Sa mga dumaang mga araw, linggo at buwan ay tuluyan niya nang kinalimutan si Billy. Nag-focus siya sa trabaho, at nang makaipon ay pumasok ulit sa eskwelahan sa tulong na rin ng kanyang ate. Napagpasyahan niyang magpatuloy sa pag-aaral ng bokasyonal sa kursong secretarial. Itinabi niya muna sa isipan ang pagbo-boyfriend. Lumipas pa ang ilang taon ay nakatapos siya at nakapagtrabaho agad sa isang malaking kumpanya ng real estate. Sa panahong iyon ay gumanda na ang hugis ng pangangatawan at tila na-master na ang pag-aalaga sa sarili. Natuto na siyang mag-ayos at magpaganda.
****
“Ang ganda naman ng babaeng ‘yan! Ibigay mo na lang ‘yan sa akin! Sige na!” pamimilit ni Billy sa isang lalaking kasamahan sa trabaho. Pinag-aagawan ng mga ito ang babaeng ipinasa ng kaibigan nito na isang office staff sa Makati. Nanghihingi kasi ito ng makaka-chat.
“Ano ka ba boss, ang dami-dami mo na ngang ka-chat dyan!” natatawa namang ipinagdamot nito ang picture ng babaeng nasa telepono.
“Hoy, matagal na akong nagbago noh! Isa-isa na lang ngayon. Seryoso na ako! Tumatanda na rin kasi tayo. Gusto ko nang magkapamilya,” seryosong saad pa ni Billy.
“Maghanap ka ng sa iyo, huwag ito. Teka, baka meron pang kakilala ang kaibigan ko na pwedeng ireto sa iyo. Hingi pa tayo ng isa,” nangingiti nitong sambit pagkatapos ay nagpipipindot ulit sa telepono.
“Ay wag na lang pala pre! Nagbago na ang isip ko. Ayoko na ng ganyan. Nakaka-disappoint lang kapag hindi nagsasabi ng totoo,” saad pa nito na wari ba ay pinapatungkulan ang mga relasyong pinagdaanan nito noon mula sa mga ka-chat nito. Nakailang girlfriend na rin ito. Bagama’t nakukuha nito ang gusto sa isang babae sa tuwing nakikipagkita ito, hindi rin naman iyon humahantong pa sa pagpapakasal. Tila kasi may hinahanap pa ito sa isang babae na hindi nito makita-kita.
“Mag-video call kasi kayo. Para talagang makita n’yo ang isa’t isa.” saad pa nito, na aware din sa mga napagdaanang relationship ng boss.
Naiiling lang si Billy. Medyo matagal na rin nitong itinigil ang pakikipag-chat sa social media at mas gusto na nitong sa personal na lang makipagrelasyon sa babaeng mapupusuan.
Kasalukuyang nasa Caribbean ang ruta ng cargo ship na pinagtatrabahuan ng mga ito. Kung noon ay hindi ito makapag-video call sa mga babaeng ka-chat dahil sa lokasyon at pabugso bugsong masamang panahon sa Alaska, ngayon ay pwedeng pwede na. Yun nga lang, kung kelan pwede nang makipag-video call ay tsaka naman siya tumigil sa ganoong gawain.
“Eto boss oh! Maganda rin ito, kabibigay lang sa akin ng kaibigan ko noong isang araw. Sa iyo na lang kasi hindi naman ‘yan sumasagot sa mga text at tawag ko,” saad pa ng lalaki habang ipinapakita ang picture ng isa pang babae.
Nang makita ni Billy ang mukha ng babaeng iyon ay tila ba lumakas ang kabog ng dibdib nito. Tila kasi pamilyar ang mukhang iyon ng babae na naka pang office attire at maganda ang pakaka-make up sa mukha..
“Sige na, malay mo sa iyo sumagot, ‘di ba?” saad ulit ng kaibigan.
Nangingiti lang nitong kinuha ang phone number ng babae at social media account. Tiningnan nito ang mga picture ng babae doon at nagustuhan naman nito iyon. This time, siguro naman ay makakasigurado na itong maganda na at sexy na ang babaeng makakausap nito. Baka sa pagkakataong ito ay pwede na ulit itong bumalik sa dating kinagawian. Pero dahil nagseseryoso na ito ngayon, binibigyang importansya na nito ang ugali ng taong magugustuhan nito. Sa tingin naman nito ay mabait ang babae. Kaya noong magkaroon ito ng free time ay agad nitong minessage ang babae sa mismong telephone number nito.
“Hi beautiful! Pwede ba tayong maging magkaibigan?”
Iyon ang mensahe na bumulaga sa screen ng telepono ni Cathy isang araw habang nasa opisina siya.
“Hoy, Irish! Kanino mo na naman ba ibinigay ang number ko ha?” pasigaw pa niyang tanong sa isang ka-officemate na nasa kabilang cubicle lang.
“Hala, isang tao lang kaya ang pinagbigyan ko ng number mo. Yung kaibigan ko lang.” wika naman ng kaibigang babae.
