You’re welcome. Sige, ingat na lang sa pagmamaneho.”
“I will.”
Hindi na inalis ni Chris ang AirPods sa tainga niya. Baka mamaya ay tumawag ang mama niya. Hindi nga siya nagkamali dahil pagdating niya ng bahay ng mga in-laws niya ay tumutunog na naman ang cellphone niya. Sinagot muna niya ito bago siya bumaba ng sasakyan.
“Hello!”
“Iho, on the way na kami. Pakisabi sa mga biyenan mo na hintayin kami bago ninyo basahin iyong resulta.”
“Sige po, ‘ma.”
Paglabas niya ng sasakyan ay tamang-tama naman na bumukas ang pinto ng bahay ng mga in-laws niya.
“Good afternoon po, sir,” bati ng maid na sumalubong sa kanya.
“Good afternoon, too!”
“Sir, pasok na po kayo sa loob. Naghihintay na po sa inyo sina ma’am at sir,” imporma nito.
“Maraming salamat.” Sumalakay na naman ang kakaibang damdamin kay Chris nang makapasok siya sa bahay nina Dani. Excited siya at kinakabahan din.
Nadatnan niya ang mga magulang ni Dani sa living room. Naroon din ang mag-asawang Kara at Dexter. Nakipag-beso sa kanya si Mama Eliza. Kinamayan naman niya si Papa Romy, ganoon din sina Kara at Dexter.
“Nice to see you again, Hailstone,” halos pabulong na saad ni Dexter.
“Same here, Hurricane,” nakangiting wika niya. Ngayon lang sila uli nagkausap na dalawa magmula nang ikasal ang mga ito. Wala kasi siyang mukhang ihaharap noon sa pamilya ng asawa niya kaya hindi na lang siya um-attend sa kasal nina Kara at Dexter kahit pa kaibigan niya ang lalaki. Kapag nagkikita naman sila sa ibang okasyon, hanggang ngitian at kamayan lang ang ginagawa nila. Ni hindi sila nag-uusap. At least ngayon, medyo kampante na siyang makipag-usap sa kaibigan at dating kasamahan sa SEAL.
“Malaki na ang Galvez Industries ngayon, ah. Mas magaling kasi iyong CEO,” tudyo ni Dexter.
“Pareho lang tayo, hindi ba? Mas malaki pa nga ang DeCorp kaya sa kompanya ng pamilya ko.”
Tumawa lang si Dexter.
“Kumain kaya muna tayo habang hinihintay natin ang mama at papa mo, Chris,” sabad ni Mama Eliza.
“Gutom ka na ba, iho?” tanong ni Papa Romy.
“Hindi po. Okay lang po ako. Hintayin na lang po natin ang prents ko,” sagot ni Chris.
“Sabagay, hindi rin naman ako makakain nang maayos kapag ganitong ninenerbiyos ako,” sabi ng mama ni Dani na ikinatawa lang ni Kara.
Napasulyap si Chris sa hipag niya. Ngayon lang niya ito nakita nang malapitan. Bagaman, may hawig ang asawa niya rito, makikita pa rin ang malaking pagkakaiba nilang magkapatid.
Iniisip niya na mas maganda nga ang mukha ni Kara pero si Dani ang minahal niya. Mabuti na lang at hindi nagkatuluyan ni Kara. Mas malaki ang problema niya rito kapag nagkataon dahil first love pala ito ni Dexter. Wala siyag ideya roon. Ikinuwneto lang sa kanya ng mama niya nang dumalo ito sa kasal ng dalawa.
Nasagap daw iyon ng mama niya sa usap-usapan ng mga taong dumalo na panay kamag-anak pala ng pamilya nina Dani. Medyo kakaiba ang kuwento ng dalawa dahil pinaniwala silang magpinsan pero hindi naman pala. Mas malaking kahihiyan iyon ng pamilya ng asawa niya kaysa sa nangyari sa kanilang mag-asawa. Mabuti na lang dahil mapera at maimpluwensiya ang pamilya Devilla kaya natapalan ng malaking halaga ng salapi ang media para hindi kumalat ang isyu.
