NAKATINGIN sa mga bituin si Noah galing sa veranda ng kwarto niya. Naalala niya ang mga masasayang araw nila na magkasama ni Apple. Simula ng araw na pinagtanggol siya ng dalaga ay hinangaan na niya ito. Nang makasama niya ito ng matagal ay mas lalong lumalim ang nararamdaman niya dito hanggang sa lihim na nga niyang minahal ang dalaga.
Hindi muna siya umamin dito dahil alam niyang gusto ng dalaga na makapagtapos muna ito ng pag-aaral para makatulong sa mga magulang nito bago ang pag-ibig. Alam niya ‘yon dahil sinabi sa kanya ng dalaga ang plano nito. Wala itong nililihim sa kanya dahil tinuturing siya nitong matalik na kaibigan. Lahat ng plano nito sa buhay ay sinabi nito sa kanya.
Kaya nga hindi siya nagmadaling ligawan ito dahil alam niyang tutuparin ng dalaga ang plano nito at alam niyang wala talaga sa isip nito ang pagno-nobyo dahil simula pa noon kahit niligawan ito ng isang gwapo o mayaman na lalaki sa eskwelahan nila ay hindi ito nagdalawang-isip na busted-in ang mga lalaking ‘yon.
Kaya naman napagpasyahan niya na umamin dito kapag natupad na nito ang pangarap nito at sisiguraduhin niyang kasama siya nito habang tinutupad nito ang pangarap. Pero nagbago ang lahat ng magkasakit ang ama nito. Kinailangan nitong tumigil sa pag-aaral para magtrabaho.
“HUWAG ka ng tumigil sa pag-aaral, Apple. Tutulungan naman kita, eh,” pakiusap niya kay Apple. “Ilang taon na lang ay ga-graduate na tayo.”
Ilang taon na lang ay matutupad na nito ang pangarap nito. Ngayon pa ba ito titigil? Ayaw niyang tumigil ito sa pag-aaral dahil makasarili man pero gusto niya ay sabay silang makapagtapos. Gusto niyang kasama niya ang dalaga habang tinatapos nila ang pag-aaral.
“Pero kailangan kong magtrabaho, Noah. Kailangan ko ng pera para mapaopera si Papa.”
“Si Papa,” bigla niyang sabi. “Tama si papa. Tutulungan ka niya, sigurado ako. Lalo na’t matalik tayong magkaibigan. Kapag sinabi ko sa kanya na kailangan niyo ng tulong ay hindi siya magdadalawang isip na tulungan kayo.”
Napabuga ito ng hangin. “Kung saka-sakali man na tutulungan nga kami ni Don Alberto ay kailangan ko pa ring tumigil, Noah.”
“Pero bakit?”
“Dahil pagkatapos ng operasyon ni Papa ay alam ko na may mga gamot pa ‘yan na kailangan bilhin.”
“Eh, di bibilhin ko.”
Napabuga ito ng hangin saka hinawakan ang kamay niya. “Alam kong gusto mo akong tulungan, Noah. Pero hindi pwede na umasa na lang ako parati sa ‘yo. Kailangan kong gawin ito para sa pamilya ko.”
“P-pero… paano ang pag-aaral mo? Ang mga pangarap mo?”
“Siguro hanggang pangarap na lang muna ang mga ‘yon kasi ngayon ang tanging gusto ko lang ay ang gumaling ang papa ko, Noah.”
LUMIPAS ang ilang buwan ay naoperahan ang ama ni Apple sa tulong ng pera ni Don Alberto. Tulong na sana iyon sa kanila ni Noah pero hindi siya pumayag at ang ina niya kaya naman isinangla na lang nila ang kanilang lupa at unti-unti naman niya ‘yong tutubusin.
“Bakit ba kasi kailangan mo pangpumunta sa Maynila kaysa magtrabaho na lang dito?” asik ni Noah sa dalaga. “Pwede ka naman magtrabaho sa amin at tataasan ni papa ang sweldo mo para mabilis kang makakaipon.”
Ngumiti ang dalaga sa kanya. “Magiging unfair ‘yon sa ibang katulong, Noah. Isa pa, malaki ang sahod doon at alam ko na mas madali akong makakaipon do’n.”
Nalungkot siya dahil kahit anong ibigay niyang tulong dito, kahit trabaho ay tinatanggihan ng dalaga.
“Baka mamaya sa pag-uwi mo dito may boyfriend ka na.”
Tumawa ito saka ginulo ang buhok niya. Namula ang magkabila niyang pisngi sa ginawa nito. “Ano ka ba? Pupunta ako do’n para magtrabaho, hindi para maghanap ng boyfriend. At isa pa, wala pa talaga sa isip ko ang pag-ibig-ibig na ‘yan. Pera ang kailangan ko at hindi boyfriend.”
“Ipangako mo sa akin na hindi ka magbo-boyfriend doon.” Ipinakita niya ang pinky finger niya na ikinatawa nito ng mahina.
“Pangako.” Pinagdikit nito ang kanilang mga daliri.
“Mag-iingat ka sa Maynila, Apple.” Niyakap niya ito ng mahigpit. “Sa pag-uwi mo, may sasabihin ako sa ‘yo.”
BINALAK niya noon na sa pag-uwi ni Apple ay aamin na siya dito. Pero lumipas ang ilang buwan ay hindi na niya nakita pa ang dalaga. Nang umuwi ito nang minsan ay hindi na niya ito naabutan. Hindi kasi ito pwede magtagal dahil malayo ang Maynila sa lugar nila.
Napakuyom siya ng kamao. Kung umamin lang sana siya, eh, di sana maaga nalaman ng dalaga ang nararamdaman niya. Baka sana hindi ito nagka-boyfriend dahil nandiyan siya. Baka sana… Tumulo ang mga luha niya. Dahil sa pagiging torpe niya ay nawala ang babaeng mahal niya.
PAGKATAPOS na makita ni Apple si Aiden ay sabay silang umuwi sa kanila. Tahimik lang sila habang naglalakad papauwi. Walang balak na magsalita ang isa sa kanila lalo na siya. May guilt kasi siya na dinadala sa puso niya. Guilt para sa dalawang tao, para kay Noah na hindi niya alam na may gusto pala sa kanya all this years at para kay Aiden na iniwan lang niya kanina at naalala lang ng hinanap ito ng kapatid sa kanya.
Nang makarating sila ay agad siyang nagpaalam na magpapahinga lang. Hindi na din siya naghapunan. Alam niyang nag-aalala sa kanya ang mga ito dahil sa inaasta niya pero hindi niya kayang humarap sa mga ito at magpanggap na para lang walang nangyari. Mabigat sa dibdib niya ang naging usapan nila kanina ni Noah.
Nagising si Aiden dahil bigla itong nakaramdam ng uhaw kaya naman bumangon ito saka pumunta sa kusina. Kumuha ito ng tubig na mula sa pitsel saka uminom. Babalik na sana ito sa higaan ng makita niyang hindi naka-lock ang pinto. Sa pagkakaalam niya ay naka-lock ito dahil siya mismo ang nag-lock.
Napailing na lang siya saka lumapit sa pinto para sana ito i-lock pero nahagip ng mata niya ang dalaga na nasa labas. Nakaupo ito sa duyan na gawa sa kahoy at nakasabit sa sanga ng puno. Kanina nang magkita sila ng dalaga ay nakaramdam na siya ng kakaiba. Alam niyang may nangyari sa pag-uusap nila ng binata pero wala siyang lakas ng loob kanina na magtanong kaya nanahimik na lang siya.
Pero sa nakikita niya ngayon ay mukhang may gumugulo sa isip ng dalaga. Napabuntong-hininga siya saka napagdesisyonan na lapitan at kausapin ito. Hindi niya kayang makita na ganito ang dalaga. Mas gusto pa niya ‘yong baliw na Apple.
NAKATINGIN si Apple sa mga bituin nang lumapit sa kanya si Aiden. Gulat siyang napatingin dito dahil sa pagkakaalam niya ay tulog na ito nang lumabas siya.
“Bakit gising ka pa?” tanong nito nang makalapit ito sa kanya.
“Ikaw? Bakit gising ka? Natutulog ka na kanina, ah.”
Muli siyang tumingin sa harapan. “Pwede ba akong makiupo?” Muli siyang napatingin dito saka sa tabi niya. Mahaba naman ang duyan at kasya nga ang dalawa. Hindi siya sumagot pero nagbigay siya ng espasyo para dito. Umupo ito sa tabi niya. “Nagising ako kanina kasi bigla akong nauhaw tapos nakita kita dito.” Napabuntong-hininga ito. “Kanina ko pa napapansin na parang ang lalim ng iniisip mo. Dahil ba ‘yan kay Noah?”
Bahagya itong nagulat ng inihilig niya ang ulo sa balikat nito. Ewan ba niya, basta komportable siya sa binata. Komportable siya na katabi ito. Pakiramdam niya ang ligtas siya kapag kasama niya ito. Maliban kay Noah ay kay Aiden niya lang ito nararamdaman.
Napabuga siya ng hangin. “Sinabi kasi sa akin ni Noah na may nararamdaman siya para sa akin.” Naramdaman niyang nanigas ito pero hindi niya ‘yon pinansin. “Malungkot ako at the same time ay nasasaktan kasi hindi ko man lang nakita. Hindi ko man lang naramdaman kaya ang kinalabasan ay nasasaktan ko siya ng hindi ko alam.”
