Kabanata 7

1691 Words
Hindi mabilang kung ilang beses na ba ako bumuntong-hininga habang nakaupo sa ilalim ng silong sa tapat ng bahay namin. Hindi ko maintindihan kung bakit ayaw akong pagtindahin ng Nanay ko sa palengke samantalang buong buhay ko ibinuhos ko na ro'n liban na lang sa pag-aaral. Ang pinakaayaw ko talaga ay tumambay lang sa bahay maghapon at patayin ang sarili ko sa pagkabagot. Muling napabuntong-hininga ako. "Gusto kong magtinda..." mahinang hinaing ko at iniyukyok ang ulo ko sa mesa. "Ano'ng problema ‘Nak?" bungad na tanong ni Tatay napansin niya marahil na hindi karaniwan ang itsura ng mukha ko ng mga oras na 'yon. "`Tay bakit po gano'n hindi ako pinagtinda sa palengke?" tanong ko. May kung anong inilapag ang Tatay ko sa mesa. Nagtatakang tiningnan ko 'yon. "Naku! Ikaw talagang bata ka. Kinausap ko ang Nanay Farah mo para sana tulungan mo akong dalhin 'to," paliwanag niya. "Pero po nandyan naman si Ate Frixie para tulungan kayo `Tay." "`Yong Ate mo talagang 'yon, himala na lamang kung mag-aksayang tulungan ako n‘on dito ‘Nak. Alam mo namang maselan 'yon kapag inuutusan." Tatlo kaming magkakapatid na puro pawang mga babae. Ang nakatatanda kong kapatid ay nasa unang taon na sa kolehiyo, samantalang ang nakababata kong kapatid naman ay nasa unang taon ng elementarya. Ang Ate Frexie ko sana ang inaasahan ng pamilya namin upang umasenso, ngunit ilang beses na siyang bumalik sa pag-aaral ng taon dahil sa pagpapabaya. Minsan nga napapaisip din ako kung bakit ang Nanay ko mas binibigyang atensyon ang kapatid ko, samantalang ako ni minsan ay hindi niya mapuri at ipagmalaki sa kahit sino. "Minsan lang naman tayong mag-bonding mag-ama at saka hayaan mo kapag nadala na natin 'to. Ililibre kita ng Pande Coco na tinda ni Ka-Kaloy sa panaderya," suhol ni Tatay. Naalala ko tuloy 'yong pang-blackmail sa akin noong bata pa ako. Paborito ko kasi ang kumain ng tinapay tuwing sasapit ang meryenda. Tumayo na ‘ko. "Ano ho ba 'yan `Tay?" usisa ko sa dadalhin namin. "Mga bagong pitas na gulay galing bukid na tinanim ko, mabuti na lang at mayaman sa lupa ang bahaging dulong sakahan at hindi problema ang irigasyon ng tubig. Bibigyan ko ng unang ani si kompañero ko para pasasalamat sa tulong n'ya." Tumango ako. "Oh, sige ho `Tay." Sandaling nagpalit ako ng damit at ako ang nagdala ng isa sa mga bayong, aaminin ko may kabigatan iyon. Pero kinimkim ko na lang at saka sanay naman ako sa mga ganitong mabibigat na trabaho. Sumakay kami agad sa nakasalubong na pedicab ni Ka Tonyo. Ngiting-ngiti ito habang minamaniobra ang pedicab papasok sa isang pribadong subdibisyon. "Dalaga na ho pala ang anak n'yo Mang Anton," narinig kong wika ni Ka Tonyo habang hindi inaalis ang atensyon sa daan. "Oo, nasa huling taon na nga nitong si Frexa sa high school," wika ni Tatay habang ngiting-ngiti. "Ang bilis talagang lumipas ang panahon, dati lang ay maliit 'yang si Frexa ngayon ay dalaga na..." May tila kakaiba sa tono ng pagsasalita ni Ka Tonyo. Bumaling ako kay Tatay habang patuloy pa rin siya sa pakikipagkwentuhan. Ipinagsawalangbahala ko na lamang at itinuon ko ang atensyon ko sa tinatahak naming daan. Nanlaki ang mga mata ko nang unti-unting nasilayan ang ganda ng paligid. Ang buong lugar ay pawang nagtataglay ng kakaibang ganda at kaakit-akit na istruktura. Malalaki at dahil bukas ang mga harapan