Natabunan din agad ang isyu nila ni Dani kahit hindi siya gumamit ng pera at impluwensiya dahil hindi naman sikat ang pamilya nila kumpara sa pamilya ng asawa niya. Saka hindi gaanong kilala ng mga tao si Dani na katulad ng ate nito. Walang masyadong nag-react sa isyu nilang mag-asawa dahil inilihim pa niya ito noong una. Matagl pa bago nalaman ng mga magulang nito kaya bilasa na ang isyu nila.
Ang pamilya Bautista lang naman ang nagpapalaki ng isyu. Ikinatatakot niyang makarating sa kaalaman ng media ang tungkol kay Ella lalo na kung mapapatunayan nila sa DNA result na ito nga ang asawa niya. Hindi niya talaga mapapatawad ang mga Bautista kapag nagkataon.
“O, nandito na pala ang mama at papa mo, Chris!”
Napangiti si Chris nang marinig ang sinabi ng biyenan niyang babae. Sinalubong pa nito ang mga magulang at pagkatapos batiin ang isa’t isa ay umupo na silang lahat sa mga sofa.
Inabot naman ni Chris ang dala niyang envelope sa papa ni Dani.
“Ako ba magbubukas?” usisa nito.
“Opo, papa,” sagot ni Chris.
Napansin niyang medyo nanginginig pa ang mga kamay ng matanda habang inaalis nito ang tape sa envelope. Nang mabuksan ang envelope ay huminga muna nang malalim ang matnda bago nito inilabas ang dokumento sa loob.
Noong una ay seryoso ang mukha nito ngunit ilang segundo lang ang lumipas ay nanlaki ang mga mata nito. Muntik pa nitong malaglag ang hawak na dokumento.
“Hey! Ano ang nakita mo?” curious na tanong ni Mama Eliza.
Hindi sumagot si Papa Romy ngunit inabot nito ang hawak sa asawa.
Napatakip ng kanyang bibig si Mama Eliza nang makita ang dokumento. Inabot nito ang hawak na papel kay Chris habang nagsisimula nang malaglag ang luha nito.
Nanginginig ang kamay na tinanggap ito ni Chris. Tulad ng kanyang naisip, ninety-nine point ninety-nine percent matched ang mag-ina. Parang nabunutan ng malalim na tinik ang dibdib niya sa kanyang nalaman.
“Anong nakalagay diyan?” usisa naman ni Kara.
Nang hindi sumagot si Chris ay hinila na sa kanya ni Kara ang papel. “Oh my goodness! Buhay si Dani!” bulalas nito pagkakita sa resulta ng DNA.
“Kailangan nating mabawi si Dani sa kanila. Hindi ko alam kung ano ang ginawa nila sa asawa ko para magbago ang itsura niya at hindi niya ako makilala. Pero babawiin ko siya sa ayaw at sa gusto nila,” mariing saad ni Chris.
“Susuportahan kita, iho. Sabihin mo lang kung paano kita matutulungan?” sabad naman ni Papa Romy.
Napangiti si Chris. At least ngayon kakampi na niya ang kanyang biyenan na dati ay abot hanggang langit ang galit sa kanya.
“Tutulong din ako. Sabihin n’yo lang kung ano ang dapat kong gawin,” singit ni Dexter.
Dumarami na ang kakampi niya. Mas malakas na silang susugod sa pamilya ng mga Bautista. Babawiin na niya talaga ang kanyang asawa.
"Planuhin po nating mabuti ang ating gagawin. Mauuna po akong makikipag-usap sa pamilya ng Bautista. Kapag hindi sila pumayag na pakawalan si Dani saka po kayo tumulong," wika ni Chris na sinang-ayunan naman agad ng mga naroon.