Chapter 2

1088 Words
Chapter 2 Robin Iginalaw-galaw ko ang aking mga kamay. Para akong nabingi sa aking mga narinig kay Maxis. Nais kong muling itanong sa kaniya ang kaniyang sinabi ngunit alam kong mas masasaktan ako kapag muli ko iyong narinig. Paulit-ulit ko na iginalaw ang aking mga kamay. Nanginginig ang mga ito habang ang paghinga ko ay mas lumalalim pa. “Robin…” Narinig ko ang boses ni Khia ngunit hindi ako tumingin nang tawagin niya ako. Para akong nakalutang. Kahit manlang ang anak ko sana… kahit siya manlang sana ay makasama ko kahit hindi na si Alex. Pero bakit pati ang aking magiging anak ay kinuha pa sa akin? Bakit? Naramdaman kong muli ang patuloy na pagtulo ng aking mga luha. Walang tigil sa pagdaloy ang mga luha ko habang ako ay nakayuko. Hindi ko na nais pang mag-isip ngunit ang pag-asa ko na buhay pa ang anak ko ay narito pa rin kahit na sinabi na sa akin ni Maxis na wala na ito. “Alam kong napakahirap ng mga nangyayaring ito sa buhay mo pero kailangan mong magpakatatag para sa iyong sarili at para na rin sa iyong kapatid. Mayroon ka pang pamilya na naghihintay sa iyong pagbabalik. Kailangan mong malagpasan ang mga problemang ito sa buhay mo.” Napatingin ako kay Maxis dahil sa kaniyang mga sinabi. Alam ko... alam ko na kailangan kong maging malakas at maging matatag dahil sa aking kapatid at sa mga nasasakupan ng Verthron. Pero hindi ba puwedeng sumuko na? Hindi ba puwedeng sabihin sa kanila na ayoko na kasi pagod na pagod na ako? Simula pa lang na nasa mundo ako ng mga tao puro problema na ang aking nararanasan. Nawala ang pamilya ko dahil ipinapaslang sila ng katrabaho ni papa na nais pumalit sa kaniyang puwesto sa lazeu academy. Namatay si Conny ang malapit kong kaibigan dahil sa isang hunger vampire at pati ang kaniyang pamilya ay nadamay. Nahiwalay ako kay Alex nang may black wizard na kumuha sa akin sa mundo ng mga tao. Ilang buwan kaming hindi nagkita at nang magising ako ay ilang araw lang kaming nagkasama at kaagad namang binawi sa akin ang masasayang mga araw na iyon. “Kailangan mong maging matatag.” Sabi ni Maxis sa akin. Huminga ako ng malalim nang hawakan ako ni Maxis sa ibabaw ng aking ulo. “Alam kong marami ka nang pinagdaanan na hindi maganda at nakayanan mo iyon. Alam kong makakayanan mo rin ang isang ito. Alam ko kung gaano ka kalakas na babae at naniniwala akong makakabalik ka na mas malakas pa. Sa ngayon ay maglaan ka ng oras para sa iyong sarili, pumunta ka sa lugar na alam mong makatutulong upang gumaling ka sa mga pasakit na ito.” Tumingin si Maxis sa mga nasa silid at pagkatapos ay ibinalik niya ang tingin sa akin. “Kung kinakailangan mo ng tulong namin ay narito lamang kami at hindi maga-atubili na tumulong sa iyon.” Tinakpan ko ang aking mukha nang mas maramdaman ko ang sakit sa aking dibdib. Umiyak ako sa aking mga palad habang sunod-sunod na tumango. Mapalad ako na mayroon akong mga kaibigan na katulad nila na handang tumulong sa akin. Alam ko na kahit ako ang prinsesa ng Verthron ay hindi nila ito ginagawa dahil sa dahilan na iyon. “Narito lang kami para sa iyo, Robin. Hindi ibig sabihin na ganito na si Alex at nag-iba na ang kaniyang pakikitungo sa iyo ay hindi ka na namin kakausapin at tutulungan. Kami pa rin ang mga kaibigan mo simula noong nasa mundo tayo ng mga tao. Hindi magbabago iyon.” Sabi ni Khia. “S-Salamat... maraming salamat sa inyo.” Sabi ko. Nakita kong lumingon si Maxis kay Alejandro. “Ang sinabi mo kanina ay isinailalim sa pag-aaral si Alexander at Hermiliah. Gaano ka nakakasigurado na mga tapat na tao ang gumawa non? Maaaring maitago ang mahika sa isang nilalang na ginamitan nito kung ang nagpataw ng mahika ay eksperto. Kung nais ninyo at kung pahihintulutan ay maaaring ako ang tumingin kay Alexander at sa babaeng nagngangalang Hermiliah.” Sabi ni Maxis. “Oo, ngunit nakita na walang problema. Isinailalim sa mahika si Alex at Hermiliah sa utos ng aming ama kaya pumayag si Alex ngunit sinabi niya na hindi na dapat iyon maulit. Nagalit si Alex dahil sa pagdududa namin sa kaniya.” Sabi ni Alejandro. Kung ganoon ay kailangan ko nang tanggapin ang lahat ng ito. Tumingin ako sa kanila at pinunasan ko ang mga luha na naglandas sa aking magkabilang pisngi. Ngumiti ako sa kanila at pagkatapos ay tumingin ako kay Alejandro. “Nais kong makausap sina Tita Meredith at Tito Aleister. Wala na ring dahilan pa para manatili ako rito sa vampire’s haven. Ayokong may iba pang isipin si Hermiliah at si Alex kung bakit pa rin ako naririto. Ayokong isipin ni Hermiliah na umaasa akong muling balikan ni Alex matapos ng ginawa nito sa akin.” Nagpapasalamat ako dahil nasabi ko ang mga salitang iyon ng hindi ako nauutal. “Robin, ayos lang naman puwede ka namang— Nakita kong itinaas ni Alejandro ang kaniyang kanang kamay kaya’t napahinto si Khia sa pagsasalita. “Kung ano ang sa tingin mo ay makakabuti sa iyo ngayon ay susundin namin. Kakausapin ko ang aming mga magulang upang sabihin na nais mo silang makausap.” Sabi ni Alejandro sa akin. “Kung nasaan ka ay dapat naroon din ako. Ipinangako ko na pananatilihin ko ang iyong kaligtasan at ang aking buong kapangyarihan ay ilalaan ko lamang upang ikaw ay matulungan.” Ramdam ko ang sinseridad sa sinabi ni Maxis kaya’t tumango ako sa kaniya at ngumiti. “Nagpapasalamat ako sa inyong lahat. Hindi ko nais na malagay ang buhay ninyo sa alanganin para sa akin. Ang inyong buhay ay hindi ninyo dapat ilaan para sa akin at ayokong mangyari na ako ang maging dahilan niyon. Mas pipiliin ko pa rin na mas iligtas ninyo ang inyong sarili.” Sabi ko. “Pasensiya na, prinsesa.” Napaangat ang aking mga kilay sa sinabi ni Maxis at nagulat ako nang lumuhod si Maxis sa aking harapan na sinundan ng mga naroon. Si Khia, Alejandro, Marcus, at si Johnny. Lahat sila ngayon ay nakaluhod na sa aking harapan habang nakayuko. Nang mag-angat ng ulo si Maxis ay diretso siyang tumingin sa akin at nagsalita. “Ang iyong kaligtasan ay mahalaga para sa lahat ng nilalang ng lost world. Ang pagbubuwis ng buhay para sa prinsesa ng Verthron ay nararapat, Prinsesa Zoe Callie Verthron.”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD