SACHI’S POV
“Ms. Sachi, anong ginagawa mo dito?”
Bigla akong napatayo nang makita si Mr. Bryan. Nakangiti siya sa akin habang nakapamulsa. “Good evening po, Mr. Bryan,” magalang na bati ko pa.
Umupo sa may tabi ko si Mr. Bryan kaya umupo rin ako. Pauwi na dapat ako sa dorm ngunit naabutan pa ako ni director. Nakakahiya naman kung iiwan ko na lang siya basta dito.
“Nahihirapan ka ba sa pagiging Sub-Grandis mo?” biglang tanong niya sa akin.
Bahagya naman akong napangiti. “Hindi naman po. Medyo naninibago nga lang po,” pag-amin ko naman.
“Alam kong malaki ang pagkukulang ko sa ‘yo Hija sapagkat ako dapat ang nagpapaliwanag sa ‘yo ng lahat ng nangyayari. Alam kong nahihirapan ka pa ring mag-adjust dahil sa magkaibang mundo ang kinalakihan mo. Ipagpaumanhin mo kung nagkulang ako. Hindi ko nagawang palinawagan ang naguguluhan mong isipan,” seryoso niyang sabi sa akin.
Nakaramdam naman ako ng hiya dahil mismong director na ang humingi ng pasensya sa akin. Hindi naman na iyon kailangan dahil alam ko namang marami rin siyang ginagawa.
“Naging abala kasi ako sa pagtuklas ng tunay na pangalan ng mga magulang mo,” sabi pa niya sa akin.
Napatingin ako kay Mr. Bryan. Noon kasing tinanong nila ako sa kung anong pangalan ng mga magulang ko, nalaman din nila na walang ganoong mga pangalan sa mundong ito noon. Malaki ang haka-haka ni Mr. Bryan na nagpalit ng pangalan ang mga magulang ko kaya nahirapan silang mahanap kami noon. Kung hindi pa nga raw siguro naramdaman ni Mr. Bryan ang Special ko noon, hindi nila malalaman na may Maxime pang nakatira sa mundo ng mga mortal.
“Nalaman niyo na po ba ang tunay nilang pangalan?” kinakabahan kong tanong.
“Yes, Ms. Sachi. Sila sina Jay at Maria Perez, ang mag-asawang pinakatapat at mabait na tagapaglingkod ng palasyo noon. Walang nakakaalam noon na nakatawid pala sila sa mundo ng mga tao. Ang buong akala namin ay namatay silang mag-asawa sa digmaan,” sagot naman niya sa akin.
Marahan akong napatango. Napakalayo nga ng tunay nilang pangalan sa pangalan na ginamit nila sa mundo ng mga tao. From Perez to Adamson, hindi talaga maiisip ng kahit na sino kung sino nga ba talaga ang mga magulang ko.
“Salamat po sa pagtuklas sa mga pangalan nila.” seryoso kong sabi.
Dahil sa kapirasong nalaman ko, napatunayan ko na isa nga akong Maxime. Mas matatanggap ko na siguro ang pagkatao ko ngayong alam ko na ang tunay na pagkatao ng mga magulang ko. Kahit papaano ay nabawasan ang mga bagay na gumugulo sa isipan ko.
“Ms. Sachi, ngayong alam mo na kung sino sila, huwag mo nang pagdududahan pa ang iyong sarili. Hindi ko nagkamali na tanghalin ka bilang isang Sub-Grandis. Malalakas ang mga magulang mo kung kaya’t hindi na nakakapagtaka na nagtataglay ka rin ng malakas na Special,” nakangiting sabi naman niya.
Marahan naman akong napatango. Tutal naman ay nandito na lang din ang director ay lulubusin ko na at kakapalan ko na ang mukha ko.
“Maaari po bang magtanong kung may litrato kayo ng mga magulang ko? Lahat po kasi ng gamit ko ay naiwan sa mundo ng mga tao kasama na doon ang kaisa-isang alaala ko sa kanila,” magalang na sabi ko.
Hindi ko na kasi nagawa pang mag-empake at madala ang mga mahahalaga kong gamit sapagkat diniretso na agad ako nina Monica dito. Hindi ko naman magawang makabalik na sa mundo ng mga tao sapagkat sabi nga ni Mr. Bryan ay babalik ako sa pagkasanggol.
“Mayroon ako sa opisina. Maaari mo iyong makuha kapag may oras ka,” sagot naman ni Mr. Bryan sa akin.
“Maraming salamat po, Mr. Bryan,” nakangiting sabi ko.
Magkaibang magkaiba sila ng anak niya. Napakabait niya at mahaba ang mga sinasabi niya. Mabilis din mabasa ang nasa isip niya sapagkat nagpapakita siya ng iba’t ibang emosyon. Hindi siya katulad ni Blake na ipinaglihi yata talaga sa sama ng loob.
“O siya, bumalik ka na sa dorm mo sapagkat dumidilim na.”
Agad naman akong tumayo at marahang tumango sa kaniya. “Maraming salamat po ulit, Mr. Bryan.”
Humakbang na ako palayo sa kaniya. Dumidilim na nga sa paligid at baka nag-aalala na rin sa akin si Monica. Minsan pa naman ay OA din siyang mag-isip. Pupunta na lang ako sa opisina ng director sa mga susunod na araw para sa litrato ng mga magulang ko.