“Noah, Sandali lang!” Mabilis na hinawakan ni Apple ang kamay nito nang mahabol niya ito. Tumigil ito pero hindi pa rin ito lumilingon sa kanya. “Noah, mag-usap naman tayo, oh. H-huwag mo naman ako iwasan.”
Nasaktan siya kanina nang makita siya nito at hindi man lang siya nito pinansin at umalis na lang bigla. Hindi siya sanay na iniiwasan siya nito. Kahit ayaw niyang magpakasal dito ay ayaw niyang hindi siya nito pinapansin.
Matagal na silang magkakilala ng binata, magkaibigan. Sabay silang lumaki sa bayan nila. Sabay na nag-aral, at magkaklasi hanggang sa tumigil siya sa pag-aaral. Palagi niya itong kasama at kadamay sa lahat. Kaya nga sila agad na tinulungan ni Don Alberto noon ay dahil nakiusap si Noah sa ama nito na tulungan sila.
Kaya nga ginagawa niya ang lahat para makabayad agad ng utang dito. Ayaw niyang maisip ng mga ito na tini-take for granted niya ang kabaitan ng binata sa kanya.
“So, totoo pala,” sabi nito habang nakatalikod pa rin sa kanya. “Totoo pala ang bali-balita na may boyfriend ka na.”
Napayuko na lang siya dahil hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Isa din ito sa mga dahilan kung bakit kinakabahan siya sa biglang pagdating ng pamilya nito sa bahay nila. Kinakabahan siya dahil alam niyang sa pagtanggi niya ay masasaktan niya ang kaibigan. Pero para naman ito sa kanila, eh. Gaya ng rason niya ay ayaw niya din na matali ito sa kanya, na hindi naman siya mahal.
“Bakit, Apple?” Humarap ito sa kanya saka tumitig sa mga mata niya. “Bakit? Bakit nagka-boyfriend ka do’n? Hindi ba sinabi ng mga magulang mo ang tungkol sa pagpapakasal natin?”
Bigla siyang napayuko saka nabitawan ang kamay nito. Hindi niya kayang tingnan sa mga mata ang binata. Hinawakan niya ang kanyang braso.
“Sinabi nila sa akin, pero matagal na kami ni Aiden. Isang taon na din kami.” Napapikit siya dahil sa pagsisinungaling niya. “At saka hindi tama.”
”Anong hindi tama? Hindi ko maintindihan,” nalilito nitong sabi. “Anong hindi tama sa pagpapakasal natin?”
Napalunok siya. “Hindi tama kasi hindi naman natin mahal ang isa’t-isa. Alam mo naman na sagrado ang kasal at nagpapakasal lang ang dalawang tao kapag mahal nila ang isa’t-isa at… hindi dahil lang sa isang kasunduan.” Tumingin siya dito na sana hindi na lang niya ginawa.
Nakita niya ang paglaki ng mga mata nito at gulat sa mukha. “H-hindi mo ba ako mahal? Ni katiting?”
Hindi siya nakasagot at nakatitig lang siya sa mukha ng binata. Hindi niya alam ang isasagot. Tumawa ito ng mapakla saka napatakip ng bibig.
Napalabi ito. “Hindi ko akalain na mas masakit pala ang hindi makakuha ng sagot kaysa sabihin mong hindi.”
“H-hindi naman sa gano’n, Noah.”
“Then what, Apple?” mahina nitong sigaw.
“M-mahal naman kita, pero—”
“Pero ano?” Tumawa na naman ito ng mapakla. “Pero kaibigan lang.” Napalunok siya at hindi na naman nakasagot. “Ha! All this time. After all this time, akala ko may nararamdaman ka din sa akin, Apple. Kasi ako,” hinawakan nito ang bandang dibdib nito. “meron akong nararamdaman para sa ‘yo.”
Nanlaki ang mga mata niyang napatitig dito. Napakurap-kurap siya at bubuka na sana ang bibig niya, pero muli na naman itong titikom dahil hindi niya alam ang sasabihin. Walang kahit na anong salita ang lumalabas sa bibig niya.
“Nakakagulat ba?” Tumawa ito pero nakikita niya ang sakit sa mga mata nito. “Hindi naman siguro ‘yon nakakagulat. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng mga tao dito sa bayan natin na may gusto ako sa ‘yo. Lahat alam nila, ikaw lang ang hindi. Sabagay, paano mo malalaman kung kahit kailan o ni minsan ay hindi mo ako tiningnan.”
“BILIS, Noah!” sigaw ng batang si Apple sa batang si Noah na nahuhuli sa pagtakbo.
“Sandali lang naman kasi, Apple,” hinihingal nitong sabi saka napatigil sa pagtakbo. Napahawak ito sa sariling tuhod habang habol ang hininga nito. “Makakarating din naman tayo do’n, eh. Huwag na tayong tumakbo. Nakakapagod, eh.”
Muling bumalik si Apple saka lumapit sa kanya. “Ano ba naman ‘yan? Ang lampa mo talaga kahit kailan, Noah, kaya ka nabu-bully sa eskwelahan, eh.”
Napatingin si Noah sa dalaga at napangiti kahit pa hinahabol niya ang hininga niya at pawis na pawis na siya sa pagtakbo. Kahit pa ang pamilya nila ang pinakamayaman sa buong bayan ay nabu-bully pa rin siya sa eskwelahan at si Apple D. Rural ang naging tagapagtanggol niya.
Kahit babae ito at maliit ay hindi nito hinahayaan na maapi ng mga tao, lalo na ang mga bully at nang makita siyang inaapi ng mga bully sa eskwelahan nila noon ay hindi ito nagdalawang-isip na ipagtanggol siya. Kaya simula noon ay naging magkaibigan na din sila. Hindi na din siya binu-bully ng mga bata dahil alam ng mga ito na malalagot sila kay Apple.
“Bilisan na natin, Noah. Hindi na ako makapaghintay na itanim siya.” Pinakita nito ang hawak na halaman.
Nalaman niya kasi na mahilig magtanim ang dalaga ng mga halaman kaya naman binigyan niya ito ng isang Narra tree pero maliit pa lang. Naisip na niyang bulaklak ang ibigay na halaman dito pero naisip niya din na maganda kung puno dahil lalaki itong malusog at matibay, gaya ng nararamdaman niya dito.
Napatingin siya sa kamay nila nang hawakan ‘yon ng dalaga. “Bilisan na natin!” Hinila siya nito saka sila tumakbong muli.”
Kahit pa pagod na siya ay nawawala ‘yon lalo na kapag nakikita niya ang ngiti ng dalaga.
“KUYA Noah?” Napatingin si Noah sa kanyang kapatid na si Nelson.
“Bakit?” Ngumiti siya dito.
“Ayos ka lang ba?” Natigilan siya sa naging tanong nito. “Para kasing malungkot ka simula pag-uwi mo kanina.”
Minsan talaga nakikita ng kapatid niya kung malungkot ba siya o hindi. Isa ito sa malapit niyang kapatid sa kanya.
Ngumiti siya dito saka bahagyang ginulo ang buhok nito. “Ayos lang ako.”
Napabuntong-hininga siya saka napatingin sa labas. Magiging ayos lang siya sa kabila ng sakit na nararamdaman niya ngayon. Mawawala din ito. Siguro.
KANINA pa nakaaalis si Noah pero hanggang nagyon ay nakatayo pa rin si Apple sa lugar kung saan sila nag-usap kanina ng binata. Napatingin siya sa langit at nagulat nang makita ang mga dahon ng isang puno na sumasayaw dahil sa hangin. Napatingin siya sa puno saka lumapit dito. Hinawakan niya ang katawan nito at naalala ang araw kung kailan nila ito tinanim ni Noah. Doon na tumulo ang mga luha niya.
Umuwi siya sa kanila saka inayos ang sarili dahil ayaw niyang makita siya ng pamilya niya na hindi maganda. Baka mag-alala pa ang mga ito kapag nakita ang mukha niya. Lalo na’t kagagaling niya lang sa pag-iyak.
“Nakauwi na po ako,” anunsyo niya nang makapasok siya sa bahay nila.
“Ate!” tawag sa kanya ni Clarissa saka napatigil at napatingin sa likod niya dahilan para mapatingin din siya do’n, pero wala namang tao. “Nasaan si Kuya Aiden?”
Nanlaki ang mga mata niyang napatingin sa kapatid at ngayon lang naalala ang binata. s**t! Napamura siya ng malutong sa isip. “H-hindi pa ba siya umuuwi?”
Kumunot ang noo nito. “Ha? Hindi ba magkasama kayong umalis? Di dapat sabay din kayong umuwi.”
Napatingin siya sa kalangitan na malapit ng maggabi. s**t talaga! Nasaan na kaya ngayon ang binata. Baka nawala na ‘yon. Nakalimutan niya kasi itong balikan kanina kung saan niya ito iniwan dahil sa gulat ng mga malaman niya ngayon.
“Sandali lang.”
“Ate!” tawag sa kanya ni Clarissa pero hindi na niya ito nilingon at mabilis na tumakbo.
Kahit hinihingal na siya ay nagpatuloy pa rin siya sa pagtakbo papunta sa plaza, sa lugar kung saan niya ito iniwan. Siguro naman nando’n pa rin ang binata o kaya naman alam nitong umuwi. Nalaman nga nito kung saan siya nakatira, eh.
Kumabog ng mabilis ang puso niya ng hindi niya makita ang binata. Napapalingon-lingon siya sa paligid, nagbabakasakali na mahanap niya ito. Kinakabahan na siya ng hindi pa rin ito makita. Naglalakad-lakad siya at napunta kung saan ang maliit na ilog at nakita niya ang binata doon na nakaupo sa bermuda grass.
Halos maiyak siya dahil sa tuwa na nakita niya ang binata. Hindi niya alam kung ano ang gagawin kung hindi niya ito nahanap.
“Aiden!” tawag niya dito dahilan para mapalingon ito sa kanya.
Mabilis siyang tumakbo dito saka niyakap ito dahilan para mapahiga silang dalawa. Wala siyang malisya na nakahiga siya sa ibabaw nito. Basta masaya siya na nakita niya ito. Well, hindi naman totally na nasa ibabaw siya nito. Bali kalahati ng katawan niya ang nakapatong sa katawan ng binata.
“Ayos ka lang ba?” tanong nito sa kanya.
Isinubsob niya ang mukha sa leeg nito. “Akala ko hindi na kita makikita. Kinabahan ako ng malaman ko kanina na hindi ka pa pala nakakauwi.”
Naramdaman niya ang paninigas nito pero kalaunan ay niyakap din siya pabalik. “Nandito lang naman ako, eh. Hinintay kita.”
Napapikit na lang siya saka niyakap ito. Biglang gumaan ang pakiramdam niya na kanina pa naging mabigat dahil sa naging usapan nila ni Noah. Sa simpleng salita nito ay naging magaan ang pakiramdam niya.