"May assignment ka ba sa Calculus, Frexa?" bungad agad na tanong ni Lorraine pagkapasok ko pa lang ng classroom.
Dumeretso agad ako sa upuan ko at hindi na nagawang tapunan ng tingin ang kaklase kong lumalapit lang sa tuwing may kailangan. Tumalim agad ang mga mata ko nang makita kong may nakasulat na namang hindi kanais-nais sa arm desk ko.
Luminga-linga ako sa buong room para hanapin ang walanghiyang sumulat ng kalaswaan sa mismong mesa ko. Nakita ko si JJ habang hindi mapuknat ang ngiti, at marahil itinatago lamang na gusto na nitong tumawa. Lihim kong naiyukom ang mga kamay at pilit nagtitimpi sa galit.
Nagtiyagang umupo na lang ako, ayokong aksayahin ang oras sa manyak na `yon. Kinuha ko ang pambura sa bag ko at sinimulang burahin ang nakasulat. Napanood ko sa isang palabas sa telebisyon na pwedeng gamitin ang pambura ng lapis sa pagtanggal ng sulat ng pentel pen sa matitigas na bagay lalo na ang mesa.
Kapag nagkataong nahuli ko si JJ ang mukha niyang puro na nga butas dahil sa pimples. Mata lang niya walang latay sa 'kin, hintayin lang nila ako. Nanggagalaiting kinuskos ko ng pambura ang mesa.
"What happened?" Napatingala ako at bumungad agad ang gwapong mukha ni Ulrich. Bakas na hindi ito nakatulog kagabi sa lalim ng mga mata nito. Isa pa 'tong maninira ng araw ko.
"Ano pa ba sa tingin mo?" sarkastikong tanong ko.
Dumilim ang anyo ng mukha niya, marahil nabasa ang nakasulat sa arm desk ko. Maya-maya lang rumehistro ang galit sa mukha niya.
Oh, bakit? Wala naman akong sinabi pang masama?
Nakita ko ang pagbaling niya sa puwesto nina JJ.
"Good morning pre!" bati ng grupo ni JJ kay Ulrich.
Hindi man lamang sumagot o nagsalita si Ulrich sa mga 'to.
Nakita ko ang pag-alis niya sa harapan ko, batid kong lalapit lang s'ya sa mga kaibigan. Pati ba naman ang mga nananahimik tulad ko ginugulo niyong mga sira ulo kayo. Kapag dumating ang araw at darating ang oras na makakarma kayo. Lalo ka na Ulrich!
Ginigigil niyo talaga ako. Makakaganti rin ako sa inyo!
"Why would I need to apologize to her?!" sigaw ni JJ. Curiuos akong napalingon sa pwesto nila kanina.
"Do it!" angil ni Ulrich. Naguguluhang pinagmasdan ko si Ulrich base sa reaksyon ng mukha ng mga kabarkada nito, may maliit na pagtatalong nangyayari.
"I won't do that. Kung gusto mo ikaw na lang," JJ said lazily. Humalukipkip ito. Nilagpasan nito ang mga kaibigan.
"Pare naman, matagal naman ng ginagawa ni JJ 'to at saka sanay naman na marahil si Frexaline sa tuwing ginagawa niya 'to," awat ni Dave. Namumuo na ang hindi pagkakaunawaan sa mga ito. Ibinalik ko ang atensyon sa pag-aayos ng mga gamit ko para sa unang subject teacher.
Nakarinig na lang ako nang parang may kung anong bumagsak sa sahig kaya napatayo na ‘ko. "Ano ba 'yan?!" sigaw ko.
Nakahandusay si JJ sa sahig habang nagdudugo ang labi nito. Nagmamadaling dinaluhan ko si JJ at siniyasat ang kalagayan nito.
"Dalhin niyo si JJ madali sa school clinic!" maawtoridad kong utos. Agad namang tumalima ang mga kabarkada ni JJ at walang sabi-sabi na binuhat ng mga ito ang kaibigan. "Ano'ng problema mo? Bakit ginawa mo 'yon kay John Joseph?!" bulyaw ko kay Ulrich.
Hindi maipinta ang kakaibang reaksyon ng mukha niya.
"He started it!" he yelled back at me.