Nalungkot naman siya ng maalala ang malungkot na mukha ni Noah kanina. “All this time na magkasama kami ay hindi ko napansin na may nararamdaman na pala siya sa akin. Na lahat ng tao ay nakikita ‘yon, maliban sa akin.” Tumulo ang mga luha niya. “Hindi ko alam na…” napahikbi na siya.
Inikbayan siya ni Aiden saka hinaplos ang balikat niya. “Gusto mo bang itigil na natin ‘to?” Bigla siyang napatingin dito at nagulat, pero ngumiti lang ito sa kanya. “Nagbago na ba ang isip mo at gusto mo ng itigil ito? Gusto mo na bang magpakasal sa kanya?”
Napaiwas siya nang tingin dito saka umiling. “Ayoko. Mas lalo ko lang masasaktan si Noah kapag pinakasalan ko siya. Masasaktan lang siya kapag nalaman niya na kaya ko lang siya pinakasalan ay dahil nagi-guilty ako at ayaw ko siyang masaktan.”
“Eh, ‘di huwag mong sabihin sa kanya kung bakit mo siya pinakasalan.”
Umiling-iling siya. “Ayoko magsinungaling sa kanya. Mas sasaktan ko lang siya.”
“Baka naman matutunan mo din siyang mahalin kapag ikinasal na kayo. Total, kilala niyo naman ang isa’t-isa simula pagkabata, ‘di ba?”
Tumingin siya dito. “Paano kung hindi? Paano kung sa paglipas ng taon ay hindi ko pa rin masuklian ang pagmamahal niya?” Napayuko siya. “Mas lalo ko lang siyang masasaktan. Isa pa, sinabi ko na sa ‘yo na magpapakasal lang ako sa taong mahal ko.”
“Wala ka ba talagang nararamdaman sa kanya kahit kaunti?”
Umiling-iling siya. “Pagmamahal bilang kaibigan o kapatid lang talaga ang nararamdaman ko sa kanya. Bukod do’n, wala na. At saka,” tumingin siyang muli sa binata. “Ayos lang ba sa ‘yo na ikasal ako sa kanya?”
Natigilan ito at nagulat. “A-anong ibig mong sabihin?”
“Syempre kapag nagpakasal ako kay Noah ay mawawalang bisa na ang kontrata natin. Makakasal ka sa babaeng ayaw mo.”
Tumawa ito ng mahina na ikinanoot ng noo niya. “Akala ko kung ano na.”
Mas lalong kumunot ang noo niya. “Anong akala mo na kung ano na?”
Umiling-iling ito saka ginulo ang buhok niya dahilan para mapanguso siya. “Wala.” Inayos niya ang buhok niya. “Kapag kasi sinabi mo na magpapakasal ka kay Noah, hindi naman pwede na tumutol ako sa magiging desisyon mo. Syempre buhay mo ‘yon at hindi ako pwedeng makialam. At tungkol naman sa problema ko,” tumingin ito sa kalangitan na napupuno ng mga bituin. “Ako na ang bahalang lumutas. Basta ang mahalaga ay masaya ka.”
Nagulat ito ng yakapin niya ito. “Ang bait mo talagang tao, Aiden.”
“Hindi naman kasi ako ‘yong tipo ng tao na ipagsiksikan ang sarili sa iba at ayaw ko na ako ang magiging dahilan kung bakit hindi magiging masaya ang isang tao. Isa pa, delikado ako kapag naging makasarili ako kasi gagawin ko ang lahat para makuha ang gusto ko. Ipaglalaban ko ng patayan.”
Ngumiti siya dito. “Huwag kang mag-alala. Pinapangako ko sa ‘yo na hinding-hindi kita iiwan hangga’t hindi natin natutupad ang pangako natin sa isa’t-isa. Hindi natin hahayaan na maikasal tayo sa taong hindi natin gusto.” Inilahad niya ang kamay niya dito para makipagkamay.
“Pangako, hindi mo ako iiwan?” Tumitig ito sa mga mata niya.
Tumango siya. “Pangako.”
Hinawakan nito ang kamay niya at imbes na makipag-shake hands ay hinalikan nito ang likod ng palad niya dahilan para mapatitig siya sa binata.
“Pangako hindi din kita iiwan, Apple.”
Napatitig siya dito at parang kakaiba ang ang nararamdaman niya sa sinabi nito. Pakiramdam niya ay mas may malalim pang-ibig sabihin ang sinabi nito. Lihim siyang napailing. Baka guni-guni niya lang iyon.