ng mga ito, kitang-kita ang buong kabuuan ng bawat bakuran, napakalawak at mas lalong napakagandang pagmasdan mula sa labas. Napaka-kaakit-akit pagmasdan maging ang mga maliliit na fountain na may mga estatwa ng anghel. Ang mga huni ng ibon ang naging musika ng tahimik na paligid. Maluwag ang buong kalsada kaya't hindi naging mahirap ang bawat paggalaw ng pedicab kung ikukumpara sa kabayanan. Tila napaka-engrande maging ang bawat punong nadadaanan namin, hitik ang mga bulaklak na sa hula ko ay ngayon ko lang ata nakita sa buong buhay ko. Sa hindi kalayuan mula sa sinasakyan namin nakita ko ang ilang bata masayang naglalaro at nagkakatuwaan. Hindi ko mapigilang mapangiti, kung ikukumpara sa mga nakasanayan kong makita sa murang edad pa lamang hindi na uso ang paglalaro kundi bata pa lang kailangan ng magbanat ng buto. Dumaan kami sa isang malaking bahay, balot ng baging at lumot ang kabuuan nito. Sa katunayan, napakadilim ng buong itsura nito. Tila nakaramdam ako ng takot kaya sa iba ko na lang ibinaling ang atensyon ko. Sa hindi kalayuan may natatanaw na kaming isang mala-palasyo sa laking mansion. Mas namangha ako roon kaysa sa mga nauna kong nakita. Huminto sa mismong harap nito ang pedicab ni Ka Tonyo. Una akong bumaba para maalalayan ang Tatay ko sa pagbaba rin nito. Tila nanliit ata ako sa sarili ko sa nasasaksihan sa mismong harapan ko. Napakataas ng gate na animo'y isang mataas na kulungang ayaw hayaan ang sino mang pumasok. Ngunit maaari pa ring makita ang nasa loob, sinilip ko 'yon at halos matigilan ako. Nanlaki ang mga mata ko habang pinagmamasdang maigi ang mala-palasyong mansion. Lalo akong humanga sa kabuuan ng lugar animo'y nasa ibang bansa ako ngayon. May nakita na akong ganitong disenyo kaya lang sa mga magazine lang ni Rita. Dito kaya nakatira ang kompañero ni Tatay? Pero wala naman akong natatandaang may ganitong kayaman na kaibigan si Tatay. "Hihintayin ko ho ba kayo Mang Anton?" tanong ni Ka Tonyo habang isa-isa nitong binababa ang mga dalahin namin. "Oo sana, hindi naman kami magtatagal sa loob Tonyo," wika naman ng Tatay ko. "Salamat." Iniabot ni Ka Tonyo ang isang bayong sa 'kin. "`Tay, dito ho ba nakatira `yong kompañero n‘yo?" usisa ko, habang hindi inaalis ang mga mata ko na pagmasdan ang lugar. "Ay, oo. Matagal-tagal na rin noong huling nagpunta tayo rito, marahil hindi mo na matandaan ‘Nak..." saad ni Tatay. Sandaling napaisip ako. Nakapunta na ba ako rito? Parang hindi ko ata matandaan. "Ay naku! Hindi pala ikaw 'yon ‘Nak. Si ano pala... si Frixie baga kasama ko ritong pumunta," tila hindi siguradong pahayag ni Tatay. Ang buong akala ko talaga ako ang tinutukoy ni Tatay, kung sakali man ako na ako ‘yon siguro naman matatandaan ko pa `yon. Nagulat ako nang makitang basta na lamang binuksan ni Tatay ang gate. "`Tay!" saway ko sa kanya. May nakita naman akong doorbell sa hindi kalayuan. Wala akong nagawa kung hindi sumunod na lang sa kanya sa loob. Nakakaramdam ako ng kaunting takot dahil matatawag na trespassing ang ginawa namin ni Tatay. Pumasok din bigla sa isip ko na, elderly knows what is best. Kaya naman sigurado akong alam ni Tatay ang ginagawa niya. Lihim akong nanalangin sa likod, kung sakali man na mahuli kami ay huwag sanang umabot pa na kasuhan kami. Kahit hirap man sa pagbubuhat nagawa ko pa ring purihin ang paligid, tulad kanina napakaraming iba't ibang uri ng bulaklak ang makikita sa paligid. Naging isang malaking tila kulay bahaghari ang buong lugar dahil sa iba't ibang kulay ng bulaklak. Ang hangin animo'y gusto kang isayaw. Nililipad ang ibang hibla ng buhok kong natanggal sa pagkakatali sa ipit. Hindi naman ganoon kalayo ang mansion mula sa gate. Ang akala ko talaga hindi na naman kakatok si Tatay, pero nakahinga ako ng maluwag dahil ginamit nito ang isang hating bilog na bagay at ginamit pangkatok sa isang pinto sa gilid ng bahay. Ilang sandali lang ang lumipas lumabas ang isang humahangos na babae na sa hula ko ay naninilbihan at marahil nasa kusina ito at naghuhugas ng plato, dalaga pa ito at mukhang hindi nalalayo ang edad sa akin. "Ano ho ang kailangan nila ginoo?" magalang na tanong nito. "Hija, nandyan ba si kompañero Alfredo sa loob?" balik tanong ni Tatay. Nagdikit ang dalawang kilay ng babae, at saka eksaheradong sumimangot tanda na hindi nito gusto ang pagdating namin ni Tatay. "Bakit ho?" tanong pa ulit ng babae bakas ang iritasyon at disgusto. "Ibibigay sana namin 'tong mga bagong ani kong gulay kay Ginoong Alfredo." Sumilay ang mumunting ngiti sa labi ng Tatay ko, hindi alintana ang iritasyong ipinapakita ng babae. Ayoko lang talagang patulan ang babae pero konting-konti na lang, baka magdilim bigla ang paningin ko at maihambalos ko 'tong dalang bayong sa pagmumukha nito! "Marami na ho kaming ganyan dito iuwi n'yo na lang," taboy na nito. Parang pinagsakloban ako ng langit at lupa nang makita kong naglaho ang ngiti sa labi ng Tatay ko. "Ang layo ng pinanggalingan namin tapos sasabihin mo 'yan! Ang bigat-bigat pa pati ng dala namin!" singhal ko sa babae. Alam kong sinasaway ako ng ama kong huwag mag-eskandalo, pero talagang napuno na ‘ko. "Pakisabi sa amo mo na nandito kamo ang kaibigan niya at may dalang pasasalamat. Huwag kang manguna dahil hindi naman ikaw ang pakay namin, at ‘wag ka ring magmataas tulad ka rin namin galing sa putikan!" galit na sambit ko. Tila sandaling natigilan ito at agad agad pumasok muli sa loob ng malaking mansyon. Naiyukom ko ang mga kamay ko, pakiramdam ko. Nag-iinit ang buong mukha ko sa galit at panggagalaiti sa babae. "Anak naman, bakit mo naman sinabi 'yon?" nag-aalalang tanong ni Tatay. "Pero `Tay sobra na po kasi siya!" tanggol ko sa sarili. "Siguro nga ay marami na silang ganito kaya marahil hindi na nila kailangan pa..." mahinang sabi ni Tatay bakas ang matinding dismaya. Nakaramdam ako ng matinding pamumuo ng galit sa loob ko. Kung sinoman ang babaeng `yon, kapag nagtagpong muli ang mga landas namin, sisiguraduhin kong pagsisisihan niyang sinabi niya 'yon! "Sinong Alfredo ho ba 'yon?" Naglalakad na kami palabas. "Ano ka ba naman, si Mayor Alfredo `yon." Nabitawan ko ang hawak kong bayong sa gulat. Tiningnan kong muli ang mansyon at nakita ang isang matandang lalaking lumabas at patakbong patungo sa direksyon namin. Napamaang na lang ako habang pinapanood si Mayor Alfredo na kumakaway sa 'min. "Kompañerong Anton!" tawag ng matandang lalaki. Bumaling ako sa ama kong walang ideya sa kung ano'ng susunod na mangyayari. Lumingon naman ang ama ko at gumuhit muli ang ngiting nakasanayan kong makita sa kanya. Ibig sabihin... ang tinutukoy ni Tatay na kaibigan ay ang mismong Mayor Alfredo ng San Agustin? ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD