THIRD POV
Pauwi na si Lyca nang bigla niyang makasalubong si Blake. Hindi siya nito napansin sapagkat masyado itong naka-focus sa paligid. Hindi siya nakatiis at agad an hinawakan sa kamay ang binata kaya napatigil ito sa paglalakad.
“Where are you going, Blake?” seryosong tanong niya.
Parang biglang natauhan naman si Blake at naguguluhang tumingin sa kaniya. Napabuntong hininga naman siya sapagkat alam na alam na niya ang ganitong reaksyon ng binata. Tuliro si Blake at hindi nakakapag-isip ng maayos. Nag-aalala ito sa hindi niya siguradong dahilan.
“Blake,” pag-ulit niya ng tawag.
Narinig naman niyang bumuntong hininga si Blake. Kapag ganito ang reaksyon ng binata ay alam na niyang wala itong balak na sagutin ang tanong niya. Sa ilang taon na kasi nilang magkasama ay kabisado na niya ang binata kahit bihira lamang itong magsalita.
“Kung iniisip mo si Sachi, ayos lang siya. Nagpapahangin lang siya,” seryoso niyang sabi.
Masakit man para sa kaniya ngunit halata kay Blake na nag-aalala ito sa bago nilang kaibigan na si Sachi. Ayaw niyang mag-isip ng iba ngunit hindi niya maiwasan ang mabahala sa mga ikinikilos ng binata.
“Anong pumasok sa isipan mo at Annasha ang tawag mo sa kaniya?” hindi niya napigilang itanong.
Nang marinig kasi niyang tinawag ng binata si Sachi sa pangalawang pangalan nito ay hindi na siya pinatahimik ng isipan niya. Bukod kasi sa tahimik si Blake, bibihira rin itong tumawag sa mga pangalan. Kaya ganoon na lamang siya naapektuhan nang tawagin nito si Sachi bilang Annasha.
Marahang hinigit ni Blake ang kaniyang braso kaya nabitawan niya ang binata. Hindi man lang ito nagsalita at nagsimula na ulit itong humakbang palayo sa kaniya. Marahan siyang umiling at mabilis na sinundan si Blake.
“Utang na loob, Blake. Ako ang nakatakda na maging asawa mo kaya sana naman ay kausapin mo ako,” naiinis niyang sabi sa binata.
Ngunit hindi pa rin ito nagsalita. Naiinis na siya at naluluha sa kung paano siya itrato ni Blake. Hindi na siya nakapagtimpi pa at mabilis na gumawa ng butas sa lupa dahilan upang ma-stuck ang mga paa ni Blake. Masama namang tumingin sa kaniya ang binata.
“Let me go,” malamig na sabi sa kaniya nito.
Mapait siyang napangiti at marahas na pinunasan ang mga luha niya. “Kailangan pa bang idaan ko sa dahas para kausapin mo ako,” puno ng hinanakit na sabi niya.
“Wala namang dapat pag-usapan,” plain na sagot sa kaniya ni Blake.
Parang tinusok ang kaniyang puso dahil sa naging sagot sa kaniya ng binata. Hindi niya inaasahan na ito ang lalabas sa bibig ni Blake. Kung tutuusin ay marami silang dapat pag-usapan ngunit mas pinili pa rin ni Blake na manahimik.
“Really? Baka nakakalimutan mong ako ang mapapangasawa mo, Blake. At ako rin ang prinsesa ng mundong ito. Hindi mo dapat ako tinatrato ng ganito,” galit niyang sambit.
Isang ngisi ang pinakita ni Blake na bahagyang ikinaatras ni Lyca. Bibihira lang din kasing magpakita ng emosyon ang binata kaya hindi niya naiwasang kabahan.
“Let me go. Huwag mo akong bigyan ng dahilan para pagsisihan ko ang nakatakda sa akin,” seryosong sabi ni Blake.
Halos manlambot siya sa narinig. Wala siyang nagawa kundi ang pakawalan si Blake. Agad na humakbang palayo sa kaniya ang binata, at hindi man lang ito nagsalita o nagtapon ng tingin sa kaniya. Sinundan niya ito ng tingin habang umiiyak. Wala pa mang paglilinaw sa kung anong mayroon sa kanilang dalawa ay labis na siyang nasasaktan.
Paano sila naitakdang dalawa kung ngayon pa lang ay durog na durog na ang puso niya?