“Number niya rin ba ito?” ipinakita niya ang numerong gamit ng nag text na iyon dahil sa pagkakalam niya ay naka-block na ang phone number ng sinasabi nitong kaibigan.
“Hindi. Ibang tao ‘yan.”
Sa sinabing iyon ni Irish ay binura niya agad ang panibagong numerong rumihistro sa telepono. Matagal na siyang hinahanapan ng boyfriend ng kaibigan niyang ito kung kaya napagtripan nitong ibigay ang number niya sa isang seaman nitong kabarkada, pero ni isang beses ay hindi niya ito pinansin. Para sa kanya, tapos na siya sa mga ganoong parte ng buhay, ang mahumaling sa mga ka-chat.
Isang araw noong busy siya sa trabaho ay nagtext na naman ito. At pagkaraan lamang ng ilang minuto, nagulat na lamang siya nang tumawag na ang taong iyon.
“Hello!” bungad niya dito. “For your information po, hindi na po ako naghahanap ng ka-chat ngayon. Asawa na po ang hinahanap ko!” pagbibirong saad niya sa tumawag gamit ang pagalit na tono ng boses.
Sandaling natameme naman si Billy sa sinabi ng babae sa kabilang linya. Paano’y pamilyar ang boses nitong iyon. Na kahit pa halata na hindi nito nagustuhan ang pagtawag ng lalaki ay tila ba nabalewala ang strong reaction nito dahil sa ganda ng boses ng babae.
“Ay nako, parehas pala tayo ng hinahanap,” sagot na lang nito.
Napakunot ang noo niya. Parang pamilyar kasi ang boses na iyon ng lalaki.
“Ganun ba? Sige, maghanap ka ng mapapangasawa mo dyan. At ako ay maghahanap din dito. Okay? Bye!” dagli niyang pinindot ang end call button ng telepono.
Natatawa na lang ang kaibigan niya sa kanya na palihim ring nakikinig.
Samantalang hindi na natahimik si Billy sa kakaisip sa magandang boses na iyon ng babaeng nakausap. May mga araw na ini-stalk na nito ang social media ng babaeng iyon. Pansin nito na bagong gawa lang iyon ng babae, pero ilang buwan na rin na hindi ito active sa pagpo-post.
“Boss naman, bakit account ko na naman ang ginagamit n’yo? Gumawa na kasi kayo ulit ng sarili ninyong account?” saway ng kaibigan ni Billi dito nang mahuli itong gamit ang social media account ng lalaki sa pag-stalk sa babaeng ibinigay nito noong nakaraan.
“Ayoko nga. Ayoko nang mahumaling ulit sa mga social media app na yan. Bukod sa nagka-phobia na ako, wala na rin akong time,” saad pa ni Billy na iniwan lang ang laptop ng kaibigan sa ibabaw ng lamesa.
“Wala kang time? Eh ang dami-dami mo ngang extra time. Panay utos ka nga lang sa amin, wala ka namang ginagawa,” pagbibirong saad pa nito sa kasundong lalaki na siyang nakakataas na ranggo nito sa trabaho.
Sa mga nagdaang taon ay ilang beses na ring tumaas ang ranggo ni Billy sa trabaho bilang pagiging seaman. Mula sa pagiging Fourth Engineer nito ay naging Chief Engineer na ito. Sa laki ng sinasahod nito buwan buwan ay nakapagpatayo na ito ng sarili nitong bahay na kasalukuyang inookupa ng mga tagapag-alaga. Iyon ay kalapit lang ng bahay ng mga magulang. May sasakyan na rin ito na ginagamit sa Olonggapo bilang service sa school kapag nasa barko ito. May ilang business na rin itong napatayo gaya ng gotohan at water-refill. Kung tutuusin handang handa na itong mag-asawa, ang aasawahin na lang ang kulang.
Nabatukan ni Billy ang katrabaho sa sinabi nitong iyon. Napakamot lang naman ito sa ulo.
“Oi, boss oh! May bago siyang post!” saad pa nito nang tingnan ulit ang nakapaskil sa monitor ng laptop.
Sabay nilang binasa ang post na iyon.
‘Excited! Bora, here we come!’ saad ng nakalagay roon kasama ang date kung kelan ito pupunta sa lugar na binanggit.
“Oh, boss sundan mo na sa Bora! Tutal pauwi ka na sa isang linggo di ba?” wika nito sa katabi.
“Ano ‘yun, magiging stalker niya ako? Baka ipahuli pa ako sa pulis ng babaeng ‘yan!” kumunot ang noo nito sa pagsasabing iyon.
Nagtatatawa naman ang lalaking nagbigay ng idea sa kaibigan.
“Eh bakit kasi hindi mo na lang kausapin ulit! Malay mo nasa mood na siyang makipag-usap ngayon?”
Ang suhistyon nitong iyon ang naging dahilan kung bakit nilakasan ni Billy ang loob para tawagan ulit ang babaeng Catherine Reyes ang nakalagay na pangalan sa social media nito.