“Sigurado ka na ba talaga sa desisyon mo?” tanong ni Dylan kay Apple. “Pwede mo pangbaguhin ang desisyon mo sa buhay.” Natawa na lang siya sa mga pinagsasabi nito. “Oo nga. Bakit ba ang kulit mo?” Naiiling na lang siya dito. Nasa sala sila ngayon at nag-uusap. Nasa kwarto naman ang anak niya at naglalaro. “Ilang beses mo ba ‘yang pinag-isipan? Handa ka na ba talaga?” Napabuga siya nang malakas na hangin. “Yong totoo?” Tumango naman ito. “Walang araw na magiging handa ako, Dylan. Pero sa tingin ko kasi kung patatagalin ko pa ang araw na ‘to ay mas lalo lang akong kakabahan at panghihinaan ng loob. Isa pa, hindi ko na pwedeng paghintayin pa ang anak ko. Limang taon na din siyang naghihintay. Ngayon ko pa ba siya paghihintayin nang matagal kung kailan ang lapit-lapit na namin sa ama niya?”