Malalim na napabuntong hininga ako, sapo ang noong hindi ko alam ang iisipin. Mabuti na lang at maaga pa, wala pang masyadong estudyante. Pakiramdam ko parang pinagpapawisan ako ng malagkit, hinablot ko ang braso ni Ulrich, dinala ko siya sa gilid ng classroom.
"Don't blame me, s'ya ang nauna at hindi ako, he tried to punch me I just dodge it and punch him instead!" biglang paliwanag niya.
"Bakit ka ba sumisigaw?" pagtataka ko. Napansin kong nakatingin siya sa brasong hawak ko pa rin, agad ko `yong binitawan. "Pumunta ka ng faculty ni Sir Migs sabihin mo ang nangyari. Pupunta naman ako sa school clinic para kumustahin ang nangyari kay Joseph," mabilis kong pahayag.
Tatalikuran ko na sana siya nang maramdamang hinawakan niya ako sa braso. "What?"
"Ako na ang pupunta ng school clinic at ikaw na lang ang magpunta ng faculty ni Sir Migs para magpaliwanag," aniya.
Patakbong umalis siya at naiwan akong nakatulala.
"It's your fault Frexa!" paninisi sa 'kin ni Stacy. Napaatras ako ng itulak ako nito kaya napasandal ako sa blackboard. Kasalanan?
"Hindi ko alam ang sinasabi mo Stacy nasa upuan ako kanina, at kung sinisisi mo ako dahil hindi ko agad sila naawat hindi ko 'yon kasalanan. Away kaibigan lang ang nangyari," pagtatanggol ko sa sarili.
"Manhid ka talaga!" narinig kong bulalas nito at hinabol si Ulrich.
***
"ISANG KILONG kamatis nga ineng, pakilagay sa malaking plastic baka malamog na naman. Siguraduhin mong bago 'yan, ‘tapos pakigawan na ng resibo at ayokong pagalitan ni `Nay Dara," mahabang litanya ni Lotlot ang mahaderang katulong ng alkalde ng San Agustin kaya malakas ang loob mag-inarte't lalo na ng maimpluwensiyahan ng mga mayayaman.
Ginawa ko nga ang mga sinabi niya. Ibinalot ko sa medium size na plastic bag ang kamatis at gumawa ng resibo. Iniabot ko agad ang mga ito sa mahaderang babae.
"Salamat po." Sa susunod huwag ka ng bibili sa 'kin baka isambulat ko pa ang mga pinamili mo. Gusto ko sanang isatinig.
"`Ge, thenk yu bery mach!" Muntik pa akong humagalpak ng tawa kung hindi lang ako nakapagpigil. "Nasaan ang talong dito?" pagtataka niya makaraang mahawakan na niya ang pinamili. Sinunod niyang tingnan ang resibong binigay ko.
"Kamatis lang naman ang sinabi n‘yo ho kanina," katwiran ko.
"Ang tanga-tanga mo naman, yu stopid I sed kamates en talong!"
"Pwede ba tigilan mo ang kaka-ingles nakakairita kasi."
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ko. Hindi na mahalaga sa akin kung hindi na siya bibili sa akin sa susunod, wala naman siyang ginawa kundi ibalandra ang mga mamahalin niya kunong alahas na inutang sa bumbay.
"Ang yabang mo naman! Ikaw nga yu dunt nuw how tu spik englis!" Nagtitimpi na lang talaga. Nilabanan ko lang ang sarili ko sa pagsabi ng masama kay Lotlot.
"Hindi na ako bibili rito kahit kailan!" padaskol niyang sigaw. Inaasahan ko na rin naman na sasabihin niya `yon. Sa totoo lang hindi rin s'ya kawalan tutal barya lang din naman ang binibili n'ya.
Mabuti't maingay sa buong palengke kaya't hindi ito masyadong nakakakuha ng pansin mula sa ibang mamimili. "Bibili ka pa ba ng talong?" sarkastikong tanong ko.
"Hindi na!" untag niya at padabog na umalis. Narinig ko ilang beses nagmura siya habang nanggagalaiting binabangga ang mga tao. Akala mo kung sino samantalang dati lang nagtitinda rin s'ya ng gulay dito sa palengke.
"Anong nangyari? ‘Di ba katulong `yon ni Mayor Alfredo?" biglang tanong ni Rita nasa tabi ko na 'to. Marahil nakita niya ang nangyari kanina sa pagitan namin ni Lotlot.
"Oo, ang bruhildang `yon masyadong mahaderang magsalita samantalang galing din s'ya sa putikan," usal ko.
"Akala ko nga kanina dudugo na ang tainga ko sa kaka-ingles n‘on" komento n'ya. Mukhang narinig din n'ya.
Tulad ko nag-aral din si Rita sa Saint Anna Academy dahil sa kabutihan ng alkalde ng San Agustin, ito ang nagbigay ng pagkakataon para makapag-aral kami kahit sa pang-pribadong paaralan. Ang pinagkaiba lang ng tadhanang tinahak namin ni Rita, nabuntis ito ng maaga dahil sa boyfriend nitong si Berth.
Mahinang natawa ako nang kaswal lamang. "Ako nga rin eh," sang-ayon ko. Nagtawanan pa kami ngunit agad ding naudlot dahil natanaw ko sa hindi kalayuan ang Nanay ko.
Tumingin din sa direksyong tinitingnan ko si Rita. Napuna kong may tila kakaiba sa kilos ng Nanay ko habang patungo ito sa direksyon namin.
"Mukhang bad trip ata si Ka Farah ah," puna ni Rita sa tabi ko.
"Hindi ko alam." Sa totoo lang, kasalukuyang nakararamdam ako ng matinding kaba. Namamawis na rin pati ang mga palad ko.
"Hoy ikaw bata ka anong sinabi mo kay Lotlot! Bakit hindi mo s'ya pinagbilhan ng gulay natin!" singhal ng Nanay ko nang ito'y makalapit. Dinuro-duro pa niya ako. "Kung ano-ano pa ata ang sinabi mo kay Lotlot, ang sabi pa nga n'ya hindi na raw s'ya bibili sa 'tin ng gulay!" singhal pa niya.
Hindi ako nagsalita, nanatili akong tahimik sa kinatatayuan ko. Batid kong kasalanan ko naman talaga. "Humingi ka ng tawad kay Lotlot alam mo namang katulong 'yon nila Alkalde Alfredo! Malaki pa naman kung mamili ang mga 'yon!" Ang lahat ng tao sa palengke ay nakuha na ang atensyon dahil sa lakas ng boses ng Nanay ko. Yumuko na lang ako upang kahit papaano'y maitago ang mukha ko. "Bwisit ka talagang bata ka!"
"Kayo ho pala Ka Farah, matagal-tagal na din ng huli tayong nagkita!" sabat ni Rita. Alam kong pinupukaw lang niya ang atensyon ng nanay ko.
"Anong matagal? Kaninang umaga narito ako Rita?!" sigaw ng Nanay ko kay Rita.
Bahagyang mukhang nagulat pa si Rita. "Gano'n ho ba, medyo makalilimutin lang ho." Tumawa lang ang kaibigan ko.
"Pwede ba Rita! Alam mong nagtitinda si Frexa rito ginugulo mo pa s'ya!"
"Hindi naman ho `Nay Farah,"
Bago pa dumating sa puntong mag-away pa ang mga ito. "Hayaan niyo `Nay hihingi ako ng paumanhin kay Lotlot," pukaw ko.
"Mabuti kung gayon." Nakita ko kung paanong gumuhit ang mumunting ngiti sa labi ng Nanay ko. Sapat nang makita kong masaya ang Nanay ko kaysa galit ito sa 'kin.
Umalis na ang Nanay ko at bumalik na rin si Rita sa ginagawa. "Nagsumbong pa talaga si Lotlot?"
"Isn't that unfair?" nagulat pa ako sa kung sinong nagsalita. Agad kong nilingon ang taong 'yon.
Dumilim agad ang anyo nang mukha ko ng makilala ito.
"Ano'ng kailangan mo?" walang ganang tanong ko sa kanya.
"Kanina pa ako nanonood. Mukhang mali yata ang ginawa ng mommy mo."
"Wala kang pakialam," balewalang wika ko at hinahandang iligpit ang mga gulay na tinda ko.
Narinig kong tila bumuntong hininga pa s'ya. "Alam mong may mali sa mommy mo yet you don't do anything. You're just simply tolerating her."
Pinukulan ko siya ng matalim na tingin. Ang sarap mong itapon sa kalawakan Ulrich masyado kang maraming sinasabi.
***